H06
H06
‘Damn it!’ Halos maibato ni Hera ang kanyang laptop sa sobrang inis na nararamdaman niya. Mabuti na lang at napigilan niya ang kanyang sarili kung hindi ay paniguradong sira na ito ngayon.
‘Bakit walang kuha ang CCTV?!’ Nanggigigil na tanong niya sa kanyang sarili at mariin na ikinuyom ang kanyang palad. Hinack niya kasing muli ang main server ng surveillance camera ng school para makita sana ang na-record nito sa swimming pool area kanina habang naroroon siya. Gusto niyang makita kung sino ang tumulak sa kanya sa pool at kung sino ang nagligtas sa kanya pero laking gulat niya ng makitang walang naka-record doon. Nag-isip siyang mabuti ng mga posibleng dahilan kung bakit at dadalawang bagay lang ang pumapasok sa isipan niya. Una, maaaring may nauna ng nag-hack ng server bago siya at binura ang na-record ng CCTV camera o pangalawa, mayroong nagpatay o sumira ng surveillance camera bago pa siya nagpunta roon.
Para matiyak kung hinack nga ang main server ng CCTV ng school ay masusing tiningnan at pinag-aralan ni Hera ang main system nito. Nag-type siya ng ilang command sa kanyang laptop para mapalabas ang activity logs noon upang makita kung may nakapasok ngang intruder sa system at may ginawang kakaiba rito. Makalipas ang ilang sandali ay lumabas na ang kanyang hinahanap. Walang intruder na pumasok at wala ring dinelete na file. Ibig sabihin, ang ikalawa niyang naisip na dahilan ang posibleng nangyari kaya walang narecord ang CCTV.
‘Kung ganoon, iisa lang ang ibig sabihin nito. Planado ang lahat ng nangyari sa akin mula sa pagtawag sa akin sa cellphone hanggang sa pagpunta ko sa pool area. Mayroon talagang gustong pumatay sa akin! Pero bakit? Anong kasalanan ko at gusto nila akong mawala?’ Kinilabutan si Hera at nakaramdam siya ng matinding takot sa kanyang naisip. Gustuhin man niyang hindi pansinin ang ideyang iyon ay hindi niya magawa. Malakas ang kutob niya na mayroong tao na may gustong mawala siya sa mundong ito at iyon ang hindi niya maisip kung bakit. Wala siyang naging kaaway. Tahimik lang siya at hindi masyadong nakikihalubilo sa iba kaya wala siyang maisip na tao na posibleng makakakagawa noon sa kanya.
“Okay na ba ang pakiramdam mo?” Mabilis na isinara ni Hera ang kanyang laptop at ipinatong iyon sa side table ng marinig niyang may nagsalita sa kanyang harapan. Nag-angat siya ng tingin at nakita niya ang kakapasok lang sa infirmary na babaeng nakasuot ng white coat habang nakatingin ito sa hawak nitong papel.
“A-ah, opo. Okay na po ako, Doc Thea,” Sagot niya rito at matipid na ngumiti.
“Mabuti naman,” Nakangiting sabi nito sa kanya ng makalapit ito. Tumayo ito sa gilid niya at lumapit pa ng kaunti sa kanya para kunin ang temperature niya. “Siyangapala, pinapatanong ng school directress kung anong nangyari sa’yo at bakit ka nasa pool area kanina at walang malay. They tried to do some investigation on what happened to you through the use of CCTV but unfortunately, they found out na sira ang CCTV camera sa pool area kaya wala silang nakuhang information. She asked me na tanungin ka na lang daw sa nangyari kapag nagising ka na.”
‘So, tama nga ang hinala ko. Sira ang CCTV kaya walang na-record. Malakas ang kutob kong ang taong tumulak sa akin sa pool ang sumira noon,’ Naikuyom ni Hera ng mariin ang kanyang palad sa naisip.
