XI. Laptop
| Velasquez' Residence
Quezon City
Philippines, Earth|
"Bes, kumain ka na."
Marahang tinabig ni Mandy ang kamay ni Ben. May hawak iyong kutsara na naglalaman ng pinaghalong kanin at porkchop.
"Hindi ako nagugutom." Diretso lang ang tingin ng dalaga sa TV na nasa tapat ng kama niya. Gayunman, wala rin naman doon ang kaniyang atensiyon.
"Mandy, please. Kailangan mong kumain para bumalik ang lakas m—"
"Ayoko. H-Huwag mo akong pilitin. Ni hindi nga kita kilala, eh. Oo, alam kong Ben ang pangalan mo pero hindi kita ki—" Tumigil sa pagsasalita si Mandy at tinitigan ang binata. Isiningkit niya ang mga mata at isinapo ang dalawang kamay sa pisngi ng kaharap. "Teka—"
"U-Uy, bes..."
Ikiniling ni Mandy ang ulo ni Ben para mas obserbahan ito. "Pamilyar 'yung mukha mo. Pero hindi talaga kita kilala." Napayuko si Mandy. "I'm sorry."
Buong pag-unawang tumango si Ben.
Ayos lang, bes. Kung hindi mo pa ako maalala sa ngayon, walang problema. Tutulungan naman kitang ibalik ang mga nawala mong alaala. Hindi kita pupuwersahin. I know it takes time but I can wait.
Tatlong araw ang nakaraan, noong araw na lumuha si Mandy ay tumawag ng doktor ang binata para agad mapatingnan ang dalaga.
Sinabihan siya ng doktor na maaaring magising na si Mandy anumang oras dahil sa responses ng katawan nito. Bukod kasi sa pagluha ay nagagawa nang maigalaw ng dalaga ang ilang daliri nito.
Matapos nga ang tatlong oras ay nagmulat na ng mga mata si Mandy. Wala si Ben noong panahong 'yun dahil pumasok na siya sa trabaho.
Narinig niya ang balita mula sa nakababatang kapatid ni Mandy na si Cia. Kaya naman nang matapos na ang shift niya, kulang na lang ay liparin niya ang lugar ng pinagtatrabahuhan niya patungong ospital makita lang si Mandy.
Bumili pa siya ng isang basket ng prutas bago dumiretso. Nang makarating siya, hindi niya akalaing manlulumo siya dahil hindi siya makilala ng dalaga.
Medyo naghisterikal pa si Mandy dahil hinahanap nito si Kian. Pinipilit na asawa niya ito. Nang hindi siya mapigilan ay tinurukan siya ng pampakalma.
Hindi alam ni Ben kung ano ang nangyayari sa bestfriend niya. Kung dulot ba ito ng aksidente ay hindi niya alam.
"Nagkaroon siya ng concussion nang maaksidente kayo which caused a transient global amnesia. Eventually, babalik din ang memorya niya. Kailangan niya ng suporta mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya hanggang gumaling siya."
Kaya naman mula noon ay lagi nang binabantayan ni Ben ang matalik na kaibigan kahit madalas siya nitong ipinagtatabuyan.
Minsan, maaabutan niya itong umiiyak. Gusto nitong kontakin si Kian para magpasundo. Ilang beses man nilang ipaliwanag na hindi siya kilala ni Kian e pinipilit pa rin nito na asawa siya ng sikat na miyembro ng banda.
***
"Kuya Ben, ako na ang bahala kay ate." Si Cia ang nagsalita. Kapapasok lang nito sa kuwarto ng kapatid.
"Salamat, Cia." Tumayo na ang binata. Isang sulyap ang iginawad nito kay Mandy bago tuluyang lumabas ng pintuan.
"Ate, kain ka na." Sumalok si Cia ng isang kutsara ng pagkain. Sinundan nito ng tingin ang kutsara mula sa pinggan hanggang sa iangat nito ang kutsara sa ere. Pero bago pa man niya isubo ito sa bibig ng ate ay napatigil siya. Titig na titig kasi sa kaniya ang kapatid.
"Ate? Bakit?"
