H04
H04
Napakunot ang noo ni Artemis nang mapansin niyang hindi pa rin nakakasunod sa kanila si Hera. Nasa classroom na sila ni Marianne at malapit na ang susunod na klase ngunit wala pa rin ito.
“Nasaan na ba ‘yun si Hera? Ang tagal naman niya?” Nakakunot noo na ring tanong ni Marianne kay Artemis habang luminga-linga sa magkabilang pintuan ng classroom.
“Hindi ko nga rin alam eh,” nag-aalalang sagot ni Artemis sa kaibigan. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya pero nag-aalala siya kay Hera. Parang kinukutuban siya na may nangyaring hindi maganda rito.
“Pupuntahan ko siya. Hintayin mo na lang kami dito. Text mo ‘ko kapag dumating na si Teacher Paul,” sabi niya kay Marianne at tumayo. Hindi na niya ito hinintay na sumagot at dali-dali na siyang lumabas ng classroom upang hanapin si Hera.
Naglalakad na siya sa hallway ng matanaw niya ito. Naisip niyang mukhang hindi ito umalis kung saan nila ito iniwan kanina. Habang papalapit siya rito ay napakunot ang kanyang noo ng mapansin niyang parang tulala lang itong nakatingin sa hawak nitong cellphone habang nakatayo sa gitna ng hallway. Parang kinutuban siya na tama ang nararamdaman niya kanina kaya naman dali-dali siyang naglakad papalapit rito.
“Hera,” nag-aalalang tawag niya rito nang ilang distansya na lang ang pagitan nila.
Mas lalo siyang nakaramdam ng pag-aalala nang hindi siya nito pinansin. Nang tuluyan na siyang nakalapit ay hinawakan niya ito sa balikat at muling tinawag.
“Huy, Hera!”
Kitang-kita at naramdaman niya na gulat na gulat si Hera ng tawagin niya ito. Halatang hindi nito napansin ang kanyang presensya at ang pagtawag niya rito kanina.
“Anong nangyari sa’yo?” Kunot noong tanong niya rito.
Alam niyang may hindi magandang nangyari dito base pa lang sa reaksyon nito. Nagpalinga-linga pa ito sa paligid na parang may hinahanap at mahahalata sa kilos nito na parang may kinatatakutan ito na hindi niya malaman kung ano o sino.
“A-aahh….w-wala…w-wala…” Sagot nito sa kanya at binigyan siya ng alanganing ngiti.
Gusto pa sana niyang na kulitin ito at tanungin kung ano talaga ang nangyari ngunit alam niyang hindi ito magsasalita kahit anong pilit niya.
Kilala niya kasi ang kaibigan. Alam niyang kapag ayaw nitong magsalita ay hindi niya ito mapipilit kahit na takutin niya pa ito unless na lang kung ito ang kusang magkukwento. Nagpakawala siya ng isang malakas na buntong hininga at inisip na lang na magsasabi rin naman ito sa kanya. Sa ngayon ay hahayaan niya na lang muna ito.
“Punta na tayong classroom. Baka maunahan pa tayo ni Teacher Paul. Mapapagalitan pa tayo,” yakag niya rito.
“A-ano…Mauna ka na. Susunod na lang ako,” sagot nito sa kanya.
Muling napakunot ang noo niya sa sinabing iyon ng kaibigan.
“Bakit?” Nagtatakang tanong niya rito.
“May…may kailangan lang akong puntahan at gawin. Mauna ka ng pumunta sa classroom. Susunod na lang talaga ako, promise,” anito.
“Pero malapit na ang time. Kapag umalis ka pa, ‘di ka na makakaabot sa klase ni Teacher Paul. Ano bang gagawin mo?” Muling tanong niya rito habang nananatiling nakakunot pa rin ang kanyang noo.
“Basta. Mauna ka na. Kapag hindi ako nakaabot, sa susunod na klase na lang ako papasok.,” seryosong sabi nito at mahigpit na hinawakan ang magkabilang strap ng backpack na nakasubkit sa likod nito.
“Pero…”
“Sige na. Pumunta ka na roon. Kopya mo ko ng lectures saka assignment, okay?” Sa pagkakataong iyon ay ngumiti ito sa kanya bago tuluyang tumalikod at mabilis na tumakbo papaalis.
Naiwang naguguluhan siya sa nangyayari habang tinatanaw ang papalayong kaibigan. Gusto niya itong habulin at pigilan dahil nag-aalala talaga siya para rito ngunit sa nakita niyang mukha nito ay alam niyang hindi ito magpapapigil kahit ano pang sabihin niya.
---
PUMUNTA si Hera sa school garden kung saan sila nag-usap nila Artemis at Marianne kanina. Nang makarating siya roon ay dali-dali niyang nilabas ang kanyang cellphone at tinawagan ang numero ng tumawag sa kanya kanina.
