Hello, How Are You?

"Kuryente,... Tubig... Mitch.. Teka, ano daw?" Pagtatakang tanong ni Michelle Esteves sa kaniyang sarili nang isa-isahin niya ang mga kumpol ng bayarin na dapat niyang asikasuhin ngayong buwan ng Agosto sa taong 1988.

Bagong lipat lamang si Michelle sa bahay na iyon at unang buwan na niya dito. Minabuti niyang lumuwas ng Maynila dahil mas malapit ito sa pinagtatrabahuan sa lungsod ng Quezon. Isa siyang staff sa Human Resource Department na kanyang pinasukan at kadarating lang ng sahod niya.

Minabuti niyang organisahin na ang mga dapat bayaran para mas ma-budget pa ang mga kakailanganin niya sa bahay. Ngunit isang kulay rosas na papel na maayos na nakasilid sa isang sobre ang napansin niya.

Lahat ng kulay ng sobre na nandoon ay panay puti maliban doon. Kunot-noong tiningnan niya ng maigi ang sobre at binasa ang pangalan.

Mitch Esquivel

Hindi nalalayo sa kanyang pangalan. Michelle Esteves.

Puno ng kuryosidad na binuksan niya iyon at binasa.

Dearest Mitch,

Kumusta ka na? Pasensya at ilang araw din akong hindi nakapagsulat sa iyo. Ito ay sa kadahilanang kinailangan kong tingnan ang aking lolo. Ako ang naging taga-bantay at tagapag-alaga niya ngayon.

Nangiti naman si Michelle sa nakasulat na iyon ng nagpadala. Mabait at maalagang tao, sa isip-isip niya.

Mahina na ang lolo. Pero, hindi bale, malakas naman ako para sayo.

Napahalakhak naman ang dalaga sa hindi inaasahang birong iyon.

Maayos naman ako dito. Ito, iniisip ka. Sana ay ayos ka lang diyan. Hihintayin ko ang iyong liham ulit.

Ang iyong kaibigan,
Jaime Portillos

Binalik ni Michelle ang sulat sa sobre at hindi niya inintindi iyon. Hindi naman sa kanya naka-address ang liham kaya hindi magandang sagutin niya iyon. Maraming mas importanteng bagay ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin.

Lumipas ang ilang araw at nakalimutan ng dalaga ang liham. Naging abala siya sa trabaho at nagkaroon din ng mga kaibigan doon.

Hanggang sa muli siyang mag-asikaso ng mga bayarin sa ikalawang buwan niya sa bagong tirahan. Isang sulat muli ang natanggap niya.

Dearest Mitch,

Kumusta ka? Pakiwari ko ay hindi mo natanggap ang huling liham ko? Nagtatampo ako sa iyo.

Hindi naman lumilipas ang dalawang linggo para makasagot ka sa mga liham ko. Ako ay nababahala at nag-aalala sa kalagayan mo.

Sana ay makatanggap ako muli ng kasagutan sa iyo. Nananabik na ako sa magiliw mong mga kasagutan sa mga sulat ko kaya ganito na lang ang pag-aalala ko sa iyo.

Ang iyong kaibigan,
Jaime Portillos

Muli ay napa-isip si Michelle. Isang buntung-hininga ang pinakawalan ng dalaga at sinagot na ang liham ng lalaki. Minabuti niyang magpanggap para mawala ang pag-aalala nito.

Hindi nagtagal, hindi niya napansing napapadalas ang pagsagot niya sa bawat liham ng lalaki. Ganoon na lang din ang pananabik niya sa bawat buwan na lilipas at mayroong makukulay na papel na nakapaloob sa isang sobre ang sasalubong sa kanya pag-uwi.

Nagsimula siyang magduda sa nararamdaman niya ng nakapaloob sa sulat ng lalaki ang pag-amin nito ng nararamdaman sa kanya.

Para sa dalaga, hindi siya nararapat dito at maging siya ay nabibilisan sa pangyayari.

"Michelle! Hindi ikaw si Mitch! Magkaibang tao kayo!" Pagpoprotesta ni Maricel sa kanya. Sa kanya lamang sinabi ni Michelle ang tungkol sa pen pal niya. At para sa kanya, tama ang kaibigan.

Hindi si Michelle ang mahal ni Jaime. Kundi si Mitch.

"Ganito na lang, kapag nagyaya siya na makipagkita, sasamahan kita. Pero sa paligid lang ako." Saad pa ni Maricel. "Hindi ako tiwala sa pagkikitang iyan. Isa pa din siyang estranghero. Hindi natin malalaman kung totoong siya nga iyon dahil wala naman siyang litrato. Maaring nagpapanggap lang din siya!"

Muli, may punto ito. Lumipas ang anim na buwan at tama ang kaibigan, nagyaya na nga itong makipagkita sa kaniya. Eksakto namang may Disco Party ang kaibigan ni Jaime na siyang pagdadausan din ng party ng kaibigan nila ni Maricel sa opisina.

Sinang-ayunan siya nito dahil andoon naman din siya sa lugar na iyon. Matitingnan siya nito.

Dumating ang araw na pinaka-aabangan nila. Ang gabi ng pagkikita nila Jaime at Michelle.

Hawak ang kulay rosas na liham at inililibot ang mata sa loob ng Disco Bar na may tema ng Dekada 80, kabadong naka-upo at naghihintay si Michelle sa lalaki. Na-abisuhan niya ito sa magiging kasuotan niya: high-waisted jeans at patterned silk blouse.

Napigil ang paghinga niya ng magtama ang mata nila ng lalaking nakasuot ng maluwang na damit, bomber jacket, denim jeans at athletic cap gaya ng nakasaad sa sulat nito. Matangkad ito at makisig ang pangangatawan. At papalapit ito sa kanya.

"Ikaw ba si Mitch?" Tanong nito na may kasamang ngiti. Lalo itong gumwapo sa paningin niya. Para bang nautal siya at tango ang tanging sagot niya. Lalo pang lumawak ang ngiti ng lalaki at sa pagkakataong iyon, higit siyang nahihiya at naguguluhan sa sitwasyon niya.

"I-ikaw ba si Jaime?" Balik niya ng tanong at hindi inaalis ang tingin sa magandang mga nito. Hawak pa din ang liham nito. Tumango ito.

Ang kaninang ngiti ng lalaki ay napalitan ng simangot at galit. "Sinungaling ka. Hindi ikaw si Mitch!"

Nabigla si Michelle at biglang hinawakan ang kamay ng lalaking paalis na. "Matagal ko ng gustong sabihin sa iyo kaso ayokong malungkot ka. Matagal ko ng gustong aminin sa iyo na hindi ako ang babaeng nagugustuhan mo kaso ayokong mawalan ka ng pag-asa. Ayokong mawalan ka ng kaibigan dahil higit na mas kailangan mo iyon."

Tila ba nawala ang ingay sa paligid sa sinabing iyon ni Michelle sa kanya. May punto ang babae. Sa mga panahong malungkot siya ay nandoon ang babae.

Kasalanan niya iyon. Binalewala niya ang huling liham ni Mitch. Ang unang babaeng kanyang minahal. Nagpatuloy pa din siya at umaasang babalik sa kanya ang babae ngunit hindi na.

Naupo sya at sinimulang buksan ang sarili dito. Ito ang naging umpisa ng pagkakatotoo nila sa mga sarili at ng pagkakaibihan nila na siyang lumalim sa paglipas ng panahon.

Ang pagmamahalang nagsimula sa isang liham.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top