Helmet
~
Kung patibayan lang siguro ng helmet na suot ang labanan, ilalaban ko talaga ang suot ko.
Ilang beses na nga ba akong nadapa, nasugatan at nahulog sa paulit-ulit na sitwasyon— ang panloloko niya, pero heto pa rin ako ipinipilit ang ideyang siya ang para sa akin.
"Koko, ilang beses pa ba kita mahuhuling may ginagawang kababalaghan sa iba?" Pinahid ko ang sarili kong luha habang patuloy na tumatakbo sa isip ko ang imahe niyang mga saplot kasama ang babae niya sa bahay ng pinsan niya.
"Mahal mo ba talaga ako? O nananatili ka lang para may mapuntahan ka kapag walang-wala ka na?"
Alam ko naman sobra na ang ibinigay ko sa kaniya. Mahal ko siya e kaya kahit ubos na ubos na ako, handa pa rin akong sumugal sa kaniya. Puso ko, oras ko, pera ko, sarili ko, dignidad ko—kaya ko iyon mapasaakin lang siya sa huli. Natatandaan ko pa kung paano ako tingnan ng iba na para bang napakamakasalanan ko kasi ibinigay ko ang sarili ko sa kaniya. Kung may kasalanan man ako, siguro iyon lang iyong minahal ko siya nang lubos-lubos.
"Sorry, Trina." Tumabi siya sa akin at kinulong ako sa bisig niya. Hindi ko nagawang magsalita at hinayaan ko lamang ang sarili kong malunod sa sarili kong mga luha.
Pinatawad ko siya noon dahil alam kong lasing siya. Noong pangalawa, pinatawad ko siya kasi mahal ko, eh .
Siya lang kasi ang meron ako matapos kong maubos lahat ng mayroon para sa kaniya. Hindi kami okay ng kaibigan ko dahil nagsasawa na raw siya sa katangahan ko. Si Mama na hinayaan na lang din ako dahil wala na rin naman siyang magagawa kasi ako rin naman ang palaging pumupunta sa bahay ng nobyo ko.
"Neng, bakit ba hindi mo pa hiwalayan si Koko?" tanong ng tiyahin ng nobyo ko.
Sa lahat ng kamag-anak niya, siya lang ang nakakausap ko. Hindi man niya sabihin, iisa rin naman ang tingin niya sa akin. Kagaya lang rin ng tingin nilang lahat—mahina at gamit na gamit ni Koko.
"Ate, hindi ko ho kayang wala si Koko, e. Lahat na ho'y binigay ko sa kaniya. Paano na lang ho ako kung wala na siya?"
Isa talaga iyon sa kinatatakutan ko. Paano kung wala ng tumanggap sa akin dahil para na akong pinagsawaan ng nobyo ko gaya ng naririnig ko sa mga marites sa lugar namin.
Alam ko namang mahalaga ako sa kaniya, e. Sabi niya mahalaga ako sa kaniya.
"Hija, mabait na bata naman si Koko e, kaya lang ilang beses mo ba ba siyang nahuling nagloloko? Paano pa kapag naging mag-asawa na kayo niyan? Kung ang iniisip mo'y baka wala ng tumanggap sa 'yo, baka mas tama mong isipin kung paano mo tatanggapin ang durog mong pagkatao at mga takot mo. Alam kong sobra mo siyang mahal kaya paulit-ulit mo siyang tinatanggap pero hanggang kailan?"
Hinawakan niya ang mga kamay ko at marahang pinisil iyon. Ang init na nagmumula sa palad niya ay tila umaabot ang paghaplos sa kaluluwa ko.
"Kung naniniwala kang magbabago pa siya gamit ang pagmamahal mo, mas paniwalaan mo sanang mas kailangan mo ang pagmamahal ng sarili mo. Mali ang paniniwala mong pagmamahal ng iba ang bubuo ng puso mo kung patuloy mong inuubos ang pagkatao mo para sa kanila."
Noong oras na iyon, wala akong lubos na maintindihan kundi ang pagiging martyr at tanga ko. Nakikita nilang lahat na wala ng kahahantungan ang relasyon namin ni Koko at ako na lamang ang natitirang naniniwala roon.
Hindi ako umuwi sa amin nang gabing iyon. Sinabi ko sa pinsan ko na pagtakpan ako sa Mama ko kapag tinanong kung nasaan ako. Iyong palaging rason ko na sa kanila ako natutulog pero ang totoo ay kina Koko ako tumutuloy.
Nang gabi ring iyon, wala akong ginawa kung hindi ang yakapin siya nang mahigpit. Sa huling sandali pinakiramdaman ko ang bisig na dati'y naging tahanan ko.
Maingat kong pinalandas ang aking daliri sa kaniyang noo at iniwasang magising siya.
"Koko, alam mo naman kung gaano kita kamahal 'di ba? Kung gaano ko handang ibigay sa'yo ang lahat mabuo ka lang. Mahal na mahal kita, Koko. At hindi ako magsasawang gawin iyon pero..." Bumaba ang daliri ko sa ilong niya.
"siguro kailangan ko rin munang mahalin ang sarili ko dahil sa totoo lang kahit mismo ako hindi ko na alam ang totoong depinsyon ng pagmamahal."
Hinalikan ko siya sa kaniyang pisngi at balak na sanang umalis nang hawakan niya ng kamay ko.
"Magiging masaya ka ba kung gagawin mo ito?" tanong niya. Hindi ko alam na nakikinig na pala siya sa'kin.
"H-Hindi." Umiiling habang umiiyak kong saad. "Hindi ko na alam kung paano ba talaga maging masaya. Pero s-siguro mas mainam ito."
Tumango siya at saka binitawan ang kamay ko. Sa pagbitaw niyang iyon alam kong binitawan na rin niya ako at kung anong mayroon kaming dalawa.
Kahit gaano pala katibay ang helmet na suot mo, darating sa puntong matatauhan ka na hindi lahat ng laban dapat mong ipanalo, lalo na kapag ikawawasak na ito ng pagkatao mo.
Napatigil ako sa paglalakad ko palayo sa kaniya nang marinig ko ang garalgal niyang boses.
"Kung sakaling dumating ang araw na handa ka na muling magmahal ng iba, piliin mo sana ang taong hindi gagawin ang ginawa ko sa'yo."
Muli akong lumingon sa kaniya. Kagat ang labing tumango para pigilan ang paghikbi. Ilang sandali pa'y nagdesisyon nang tuluyang lumayo—sa kaniya, sa sitwasyon at relasyong minsang naging dahilan ng kaligayahan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top