Kabanata 21

Kabanata 21

Can We Date

Syempre, siniwalat ko lahat ng nalaman kong galing kay Rozen nang bumalik na ako sa Manila. Nawindang si Reina pero mukha namang hindi natinag. Hindi ko alam kung may pinagbago ba sa tingin niya kay Wade.

Ayaw ko munang makita si Rozen. Mukha namang napansin niya ang pag iwas ko sa kanya at hinayaan niya ako. Tuwing naabutan ko siya sa cafeteria na dumadating kasama ang isang batalyong babae ay lagi akong nagmamadali paalis. Kahit ilang subo pa lang ng pagkain ko, iniiwan ko agad ito para umalis.

Isang araw ay nag text siya sakin.

Rozen:

Kumain ka na ba?

Ito iyong araw na iniwan ko ang pagkain ko doon sa loob ng cafeteria. Nireplyan ko ng pagsisinungaling.

Ako:

Oo.

Ang totoo niyan, galit ako sa pambablackmail niya. Galit ako sa kanya at galit din ako sa sarili ko. Ayaw kong ganito. Ayaw ko ng nakakasama ko siya dahil nilulunod ako ng guilt ko. Dahil alam ko sa sarili kong mali itong ginagawa ko sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko tatanggihan ang once in a lifetime opportunity na makasama si Noah sa isang date. Na mabigyan ako ng chance. Pero ayaw ko rin namang pagsamantalahan ang offer na iyon ni Rozen. Lalo na tuwing naaalala ko kung paano kumislap ang mga mata niya tuwing magkasama kami.

Kung sana ay pwede ko lang lokohin ang sarili ko na hindi niya ako mahal... na pinaglalaruan niya ako... pero di, eh. Dama ko iyon. Hindi ako tanga.

Rozen:

Liar.

Hindi na ako nagreply at nagpatuloy sa pag papak nitong maning binili ko kanina doon sa maliit na stool sa first floor nitong building namin. Ayaw ko ng gutom akong pumapasok sa klase. May tatlumpong minuto pa naman bago magsimula pero nasa classroom na ako sa takot na makasalubong ko ulit si Rozen kahit saan sa campus.

Ilang sandali ang nakalipas, habang nilamon ko ang huling mani ay may biglang kumatok na delivery boy sa pintuan ng classroom.

"Hello po, ma'am, nandito po ba si Coreen Samantha Aquino?" Sabay tingin niya sa buong classroom.

"B-Bakit? Ako yun?" Clueless kong tanong.

Nalaglag ang panga ko nang bigla niya ng ni-arrange lahat ng pagkain sa harapan ko. Hindi nagkasya sa armchair ko lahat ng pinamili kaya gumamit pa ng tatlo.

"WHAT'S THIS?"

"Galing po kay Mr. Elizalde."

Well, hindi naman ako baliw para umasang si Noah ang magpapadala sakin nito! It's ROZEN ELIZALDE!

"Hindi ko 'to matatanggap." Sabi ko pero nag walk out na si kuya delivery boy.

Napamura ako habang pinagmamasdan ang mga pagkain. Seriously, paano ko ito uubusin lahat? Inorder niya yata lahat ng meal sa isang fast food chain sa labas ng school. Magpapasalamat ba ako at hindi fine dining na delivery ang dumating o magmumura kasi inubos niya talaga yung lahat ng meal sa Mcdo?

Nilagay ko lahat ng ito sa bag. Kinain iyong iba. Hindi na ako magpapakaplastic, totoong ginugutom ako.

Dalawa na ang bag ko ngayong nasa isang bag ang lahat ng pagkaing binigay ni Rozen. Pagkatapos ng klase ay nakatanggap ako ng message ni Reina. Aniya'y magkita daw kami sa cafeteria. Ayaw ko sana dahil baka makita niya itong mga dala ko kaya lang curious ako sa mukha niya. Yes. Simula kasi noong dumating ako ng Manila ay kay laki ng pinagbago niya.

Sa wakas ay nadiskubre niya na ang salitang 'derma'. Marunong na rin siyang magbihis nang di nahihiya. For God's sake, Reina is older than me pero mas nauna pa talaga akong mahinog sa kanya. She's already 19. Ako, sa October pa mag na-nineteen. Hindi ko siya masisisi, ikaw ba naman palibutan ng tatlong makikisig na kuya. Talagang maantala ang pamumukadkad mo. At ako naman, hindi rin masisisi kasi sa murang edad, natamaan na ni kupido ang puso ko.

