X. The News
| Ireland, Parallel Universe |
"Congratulations, Mrs. Egan. You're one month pregnant!"
Napanganga si Mandy dahil sa inanunsiyo ng gynecologist.
Pumunta kasi sila ni Kian sa clinic nito kinaumagahan pagkatapos niyang dumuwal sa bar na pinuntahan. Sa pag-aalala ni Kian ay nagpumilit itong ipa-check up siya para alamin ang dahilan ng pagduduwal niya.
"Yes!" Napatayo si Kian sa kinauupuan habang ang mga kamay ay ikinukumpas sa hangin. Sinabayan pa iyon ng pagkislap ng mga mata at pagngiti na halos ikapunit ng mga labi niya.
Nang makahuma ay umupo siyang muli para harapin ang doktor.
"Pero paano nangyari 'yun, doktora? Sinabi ng misis ko na dinatnan siya noong minsan. P'wede bang magkaroon ng dalaw habang buntis ang isang babae?"
Lihim na napangiwi ang noo'y naguguluhan pa ring si Mandy.
Oo nga pala. Nabanggit ko nga pala sa kaniya na may mens ako kahit wala naman. Nakupo!
Umiling-iling ang doktora. "It's not possible, Mr. Egan. It may be a light vaginal bleeding or spotting but not a regular menstruation."
Tumango-tango si Kian na halatang kumbinsido na sa paliwanag ng doktor.
Maraming mga ibinilin ang doktor sa kanila na matamang pinakikinggan ni Kian. Samantalang si Mandy naman ay nanatili lang na nakatunganga sa kawalan.
Paano akong mabubuntis gayong wala pa akong experience? Ano 'to? Immaculate Conception?
Natampal niya nang mahina ang noo. Naalala niyang nasa parallel world siya kung saan ang tunay na asawa ni Kian ay si Mandy v.2.0.
Napatingin si Kian at ang doktor sa kaniya. Kapwa nagtataka ang mga ito kung bakit niya tinampal ang sarili.
Isang alanganing ngiti lang ang isinukli ni Mandy sa dalawa. Sinenyasan niya ang mga ito na magpatuloy sa pag-uusap.
Pagkatapos ng tatlumpung minuto ay sakay na sila ng sasakyan. Napansin ni Mandy na parang ibang direksyon ang kanilang tinatahak.
"Ki— I mean, babe. Saan tayo pupunta?"
Nilingon siya ni Kian na kitang-kita sa mukha ang labis na saya. "Sa mall, babe. We’re going to buy food for you and for our baby." Tiningnan ni Kian ang tiyan ni Mandy na hindi pa umuumbok. Tinanggal ang isang kamay mula sa manibela para ipatong iyon sa ibabaw noon. "I can't wait to see you, baby."
Napakislot ang puso ni Mandy sa ginawang 'yun ni Kian. She realized that there is more to love about Kian aside from his talent and facial features. At iyon 'yung pagiging responsable nitong maybahay.
I wonder kung ganito rin si Kian sa mundong kinagisnan ko.
Hindi ko alam. Wala akong ideya.
Single pa naman si Kian doon kaya siguradong buhay-binata pa rin siya.
Matapos ang isang oras ng pamimili ay umuwi na rin silang mag-asawa.
Maingat na inalalayan ni Kian si Mandy papuntang couch at nang masigurong nakaupo na nang maayos ito ay bumalik siya sa kotse para kuhanin ang mga pinamili.
Nakasunod lang ang tingin ni Mandy kay Kian na noo'y bitbit ang ilang paper bags. Diniretso nito ang mga 'yun sa kitchen.
Dahan-dahang tumayo si Mandy at sinundan ang asawa. Nang makarating siya roon ay nakita niya si Kian na abala sa paglalagay ng grocery items sa refrigerator. Hindi nga napansin nito ang pagdating niya sa sobrang abala.
"Tutulungan na kita, babe."
Naudlot ang paglalagay ni Kian ng isang bote ng fresh milk nang maagaw ni Mandy ang atensiyon niya.
"Oh, babe. Bakit sumunod ka?" Sandaling ipinatong ni Kian ang bote sa counter top para daluhan ang asawa. Nang makalapit ay hinila niya ang isang dining chair at pinaupo ito roon. "Leave it to me, babe. Magpahinga ka lang diyan, okay?"
Hindi pa nakasasagot si Mandy ay hinalikan na ni Kian ang bumbunan niya. Sunod ay ang tungki ng ilong, mga labi at huli ay ang tiyan niya.
Hindi niya sigurado kung anong lumilikot sa may bandang tiyan niya. Basta ang alam niya ay parang umiikot ang bituka niya dahil sa ginawa ni Kian.
Tumalikod muli si Kian para tapusin ang pag-i-stock ng pagkain sa ref. Gustong-gusto ni Mandy na habulin ito at yakapin mula sa likod pero pinapangunahan siya ng hiya. Nakuntento na lang siya sa pagmamasid sa asawa habang ipinagpapatuloy nito ang ginagawa.
Kinagabihan ay nanatili pa ring gising si Mandy. Sa tabi niya ay nandoon ang nahihimbing na asawa na nakayakap sa may bandang tiyan niya.
Nanatili siyang nakatingin sa kisame habang iniisip ang maraming bagay.
Nasaan kaya si Mandy v.2.0?
Nagkapalit kaya kami ng katawan?
O nasa ibang dimensiyon siya?
Ano na kaya ang nangyari sa katawan ko pagkatapos ng aksidente?