“A-ahh….a-ano po…hinahanap ko po kasi kanina ‘yung cellphone ko sa pool area…naiwan ko po kasi doon…t-tapos aksidenteng n-nahulog po kasi ako sa pool. N’ung…n’ung pag-ahon ko po, nakaramdamdam ako ng matinding hilo. Siguro po iyon ang dahilan kung bakit ako nawalan ng malay,” Pagsisinungaling niya at mabilis na nag-iwas ng tingin dito. Ayaw niyang malaman ng school ang totoong nangyari dahil ayaw niyang maging usap-usapan ng marami. Malamang kasi na kapag nalaman nila ang tungkol sa nagtangka sa buhay niya ay kakalat ang tsimis sa buong eskwelahan at siya ang magiging main topic ng mga estudyante. Isang bagay na pinakaayawan niyang mangyari. Isa pa, ayaw niya rin itong makarating sa kanyang ama. Marami na itong alalahanin at ayaw niya ng dagdagan pa ito. Balak niyang i-solve ang problema niyang mag-isa ng hindi humihingi ng tulong kahit kanino.
“I see. So, ganoon pala ang nangyari. Okay then. Sasabihin ko na lang sa directress ang mga sinabi mo sa akin. For now, you can take a rest while you’re waiting sa friends mo. Nakasalubong ko kasi sila kanina at sinabi nilang sila na lang daw ang maghahatid sa’yo pauwi after ng class,” Sabi nito sa kanya matapos kunin ang temperature niya. “Wala ka namang lagnat at wala rin naman akong nakitang bruises or pilay sa’yo so you’re good. Just take pain relievers para sa pananakit ng muscles mo. Marahil ay nabigla ‘yan ng mahulog ka sa tubig at ng pilitin mong makaahon agad. Magpahinga ka na lang today at ako na lang ang gagawa ng excuse letter mo for your remaining class, okay?” Dugtong pa nito.
Marahang tumango si Hera kay Doctor Thea at nagpasalamat. Nang makalabas ito ay napabuntong hininga siya ng malakas at muling nahiga sa kama. Punong-puno ng katanungan ang kanyang isipan at gustong-gusto niya na masagot iyon ngunit hindi niya alam kung papaano.
---
“SIR, Senator Billy Rodriguez was found dead at his house today around three in the morning,” Halos lumuwa ang mga mata ni Director Enriquez sa gulat dahil sa ibinalitang iyon ng kanyang subordinate. Kakapasok niya lang ng opisina at ito agad ang bumungad sa kanya.
“What?!” Hindi makapaniwalang sabi niya. Si Senator Rodriguez ay isang malapit niyang kaibigan at isa sa mga taong tumutulong sa kanya upang labanan ang ‘organisasyon’ na iyon. Nakipagkita pa lang siya rito kahapon upang ipakita rito ang lahat ng nakalap niyang ebidensya laban sa mga ito. Hindi siya makapaniwalang sumakabilang buhay na ito ngayong araw.
‘Hindi kaya kagagawan nila ito?’ Nagtagis ang kanyang bagang sa naisip at naikuyom ang kanyang palad. Naisip niyang hindi imposibleng sila ang may kagagawan ng pagkamatay ng kaibigan. Alam na alam ng mga ito kung sino ang mga taong kumakalaban sa kanila at hadlang sa kanilang misyon kaya hindi na siya magtataka kung malalaman niyang may kinalaman nga ang mga ito sa pagkamatay ng kaibigan.
“This is the report about the cause of his death, sir.” Sabing muli ng kausap niya at may inabot itong dokumento. Kinuha niya iyon at binasa ang nakasulat. Ayon doon, cardiac arrest ang lumalabas na reason of death nito.
‘Cardiac Arrest? Pero malusog si Billy kahit na matanda na ito. Wala siyang nabanggit sa akin na may sakit siya sa puso,’ Nakakunot noong sabi niya sa kanyang sarili habang binabasa ang buong report.