"Hey!" Sabi ko sabay lapag sa mga bag ko sa table ni Reina.

Hinihipan niya ang mataas niyang bangs at pinapanood itong bumababa.

"Palapit na talaga ang festival, Coreen." Napangiwi siya. "Wala akong gagawin. Huhu. Buti ka pa, involved sa student council."

"Palit kaya tayo? Buti ka pa nga at wala kang ginagawa. Eh ako? Lahat ng booths, iche-check ko ang liquidation."

"Naku! Ayaw ko niyan. Dudugo ang ilong ko." Nag pout siya.

Ang cute niya talaga. Ang tanging problema niya sa katawan ay ang self confidence niyang hilaw. Lagi niyang minamaliit ang sarili niya. Laging pakiramdam niya ay di niya kaya, na pangit siya, na... the list goes on. Lahat ng ka tangahan, nasa kanya niya. Pero mahal ko ito...

"Eh ba't ba kasi di ka sumali doon sa pagdedesign sa fashion show. Play on your forte, Reina. Hindi naman sa sinasabi kong forte ko ang negosyo-"

"Oo. Forte mo ang negosyo kasi tuso ka."

Tumawa ako. Umirap siya. "Wala naman akong planong mag negosyo, Reina. Nasa bank sina mommy at daddy kaya gusto kong sa bank din ako mag work. Iyon nga lang, ayaw ko ng nasa bank ako kung saan RD si daddy. Gagawa ako ng sarili kong pangalan. Kaya ikaw rin sana..." Ngumisi ako.

Kaya lang, ang babaeng ito ay hindi na ata nakikinig. Humahabang parang giraffe ang kanyang leeg sa kakatingin sa leeg ko. Nagkasalubong ang kilay ko. Sino kaya ang tinitignan niya?

Tumindig na lang bigla ang balahibo ko nang may narinig ako sa babaeng nasa gilid na tumili.

"ELIZALDEEE!"

Agad kong dinampot ang dalawa kong bag. Hindi na ako lumingon kahit saan. Diretso ang tingin ko kay Reina at sa pintuang nasa unahan.

"Reina, naiihi ako. Alis muna ako."

"Huh, P-Pero-"

Hindi ko na siya pinatapos, halos tumakbo na ako palabas ng cafeteria sa kaba. Mabilis ang pintig ng puso ko. Parang hinahabol ng mga kabayo. Parang tunog ng malakas na ulan. Ang sakit. Gusto atang lumabas. Hiningal ako nang nakarating sa soccerfield.

Hinawakan ko ang dibdib ko saka pinunasan ang pawis ko.

"Muntik na ako dun." Sabi ko.

Tinignan ko ring mabuti ang isang bag kong puno ng pagkain. Fries, maraming maraming burger, pies, chicken meal at kung anu-ano pa.

"Muntik... na..." Sabi ko ulit.

"Muntik ng ano?"

Natigil ako sa paghinga. Nanlaki ang mga mata ko. May nagsalita sa likod ko. At kilala ko kung sino iyon. Boses pa lang, malamig at mahinahon... kilalang kilala ko na.

"Muntik ng maabutan ko? Bakit? Iniiwasan mo ba ako?"

Napalunok ako saka hinarap ang pinakagwapong nilalang sa buong mundo. Medyo magulo ang buhok niya, pero perpekto parin ang pagkagulo nito. Matangos ang ilong, kasing tangos sa mga ilong ng kapatid niya. Labing manipis at kulay pink at mga matang malalim, tanda na malalim siyang tao.

Humalikipkip siya at tinitigan akong mabuti. Nalusaw ang tuhod ko. Nawalan ako ng lakas para tumayo. Pakiramdam ko, isang galaw lang ay babagsak ako.

"N-Noah..."

Umiling siya, "Iniiwasan mo ako?" Tanong niya ulit.

Umiling din ako. Halos sumakit ang ulo ko sa kakailing.

"H-Hindi."

"Kung ganun, bakit ka umalis doon?" Tanong niya.

Umihip ang malakas na hangin. Dahilan kung bakit natabunan ng buhok ang mukha ko. Inayos ko ang buhok ko para matignan siyang mabuti pero dahil sa dami ng dala ko ay hindi ko nagawa.

Humakbang siya palapit sakin. Bumilis at lumakas ang pintig ng puso ko. Ganyan. Ganyan ang pinaparamdam niya sakin. Lagi.

