Chapter 5
Chapter 5
"Dash, ikaw ang bahalang magbantay at magpakain diyan! Wag na wag kang magtatangka na patakasin ang babaeng 'yan, kundi, alam mo na ang mangyayari."
Napabuntong hininga ako. Inikot ng mata ko ang kwarto na pinagdalhan nila sa akin. Bukod sa kama sa may tabi ng bintana at kung saan nakagapos ako sa paanan nito, isang lumang aparador at side table lang ang nandito sa loob ng kwarto. Maalikabok din dito at madilim. Mukha atang hindi rin gumagana ang ilaw dito.
Narinig ko ang pagbukas ng pintuan ng kwarto at nakita ko si Dash na pumasok. Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko at tinanggal ang pagkakagapos ng kamay ko.
"Skye, burger oh. Kumain ka muna."
Tiningnan ko si Dash ng masama atsaka ko tinabing ang pagkaing iniaabot niya sa akin kaya naman nahulog ito mula sa kamay niya.
"I don't want to eat! At ayoko rin na makita ka! Go out, Dash! Kinikilabutan lang ako pag nakikita kita!"
Napabuntong-hininga si Dash at pinulot ang pagkain, "masama magtapon ng pagkain."
"Wow ha. Ikaw pa ang may lakas ng loob ngayon para sabihin sa akin kung ano ang masama!"
"Skye n-nagawa ko lang naman to kasi— ."
"Kasi mukha kang pera!"
"Hindi mo naiintindihan."
"Ang alin Dash?! Alin ang hindi ko naiintindihan?! Malinaw pa sa sikat ng araw ang lahat! Pinagkakitaan mo 'ko! Kaya siguro lapit ka nang lapit sa akin kasi gusto mong kumuha ng impormasyon 'no?! Mukha kang pera!"
"Please, Skye, wag mo muna akong husgahan. Hindi mo alam ang buong kwento! Ginawa ko 'to dahil nasa ospital ang nanay ko—"
"And this is the only way you can think of?!" pag putol ko sa sinasabi niya. "Come on, Dash! Ang daming paraan pero ito agad ang naisip mo?! Ang sama mong tao!"
"Skye, wala akong magawa! Hindi ko ginusto na mapasok ako rito pero wala akong choice!"
"Meron. Bakit hindi ka na lang magbanat ng buto kesa umasa sa easy money na ganito, ha?! Nang maranasan mo naman ang maghirap!"
Nagulat ako nang biglang napatayo si Dash at nakita kong nasaktan siya sa sinabi ko.
"Maghirap? Skye, sa ating dalawa, mas alam ko 'yan. Habang busy kang kumain sa mga mamahaling restaurant at bumili ng mamahaling mga kagamitan, ako, kayod kabayo sa pagtatrabaho magkaroon lang ng pangbaon kinabukasan sa eskwelahan. Habang gumigimik ka, ako, nagsusunog ng kilay para lang wag mawala ang scholarship ko na tanging daan para makapagtapos ako."
"Skye, nahihirapan ako. Alam kong mali itong lahat, mali ang ginagawa sa 'yo ngayon. Pero please, sana maintindihan mo na hindi ko 'to sinasadya. Pinagbantaan niya ang buhay ng nanay ko. Masama bang protektahan ang nag-iisang tao na tanging kasama mo sa buhay?" napahinga ng malalim si Dash at bigla nitong hinawakan ang kamay ko.
"Alam kong hindi sapat ang salitang patawad. Pero Skye, pangako, gagawin ko ang lahat wag ka lang mapahamak dito. Makakabalik ka ng ligtas sa mga magulang mo. At—at kung sakali mang makuha namin ang ransom money, pag napaopera ko na ang nanay ko, pangako, babayaran ko 'yon sa inyo, kahit habang buhay pa 'kong kumayod mabayaran ko lang 'yon sa inyo."
Inilapag ni Dash 'yung burger na inaabot niya kanina sa akin. "Alam kong nagugutom ka na. Please, kainin mo 'yan." Pagkasabi niya nun ay lumabas na siya sa kwarto.
The moment na sumara ang pinto, nagtuloy-tuloy na ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Natatakot ako. Gusto ko nang umuwi at makaalis sa lugar na 'to. Ayokong maniwala sa lahat ng sinasabi ni Dash.
Pero minsan talaga, kahit ano'ng pilit natin, kahit ano'ng sitwasyon ang kinalalagyan natin, pag ang puso ang nakipagtalo sa isipan, ang hirap na nitong labanan.
Nakakainis na sa kabila ng lahat, sa kabila ng sitwasyong kinalulugaran ko, I still love Dash. Kahit siya ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nasa panganib ngayon, nakakayamot isipin na umaasa akong sa huli, siya at siya pa rin ang magliligtas sa akin.