“Anong lumabas sa autopsy report?” Tanong niya.
“Sir, tumanggi ang asawa ni Senator Rodriguez na ipa-autopsy pa ang katawan nito. Hindi na raw iyon kailangan pa.” Sagot nito sa kanya. Mas lalong kumunot ang noo niya sa sinabing iyon ng kausap. Nagtataka siya kung bakit ayaw ipa-autopsy ng asawa nito ang katawan ng kaibigan.
‘There is definitely wrong here. I need to figure it out.’ Determinadong sabi ni Director Enriquez sa kanyang sarili. Naniniwala siyang mayroong foul play na nangyari sa pagkamatay ng kaibigan. At hindi siya titigil hangga’t hindi niya nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
“Who will be handling the case?” Tanong niya sa kausap.
“Si Detective Brylle Madrigal po.” Sagot nito sa kanya.
‘Not bad.’ Naisip niya. Si Brylle Madrigal ay isang magaling at matinik na detective. Bata pa ito sa edad na 21 ngunit kilala na ito sa husay nito sa paglutas ng mga kaso at wala pa siyang nababalitaan na pumalya ito sa trabaho niya. Sa tingin niya ay makakatulong ito sa kanya ng husto sa pagsolve ng kaso ng pagkamatay ng kaibigan.
“Okay. Thanks. Is there anything else?” Sabi niya rito at naupo na sa kanyang swivel chair. Tinanggal niya ang suot niyang salamin at niluwagan ang suot niyang necktie. Sumasakit ang ulo niya sa mga nalaman at hindi niya matanggap na wala na ang kanyang kaibigan. Ipinapangako niya sa sarili niya na gagawin niya ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
“Yes, sir. Here’s the report na hinihingi niyo regarding sa nakawan na nangyayari sa cyberworld,” Sagot nito at inabot ang dokumento sa kanya.
“Thank you. You may leave,” Sabi niya rito.
“Alright, sir.” Sagot nito at lumabas na ng kanyang opisina. Pagkasarang-pagkasara ng pintuan ng kanyang opisina ay narinig niya ang pagtunog ng kanyang cellphone. Kinuha niya iyon mula sa kanyang bulsa at tiningnan iyon. Naging madilim ang kanyang paningin at napatiim bagang siya ng makita niya ang nakarehistrong numero.
“You killed him!” Galit na galit na sagot niya sa telepono. Narinig niyang humalakhak ang nasa kabilang linya kaya naman lalo siyang nakaramdam ng matinding galit. Ikinuyom niya ng mariin ang kanyang palad.
“Who? I didn’t kill anyone, Enriquez…” Nakakalokong sabi ng nasa kabilang linya. Hindi niya man makita ang mukha nito ay sigurado siyang nakapagkit sa mukha nito ang ngiti ng isang demonyo, “…so far.” Dugtong nito at muling humalakhak.
“Fuck you, asshole!” Mura niya rito. “I will make sure the next time I see you, I’ll put you behind the bars!” Gigil na sabi niya pa.
“That’s if…if you’ll ever see me again,” Sagot nito sa mapaglarong tono. Kumunot ang noo ng direktor sa narinig niya. ‘Anong gustong palabasin ng gagong ‘to?!’
“You know what, my friend? I just called to tell you that the organization doesn’t need you anymore. So go on and live a happy life. That’s if again, if you can live a happy life after this.” Muli na namang tumawa ng mala-demonyo ang nasa kabilang linya. Kung nasa harapan niya lang sana ito ngayon ay nasuntok na niya ito ng malakas sa mukha. “As my parting words for you, I’ll let you know a secret. So listen carefully, understand?” Dugtong nito at muling humalakhak ng nakakaloko. Hindi siya sumagot at hinayaan niya lang itong magsalita. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang telepono dahil sa nararamdaman niyang matinding galit. “We already found someone who can do what we want. And apparently, we believe she can do those things more than what we think you can do. Amazing, right? Do you want to know who she is?”
