H11
H11
“If you’ll just simply look at the picture, iisipin mo na simpleng nagkalat na basa lang ang makikita mo sa floor tiles ng banyo ni Senator Rodriguez. But if you will look closely at it and examined it, you’ll know that there’s a hidden message on it.” Sabi ni Brylle kay Director Enriquez habang pareho silang nakatingin sa larawan.
Tumango si Director Enriquez kay Brylle bilang pagsang-ayon dito. Kung titingnan ang larawan na tinitingnan nila ni Brylle ay makikita mo ang nagkalat na basa ng tubig sa floor tiles ng banyo ng senador. Kung sa mga ordinaryong mata, iisipin ng kung sino man na makakakita nito na walang ibig sabihin ang mga basang iyon. Pero kung susuriing mabuti ay makakakita ka ng iba’t-ibang hugis at porma sa nagkalat na basang iyon. Maaaring indefinite ang mga shape na makikita pero kung isa kang matinik at mapanuring tao ay mapapansin mong may kakaiba sa mga basang iyon.
“He used the Morse Code in different manner to leave a message,” Nakatiim bagang na sabi ni Director Enriquez habang tinitigan ang larawan.
“Yes sir,” Pagsang-ayon ni Brylle dito, “Marahil ay iyan lang ang tanging naging paraan ng senador para makapag-iwan ng mensahe bago siya mamatay.” Dugtong niya pa at inilagay ang kanyang mga kamay sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon at inikot ang paningin sa kabuuhan ng bahay ng senador.
Narinig ni Brylle na napabuntong hininga ng marahas ang direktor at nakitang hinawakan ang batok nito at tumingala, “Sa tingin mo, ano talaga ang eksaktong nangyari?” Seryoso nitong tanong sa kanya at nilingon siya.
Napabuntong hininga si Brylle sa tanong na iyon ng direktor. Sa totoo lang ay mayroon na siyang ideya kung ano ang nangyari sa senador ngunit dahil kulang pa siya sa mga ebidensyang nakalap ay mananatiling hinala pa lamang iyon. Gayunpaman ay sinabi niya ang kanyang naiisip sa direktor at kinwento ang mga nalaman niyang impormasyon kanina habang siya ay nag-iimbestiga.
“Anong oras namatay ang senador?” Tanong ni Brylle sa isa sa mga kasama niyang pulis na nag-iimbestiga rin sa kaso habang tinitingnan ang walang buhay na senador na nakahiga sa sahig ng kwarto nito. Nakita niyang nalagyan na ng markings ang eksaktong lugar ngkinamatayan nito.
Kadarating lang ni Brylle kaninang alas kwatro y media sa bahay ng namatay na senador. Nauna ng pumunta ang mga kasamahan niyang pulis kaninang pasado alas kwatro ng may tumawag sa headquarters at nagsabing natagpuang patay ang senador sa kwarto nito. Agad siyang tinawagan kanina ng kanyang superior para sabihing sumunod siya at imbestigahan ang kaso. Pagdating niya ay napansin niyang bukod sa mg kasamahan niyang mga pulis ay maraming media na rin ang nagkalat sa loob at labas ng bahay ng senador.
“Ayon sa forensic, around 3:11am ito namatay. Nadiskubre lang ang pagkamatay nito ng isa sa mga body guard ng senador na nagra-rounds sa bahay nito ng makarinig siya ng parang may kumalabog dito sa loob ng kwartong ito. Bigla daw siyang kinabahan at naisip niyang baka daw may hindi magandang nangyari sa senador kaya dali-dali daw niya daw itong kinatok. Pero hindi daw sumasagot ang senador sa pagkatok niya kaya naman mabilis siyang bumaba at nagtawag ng kasama. Matapos daw noon ay kinuha nila ang susi ng kwarto para mabuksan ang pintuan. Nang pagbukas daw nila ay laking gulat na lang daw nilang makitang nakahandusay na diyan ang senador at hindi na humihinga,” Sagot ng pulis kay Brylle at matapos noon ay pinagtulungan na ng iba pa nilang kasamang pulis na ilagay sa stretcher ang katawan ng senador.
Pinanood ni Brylle ang mga ito na ilagay sa stretcherang labi ng senador ng maya-maya’y napakunot ang noo niya ng may napansin siya. Bago tuluyang matakpan ng puting kumot ang katawan nito ay may napansin siyang kakaiba sa mahabang manggas ng pang-itaas na pantulog ng senador. Lumapit siya roon saglit at pinatigil niya muna ang pagtatakip noon. Hinawakan niya ang laylayan ng manggas nito sa kanang kamay at naramdaman niyang malamig iyon. Iyong pakiramdam na nabasa ‘yung damit at papatuyo pa lang.