Hindi ko nagalaw ang pagkain ko. Iyak lang ako nang iyak hanggang sa makatulog ako.
Nagising ako kinabukasan dahil sa sinag ng araw na tumama sa mukha ko. Nakasara pa rin ang bintana pero kahit papaano ay nakakatagos dito ang ilang liwanag. I looked at the door way and saw Dash standing there. Nakasandal lang siya sa pader at nakatingin sa akin. I immediately averted my eyes and forced myself to go back to sleep. I don't want to wake up and face this horrible situation. Gusto ko, pag dilat ng mata ko, nandoon na ulit ako sa kwarto ko at nakahiga. I want to see my mom and dad—even Arly and Charm. I really miss them.
Bigla na lang akong napahikbi kaya napatakip ako sa bibig ko. Hindi ko alam kung narinig ba ito ni Dash o hindi, pero hindi siya umimik. Hindi rin niya ako nilapitan o kinausap. Tuloy-tuloy lang ako sa pag-iyak hanggang sa makatulog ulit ako.
Tanghali na nang muli akong nagising. Nakita kong may pagkain sa harapan ko. Nakita ko rin si Dash na nasa may pintuan pa rin, pero this time, nakaupo na siya.
"Skye, kumain ka na. Alam kong nagugutom ka na," sabi niya sa akin.
Tinalikuran ko siya at hindi ko ginalaw ang pagkain sa harapan ko kahit pa nakakaramdam na ako ng matinding gutom. Sino'ng matinong tao ang makakakain pa sa sitwasyong ganito?
"Skye... please..."
Hindi ko inimikan si Dash. Hindi na rin naman niya ako pinilit na kumain. Ipinikit ko na lang ulit ang mata ko pero hindi na ako makabalik sa pag tulog. Pinakiramdaman ko na lang ang bawat kilos na nasa paligid ko.
I've been hearing voices outside my room. Mukha atang may kasiyahan na nangyayari sa kanila doon. Dinig na dinig ko kasi ang lakas ng tawanan nila habang kung anu-anong mga hindi kaaya-ayang bagay ang sinasabi nila tungkol sa akin.
"Grabe talaga, ang kinis! Ang sarap gawing dessert eh!" dinig kong sabi nung isa.
Napatakip na lang ako ng tenga. Hindi lang basta halang ang kaluluwa ng mga taong 'to, ang bababoy pa nila!
"Bwiset!" dinig kong sabi ni Dash at nakita kong nakatayo na siya habang sinusuntok ang pader ng kwarto. Pagkatapos nun ay dire-diretso siyang lumabas ng kwarto.
Napaupo ako bigla at niyakap ko ang mga hita ko. Hindi ko mapigilan ang panginginig ng katawan ko. Parang bigla akong ninerbyos ng husto at mas dumoble ang takot ko nang lumabas si Dash at iniwan ako.
Oo, galit ako sa kanya. But I am hoping in the back of my mind na tunay ang pangako niya na hindi niya hahayaang may gawin silang masama sa akin.
Ipinatong ko ang ulo ko sa mga hita ko at tahimik na umiyak doon habang paulit-ulit na nagdarasal na sana, matapos na 'to at makaalis na ako. Sana makauwi na ako. Sana... sana bumalik na si Dash dahil natatakot na talaga ako.
Makalipas ang ilang oras, may nagbukas ng pintuan ng kwarto ko kaya naman agad na napaangat ang ulo ko para tingnan kung sino ito. I am hoping, wishing, that it was Dash, pero hindi. Instead, 'yung boss nila ang nakita ko. May dala siyang pagkain at inilapag niya sa harapan ko.
"Kumain ka!" utos nito sa akin.
Katulad ng dati ay nagmatigas pa rin ako. Tinalikuran ko lang siya at hindi ko pinansin ang pagkain.
"Anak ng—!!! Ang arte-arte mo! Kakain ka ba o pasasabugin ko ang ulo mo?!"
Bigla-bigla na lang ay naglabas siya ng baril at itinutok sa ulo ko. Dahil sa sobrang takot at pagkabigla, agad-agad kong sinunod ang utos niya at kinain ang pagkaing dala niya. Halos mabulunan pa ako sa pagmamadaling kumain ng tinapay na inihagis niya. Pahikbi-hikbi ako kaya naman magkahalong tinapay at luha na ang nalalasahan ko.
"Susunod ka naman pala eh, puro ka pa kaartehan! Wag mong kakalimutan na kami ang may hawak ng buhay mo! Kayang kaya kong paputukin 'yang ulo mo, kasama na rin ng mga magulang mo!"