Gusto niyang malaman kung sino ito. Gusto niya itong tanungin kung bakit alam nito ang ginawa niya. Hindi man direktang sinabi sa kanya na alam nito ang ginawa niyang pag-hack sa main server ng surveillance camera at website ng school, base pa lang sa ginawang pagtawag nito sa kanya ay alam niyang may alam ito sa ginawa niya.
Sa totoo lang ay nakakaramdam siya ng takot. Pakiramdam niya ay matagal na siya nitong minamatyagan ng hindi niya nalalaman. Nagkakaroon na rin siya ng hinala na maaaring ang taong nagpalit ng pangalan ng WLAN niya noong nakaraang araw ay ang tao ring tumawag sa kanya kanina. Wala pa siyang napapatunayan pero malakas ang kutob niya na iisang tao lang iyon.
Patuloy lang na nagri-ring ang numerong ginamit ng caller niyang iyon at walang sumasagot. Ilang beses niya ulit iyong idinayal ngunit walang sumasagot. Sa inis niya ay naibato niya ang kanyang cellphone ng malakas. Mabuti na lang at sa halamanan iyon bumagsak at tingin niya ay hindi naman ito nasira. Nagpakawala siyang isang malakas na buntong hininga at maya-maya’y naglakad kung saan bumagsak ang cellphone niya. Dinampot niya iyon at muling bumalik sa pwesto. Naupo siya sa bench at matapos noon ay tinitigan niya ang kanyang cellphone.
Anong kailangan niya sa akin? Hindi man ako sigurado pero naniniwala ako sa kutob kong matagal na niya akong sinusundan. At kung totoo nga iyon ay kailangan kong mag-ingat, aniya sa sarili at napakagat sa labi.
Ini-on niya ang cellphone niya matapos nitong mamatay dahil sa pagkakabato niya kanina. Nang mag-open iyon ay tiningnan niyang muli ang number ng caller. Hindi niya na muling sinubukang tawagan ang number na iyon dahil alam niyang kahit ilang beses niya pang gawin iyon ay walang sasagot sa kabilang linya. Tinitigan niya ang number na iyon ng mabuti. Maya-maya’y natigilan siya nang may biglang naalala. Naalala niyang meron nga pala siyang ginawang program sa laptop niya para i-track down ang isang cellphone gamit lang ang cellphone number!
Dali-dali niyang nilabas ang kanyang laptop sa kanyang bag at ini-on iyon. Matapos ay nag-type siya ng command sa keyboard. Inabot niyang muli ang kanyang cellphone upang kopyahin ang cellphone number ng caller niya. Matapos n'on ay nag-type pa siya ng ilang command pa para malaman ang location ng cellphone at ilang sandali pa’y lumabas na ang resulta. Halos malaglag ang kanyang panga ng makita niyang nasa loob lang ng eskwelahan ang cellphone! Ibig sabihin ay nasa loob lang din ng eskwelahang ito ang caller niya!
Makikita sa monitor ng kanyang laptop ang mapa ng eskwelahan kung saan merong kulay red na dot na nagbi-blink tanda na naroon ang cellphone na trinack niya. Zinoom in niya ang map para makita exactly ang location ng cellphone at nanlaki ang mata niya ng makitang malapit lang iyon sa kanya!
Swimming Pool Area. Isang building lang ang layo nito mula sa pwesto niya!
Dali-dali siyang tumayo habang hawak-hawak ang kanyang laptop at mabilis na naglakad papunta roon. Malakas ang kabog ng puso niya at nakakaramdam siya ng matinding takot sa kung ano ang maaaring posibleng gawin sa kanya ng taong iyon ngunit isinantabi niya iyon dahil nananaig sa kanya ang pagnanais na malaman kung sino ito at malaman kung ano ang pakay nito sa kanya.
Halos maubusan siya ng hininga dahil sa ginawa niyang pagtakbo nang makarating siya sa swimming pool area. Matapos ang ilang beses na pagbuga niya ng hangin upang kalmahin ang kanyang baga ay inilibot niya ang tingin sa paligid.
Walang katao-tao roon. Dahan-dahan siyang naglakad sa gilid ng pool habang tinitingnan ang kanyang laptop. Ayon dito ay malapit lang sa kanya ang hinahanap niya. Huminto siya sa paglalakad at inilapag niya ang kanyang laptop at bag sa upuan na nakita niya roon. Matapos ay kinuha niyang muli sa kanyang bulsa ang cellphone niya upang tawagan muli ang cellphone number na iyon. Gusto niyang marinig na mag-ring ito upang mas mapadali siya sa paghahanap dito.