‘Bakit basa ang laylayan ng manggas ng senador?’ Nagtatakang tanong ni Brylle sa kanyang sarili at kinuha ang kanyang camera’ng nakasabit sa kanyang leeg at kinuhanan iyon.
“Nakapagrequest na ba for autopsy para sa katawan ng senador?” Tanong muli ni Brylle sa kasama niyang pulis matapos niyang hayaan na ang mga ito na tuluyang takpan ng puting kumot ang labi ni Senator Rodriguez.
“Yes sir. Pero tumanggi si Mrs. Rodriguez na ipa-autopsy pa ang katawan ng kanyang asawa,” Sagot nito sa kanya.
“Ha?” Gulat at nakakunot noong tanong ni Brylle sa kausap, “Bakit ayaw ni Mrs. Rodriguez ipa-autopsy ang katawan ng senador?” Nagtatakang tanong niya.
“Ang sabi niya lang sa amin kanina pagdating niya ay hayaan na daw nating mahimlay ng tahimik ang asawa niya. Kung cardiac arrest daw ang naging sanhi ng pagkamatay nito ay hayaan na daw natin. Imposible naman daw na mayroon pang ibang rason ng pagkamatay nito eh iyon naman daw ang lumabas na resulta sa imbestigasyon ng forensic,” Sagot nito sa kanya at nagkibit balikat.
Mas lalong napakunot ang noo ni Brylle sa narinig niyang sagot sa kanya ng kasamahan niyang pulis, ‘Bakit ayaw ipa-double check ni Mrs. Rodriguez ang pagkamatay ng senador? Ayaw niya bang makasigurado?’ Nalilito niyang tanong sa sarili.
Iniangat na ng mga kasamahan na pulis ni Brylle ang stretcher at matapos noon ay inilabas na ng kwarto. Paniguradong dadalhin na iyon ng mga kasama niya sa morgue. Inikot niya ang kanyang mga mata sa loob ng kwarto at naglakad-lakad. Kumuha din siya ng mga larawan ng iba’t ibang anggulo ng kwarto. Maya-maya’y huminto siya sa paglalakad at nag-squat ng upo sa eksaktong lugar kung saan namatay ang senador. Muli niyang inikot ang kanyang mga mata sa paligid upang tingnan kung may kahina-hinala roon. Nakita niya ang kama nitong medyo may distansya ng kaunti at napansin na parang hindi pa nahihigaan iyon dahil maayos na maayos na nakalatag ang sapin, kumot at mga unan doon.
‘Marahil ay hindi pa natutulog ang senador at may ginagawa pa siya bago binawian ng buhay,’ Naisip ni Brylle. Muli niyang inikot ang tingin at tumigil din ng mapansin naman niya ang isang malapit na mahogany table ng senador. Tumayo siya at lumapit doon. Napakunot ang noo niya ng makita ang magulong ayos ng mesa. May mga nagkalat na mga dokumento roon, wala sa ayos na lamp table na nakabukas, parking pens na nagkalat, pen holder at paper weight na nakatumba, cellphone na nakataob at isang laptop na imbes na nakaharap sa direksyon ng upuan ng mesa ay taliwas ang pagkakalagay nito at wala sa ayos.
‘Bakit bukas ang laptop? At bakit nakaharap ito eksakto sa kinamatayan ng senador?’ Takang tanong niya sa kanyang sarili ng mapansin niyang bukas iyon at napagtantong ang pwesto nito ay eksaktong nakaharap sa kinamatayan ng senador. Kinuhanan niya iyon ng litrato at hindi pinakialaman kung ano man ang naka-save doon. Maaari kasing digital evidence ito at baka kapag ginalaw niya iyon ay may maburang importanteng impormasyon tungkol sa kaso.
‘Kailangan ko itong ipa-check sa Cyber Investigation Unit,’ Sabi niyang muli sa kanyang sarili at matapos noon ay isinara iyon at inilagay sa isang malaking zip lock. Maya-maya’y inabot naman niya ang cellphone. Naisip ni Brylle na marahil ang cellphone na iyon ay pagmamay-ari ng senador. Sinubukan niyang buksan iyon ngunit nainis lang siya ng makita niyang may password iyon. Inilagay niya rin sa isang zip lock ang cellphone at naisip na kailangan niya ring ipa-decode ang password sa CIU para mabuksan iyon. Naisip niya rin kasing baka may makuha siyang importanteng impormasyon doon.
