XXIX: Resist

| Ireland, Parallel Universe |

Dahan-dahang iminulat ni Mandy ang mga mata niya. Nang tuluyang makapag-adjust ang mga iyon sa liwanag ay nabungaran niya si Rachelle sa kaniyang tabi. Noong una'y puno ng pag-aalala itong nakatingin sa kaniya ngunit napalitan iyon ng tuwa nang makitang gising na siya.

"Kian, gising na si Mandy. Gising na ang asawa mo!" histeryang saad ni Rachelle.

Wala pang ilang saglit ay nasa tabi na rin ng kama ni Mandy si Kian.

"Babe..." Hinaplos-haplos ng lalaki ang buhok ng asawa. Sinundan iyon ng pagdapo ng magaan niyang paghalik sa noo ni Mandy.

"Ano'ng nangyari?" Pakiramdam ni Mandy ay lumulutang siya sa hangin sa gaan ng pakiramdam. Wala pang limang segundo ay napatda siya. Agad siyang napahawak sa medyo umuumbok na tiyan. Walang hudyat na umahon ang kaba sa kaniyang kalooban. "A-Ang baby ko?" Hintakot na nilingon niya si Kian. "A-Ang baby natin?"

Unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ni Kian. "Malusog na malusog si baby. Malakas ang kapit niya sa iyo, babe."

"Sure ba 'yon?"

Maganang tango ang isinagot ng lalaki.

"Pero..." Napatigil si Mandy sa pagsasalita. Tila ba nakuha na niya agad ang dahilan ng biglaang pagsakit ng kaniyang tagiliran bago siya mawalan ng malay sa kotse.

Napagtanto niya na maaaring kaya nasa limbo sila ng Mandy na nakapalitan niya ng mundo e dahil may iniindang sakit ang huli, at ang sakit nito ay nararamdaman din niya sa parehong pagkakataon.

Kung bakit ay tiyak siyang pati siyensiya ay hindi rin makapagbibigay ng kasagutan.

***

Na-discharge din naman sa parehong araw si Mandy. Kahit walang nakitang kumplikasyon sa batang dinadala ay binigyan pa rin naman siya ng gynecologist ng pampakapit para sa ikapapayapa ng kalooban niya at ni Kian.

"Babe, kaya ko nang maglakad," protesta ni Mandy nang buhatin siya ni Kian pagkababa ng kotse.

"I am protecting you, babe." Inayos ni Kian ang pagbubuhat sa asawa. "Hold on tight."

"Ayyy!" Napakapit nang mahigpit si Mandy kay Kian nang mag-umpisa nang maglakad ang huli.

Nang masigurong ligtas sa mga kamay ni Kian ay napayapa ang loob ni Mandy. Sa puntong iyon ay tiningala niya ang lalaki. Namungay ang kaniyang mga mata nang mapagmasdan ang mukha nito.

Sa pagkakataong iyon ay para bang may mga lusis sa paligid ng puso niya na nagpapalagablab nito, dahilan para uminit ang mga pisngi niya.

Hanggang sa mailapag siya ni Kian sa kama ay ganoon pa rin ang nararamdaman niya.

"In love ka na naman sa akin, babe." Napakurap-kurap si Mandy nang magsalita si Kian. Hindi niya napansing kanina pa pala siya nakatulala kay Kian sa lalim ng kaniyang iniisip.

Tumawa nang marahan si Kian kaya lumabas na namang muli ang ngiti nitong palaging nagpapalaglag sa puso ni Mandy. Ngiting nagpapasigla at nagbibigay kulay sa buhay niya.

Humiga si Kian sa tabi ng asawa. Kinabig niya ang huli papalapit sa kaniyang dibdib gamit ang makapangyarihan niyang braso.

Napasinghap si Mandy. Bumalot sa kaniyang katawan ang init ng pagmamahal na ipinadarama sa kaniya ng lalaki. She wanted to reciprocate it but there was a wall on her heart blocking her to do that.

Hindi siya ang Mandy na pinakasalan ni Kian. Isa lamang siyang impostor.

She did her best to hide the pain in her eyes. It was then she realized that she is closely falling to a pit of being in love. Glad that she is still able to resist that feeling.

Maling umibig siya sa Kian sa mundong ito. Maling-mali. Hindi sa kaniya si Kian. Asawa ito ni Mandy, pero hindi siya ang Mandy na iyon.

"Napakasuwerte niya talaga sa 'yo."

Nakagat ni Mandy ang dulo ng dila sa pag-aakalang sa isip lang niya nasabi iyon.

"Niya?" Confusion ang nakasalarawan sa mukha ni Kian.

"Niya, ni baby." Pinakaswal ni Mandy ang tinig habang sinusubukang hindi gumaralgal. "Napakasuwerte niya na ikaw ang daddy niya." Hinawakan ni Mandy ang pisngi ni Kian.

Kinuha ni Kian ang kamay ni Mandy na nakadantay sa kaniyang pisngi. Idinala niya iyon sa bibig at hinagkan. "Sa iyo masuwerte si baby. Napakaalaga at napakamapagmahal ng mommy niya."

Nakangiting nagtinginan silang dalawa.

Nasa ganoon silang ayos nang makatanggap ng tawag si Kian. Sandali muna itong tumayo at lumayo nang kaunti. Hindi naman nagtagal ang pakikipag-usap nito sa nasa kabilang telepono.

