Chapter 6

Chapter 6


KANINA pa wala ang sasakyan ni Wolf sa tapat ng gate nila Ate Helen.

Kanda-haba ang leeg ko. Gabi na pero nagdidilig pa ako ng halaman. Dito sa dalawang piraso kong paso sa labas ng apartment ko. Meron akong oregano at aloe vera. Oregano para kapag may magkaubo at aloe vera para sa moisturizer ng mukha ko. Organic na, matipid pa.

Pero hindi talaga itong mga pananim ko ang dahilan kaya nasa labas pa ako. Nagpapahangin lang talaga ako.

Nang marinig kong bumukas ang pinto sa apartment nila Ate Helen ay agad akong lumingon don.

Lumabas si Meryl sa pinto ng bahay nila. Babatiin ko sana 'kaso nakasimangot ang dalagita at tuloy-tuloy papunta sa gate. Mayamaya ay lumalabas na rin ng bahay si Ate Helen, nakasimangot din.

Inilapag ko muna ang watering can sa ibabaw ng mesa na nasa tapat ng bintana ng apartment ko. "Anong nangyari sa inyong mag-ina, 'Te?" Saka parang wala yata si Wolf, dugtong na tanong ko sa isip.

Pinara ni Meryl ang unang tricycle na dumaan sa harapan ng apartment namin. Sumakay agad ito don.

"Hayun, nabwisit sa akin kasi tinalakan ko!"

"Nag-away kayong mag-ina?" Saka hindi ba uuwi si Wolf ngayon?

"Nakakainis iyong batang 'yon. Nakita ko kasi ang ka-chat niya kanina, ina- I love you ba naman niya! Naku, nakakainis."

Napangiti ako. Tipikal na ina talaga si Ate Helen. Paranoid na kasi may dalaga na. "Nagtatampo sa akin dahil ayaw ko siyang payagang magka-boyfriend."

"Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, Ate. Kapag binawalan mo, lalo pang sumisige." Hindi ba uuwi si Wolf?

Umismid siya. "Hindi ko rin naman matiis kasi na hindi higpitan. Syempre natatakot lang naman ako na madisgrasya siya nang maaga."

"Mukha namang wise si Meryl. Siguro ay alam naman niya ang tama at mali. May limitasyon siya sa sarili." Mukhang hindi nga uuwi ngayon si Wolf.

"Walang limitasyon ang kumekerengkeng! Mapupusok pa ang mga bata ngayon, e. Mga bulag at bingi kapag in love. Mabuti nga sana kung in love talaga, e. 'Kaso akala lang nila, in love sila. Inpatuweysyon lang naman!"

"Magtiwala ka kay Meryl."

"Hindi ko kayang magtiwala!" Pumalatak pa ang babae. Aburidong-aburido.

"Huminahon ka, 'Te. Wala pa, pino-problema mo na."

"Kinakabahan ako, Ingrid! Kabado ako sa galawan ng mga bagets ngayon. Paano 'pag nabuntis ang anak ko? Ang bata pa masyado. Mapapatay ako ng asawa ko tiyak!"

Hindi na ako nag-komento pa. Nanay siya, natural na mag-panic talaga siya. Naiintindihan ko naman siya. Mahirap nga naman kung madidisgrasya ang dalagita niya. Nag-aaral pa si Meryl, batang-bata pa. Ano ang alam nito kung sakaling mabubuntis agad? Mahirap nga naman iyon. Napakahirap.

Pumasok na ako sa bahay bitbit ang watering can, inilagay ko iyon sa kusina. Nasa sala na si Aki, pawisan at mukhang pagod.

"O bat di ka pa naka-pajama?" tanong ko sa kanya. Mag-a-alas-otso ng gabi. Maaga kong pinapatulog si Aki kapag may pasok sa school.

"Mamaya na." Nakakunot pa ang noo ng paslit. Magkasalubong ang makakapal na kilay.

Nilapitan ko siya at dinama ang likod niya. "Bakit basa ka ng pawis? Anong ginagawa mo sa kuwarto at pawis na pawis ka?"

"Nag-e-eshercise lang." Sagot niya saka sumalampak ng higa sa sofa, hinihingal-hingal pa. "Penge tubig."

"Ha?" Kinuha ko sa ref ang tumbler niya na inuman niya ng tubig sa bahay. Kulay pula iyon at may logo ni The Flash. Inabot ko iyon sa kanya.

Pagkakuha ng tumbler ay tinungga niya agad ang laman niyon. "Eshercise nga."