Napatigil ako bigla sa pag-kain at napa-lingon sa kanya. "Please, wag mo namang saktan ang mga magulang ko, oh! Please... please... susunod na ako sa 'yo! M-magbibigay din sila sa inyo ng pera. Just don't hurt us please..." pag susumamo ko sa kanya.
Kung kagabi, abot langit ang pride na pinairal ko gawa ng sobrang galit ko, ngayon, kahit pa wala nang matira, okay lang. Wag na wag lang nilang sasaktan ang mga mahal ko sa buhay.
Nakita ko na naman ang demonyong ngiti ng lalaking 'to.
"Marunong ka naman palang magmakaawa eh." Itinutok niya ang baril niya sa ulo ko. "Magtino ka diyan. Sundin mo lang ang lahat ng ipagagawa namin sa 'yo." Pagkasabi niya nun ay tumayo na siya at lumabas ng kwarto.
Napahagulgol na naman ako ng iyak. My whole body is trembling from rage and fear. Nagagalit ako sa mga pinag-gagagawa nila sa akin. Pero mas matinding takot ang nararamdaman ko dahil sa iba't ibang bagay na naiisip ko na maari pa nilang magawa.
Hindi ako makapaniwala na isa sa masasamang tao na dumukot sa akin ay si Manong Alfred. All these years, itinuring ko siyang tatay-tatayan. I feel betrayed. Lahat ng masasayang ala-ala ko sa kanya, biglang naglaho na parang bula.
At si Dash. He promised me that he will protect me. Pero ba't siya umalis? Ba't niya ko iniwan sa mga taong 'to?
Hindi ko alam kung gaano ako katagal umiyak. Ni hindi ko nga alam kung saan pa ako nakakakuha ng luhang mailalabas sa mata ko eh. Parang buong araw na ata akong umiiyak. I feel so tired and helpless. Hindi ko namalayan, nakatulog na pala ako.
~*~
"Skye..."
My eyes shot open nang maramdaman kong may kamay na nakahawak sa braso ko. Bigla akong napaupo at halos mapasigaw sa takot, kaso, agad namang may kamay na tumakip sa bibig ko. Tinitigan ko kung sino ito at nakahinga ako ng maluwag nang ma-realize kong si Dash ito.
Inalis ni Dash ang pagkakatakip niya sa bibig ko.
"S-saan ka galing? Ba't mo ko iniwan dito?"
"Sorry, Skye. Sorry din sa mga nagawa ko ha? Tutuparin ko na ang pangako ko sa 'yo. Tatakas tayo!"
"T-tatakas? P-pero paano? Bakit? Paano kung mahuli nila tayo?" sunod-sunod kong tanong sa kanya habang tinatanggal niya ang pagkakagapos ko sa may paanan ng kama.
"Delikado ka na rito, Skye."
Tiningnan ko ang mga kamay ko na tuluyan nang napakawalan ni Dash sa pagkakagapos.
"A-ayokong tumakas! Dash, natatakot ako. Paano kung mahuli tayo? Paano kung patayin nila tayo, tapos saktan din nila ang magulang ko at ang Mama mo? Ayoko! Pinakamaganadang gawin ay maghintay. I know my parents will pay the ransom money they are asking. Ayun na lang naman ang tanging paraan, eh."
"Hindi, Skye. Kailangan nating tumakas! M-may pinaplano sila sa 'yo." Napailing bigla si Dash at nakita ko ang galit sa mga mata niya. "Mali... maling mali na hinayaan ko ang lahat ng 'to."
"T-teka, p-plano? Ano? Ano'ng plano?!"
Hinawakan ni Dash ng mahigpit ang kamay ko. "Gusto ka nilang galawin."
Pagkasabi niya nun, bigla akong pinanlambutan ng mga paa at literal akong natumba. Buti na lang at agad niya akong nasalo.
"Skye, magtiwala ka sa akin. Ilalabas kita rito ng buhay. Please... please... magtiwala ka sa akin sa bagay na 'to, okay? Magiging okay din ang lahat."
Tumango ako. Kung sakali mang mahuli nila kami at mapatay, mas pipiliin ko na 'yun kesa ang babuyin nila ako.
May kinuhang susi si Dash sa bulsa niya at binuksan ang nakakandadong bintana. Buti na lang at 'di kataasan ang kwartong kinalulugaran namin kaya nagawa naming makatalon mula sa bintanang 'yon.
Pagkababa namin, agad kaming tumakbo doon sa magubat na lugar. Nakakainis kasi hindi ko magawang makatakbo ng mabilis dahil pinanlalambutan ako ng tuhod. Kinuha ni Dash ang kamay ko at hinatak niya ako. Pero bigla kaming napahinto nang makarinig kami ng putok ng baril at tinamaan nito ang puno na nasa gilid namin. Napalingon kami sa likuran at nakita namin na may mga humahabol na sa amin.