"Babe, I have to go for a while. Kailangan ko lang puntahan si Nicky." Umupo si Kian sa may gilid ng kama para isuot ang rubber shoes. "Nagpapakalasing daw siya. Pakakalmahin muna namin."

"Ha? Bakit daw?"

Nilingon ni Kian si Mandy. "Cia broke up with him last night."

Napaawang nang kaunti ang bibig ni Mandy. Ni sa hinagap ay hindi naisip niyang gagawin iyon ng kapatid.

"I have to go, babe." Hinalikan siya ni Kian sa pisngi. "Babalik ako agad."

***

Wala na si Kian ay nanatili pa ring nakatingin si Mandy sa pinto ng kuwarto nila. Nang mahimasmasan, agad niyang kinontak si Cia.

Sa isang ring lang ay sinagot agad iyon ng dalaga.

"Ate..."

"Nasaan ka? Pupuntahan kita." Puno ng pag-aalala si Mandy nang mahinuhang sumisigok-sigok si Cia sa kabilang linya.

Nang makuha ang address kung nasaan ang kapatid ay nagbihis agad si Mandy para puntahan ito.

***

"I decided to continue the pregnancy, ate."

Gumaan ang mukha ni Mandy nang sambitin iyon ng kapatid.

Nasa isang hotel sila sa County of Mayo. Pinaghalong krema at puti ang tema ng mga gamit. Aparador, upuan, kurtina, lampshade, at iba pa. Ang sahig naman ay kulay puti na may disenyo ng cloverleaf sa pa-diagonal na direksiyon.

Dito naglalagi si Cia mula nang huli itong makita ni Mandy ilang linggo na ang nakaraan. Walang ibang pinagsabihan ang dalaga upang makapag-isip isip siya. Si Mandy palang ang una.

Magkatabi silang nakaupo sa dalawang bangko na may kaharap na lamesita. Nasa balkonahe sila kung saan natatanaw ang Croagh Patrick, ang bundok na itinuturing na holiest pilgrimage site sa Ireland, kung saan ayon sa mga aklat, ay nag-ayuno si Saint Patrick sa loob ng apatnapung araw noong 551 A.D.

"Happy to hear that you changed your mind, Cia." Hinagod ni Mandy ang likod ng kapatid. Umiiyak kasi ito ngayon. "Pero hindi ba dapat masaya ka? Bakit ka umiiyak?"

Napapikit siya nang marin bago nagsalita. "I broke up with Nicky."

I know. Kian told me. Gusto sana iyang sabihin ni Mandy. Sa halip ay hinayaan niyang magpatuloy sa pagsasalita si Cia.

"My conscience is eating me up everytime I'm being reminded that I planned to murder Nicky and I's own child." Umiling-iling si Cia. Kapagka'y suminghot sa hawak na panyo. "He doesn't deserve me."

Hinawakan ni Mandy ang kamay ng kapatid. "But you didn't continue your plan, right? Nicky would understand you. Nakikita ko namang mahal na mahal ka niya, eh. At ano, you'll raise the kid without him? Malalaman at malalaman pa rin iyan ni Nicky."

Napatingin sa kawalan si Cia. "Sure ka bang matatanggap ako ni Nicky, ate?"

Isang reassuring smile ang pinakawalan ni Mandy sa kapatid.

***

Tahimik na pinagmamasdan nina Kian at Mandy sina Cia at Nicky na nag-uusap sa balkonahe.

Nandito sila ngayon sa parehong hotel room na pinagtagpuan nina Mandy at Cia kanina.

Matapos ang masinsinang pag-uusap ng dalawa ay nakumbinsi rin si Cia na kausapin si Nicky.

Walang sinayang na oras si Mandy. Agad niyang kinontak ang asawa na noo'y kasama ni Nicky. Mayamaya pa nga ay dumating na rin ang dalawa.

Hindi man naririnig dahil nasa loob sila ng kuwarto ay halata nina Mandy ang lalim at kaseryosohan ng paksa ng magnobyo na nasa may balkonahe. Nanatili lamang na nakatungo si Cia habang nagsasalita, tila nahihiyang salubungin ang tingin ni Nicky.

Si Nicky naman ay matamang nakatingin sa dalaga. Halata ang interes sa kaniya sa bawat sinasabi ng huli.

Nang tumigil sa pagsasalita si Cia ay may namuong tensiyon sa pagitan ng dalawa. Itinungo ni Nicky ang sarili habang nakaupo. Ipinatong niya ang dalawang siko sa mga hita at paulit-ulit na sinusuklay-sabunot ang buhok gamit ang kamay.

Mayamaya ay umisog siya palapit kay Cia at kinabig ang dalaga patungo sa kaniyang dibdib. Sa pagkakataong iyon ay gumanti ng yakap si Cia na sinundan ng paghagulgol at pagyugyog ng kaniyang mga balikat.

Sabay na napahinga nang maluwag sina Kian at Mandy nang masaksihan ang kinahinatnan ng dalawa. They looked at each other and chuckled softly.

Hinanap ni Kian ang kamay ng asawa. Nang mapagtagumpayan ay ikinulong niya iyon sa mga palad at pinisil-pisil.

Nilisan na nila ang hotel room para bigyan ng privacy ang dalawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top