Hinawi niya ang buhok na nakatabon sa mukha ko.

"Tell me, Coreen. Ba't ka umalis doon?"

Nag iwas ako ng tingin at napalunok. It's his gaze... Magaling akong magsinungaling, pero tuwing tinititigan niya ako ng ganito, hindi ko kaya... Inipit kong mabuti ang labi ko nang sa ganun ay hindi ko masabi ang totoo.

Ayaw niya sa mga babae ni Rozen. Sa oras na sabihin ko sa kanyang si Rozen ang iniiwasan ko, magdududa agad siya. Alam kong nagdududa na siya noon pa man na babae ako ni Rozen, pero ayaw kong patunayan ang pagdududa niyang iyon.

Hinanap niya ang tingin ko. Nang nahanap niya ay pinikit kong mabuti ang mata ko at nag iwas ulit ng tingin.

"Hindi naman ako umiiwas sayo. Kailangan ko lang umalis. Kasi..."

Kinagat ko ang labi ko at pinaglaruan ang pangalawang bag na dala ko. Nandoon sa loob ang mga pagkain. DARN!

"K-Kasi..."

"Kasi?" Hinuli niya ulit ang tingin ko.

Uminit ang pisngi ko sa ginawa niya.

"Kasi... ano mamimigay ako ng pagkain sa street children." Sabi ko.

Napaawang ang bibig niya. Unti-unti kong inangat ang paningin ko sa kanya at nakita ko siyang ngumisi. Ngisi niya pa lang, nalulusaw na ang puso ko.

"Asan ang pagkain mo?" Tanong niya.

"Eto oh." Sabay pakita ko sa bag na may pagkain sa loob.

Tumango siya at tumawa, "Really? Why?"

"K-Kasi..." Napakamot ako sa ulo. "Advance birthday celebration?"

"Huh? Sa October pa ang birthday mo, ah?"

Natigilan ako sa sinabi niya. ALAM NIYA KUNG KAILAN ANG BIRTHDAY KO? Nang narealize niyang natigilan ako ay nag iwas agad siya ng tingin.

Napangisi ako. Gusto kong umiyak. Simpleng bagay lang iyon pero hindi ako makapaniwala. Nakita kong pumula ang pisngi niya at hinablot ang bag na dala ko.

"Tulungan na kita. Saan banda?" At naglakad siya, nilagpasan ako.

Ako ay tumunganga at parang baliw na ngumisi. This is it! Is this it? Puputulin ko na ang koneksyon namin ni Rozen... dahil pakiramdam ko, ito na ang hinihingi kong chance! Hindi ko na kailangang maguilty...

Parang kinurot ang puso ko. Hindi ko kaya... Si Rozen. Hindi ko kaya... Mula nung bumalik kami galing student congress ay nabubuhay na ako araw-araw dahil sa kanya. Sa alarm na ni set niyang pang araw-araw. Sa good for two months na reminders, sa mga pagkain, sa mga paalala niya sa bawat text, sa lahat... Hindi ko na alam.

Naistorbo ang pag iisip ko nang kumunot ang noo ni Noah.

"Coreen, I said, let's go... I'll help you."

Tumango agad ako at walang pag aalinlangang sumama sa kanya.

Nakasunod ako sa kanya. Likod niya lang ang pinagmamasdan ko. Maraming bumabati sa kanya. Maraming nakikipag highfive. Ngumingisi lang siya sa kanila at tumatawa.

"Oh, Noah, saan ka papunta dude?" Tanong ng isang lalaki habang tinitignan ang bag niyang dala.

Sinenyasan niya lang ang lalaking iyon na tignan ang likod niya (kung nasan ako). Unti-unti akong nilingon noong lalaki. Nagkibit-balikat ang lalaki at tinapik ang braso niya.

"Good luck, dude!"

Nagtawanan silang dalawa. Uminit ang pisngi ko. Ano kaya ang ibig sabihin non?

Nang nakalabas na kami sa school ay itinuro ko sa kanya ang park na malapit doon kung saan maraming street kid na namamalimos.

Tumango siya at hinintay akong maglakad sa tabi niya. Uminit ulit ang pisngi ko. Nang naglakad na kaming dalawa, pakiramdam ko para akong lumulutang sa ere.

Tahimik lang kami, pero sapat na sakin iyon para kiligin ako ng todo todo. Nang nakarating na kami sa park, may nakita na kaming tatlong batang musmos. Namamalimos sila sa bawat dumadaan doon.

