Part I. Excited to See You
Sligo College of Further Education
Co. Sligo, Ireland
Year 2001
Pabalik-balik ang tingin ni Kristin sa relong pandingding pati na rin sa ballpoint pen na kanina pa niya mahinang ipinupukpok sa kaniyang desk.
Mayamaya pa'y narinig na niya ang pinakaaasam na bell ng kanilang institusyon, hudyat na tapos na ang kanilang panghapong klase.
Agad isinukbit ng dalaga ang kaniyang canvass bag at isinuksok niya roon ang notebooks at ballpen na nakapatong sa desk.
Nilingon niya ang katabi niya sa upuan na si Ynah na noo'y handa na ring lisanin ang classroom.
"Tara na, be." Sandali niyang sinulyapan ang wall clock na kanina pa niya tinitingnan. "Hala. Thirty minutes na lang, magsisimula na!"
"OMG," tarantang wika ni Ynah. "Kukuhanin ko lang 'yung kotse sa parking lot. Magkita na lang tayo sa labas!" Humangos na ang dalawa palabas at naghiwalay lamang nang sapitin nila ang corridor.
Mayamaya pa ay nasa tapat na ng school si Kristin habang iniintay ang kaklase-slash-kaibigan niyang si Ynah. Panay ang silip niya sa dalawang ticket na nakaipit sa notebook niya upang siguraduhin na nando'n ang mga iyon at hindi nawawala. Gano'n siya kalalang mag-overthink.
Ngayon kasi ang kauna-unahang pagkakataong makikita nila sa personal ang bandang parehas nilang kinaaadikan – ang Westlife.
Isa itong boyband na binubuo ng limang miyembro: Si Shane Filan, ang itinuturing na lider ng grupo. Si Mark, ang tinaguriang male diva dahil sa kaniyang taglay na taas ng boses. Si Nicky na binansagang chix hunter, si Kian ang multi-instrumentalist. Ang panghuli naman ay ang pinag-aagawang miyembro nina Kristin at Ynah – walang iba kung hindi si Brian Mcfadden. Isa rin siya sa main vocalist ng grupo. Ang lalaking pamoso dahil sa malaginto nitong buhok na puwedeng ihanay kay Leonardo DiCarpio, ang lalaking may guwapo at kaakit-akit na mukha, asul na mga mata at sino ba ang hindi maaakit sa kaniyang half-smile? Lahat ng iyon ay ang dahilan kung bakit patay na patay ang dalawang dalaga sa boyband member na ito.
Magkakilala na mula pa pagkabata sina Kristin at Ynah ngunit nang dahil sa pagkakapareho nila ng interes kay Brian Mcfadden ay naging mas malapit sila sa isa't isa.
Parehong mga Pilipino ang kanilang mga magulang ngunit lumaki na sila sa Ireland. Kumukuha sila ng kursong Childcare and Pre-school Education sa kolehiyong Sligo College of Further Education at ngayon ay nasa ikatlong taon na sila rito. Sa susunod na taon ay magtatapos na sila at aapak na sa totoong mundo.
1998 pa lang ay naging fan na sila ng Westlife. Sa kasamaang palad, ni minsan ay hindi pa nila nakakatagpo ang mga ito kahit karamihan sa miyembro nuti ay sa Sligo rin nakatira. Kaya naman ngayong nabigyan sila ng pagkakataon na mapasama sa tatlongdaan at apatnapung fan na mapapanood ang Westlife sa Hawk's Well Theatre ay hindi na nila pinalagpas pa.
Dapat nga sana ay nakapagliban sila sa klase ngunit dahil istrikto ang kanilang propesor ay wala silang nagawa kung hindi ang pasukan ang subject nito.
Nagkukumahog na sila dahil three thirty ng hapon ang simula ng concert. Ngayon ay kinse minutos na matapos ang ikatlo sa relo. Halos tatlong kilometro rin kasi ang babiyahehin nila patungo sa naturang teatro.
Nakahalukipkip ang kamay ni Kristin habang nakakunot ang noo. Bakas sa mukha ang labis na pag-aalala na baka mahuli na sila sa event.
Nasa ganoon siyang estado nang makarinig siya ng busina ng sasakyan. Bumungad sa kaniya ang kulay lilang cabriolet car ng kaniyang kaibigang si Ynah. Ito iyong kotse na puwedeng walang bubong o puwede rin namang meron. Hilig nilang magkaibigan na bumiyahe nang walang bubong kaya ganoon ang itsura ng kotse ngayon.
Walang sinayang na sandali si Kristin kung kaya ay sumakay na siya sa shotgun seat. Nang makapag-seatbelt ay pinaharurot na ni Ynah ang sasakyan patungo sa pakay nila.
----
Author's Notes:
Hiiii! Please let me know about your feedback and reactions to this story by using the hashtag #HHAFG in Facebook para makita ko . Let's interact! ☺
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top