Naglakad-lakad muli si Brylle at maya-maya’y huminto naman sa nakasaradong glass window malapit kung saan nawalan ng buhay ang senador. Kapag sumilip ka doon ay makakakita ka ng isang puno na malapit at matatanaw mo rin ang garden.
‘Hmmm…hindi kaya nakatingin dito ang senador bago siya inatake sa puso?’ Tanong ni Brylle sa sarili at humalukipkip. ‘Pero bakit naman siya titingin dito? Madaling araw na at lamp post lang ang nagbibigay liwanag sa labas. May nakita ba siyang kakaiba rito?’
Umalis si Brylle sa pagkakatayo sa bintana at naglakad muli. Sa paglalakad ay nahagip ng mga mata niya ang nakabukas na banyo ng senador. Lumapit siya roon at pumasok. Inikot niya ang kanyang paningin sa loob at napakunot ang noo niya ng makitang may isang maliit na glass vase na nakatumba sa may lavatory at ang bulaklak nito ay nakakalat lang sa tabi nito imbes na nakalagay iyon sa loob. Kinuhanan niya iyon ng litrato. Matapos noon ay lalapit na sana siya roon ng mapatingin siya sa floor tiles.
‘Bakit may nagkalat na tubig sa sahig? At bakit dito lang sa parte malapit sa lavatory ang basa?’ Takang tanong niya at kinuhanan niya rin iyon ng litrato.
Matapos kuhanan ay nag-squat si Brylle roon at tinitigan ang tubig. Ilang sandali ang lumipas ng bigla siyang matigilan dahil may pumasok na ideya sa kanyang isipan. Mabilis siyang lumabas ng banyo at naghagilap ng ballpen at papel. Nang makakita siya ay tumakbo siya pabalik ng cr at iginuhit ang basa sa floor tiles.
‘Tatlong magkakasunod na bilog,’ Sabi niya sa kanyang sarili habang iginuguhit ang nakikitang basa sa floor tiles. Hindi man definite ang shape na nakikita niya sa sahig ay alam niyang ito ang original na shape ng mga ito, “Tapos isang dash at isang bilog ulit.’
Tahimik na nag-isip si Brylle habang tinitigan ang larawang iginuhit. Sigurado siyang mayroong ibig sabihin iyon ngunit hindi niya mawari kung ano. ‘Anong ibig sabihin nito?’ Nakakunot noong tanong niya sa kanyang sarili at muling nahulog sa malalim na pag-iisip. Ilang sandali muli ang lumipas habang tinitigan niya ng mabuti ang kanyang iginuhit ng muli siyang natigilan dahil sa naisip. Napagtanto na niya kung ano ang ibig sabihin ng mga hugis na iyon!
“Morse Code…Morse Code ito!” Naibulalas niya ng mapagtanto ang ibig sabihin ng mga hugis na iyon. “Hindi nga ito basta-bastang basa! Marahil ay ang senador ang may gawa nito para makapag-iwan ng mensahe!” Sabi niya pa. Ngayon naisip niya naang dahilan kung bakit hindi nakalagay ang mga bulaklak sa vase. Marahil ay ginamit ng senador ang tubig sa vase para gamitin iyon upang makapag-iwan ng mensahe sa sahig.
S and N. Kapag ni-convert ang mga guhit sa morse code alphabet ay iyan ang katumbas nitong letra, ‘Pero ano ang ibig sabihin ng S and N?’ Tanong ni Brylle sa kanyang sarili.
Naupo si Brylle sa sahig at nahulog ulit sa malalim na pag-iisip. Sigurado na siya ngayon na hindi basta-basta cardiac arrest ang dahilan ng pagkamatay ng senador. Dahil kung iyon ang totoo ay hindi na nito magagawa pang mag-iwan ng mensahe.
“Kaya siguro basa ang laylayan ng manggas ng senador ay dahil dito,” Mahinang usal ni Brylle sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang basa sa sahig.
Naisip ni Brylle na maaaring nawalan na ng pagkakataon pa ang senador na tumawag ng tulong o maghanap ng papel at ballpen para makapag-iwan ng mensahe kaya sa ganoong paraan ito nag-iwan ng mensahe. Alam siguro ng senador na ang basa sa tiles ay hindi basta-basta matutuyo kahit na ilang oras pa ang lumipas dahil compact ang molecules nito at hindi iyon ganoon kabilis maabsorb ang tubig.
“Siguro kaya sa ganitong paraan din siya nag-iwan ng mensahe para hindi makahalata ang sinuman na pumatay sa kanya na nag-iwan siya ng clue.” Sabi niya pang muli sa sarili at napatiim bagang.