Kinakabahan siya dahil maaaring nagtatago lang sa paligid ang may-ari ng cellphone at bigla siyang sunggaban nito. Hindi pa man din siya marunong lumangoy at kung saka-sakaling mahuhulog siya sa pool ay katapusan na niya dahil walang taong magsasagip sa kanya.
Huminga siya ng malalim at tinap ang call icon sa cellphone niya. Umiikot ang kanyang mga mata sa paligid at hinanda niya ang kanyang sarili. Mayamaya’y umalingawngaw ang tunog ng isang cellphone sa buong pool area. Mabilis na hinanap niya kung saan nanggagaling ang tunog. Naglakad-lakad siyang muli upang tiyakin ang eksaktong lokasyon ng cellphone.
Parang nanggagaling ang tunog sa itaas. Mag-aangat na sana siya ng tingin ng makarinig siya ng parang may pumitik at may nahulog na mabigat sa pool. Matapos n'on ay natigil din ang pagtunog ng tinatawagan niyang cellphone.
Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Dali-dali siyang tumingin sa ceiling ng pool area at inilibot roon ang kanyang mga mata. May naaninag siyang parang naputol na maikling lubid doon. Nagtataka siya kung para saan iyon pero isinantabi niya muna iyon at ibinaling naman ang tingin sa pool kung saan may nahulog na kung ano. Inilibot niya ang paningin doon at biglang nanlaki ang mata niya nang may naaninag siyang cellphone na nakalagay sa isang zip lock sa ilalim ng tubig! Dali-dali siyang lumapit sa gilid ng pool upang makita itong mabuti.
Cellphone nga! Bulalas ni Hera sa kanyang sarili ng makumpirmang cellphone nga ang nahulog sa tubig.
Biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya nang may bigla siyang maisip. Tumingin siyang muli sa itaas at tinitigan ang maikling lubid doon. Eksaktong-eksakto ang pwesto nito sa pinaghulugan ng cellphone.
Nanggaling ang tunog ng cellphone sa itaas kanina. So, ang ibig sabihin ay ang cellphone na iyon na nahulog sa tubig ang tinatawagan ko, napagtantong wika niya sa sarili at natutulalang napatingin muli sa tubig.
Sigurado akong ang may-ari ng cellphone na iyon ang nagsabit n'on sa ceiling. Pero bakit niya ginawa iyon?
Nag-isip si Hera ng paraan kung paano niya makukuha ang cellphone ng hindi bumababa sa pool nang mahagip ng tingin niya ang isang mahabang kahoy na may net sa dulo sa may kabilang side ng pool. Dali-dali niya iyong pinuntahan at kinuha. Nang makuha niya iyon ay mabilis niyang inilagay iyon sa tubig upang gamitin para makuha ang cellphone. Kahit na mahaba ang kahoy na gamit niya ay hindi niya masungkit ang cellphone mula sa kanyang pwesto dahil nasa gitnang bahagi ito kaya naman kahit natatakot ay lumapit pa siya lalo sa gilid ng pool. Isang maling hakbang niya lang ay paniguradong malalaglag siya at hindi pwedeng mangyari ‘yun dahil hindi siya marunong lumangoy. Pero isinantabi niya ang alalahaning iyon dahil importante sa kanya na makuha ang cellphone. Naniniwala siyang may clue roon para malaman niya kung sino man ang may-ari noon.
“Konti na lang…” Pinagpapawisan na siya pero ayaw niya pa ring sumuko. Nakatutok lang ang isip niya sa pagkuha ng cellphone na iyon.
“Sayōnara.”
Nagulat siya nang may magsalita mula sa kanyang likuran. Lilingunin niya sana ito ngunit hindi na niya nagawa dahil bigla siya nitong itinulak sa pool.
“T-tu…tu…tulong…” Nahihirapan niyang sabi habang pilit inaahon ang sarili sa ilalim ng tubig.
Kampay lang siya ng kampay upang makaahon ngunit hindi niya magawa. Unti-unti na siyang nauubusan ng hangin at nanghihina na ang kanyang katawan. Naramdaman niya rin na biglang namulikat ang kanyang kaliwang paa kaya naman mas lalo pa siyang nalubog sa ilalim ng tubig.
“T-tu…tu…long…” Sabi niyang unti-unti ng nawawalan ng hininga.
Mula sa nanlalabo niyang mata ay may nakita siyang pigura na nakatingin sa kanya. Hindi niya man makita ang mukha nito ay sigurado siyang nakangiti ito ng parang demonyo habang nakikita siyang unti-unting nawawalan ng hininga.
Eto…eto na ba ang katapusan ko? Iyon ang huling naisip niya bago niya tuluyang ipinikit ang kanyang mga mata…
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top