Natigilan si Director Enriquez sa narinig niya. Sino ang tinutukoy nito?
“Clue: She’s someone you know very well. Very, very well.” Muling sabi ng nasa kabilang linya at mapang-asar na tumawa ito. Sa pagkakataong ito ay parang nanigas ang buong katawan ni Director Enriquez at natuyuan ng lalamunan sa narinig. Hinihiling niya na sana mali ang hinala niya pero…
‘This can’t be!’ Sigaw niya sa kanyang isipan. Magsasalita sana siya upang paulanan ito ng malulutong na mura ngunit hindi na niya na iyon natuloy because he heard the most dreaded answer he wished he would never hear.
“Yes, Director Marco Enriquez. I’m talking about your daughter. HERA.”
---
“Hachooooo!” Napabahing si Hera ng malakas dahil sa sipon niya. Sinipon kasi siya dahil sa pagkakahulog niya sa pool kahapon.
“Okay ka lang? Dapat nagpahinga ka na lang muna at hindi pumasok.” Sabi sa kanya ni Marianne habang sabay silang naglalakad papuntang classroom. Papasok pa lang sila ngayon at nagkataon na nagkita sila sa gate kanina kaya nagsabay na silang maglakad.
“Okay lang ako. Sipon lang naman ito kaya wag ka ng mag-alala,” Nakangiting sagot niya rito at muli na namang bumahing.
“Haaaay! Letseng sipon ‘to! Pahirap!” Natatawang napapailing na muling sabi niya matapos punasan ng panyo ang kanyang ilong. “Si Artemis ‘ngapala? Nasaan na ‘yun?” Tanong niya kay Marianne.
“Ah, nagtext siya kanina at sinabing nasa classroom na daw siya. Napaaga daw kasi ang pasok niya ngayon.” Sagot ni Marianne sa tanong ni Hera sa kanya.
“Ah, okay.” Sagot ni Hera rito at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Pagkarating na pagkarating nilang dalawa sa classroom ay natagpuan nila agad si Artemis na nakaupo sa designated seat nito at tila walang pake sa ingay ng mga kaklase nila dahil abala ito sa hawak nitong cellphone.
“Huy!” Panggugulat ni Hera dito ng mapansin niyang hindi nito napansin ang pagdating nila ni Marianne.
“Ay, kabayo ka!” Bulalas nito at muntik ng maihagis ang cellphone nito sa gulat. Natawa si Hera at Marianne sa naging reaksyon ng kaibigan samantalang sinimangutan naman sila nito. “Bwisit ka, Hera! Muntik ko ng maihagis ang cellphone dahil panggugulat mo! Bakit ba paborito mo kong ginugulat?” Nakangusong sabi nito sa kanya at humalukipkip.
“Nakakatuwa kasi ‘yang reaksyon mo pagnagugulat eh. Epic fail. ‘Di ba, Mars?” Tumatawang sagot ni Hera kay Artemis.
“Oo nga, Art. Kung may camera lang ako, kinuhanan ko na yang mukha mo para makita mo kung gaano ka-the best ‘yang reaksyon mo pagnagugulat,” Tumatawa ding sabi naman ni Marianne.
“Ewan ko sa inyong dalawa. Palagi niyo na lang akong pinagkakatuwaan. Magsiupo na nga kayo. Malapit na rin mag-umpisa ang klase,” Masungit na sabi ni Artemis sa dalawa. Tumawa lang muli sina Hera at Marianne sa sinabi nito at naupo na rin sa kanya-kanyang pwesto. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na rin ang kanilang guro.
“Good morning class! I have an announcement to make so please be seated!” Sabi ng kanilang guro ng mailagay nito ang mga paraphernalia’ng dala sa teacher’s table. Nagsiupuan ng maayos ang mga kaklase nila Hera na hindi pa nakakaupo sa tamang pwesto nila at tumahimik. Lahat sila ay nag-abang sa sasabihin nito.