"Takbo! Bilis!"
Hinatak ulit ako ni Dash at tumakbo kami. My heart is pounding really fast. Halos maubusan na rin ako ng hininga dahil sa pag takbo, ilang beses din akong nadapa. Lagi lang akong inaalalayan ni Dash makatayo. Patuloy pa rin kami sa pag takbo hanggang sa makalabas kami sa ma-punong lugar at mapunta sa parang isang lumang bodega.
Tumigil si Dash sa pagtakbo at humarap sa'kin. Tinitigan nito ang mata ko at hinawakan ang mukha ko.
"Skye, makinig ka sa akin. Humihingi ako sa'yo ng tawad dahil sa mga nagawa ko. Sorry, Skye. Hindi ko talaga 'yun ginusto. Sorry... sorry..."
"Dash, naiintindihan kita pero tumakas muna tayo ngayon."
"Wala na tayong mapupuntahan."
Tinitigan ko si Dash at naramdaman ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. "A-anong plano mo?"
Dash gave me a sad smile. "Alam mo ba, palagi kitang tinitingnan sa school. Ang hirap mong abutin. Ngayon, nakakausap na kita, 'yun nga lang, nasa ganitong sitwasyon na tayo."
"T-teka..."
Nagulat ako nang bigla akong buhatin ni Dash at isinilid niya ako sa isang malaking drum na nasa harapan namin.
"Hangga't may naririnig ka pang mga boses, wag na wag kang lalabas dito."
"Pero paano ka?! Anong gagawin mo Dash?!"
"Sabi ko naman sa 'yo 'di ba gagawin ko ang lahat maging ligtas ka lang?"
Napahawak ako bigla sa mga braso niya. "T-teka, Dash! Wag! Please! Ayokong mapahamak ka! Ano'ng gagawin mo?!"
Umiling lang siya at hindi sinagot ang tanong ko. He just leaned forward ang kissed my forehead. Hinawakan niya ang mukha ko, tinitigan sa mata, at sinabi ang salitang dati ko pa pinapangarap na marinig mula sa kanya.
"Mahal kita, Skye."
He gave me a weak smile while I looked at him in terror.
'Yun ang huling katagang sinabi ni Dash sa akin. Matapos nun ay kinuha na niya ang takip ng drum at tuluyan akong itinago sa loob nito.
Wala akong ibang naririnig kundi ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halos hindi ako makahinga dahil sa kaba. Napapikit na lang ako at kinausap ang tanging makakarinig sa saklolong hinihiling ko.
'God please, sana makaligtas kaming dalawa. Wag niyo sanang hayaang may mangyaring masama sa amin pareho. Pinapatawad ko na po si Dash. Naiintindihan ko na ang dahilan niya. God please wag niyo siyang parusahan. Itinama na niya ang mali niya at isa pa—' na pa-hikbi ako, 'isa pa mahal niya ko. Mahal niya rin ako! Ang tagal kong pinangarap 'to. Please, wag niyo po siyang kunin sa akin. Please po... please...'
Napahinto ako bigla sa pagdarasal nang makarinig ako ng mga yapak na papalapit sa kinalulugaran ko. May nagsalita. Si Manong Alfred.
"Nasaan siya?!"
"Nakatakas na siya," sagot ni Dash dito.
"Bakit mo siya pinatakas?! Hindi mo ba alam ang pwedeng mangyari sa 'yo, ha?!"
Hindi umimik si Dash. Bigla ulit akong nakarinig ng yapak ng mga tao.
"Saan nagpunta si Skye Bernardo?!"
Boses nung boss nila. Mas trumiple ang kabang nararamdaman ko.
"Pinaalis ko na siya. Hindi niyo na siya mahahabol. Malamang ngayon, nasa mga pulis na siya at pare-pareho na kayong isinusumbong. Bulilyaso na ang plano niyo kaya kung ako sa inyo tumigil na kayo dahil panigurado, pare-pareho na tayong mabubulok sa bilangguan!"
Natahimik ang lahat. Walang nagsasalita. Tanging nakabibinging putok ng baril ang nangibabaw kasabay ang makadurog pusong pagsigaw ni Dash.
"Masyado kang pakialamero!" dinig kong sabi ng boss nila. Hindi sumagot si Dash. Wala akong marinig na kahit ano'ng tunog na galing sa kanya.
Parang huminto ang pag-ikot ng mundo ko at pakiramdam ko, humiwalay na rin ang kaluluwa ko sa katawan ko.
Si Dash.... Si Dash...
Napatakip na lang ako ng bibig para mapigilan ang paghagulgol ko ng iyak.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top