Inangat ni Mandy ang likod mula sa pagkakasandal sa headboard ng kama. Ibinaluktot ang katawan para makalapit kay Cia.
"Ikaw ba talaga 'yan?" Tiningnan niya ang kapatid na parang sinisiyasat ang bawat detalye ng mukha. Maging ang pananamit nito ay 'di rin nakaligtas.
"Yiz namern! Your one and only sibling, Ciarinise!"
Iniusli ni Mandy ang mga labi sabay ibinilog ang itim ng mga mata. "Ang dugyot mo. Mag-ayos ka naman!" Kinuha ni Mandy ang pinggan at kutsara. Nagkusa na siyang sumubo ng pagkain. Kung tutuusin ay ayos naman na siya physically. Bukod sa paminsan-minsang pananakit ng ulo ay wala na siyang ibang nararamdaman sa katawan.
Si Cia naman ay napanganga dahil sa inasal ng kapatid. First time siya nitong sabihan ng gano'n.
Bumalikwas siya pagtayo at tinungo ang salamin na nakasabit sa dingding ng kuwarto ng ate niya.
"Ano'ng dugyot, ate?"
"Oo. Hindi ka naman ganyan mag-ayos, eh. Teka, hintayin mo akong matapos sa pagkain."
Nawi-weirdo-han man si Cia ay gano'n nga ang ginawa niya.
***
"Oh ayan! Ganda na 'di ba?" Isinaluksok ni Mandy sa bag ang lipstick na pinantapal sa mga labi ni Cia. Nanghiram sila ng make up kit sa nanay nilang si Rosie.
Nakarehistro ang pagkamangha sa mukha ni Cia. Hinaplos-haplos pa ang mukhang puro kolorete.
"Hala ate, kailan ka pa natuto nito?"
Nagkibit-balikat lang ang kausap.
"Ang ganda ko! Teka nga, makapag-selfie." Dali-dali nitong ini-on ang cellphone na dala at buong giliw na nagpakasawa sa pagkuha ng larawan na para bang noon lang niya nagawa.
"Perfect! I-a-upload ko 'to sa IG!"
Pinagkrus ni Mandy ang mga braso habang naaaliw sa pagmasid kay Cia. Naguguluhan man sa mga nangyayari ay sasarilinin na lang niya muna 'yun. Pipilitin muna niyang makibagay sa mga taong nasa paligid niya. Kung ano man ang mga tanong sa isip niya ay alam niyang magkakaroon din ng kasagutan pagdating ng araw.
Isang buwan ang mabilis na lumipas. Unti-unti na ring nakaka-adapt si Mandy sa mundong ginagalawan niya. Napakapagsaliksik na rin siya ng ilang impormasyon tungkol sa ano ang pagkakakilala sa kaniya ng mga tao bilang Mandy. Pati ang ipinipilit ng mga ito na hindi siya kilala ni Kian ay nabigyan niya ng kumpirmasyon nang mag-search siya sa Google noong minsan. Nakalagay sa Wikipedia page na single pa si Kian. Walang asawa ngunit napababalitang nili-link kay Lisa McLarnon ng bandang Atomic Kitten.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Si Lisa McLarnon nga ay miyembro ng Atomic Kitten pero ni sa hinagap ay hindi niya naisip na magkakaroon ito ng koneksiyon kay Kian.
Lalo lang naguguluhan ang utak niya. Ipinilig niya ang ulo niya para alisin muna sa isip ang tungkol doon. Humahapdi kasi 'yung loob ng ulo niya sa tuwing may malalim siyang iniisip.
"Mandy Velasquez. May delivery po kayo."
Nagtataka man ay kinuha niya ang dinala ng delivery man na isang envelope.
Pinunit niya 'yun at tumambad sa kaniya ang isang dokumento na may nakalagay na Return to work order.
Humugot siya ng malalim na paghinga. Kung hindi siya nagkakamali ay galing ito sa call center na pinagtatrabahuhan raw niya. Isa pa ito sa pinoproblema niya.
"Paano ako magtatrabaho e wala akong kaalam-alam sa pasikot-sikot nito?" Puno ng desperasyon ang tinig ni Mandy nang sabihin niya 'yun sa sarili.