Tumayo lang si Noah doon at tinignan ang mga bata. Nilapitan ko ang mga bata. Nang nakalapit na ako sa kanila ay tinawag ko sila.

"Pssst... Mga bata." Sabi ko. "Gusto niyo ng pagkain?"

Lumapit sila sakin.

"Opo! OPO!" Sabay sabay silang nagsalita.

Tumawa ako at nag squat para mas makita ko ang mukha nila. Nilingon ko si Noah at nakita ko siyang lumapit samin.

"Ako nga pala si Ate Coreen." Ngumisi ako. "Eto si Kuya Noah. Ikaw?"

"Ako po si Monmon. Eto si Totoy. At eto naman po si Kiko." Sabi noong mukhang nakakatanda.

Tumango ako, "May dala kaming pagkain sa inyo. Hindi ko na kayo bibigyan ng pera, ah? Pagkain na lang. Okay ba yun?"

"Sige po! Sige po!" Sabay-sabay ulit sila.

Tumawa ako at naglahad ng kamay kay Noah. Ibinigay niya sakin ang bag na may lamang mga pagkain. Dinumog ako nilang tatlo.

"Sandali lang." Sabi ko nang masyado na silang malapit. "Baka matumba ako. Dapat fair. Sige. Mag line kayo." Utos ko sa kanila.

Sinunod nila ako. Binigyan ko sila isa-isa ng iba't ibang meal. Isa-isa din sila sa burger. Isa-isa din sila sa drinks at sa pies. Naubos ang mga pagkain sa loob ng bag. Napakinabangan ko rin, phew!

"O? Anong sasabihin niyo kay Ate Coreen at Kuya Noah?" Sabi ko nang abala na silang kumakain.

"Salamat poooo..."

Ang pinakamaliit ay niyakap pa ako sa binti. Tumawa na lang ako.

"Oh, sige na. Aalis na kami ni Kuya." Sumulyap ako sa nakangiting si Noah.

Kanina pa siya walang imik pero natutuwa naman pala siya.

"Sige po. Salamat ulit." Sabi ni Monmon.

Tatalikuran na sana namin sila kaso...

"Ay ate... Uh..." Nagkatinginan silang dalawa ni Totoy.

Nag sikuhan pa ang dalawa.

"Hmmm?"

"Mag asawa po ba kayo ni Kuya Noah!?" Ngumisi pa sila.

Nalaglag ang panga ko. Nilakihan ko ang mata ko habang tinitignan ang bata. Patay! Baka anong sabihin ni Noah!

Unti-unti akong umiling. Tinignang mabuti ni Monmon ang ekspresyon ko sa mukha kaso... May naramdaman na akong kamay na dumausdos sa baywang ko.

"Oo. Mag asawa kami." Tumawa si Noah.

Lumakas ang pintig ng puso ko. Nanigas ako sa kinatatayuan ko habang dinarama ang kamay ni Noah sa baywang ko.

"Uyyy!" Tumawa ang mga bata.

"O-O... S-Sige... Alis na kami." Nauutal kong pagpapaalam.

"Babay pooo! Sana magkaanak kayo ng marami!" Nanunuyang sinabi ni Monmon.

Mas lalong uminit ang pisngi ko. Tumawa na lang si Noah. Hindi ko siya kayang tignan sa sobrang kahihiyan. Ang tanging iniisip ko na lang ngayon ay ang kamay niyang nasa baywang ko.

Kinalas niya ito nang nakaalis na kami sa park pero hindi parin natigil ang tawa niya.

"Wa'g ka nga, Noah. Nakakahiya." Sabi ko nang di makatingin sa kanya.

"Ang inosente ng mga bata." Tumawa ulit siya.

Pumikit ako ng mariin. Gusto kong kumbinsihin ang sarili ko na wala siyang nararamdaman para sakin. Na kahit kailan ay mananatili akong nasa sidelines lang at humahanga sa kanya... pero bakit ngayon iba ang nararamdaman ko? Assuming ba ako o talagang may pinaghuhugutan ang pag asa ko sa kanya?

Nang humupa ang tawa niya ay tumigil ako sa paglalakad. Natigilan din siya at lumingon sakin.

"Bakit, Coreen?" Mapupungay ang mga mata niya nang tinignan ako.

Kinagat ko ang labi ko, "Noah... Can we date?"

Napawi ang kaonting bakas ng ngiti sa labi niya. Alam ko na agad ang sagot. And it's still "No."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: