XXVIII. Unexpected
| Philippines, Earth |
Nakapikit man ang mga mata ni Mandy version 2.0 ay alam niyang nakahiga siya sa isang kama. Dahan-dahan siyang nagmulat at bumungad sa kaniya ang sementadong dingding na kulay krema. Pagtingala naman niya ay pintado ng kulay puti ang kisame.
Sa puntong iyon ay alam na niyang nasa ospital siya.
Ibinaba ni Mandy ang tingin. Nakita niya si Ben na nakaupo sa isang monoblock chair habang nakasubsob sa kamang hinihigaan niya. Sa couch naman ay nakahilata si Cia na himbing na himbing sa pagtulog.
"Shocks, naiihi ako." Akmang bababa siya nang kumirot ang kaniyang tagiliran.
"Ouch!" Mas bearable naman ang sakit ngayon kumpara sa naramdaman niya bago siya mawalan ng malay.
"M-Mandy!" Naalimpungatan si Ben dahil sa pagdaing ng huli. "Huwag kang kumilos. Katatapos mo lang operahan."
"Operahan?"
Tumango ang binata. "Inalis 'yong appendix mo. Buti nga naagapan ang pagdadala sa iyo rito sa ospital kaya hindi iyon naging ruptured."
Nawala ang kuryosidad sa mukha ni Mandy. "Kaya pala sobrang sakit ng tagiliran ko."
Tumawag ng nurse si Ben para i-assist si Mandy. Nang okay na ang lahat ay inasikaso naman ng binata ang pagkain ng huli.
"Hipan mo muna bago mo kainin. Medyo mainit." Akmang isusubo ni Ben ang kutsarang may lugaw kay Mandy nang pigilin siya nito.
"Ako na, Ben. Appendectomy lang ang ginawa sa akin. Hindi ako pinutulan ng kamay."
Hindi napansin ni Mandy ang gumuhit na pait sa mukha ng binata dahil pinagtuunan na niya ng pansin ang pagkain.
Nakakadalawang subo palang siya nang mapatigil siya. Napahigpit ang hawak niya sa kutsara nang maalala kung saan siya nanggaling bago siya magkamalay sa ospital. Sa limbo.
Ngayon ay kinikuwestiyon na niya ang sarili kung tunay bang nangyari iyon o parte lang ng isang panaginip. Mas lamang pa rin na gusto niyang maniwala.
"Ben..."
"Hmm?" Tiningnan siya ng mga mapupungay na mga mata ng binata.
"Nagkita kami ng bestfriend mo."
***
Mag-isa na lang si Mandy version 2.0 sa loob ng hospital room. Kaaalis lang ni Ben para pumasok sa trabaho. Mapayapa ang mukha nito nang malamang ayos ang kalagayan ng bestfriend sa kabilang mundo. Naikuwento na kasi ni Mandy sa binata ang naging takbo ng pag-uusap nila ng kaniyang parallel version.
Samantalang si Cia at ang nanay naman nito ay on the way palang papunta sa ospital para magbantay.
Nangingiting hinaplos ni Mandy ang tiyan. Lalong sumidhi ang pagnanais niyang makabalik sa mundong kinamulatan.
Gusto niyang maranasan ang alagaan ang anak habang nasa kaniyang sinapupunan. Gusto niyang mahirapang matulog kahahanap ng perpektong posisyon nang hindi naiipit ang tiyan. Nais niyang maranasan na mag-crave sa iba't ibang pagkain dahil sa pagbubuntis. Ang morning sickness, ang pagpunta sa gynecologist. Mas lalo't higit niyang nais maranasang iluwal ang batang binuo nila ng kaniyang asawa.
Hindi niya maiwasang malumbay nang sumagi sa isip ang asawa. Napakarami pa sana niyang itatanong kay Mandy na nasa kaniyang mundo ngunit wala na silang sapat na oras para makapag-usap nang mas matagal sa limbo na kanilang pinanggalingan.
***
Pangatlong araw na ni Mandy version 2.0 sa ospital. Idi-discharge na siya mayamaya. Mama lang niya ang kasama niya ngayon. Nasa cashier lang ito para mag-asikaso ng bill.
Pansamantala munang umuwi si Cia kasi may aasikasuhin daw at si Ben naman ay dumiretso muna saglit sa bahay para umidlip. Babalik na lang ito mamaya para sunduin sila.
Sa pag-iisa ni Mandy ay humaging sa kaniyang isip si Kian- 'yung binatang Kian na nasa mundong kaniyang ginagalawan ngayon.
Noong unang araw niya sa ospital ay naka-video call niya ang binata.
"Ano? Tinanggalan ka ng appendix?" Kung ilang gatla ang lumitaw sa noo ni Kian dahil sa labis na pag-aalala ay hindi nabilang ni Mandy. "How are you feeling?"
"Okay na ako. Medyo makirot pa rin pero dahil lang siguro sa sugat ng pag-opera pero 'yong sakit na dulot ng namamagang appendix e wala na." Nagpakawala ng ngiti si Mandy. "I'm good, Ki. Wala ka nang dapat ipag-alala."
"Hindi ko maalis sa sarili ko ang pag-aalala, Mandy." Nagpakawala ng hangin si Kian mula sa dibdib. Lungkot ang ipinakikita ng kaniyang mga mata. "Kung malapit nga lang ang Ireland sa Pilipinas, nandiyan na agad ako, eh."
"Sapat na sa aking malaman na nag-aalala ka." Nag-thumbs up si Mandy. "O sige na. May rehearsal pa kayo."
Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Mandy.
Mula ng araw na iyon ay hindi na nagparamdam sa kaniya si Kian. Ni ang kumustahin siya ay hindi nagawa ng huli.
Napabusangot si Mandy. Tampo is not the right term. Siguro hindi lang niya nagustuhan ang naging response ni Kian. Na isang red flag para sa isang lalaki ang pagiging missing in action sa mga panahong kailangang-kailangan niya ng karamay.
Hindi niya mapigilang ikumpara ito sa asawa.
Kung asawa ko ang makaalam nitong sitwasyon ko, paniguradong hindi iyon aalis sa tabi ko. I know him very well.
Sa pagkakataong iyon ay naalala niyang nakatagpo niya ang ka-parallel version niya sa limbo. Ibig sabihin noo'y may nararamdaman ding sakit ang babae tulad niya sa mga panahong nandoon sila.
Na siguro, sa mga panahong nasa limbo ito ay alagang-alaga ng asawa niya ang katawan ng babaeng iyon.
Tila ba may aspile na sumugat sa puso niya.
I'm very jealous. Ako dapat ang inaalagaan ng asawa ko. Ako dapat.
Kumawala ang mainit na luha mula sa kaniyang mga mata na agad din niyang pinahid. Ayaw niyang magpagupo masyado sa emosyon dahil baka tuluyan na siyang kainin nito.
Halos natuyo na niya ang pisngi nang may kumatok mula sa labas ng kaniyang hospital room. Hindi na niya nagawang magtanong kung sino iyon dahil kusa nang ipinihit ng kung sinuman ang doorknob para mabuksan ang pinto.
Nanigas siya sa kinauupuan nang kaniyang mapagsino ang dumating.
Si Kian.
"K-Kian?"
"Ako nga, Mandy." Abot-taingang ngiti ang ipinukol ni Kian sa kausap.
Dahan-dahan ang naging pagpasok ng binata dahil sa bitbit na bouquet at naglalakihang helium balloons. Bukod pa roon ay may nakasabit ding basket sa may braso nito na punum-puno ng iba't ibang klase ng prutas..
"Are you surprised?" bungad ni Kian nang maibaba niya ang mga dala sa side table.
Bahagyang nakaawang ang bibig ni Mandy nang harapin ang binata. Nang makahuma ay itinikom na niya iyon. "Kahit naman sino e magugulat, eh. You came all the way from Ireland just to visit me?"
Ginagap ni Kian ang kamay ni Mandy na walang nakasaksak na IV fluid. "Hindi ako mapakali at makapag-focus mula nang malaman kong nagkaroon ka ng major surgery. I was originally planning to just order flowers online but in the end, I decided to just come here and check on you personally to make sure you are okay."
May sumungaw na ngiti sa mga labi ni Mandy.
Sorry if I misjudged you earlier, Kian. aniya sa sarili.
"P-Pero paano ang work mo?"
"Sa susunod na linggo pa ang next schedule namin," magiliw na saad ni Kian. "I can stay here for a couple more days to make up to you." Dinala ng binata ang kamay ni Mandy sa kaniyang mga labi para bigyan ng magaang halik.
Nasa ganoon silang puwesto nang bumukas ang pinto.
"Hello. I'm her—" Napatigil sa paglalakad ang bagong pasok. Si Ben.
May bitbit itong fruit net bag na naglalaman ng tatlong piraso ng oranges.
Una itong napatingin kina Kian at Mandy. Pagkatapos ay bumaba ang mga mata nito sa kamay ni Mandy na hinalikan ng binata.
Pagkatapos noon ay lumipad ang tingin nito sa side table na punong-puno ng mga dala ni Kian.
Lihim na bumagsak ang mga balikat ni Ben dahil doon.
"Pre," unang bati ni Kian kay Ben. Kapwa nagbatian ang dalawa sa pamamagitan ng sabay na pagtaas ng dalawang kilay.
"Nandito ka pala." Ipinatong ni Ben ang dalang oranges sa basket.
"Oo, eh. Dinadalaw ko kasi si Mandy."
"Di ka ba hinahanap doon? Di ba busy kayong mga nasa boyband?" Nasa tinig ni Ben ang hindi direktang pananaboy kay Kian.
"Ben." Binigyan ni Mandy ng warning look ang binata.
Tila ba inignora ni Kian ang sinabi ni Ben. "Di naman. Nandito nga rin si Nicky. Pinuntahan din si Cia. Sabay na lang kami uuwi."
Napatuwid sa pagkakaupo si Mandy. "Aba't akalain mo nga naman. Kaya pala ayaw sabihin kung bakit uuwi e makikipagtagpo pala kay Nicky." Natatawang-naiiling na lang si Mandy.
***
Mayamaya ay nakabalik na ang mama ni Mandy. Ayos na ang bill kaya puwede na siyang i-discharge. Kasunod nito ay ang nurse na may tulak-tulak na isang wheel chair.
Nag-unahan sina Ben at Kian sa pagkuha noon. Ang ending e nagkasabay pa sila.
"Ako na, pre."
"Hindi, pre. Ako na. Sa iyo na lang ang gamit," pagpupumilit ni Kian.
"Pre, ako na. Ako naman ang nag-request niyang wheel chair."
Nagkakaroon na ng tensiyon sa paligid kaya nakapagdesisyon na si Mandy.
"Simpleng wheel chair lang, pagtatalunan n'yo pa. Maglalakad na lang ako."
Isinukbit ni Mandy ang bag at tuloy-tuloy na siyang lumabas sa room kasama ang kaniyang ina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top