Laylay ang kaniyang mga balikat na tinungo ang kuwarto. Dumiretso siya sa table kung saan nakalagay ang laptop. Muling dumako sa Facebook para subukang i-log in ang account na natatandaan niya. Subalit, muli na namang may lumabas na error message na user not found. Gano'n din ang ginawa niya sa IG. Pareho rin ang resulta.
Hindi rin niya makita ang account niya nang subukin niyang hanapin ang username sa search bar. May panghihinayang siyang nadama dahil hindi rin naman biro ang ini-invest niya sa account na 'yun.
Sinubukan niyang mag-open ng panibagong browser at tumambad sa kaniya ang isang Facebook account. Nakapangalan man sa kaniya 'yun e wala siyang matandaang ginawa niya 'yun.
Naisip niyang tingnan ang photo albums. Samu't saring pictures ang naka-save doon. Mukha niya ang nando'n pero parang ibang tao 'yun. Wala kasi siyang matandaan ni isa sa mga larawan doon.
"Nakakawindang na talaga."
Seryoso si Mandy sa tinitingnan hanggang sa mapadako siya sa album na may nakalagay na title na bestfriends.
May 2,240 photos na naka-save doon at puro selfie lang kasama si Ben, ang lalaking nagpakilalang bestfriend niya raw.
Muli na naman siyang napabuntong-hininga. Ang bestfriend niya ay babae. Si Rachelle O'Donoghue.
"Bakit hindi ko naisip na hanapin ang Facebook niya?"
She did. Pero libo ang lumabas na Rachelle O'Donoghue sa search results niya.
"Girl, kailangan kita ngayon. Bakit ngayon pa kita hindi makita?" Halos maiyak na siya.
Sumubsob siya sa kinaroroonan ng laptop at sinabunot ang buhok sa sobrang inis.
Naalala niya ang account ni Kian. Dali-dali naman niyang pinuntahan ang isang tab na may nakalog in na Instagram. Muli ay nakapangalan ito sa kaniya subalit hindi siya pamilyar sa mga naka-upload doon.
Ginamit niya 'yun para hanapin ang account ni Kian. Halos magbunyi siya nang matagpuan ang hinahanap. Gano'n pa rin ang username – @kianegan.
"Tama, sesend-an ko na lang siya ng message."
Pumunta siya sa profile nito. Wala na siyang panahong tingnan ang IG feed ni Kian dahil nakasentro ang atensiyon niya sa Message button.
Magta-type na sana siya ng mensahe nang mapakunot ang noo niya sa message history ng account.
June 2017
Hi Kian, please notice me
December 2018
Merry Christmas, Kian!
April 29, 2020
Happy birthday. I will always love you. - from your unknown fan
Nagkapatong-patong na ang mga katanungan sa utak niya.
"Paanong mangyayari 'yun e halos araw-araw akong mine-message ni Kian sa IG? Kahit simpleng 'i love you, babe'. Walang mintis 'yun. Eh, kung ako nga ang nag-message niyan, para naman ako niyang desperado."
Nasa gano'n siyang estado nang makuha ang atensiyon niya ng isang tab na naka-pin sa browser.
Para bang may puwersang nagtutulak sa kaniya para i-click 'yun.
Lumala ang kunot sa noo niya nang magsimula siyang basahin ang laman noon.
How to be in a parallel universe?
In order for you to be in a parallel universe, you should create a glitch.
1. Wishing upon a shooting star or during meteor shower while heavily concentrating on yourself to travel on a specific dimension in a parallel universe.
2. Being in a life-or-death situation. The last thing you should think of before losing your senses is the idea of your other version in a parallel universe. High chance of this is being included in an accident or being drowned in the water.
Wala sa sariling isinara ni Mandy ang laptop.
Naalala niya, noong araw na bago siya magpabunot ng ngipin ay nagbabasa siya ng artikulo sa magazine na may kinalaman sa parallel universe.
"Hindi kaya—"
Naitakip ni Mandy ang dalawang kamay sa bibig niya habang nakatutok ang tingin sa nakasarang laptop.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top