Buhay pa kaya ako sa totoong mundo ko?
Si Ben? Buhay din kaya?
Napuno ng pagkabagabag ang dibdib niya. Hindi niya namalayan na unti-unti nang pumipikit ang mga mata niya.
***
| Saint Augustine Hospital
Manila, Philippines, Earth |
Tunog ng makina. Boses ng nars at mga doktor. Boses ni Cia, boses ni Ben, mga nagpakilalang katrabaho, boses ng mga magulang, mga kanta ng Westlife na nagmumula sa stereo ni Ben. 'Yan ang nagigisnan ni Mandy v.2.0 sa araw-araw.
Hindi na niya mabilang kung ilang araw ang lumipas. Wala naman kasi siyang kakayahang tumingin sa kalendaryo dahil hindi pa rin niya kayang imulat ang mga mata. Wala rin siyang lakas kahit igalaw maging hinliliit ng kamay niya. Utak lang ang kaya niyang paganahin sa tagal na niyang nakahiga sa hospital bed na kinaroroonan niya.
Bagaman hindi pa nakakakita ay lumakas naman ang ibang senses niya. Mas nabibigyan din niya ng atensiyon ang maliliit na detalye sa paligid niya at nakikilala na rin niya ang mga taong dumadalaw sa kaniya.
Si Ben, kahit anong gawin niya e hindi talaga niya maalala kung sino ito at ano ang parte nito sa buhay niya. Maging ang mga ikinikuwento nitong mga alaala mula pagkabata ay hindi pamilyar sa kaniya. Ibang-iba ang nasa memorya niya.
Pero kahit ganoon, naaaliw naman siya at napapatawa sa loob-loob. Naaaliw siya sa paraan ng pagkukuwento ng lalaki. Para bang kilalang-kilala siya nito.
"Bes, naalala mo pa ba no'ng huling beses tayong kumain sa paresan? Tuwang-tuwa ka no'n nang mapakinggan mo 'tong kantang ito. Kung gising ka man, sana mapasaya ka nito."
Ramdam ni Mandy ang pagkaluskos sa tagiliran niya. Sinundan 'yun ng pagtunog ng monoblock chair na iniurong ni Ben. Mayamaya pa ay lumagatik ang sa wari niya ay button ng stereo na kinuha ng lalaki sa may tabi ng hospital bed.
Naghintay siya ng ilang segundo at mayamaya pa ay pumailanlang na ang tunog na simula pa lang ay alam na alam niya.
I remember all my life..
Ramdam ni Mandy ang pananakit ng ilong niya. Nakaramdam siya mula roon ng init na unti-unting gumagapang papunta sa dalawa niyang mga mata.
Raining down as cold as ice
Shadows of a man
A face through a window
Crying in the night
The night goes into
Muli niyang binalikan ng tanaw ang concert ng Westlife sa Emirates Stadium sa Holloway, London isa at kalahating taon na ang nakaraan.
Madalang na kantahin ng Westlife ang kantang Mandy na paborito niya. Hindi na siguro kailangan pa ng paliwanag kung bakit. Kaya laking gulat niya nang biglang kantahin ng lads ang kantang ito noon.
Oh Mandy
When you came and you gave without taking
But I sent you away, oh Mandy
When you kissed me and stopped me from shaking
And I need you today, oh Mandy
Dinarama pa niya ang kanta kaya nakapikit siya. Tila ba nagtaka siya kasi natigil sa pagkanta ang Westlife lads pero tuloy-tuloy pa rin ang pagtunog ng instrumental.
Ano'ng meron?
Unti-unting iminulat ni Mandy ang mga mata. Napapiksi siya dahil nasa harap na niya si Kian.
Nagpalinga-linga siya sa paligid at doon niya nakita na lahat ng mga mata ay nakatutok sa kanilang dalawa ni Kian.
"Babe, what's this?"
Isang ngiti ang pinakawalan ni Kian. Iyong ngiting nakahahawa na tingnan mo lang e mapapangiti ka na rin.
"I've been waiting for this day to come, babe."
Hinawakan ni Kian ang kaliwang kamay ni Mandy.
"Sabi nga sa kanta namin, you are my very first thought in the morning and my last at nightfall."
Hindi naabala si Mandy ng pagbubulungan at panunudyo ng mga tao sa paligid. Nakatutok lang ang atensiyon niya kay Kian.
"Ganiyan ako palagi mula noong una kitang makilala, babe. Ikaw ang laging laman ng utak ko pagkagising sa umaga at bago ako matulog. But today, I want to take it to the next level. Ayokong isipin ka lang dahil gusto kong ikaw na mismo 'yung kasama ko pagkagising ko sa umaga at bago ako matulog sa gabi."
"And it will only happen if you accept my proposal." May dinukot si Kian sa bulsa ng kaniyang polo. Pagkakuha ay ibinaba niya ang isang tuhod. "Babe, will you marry me?"
"Yes, babe. I will marry you."
Punumpuno ng emosyon si Mandy nang balikan niya ng alaala ang hindi malilimutang proposal ng asawa. Bumalik ang isip niya sa reyalidad nang isang boses ang tumawag sa kaniya.
"B-Bes?"
Naramdaman ni Mandy ang pagdampi ng likod ng palad ni Ben malapit sa kanang mata niya. "L-Lumuluha ka?"
Narinig na lang niya ang nagmamadaling yabag ng lalaki palabas ng kuwarto. Sumisigaw ito para kuhanin ang atensiyon ng mga nars at doktor.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top