Part XIII. Stare
"Kakain na!"
Napangiti si Brian nang iahon sa oven ang traditional chicken casserole na niluto niya.
Tinanggal niya ang pares ng mittens at apron na suot niya at matapos ay naghain na. Naglagay siya ng konting ulam sa bowl at ng mashed potato sa mas maliit na lalagyan para hatiran na lang ang dalaga. Alam niya kasi ang pakiramdam ng naaabala sa paglalaro.
Kumuha na rin siya ng orange juice. Nang makumpleto ay pinagsama-sama ang mga iyon at inilagay niya sa isang tray. Handa na siyang ihatid iyon sa dalaga.
"Lunch is—"
Natigil siya sa pagsasalita nang makita ang dalaga na nahihimbing sa pagtulog sa sahig. Nakataob ito at hawak-hawak pa ang PSP na kasalukuyan pang on-going ang laro kaya alam niyang katutulog lang ng dalaga.
Dahan-dahang ibinaba ni Brian ang tray ng pagkain at marahang nilapitan ang dalaga. Kaagad niya itong binuhat upang ilipat sa mahabang sofa.
Ni hindi man lang naabala ang babae sa pagkakatulog, bagkus ay mas umayos pa ito ng pagkakahiga sa sofa.
Masuyong inipit ni Brian sa likod ng tainga ni Kristin ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa maamo nitong mukha. Hindi niya namamalayang natatagalan na pala ang pagtitig niya rito, at ang pagtitig na iyon ay nasundan pa ng paglawig ng ngiti sa kanyang labi.
Sa aliw niya sa pagtitig sa mukha ng babae ay nakaramdam siya ng pagbigat ng talukap ng kanyang mga mata.
Mayamaya pa ay nakatulog na rin siya habang nakasalampak sa sahig, at ang ulo niya ay nakapatong sa upuang hinihigaan din ni Kristin.
--
Naalimpungatan si Kristin sa pagtulog. Iminulat-pikit pa niya ang mga mata dahil nasisilaw siya sa ilaw na nagmumula sa flourescent light sa kisame.
Napapiksi siya nang mapansin ang ulo ng nahihimbing na si Brian na halos ga-dangkal lang ang layo sa kanyang mukha.
Nakasubsob ito sa sariling braso habang ang ulo ay nakatagilid papunta sa gawi niya kaya ang labas ay natutulog itong nakaharap sa kanya.
Dumagundong ang puso niya dahil malaya na niyang napagmamasdan ang lalake. Hindi siya mapakali. Pakiwari niya ay nagrarambulan na ang internal organs niya sa pagbubunyi sa napakagandang senaryo ngayon sa harap niya.
Labis siyang napangiti. Hindi na niya kailangan pang makipagsiksikan o makipagtulakan sa kapwa niya fans masilayan lang ang iniidolo dahil heto, nasa harap na niya ito mismo.
Hindi niya napigilan ang sarili. Marahan niyang hinaplos ang ginintuang buhok ng binata habang pinagmamasdan ito.
May kung anong damdaming hindi mapangalanan ang umusbod sa kanyang kalooban. Hindi niya mawari iyon ngunit nakasisiguro siya – hindi lang ito paghanga.
Nasa gitna siya ng pagmumuni-muni nang makarinig siya ng sunod-sunod na pagkatok sa pinto.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata para magkunwaring tulog. Sa wari niya ay malalim pa rin ang pagkakahimbing ng binata sa tabi niya dahil hindi pa niya ito nararamdamang kumilos.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagkatok. Lumundag ang puso niya nang makarinig siya ng susing ipinapasok sa seradura ng pinto.
May nagbubukas ng pinto!
Narinig niya ang pagtatagumpay ng pagbukas niyon dahil iyon ay sinundan ng paglagitik ng seradura at paglangitngit ng pinto.
"Brian! We're here. Yuh—" Naudlot ang pagtawag ng boses na nagmumula sa lalaki. Saka pa lamang niya naramdaman ang pagkislot ng katabi. Gising na ito. Siya naman ay pinanatili ang mariing pagpikit para magtulog-tulogan.
"Oyyy! Teka. Paano kayo nakapasok?" Kinusot-kusot pa ni Brian ang mga matang bagong mulat.
Walang sumagot sa tinanong 'pagkat ang tingin nila ay nakatuon sa babaeng nakahiga sa sofa.
Sinundan lang ni Brian ang tingin ng mga kaibigan.
Oo, ang Westlife lads ang surprise bwisit-ors niya ngayon.
Kung paanong nakapasok ang mga ito ay malamang kinuha nila ang spare key ng bahay na nasa ilalim ng paso. Ganyan sila ka-close kaya pati iyon ay alam nila.
"Hoy. Tinatanong ko kayo. Bakit 'di kayo nagsabi na papunta kayo?"
Hindi pa rin sumagot ang mga kaibigan. Bagkus, sabay-sabay na itinaas ng mga ito ang hintuturong daliri habang nakaturo kay Kristin. Bakas sa mukha ng mga ito ang katanungan kung sino ang misteryosang babaeng nadatnan nila sa bahay ng kaibigan.
Kakamot-kamot lang sa batok si Brian. Wala siyang choice kung hindi magpaliwanag sa mga kaibigan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top