XVIII. Persistent
| Philippines, Earth |
Quiapo, Manila
"Ate, hindi ako makapaniwala na nagawa mo ang lahat ng ito ngayong araw lang," ani Cia na inaayos ang mga painting ni Mandy version 2.0.
Nakapuwesto sila sa may gilid ng Quiapo church. Doon ay nakabalandra ang ilang painting na sa unang tingin ay mukhang simple pero sa katagalan ng pagtitig doon at lumalabas ang ilang detalye na tila ba ay nakatago sa larawan.
"Masanay ka na," sagot ni Mandy. "Sa mundo ko, apatnapung paintings ang pinakamababa kong nagagawa sa isang araw. And believe me, I could sell those for thousands of euros."
"Ang galing mo talaga. Pero ate, huwag mo masyadong galingan kasi baka sumikat ka then kapag bumalik na ulit 'yong ate ko e ma-shock siya sa dami ng nagpapagawa sa kaniya ng painting."
Napatawa lang sila.
Sandaling napatigil ang dalawa nang may matandang mag-asawa na nag-inquire sa pagpapagawa ng on-the-spot portrait. Magiliw na kinausap ni Mandy ang mga ito. Nang magkasundo sa presyo ay umupo ang customers ilang dipa ang layo mula sa dalaga.
Pagkatapos ng dalawampung minuto ay natapos na si Mandy. Ipinakita niya ang pinal na resulta sa kliyente.
Amusement ang nasa mukha ng dalawang matanda na sa porma palang ay halata na ang yaman. "Can’t believe that you painted us that fast, hija! Akala ko ay aabot ng ilang oras ang pagpipinta mo sa amin."
"Salamat po." Tipid lang na ngumiti si Mandy na wari’y sa loob-loob ay tuwang-tuwa sa compliment na natanggap.
"How much is this?" Dumukot sa bulsa ang lalaki. Kinuha niya mula roon ang matabang wallet.
Nagtinginan sina Cia at Mandy. Kapwa nila hindi alam ang isasagot. Ito ang kauna-unahang pagkakataong may nagpa-drawing sa kanila on-the-spot.
Nang walang maapuhap na sagot ay hinarap ni Mandy ang mag-asawa. "Okay na po ba ang wanpayp?"
Napatigil ang lalaki, wari ba ay nagulat. "P1,500.00?"
Napatungo si Mandy, wari ay nahiya. "S-Sorry po. P1,200.00 na lang po. Twenty minutes ko lang naman p—"
"No, no, no, hija." Kumuha ng kumpol na lilibuhin ang lalaki. "P1,500.00 is considered a small amount to pay a great artist like you. You deserve more."
Nanlaki ang mga mata nina Cia at Mandy sa ibinayad ng matanda. Umabot sa labindalawang libong piso!
May ngiti sa mga labi ang matatanda nang magpaalam sa dalawang dalaga.
"Ate? Ang lupit naman. Mantakin mong kumita ka agad niyan sa isang bagsakan?"
"Ako rin naman." Sinundan ni Mandy ng tanaw ang mga kaaalis lang. ""At dahil first client ko sila na medyo malaki-laki ang bigay, manlilibre ako." Makailang-ulit inangat niya ang dalawang kilay.
"Tumataginting ang tainga ko kapag nakakarinig ng libre, eh." Ngumirit si Cia. "Sige, ate. Ubusin lang natin ’yong ibang paintings para wala na tayong dadalhin sa pag-uwi."
Ganoon nga ang ginawa nila. Dalawang oras pa silang nanatili sa puwesto para ibenta ang nalalabing painting.
Hindi naman sila nabigo. Sold out ang lahat ng artworks ni Mandy na umabot din sa walonlibong piso ang halaga.
***
"Kumain ka lang nang kumain, Cia. Mamaya e manonood pa tayo ng isang movie," saad ni Mandy.
"Ate, marami na tayong kinain kanina sa sinehan. Baka hindi ko na maubos ito," reklamo ng dalaga na lumalantak ng takoyaki. "Ganito ka rin ba mang-spoil sa kapatid mo sa mundo mo?"
Napatigil si Mandy sa pagkain. Tiningnan niya ang kasama. "Dati."
Kumunot ang noo ni Cia. "What do you mean dati?"
Sumimsim muna sa milkshake si Mandy bago nagsalita. "Noong nag-aaral pa ang kapatid ko, dependent siya sa akin, which was actually a good thing ha? Masaya ako na naibibigay ko ’yong mga gusto niya. Kuntento ako na naibibili ko siya ng mga bagay na kailangan niya. Natigil lang noong matuto siyang tumayo sa sariling mga paa. I mean, okay lang din naman kasi at least natuto siyang buhayin ang sarili niya... but sometimes I miss my little sister."
Lumiwanag ang mukha ni Cia. "Kaya pala ganito ka sa akin ngayon."
"Parang gano’n na nga." Itinusok ni Mandy ang straw sa matcha milkshake na hawak. "Minsan lang ito. Lubusin mo na. Sa mga susunod e maghihigpit na ako sa finances para unti-unting magkaroon ng financial freedom ang ate mo at saka para may pambili na tayo ng VIP ticket."