“Basang tiles…magulong table…cellphone na nakataob…laptop na nakabukas…” Napatigil si Brylle sa sinasabi niya ng may pumasok na ideya sa kanyang isipan. Parang nagkakaroon na siya ng ideya kung paanong nangyaring sa cr nakapag-iwan ng mensahe ang senador at ano ang koneksyon ng mga nakita niyang bagay sa loob ng kwarto nito sa pagkamatay nito.
‘Ngayon, ang kailangan ko na lang malaman ay kung ano ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito at bakit ito namatay,’ Determinadong usal niya sa kanyang sarili.
“Sa ngayon sir ay wala pa po akong napapatunayan kung tama nga ang hinala ko dahil hinihintay ko pa ang feedback mula sa team niyo sa pagdecode ng cellphone ni Senator Rodriguez at pag-analyze ng laptop nito. Pero kung titingnan ang circumstances, maaaring ganito ang nangyari: Pag-akyat ng senador sa kwarto nito ay hindi naman talaga ito nagpahinga. Marahil ay marami itong trabaho na kailangang tapusin kaya naman imbes na matulog na ay ipinagpatuloy na lang nito ang mga hindi niya pa natatapos na trabaho. Naging abala ito hanggang inabot na ng madaling araw. Nang makaramdam siguro ang senador ng tawag ng kalikasan ay nagpunta ito sa banyo dala-dala ang cellphone nito. Maaaring may tinetext ito o may hinihintay na tawag kaya nito iyon binitbit.Tumunog ang cellphone ng senador dahil may tumawag kaya sinagot naman nito iyon. Naisip kong maaaring ‘yung tumawag na iyon sa senador ay ang killer nito. Maaaring pinagbantaan nito at tinakot ang senador kaya naisip ng senador na nasa panganib siya at kailangan niyang mag-iwan ng mensahe. Pero dahil tingin ko ay wala na rin siyang pagkakataon pa para humingi ng tulong ay ginamit niya ang morse code alpabhet para makapag-iwan ng mensahe. Naisip niya rin siguro na masyadong delikado ang kausap niya at ito lang ang pinakamainam na paraan para na rin hindi maghinala ito na nagawa niyang mag-iwan ng mensahe. Matapos noon ay lumabas siya ng banyo at lumapit sa table nito kung nasaan ang laptop nito. Malakas ang pakiramdam kong sinabihan siya ng killer na buksan iyon at doon sila mag-usap. Siguro noong nag-uusap sila sa laptop ay may ipinantakot ang killer sa senador kaya inutusan niya itong patayin ang sarili,” Paliwanag ni Brylle kay Director Enriquez at inilagay ang kamay sa bulsa, “Hindi ko alam kung ano ang pinag-usapan nila at sa ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung ano talaga ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito dahil ayaw naman ni Mrs. Rodriguez ipa-autopsy ang katawan ng senador. Pero isang lang ang sigurado ko, manipulated ang pagkamatay nito.” Dugtong niya pa at nagtiim bagang.
---
NAPAHAWAK si Director Enriquez sa kanyang noo at napapikit ng mariin. Pakiramdam niya ay sasabog ang ulo niya sa mga nalaman niya. Ngayon ay sigurado na siya na hindi natural death ang naging sanhi ng pagkamatay ng kaibigan. May pumatay rito at sigurado siyang ‘sila’ ang may gawa noon.
“Isa pa sir, ang gusto kong malaman ay kung ano ang ibig sabihin ng S and N sa iniwang mensahe ng senador. Malakas ang pakiramdam kong konektado ang dalawang letra na iyon sa killer. Maaaring initials ng pangalan iyon ng killer o maaaring indirect clue para malaman natin kung sino ang pumatay sa kanya,” Muling sabi ni Brylle.
Napatiim bagang si Director Enriquez sa sinabing iyon ni Bylle. Hindi na niya kailangan pang mag-isip kung ano ang ibig sabihin ng mga letrang iyon. Dahil silang dalawa lang ni Senator Rodriguez ang nakakaalam ng ibig sabihin noon.
‘Sparrow’s Night.’ Nagtatagis ang bagang na usal ni Director Enriquez sa kanyang sarili at ikinuyom ng mariin ang kanyang palad.
***
Readers' Reference:
*Morse Code is a method of transmitting text information as a series of on-off tones, lights, or clicks that can be directly understood by a skilled listener or observer without special equipment.Each character (letter or numeral) is represented by a unique sequence of dots and dashes. (http://en.wikipedia.org/wiki/Morse_code)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top