“I just want to inform you na meron kayong bagong kaklase sa subject na ito. He’s a transferee student from America,” Sabi ng kanilang guro. Naging maingay ang mga kaklase nila Hera sa tinuran na iyon ng kanilang guro samantalang nagkatinginan lang silang magkaibigan.
‘Masyado naman na ‘ata siyang late na nag-transfer? Katatapos lang ng midterm exam at konting kembot na lang ay matatapos na ang sem. Weird ah? Mabuti pinayagan siya ng school na maging late enrollee,’ Nasabi ni Hera sa kanyang sarili at nangalumbaba.
“You may come in.” Narinig nilang sabi muli ng kanilang guro matapos nitong lumapit sa pintuan. Maya-maya’y may pumasok na isang matangkad at maputing lalaki sa kanilang classroom.
‘Shit! Ang gwapo! Ano kayang pangalan niyan?’
‘Oh, Lord! Thank you at binigyan niyo kami ng gwapong classmate. Meron na po akong inspirasyon para pumasok.’
‘Gwapo na lakas pa ng sex appeal! Yummy ni kuya!’
Natatawang nailing na lang si Hera sa mga narinig niya mula sa mga kaklase niyang babae patungkol sa bago nilang kaklase na nasa harapan nila. Aaminin niya, gwapo nga ito at malakas ang dating. At mas lalong nagpapalakas ng appeal nito ay ang magaganda nitong mata. Kulay abo kasi iyon at pakiramdam niya’y kapag tinitigan ka nito ay tatagos iyon hanggang kaluluwa mo.
‘Seriously, Hera? Nagawa mo pang i-entertain ang ganyang bagay sa dami ng dapat mong intindihin?’ Napapailing na kastigo niya sa kanyang sarili. Muli niyang tiningnan ang lalaki at kumunot ang kanyang noo ng bigla siyang may naisip, ‘Bakit parang pamilyar ang mukha niya?’ Tanong niya sa sarili. Hindi niya maintindihan pero pakiramdam niya ay parang nakita na niya ang lalaki. Hindi niya lang ma-figure out kung kailan at saan. ‘Oh well, baka may kamukha lang siyang nakasalubong ko sa daan,’ Ani’ya at nagkibit balikat na lang siya at isinantabi ang naisip. Ibinaling na lang niya ang tingin sa labas ng bintana at tiningnan ang mangasul-ngasul na kalangitan.
“Introduce yourself,” Narinig ni Hera na sabi ng kanilang guro sa bago nilang kaklase.
“Hi. My name is Ethos Ezekiel Pointierre. Call me Ethos. Nice meeting you all.” Matipid na pagpapakilala nito.
“Okay, now the question is where you should seat. Hmmmm…Ah! Seat beside Ms. Hera Enriquez. That girl at the end of the row,” Mabilis na lumipad muli ang tingin ni Hera sa harapan sa sinabing iyon ng kanilang guro. Vacant seat ang nasa kanang bahagi niya samantalang sa kaliwa naman niya ay nakaupo si Artemis. Si Marianne kasi ay sa unahan ang designated seat nito. Wala naman problema sa kanya kung magiging katabi niya ang bago nilang kaklase as long as hindi siya nito pakikialaman.
“Hachoooo!” Muli na namang napabahing si Hera dahil sa sipon niya. Nakita niyang mabilis na naagaw niya ang atensyon ng buong klase dahil sa malakas na pagbahing niyang iyon at pinagtawanan siya ng mga ito. Napanguso na lang siya sa mga kaklase niya matapos punasan ng panyo ang kanyang ilong. Pagkatapos noon ay muli niyang tiningnan ang bago nilang kaklase pero nagulat siya ng ngisian siya nito ng magsalubong ang kanilang tingin habang papalapit ito sa kanya.
‘What the heck! Anong problema niya?!’
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top