"Siyanga pala, ate. May nakausap na ako na puwedeng mabilhan ng ticket sa concert. Row 2 na 'yong best seats na nahanap ko kaso may dagdag na dalawang libong piso per ticket. Ipu-push na ba natin?"
"Ipa-reserve mo na. Tatluhin mo ha? Isasama natin si Ben."
"Walang problema." May chinat si Cia at mayamaya pa ay napaskilan ng ngiti ang kaniyang mukha.
"Reserved na, ate. Available for meet up 'yong seller anytime."
Tumango si Mandy. "Sige. Lalo ko pang sisipagan ang pagpipinta para madaling makaipon."
Ilang oras pa ang itinagal ng dalawa sa mall. Kung saan-saang shops pa sila dumaan na pinangunahan ni Mandy kaya ang lilibuhing kinita nila sa araw na iyon ay naubos.
***
Pagal na umuwi ang dalawa habang bitbit ang napakaraming shopping bags na pinaglalagayan ng mga pinamili nila kanina.
"Napapadalas yata ang kamo-mall n’yo, ah," pansin ni Rosie sa kaniyang mga anak. Sinilip-silip nito ang shopping bags na ipinatong nina Mandy at Cia sa ibabaw ng center table. "Credit card ba ang ipinambayad ninyo rito?"
Makahulugang nagtinginan sina Mandy at Cia.
"Don’t worry, 'Ma. Hindi iyan galing sa credit card." Tumayo si Mandy at kumuha ng isang shopping bag. Ibinigay iyon sa ginang. "Binili ko po pala para sa inyo."
Dali-daling binuklat ni Rosie ang ibinigay ni Mandy. Isa iyong handbag na ang brand ay Secosana.
"Salamat, 'nak. Pero saan n’yo ba pinagkukuha ang pambili nito? Baka kung saan-saan kayo nangungutang pambili ng luho, ha?"
Tumayo si Cia at nilapitan ang ina. Ipinakita ng dalaga ang hawak na cellphone. "Sa art commission, 'Ma. Gumagawa ng paintings si ate."
Kumunot ang noo ng ginang. "Art commission?" Umupo ito. Nilingon niya si Mandy. "Kailan ka pa natutong gumuhit, 'nak?"
Muling ibinaling ni Rosie ang tingin sa cellphone. Ini-swipe nito isa-isa ang pictures nina Mandy at Cia kanina.
Naglipat-lipat ang tingin ng ginang sa cellphone at kay Mandy. Mayamaya ay ibinalik na nito ang hawak sa bunsong anak.
Isang nagtatanong na tingin ang ipinukol ni Rosie kay Mandy. Mayamaya pa ay nilapitan niya ito at pinisil-pisil ang mukha.
Mataman niyang tiningnan ang bawat detalye ng mukha ng anak. "Ikaw pa rin naman ang anak na pinalaki ko. Pero parang may kakaiba, eh. Parang... ah ewan ko ba."
Kakatwang binitiwan ni Rosie ang mukha ng dalaga.
"W-What do you mean kakaiba, 'Ma?" may pangambang tanong ni Cia.
Umiling-iling ang ginang. "Wala ito, anak. O sige, maghahanda na ako ng hapunan."
Tahimik na sinundan nina Cia at Mandy ng tingin si Rosie na papunta sa kusina.
Lumipat ng upo si Cia malapit kay Mandy. "Ate, mukhang nakakahalata na si mama."
Tumango si Mandy. "Ramdam niyang walang lukso ng dugo."
"Sa tingin ko rin."
Kinagabihan ay hindi makatulog nang maayos si Mandy. Kanina pa siya pabiling-biling sa higaan.
Hindi mawala sa isip niya ang pagsusuri sa kaniya ni Rosie kanina. May bahagi sa kaniya na para bang nakudlit. Naroon ang awa niya sa ginang na tila ba hinahanap ang presensiya ng anak. 'Yung tipong nakikita nga nito ang mukha ni Mandy pero tila ba hindi nito maramdaman ang koneksiyon.
Wala sa sariling napahawak si Mandy sa may puson. Hinaplos-haplos niya iyon sa hindi malamang dahilan.
Matagal nang sinusubukan nila ni Kian ang pagbuo ng anak. Hindi pa naman nagmamadali ang asawa niya pero siya e gustong-gusto na niya. Gusto na niyang maranasang magbuntis. Gusto niyang masaksihan ang unti-unting paglaki ng tiyan niya at ang pagsilang ng kanilang magiging anak.
Pero malabo iyon gayong nasa ibang mundo siya. Sa mundong ginagalawan ng isang Mandy na dalaga pa.
Sa hindi malamang dahilan ay napatingin siya sa may tiyan na kanina ay hinahaplos niya. Napatitig siya roon. Para bang may hinahanap.
Sa puntong iyon ay may bumangon na pangungulila sa puso niya. Bigla siyang naging emosyonal.
Nami-miss na niya ang asawa. Walang araw na hindi niya ito naiisip. Sa kabila noon ay may kakaiba rin siyang naramdaman. Na para bang bukod kay Kian ay mayroon pa siyang ibang nami-miss. Na may isa pang naghihintay sa kaniya sa mundong kinagisnan.
Kung ano o sino iyon ay wala siyang kaide-ideya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top