"Exercise."

"Nag-push up ako! Pagod ako!" ibinato niya sa paahan ng sofa ang tumbler na wala ng laman.

"At anong pumasok sa utak mo at nag-e-exercise ka, ha?"

"Para magka-maskel."

Natapik ko ang noo ko. "Muscle."

"Ganun nga." Naupo siya at itinaas ang laylayan ng suot niyang lumang T-shirt na may print ng Justice League. Itinaas niya iyon hanggang sa dibdib niya at pinagalaw ang kanyang tiyan. Nag-inhale, exhale siya.

"At bat gusto mong magka-muscle, aber?" tinabihan ko siya sa sofa habang pinupunasan ang likod niya ng bimpo.

"Sabi sa TV, gusto ng girls ng boys na may maskel. Ay mashel pala."

"At bakit nga gusto mong magka-mashel?"

Ngumuso ang namumula niyang mga labi. "Para sa girls nga."

"Para kay Ate Meryl mo?"

"Sa kanya rin."

"Rin? At hindi lang si Meryl ang crush mo?"

"Ten na sila." Itinaas niya pa ang dalawang kamay para ipakita sa akin ang mga daliri niya.

"Ang dami naman!" Palatak ko. Hinubad ko ang suot niyang T-shirt para pati kili-kili niya ay mapunasan ko.

"Gusto ko kasi marami sila, saka iba-iba."

"Loko ka! San mo natutunan iyan?"

"Naisip ko lang po," Umakto pa siyang nag-iisip. "Parang ang boring kapag isa lang girlfriend ko."

"Bad ang maraming girlfriend."

"Okay lang. Hindi ko naman gustong maging good, e."

"Alam mo, matulog ka na. Sige na," tumayo ako at hinila ko siya sa kamay. "Pumasok ka na sa kuwarto at magsuot ng pantulog. Sige na at baka mapalo pa kita. Umiihi ka pa nga minsan sa higaan 'tapos nagbabalak ka ng magbilang ng jo-jowain mo!"

Nakangisi siyang tumayo saka yumakap sa bewang ko. Isinubsob niya pa ang mukha ni sa tiyan ko.

"Hindi mo ako madadala sa paglalambing mo." Sabi ko bagamat nangingiti ako. Kahit naman maldito 'tong batang 'to, malambing naman. Magaling pang mang-uto.

Tumingala siya sa akin. "Kahit magkaroon na ako ng maraming girls, ikaw pa rin ang number one girl ko."

"Sus!" pinisil ko siya matangos niyang ilong.

Biglang tumili si Aki, nakatingin siya sa pinto "Kuya Wolf!"

Biglang bumilis ang pintig ng puso ko. Napalingon ako sa pinto. Nasa labas ng screen door si Wolf!

Nanakbo si Aki at pinagbuksan siya ng pinto. "Bat ka nandito, ha? Ano iyang dala mo? Para sa amin ba 'yan?!"

Imbes na sumagot ay tumingin siya sa akin.

"Wolf, bakit? May kailangan ka?"

Hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya sa akin. Mukha tuloy kaming tanga na nakatingin lang sa isat-isa.

Hinablot ni Aki ang paper bag na bitbit ni Wolf. Noon ko lang napansin na may dala pala siya. Paper bag iyon ng sikat na bakery, paborito ni Aki ang mga tinda rong tinapay. Binitbit agad iyon ni Aki sa kusina.

Dumating si Ate Helen at siya na ang nagtulak kay Wolf papasok sa sala.

"May pasalubong kasing mga tinapay itong pinsan ko, busog na kami kaya naisip kong pahatiran kayo rito. Sakto, nataon pang paborito ni Aki halos lahat ang nabili ni Wolf."

Hinila ako ni Ate Helen palayo.

"Dito muna si Wolf, ha?" Tinapik niya ako sa balikat at binulungan. "Naglilinis kasi ako sa bahay. Naku, napakagulo. Nakakahiya na patambayin ko siya ron kaya dito muna siya, ha?"

"Ang mga bata, nasaan, 'Te?"

"Nag-text na si Meryl. Nasa SM Taytay raw siya, nagsh-shopping, pang-alis inis daw sa akin. Si Totoy naman, nasa kuwarto, tulog."

Wala na akong nagawa kundi i-entertain si Wolf nang umalis na si Ate Helen.

"Upo ka..."

Ito na naman. Ano na naman kaya ang sasabihin ko sa kanya? Ano ang pag-uusapan naming dalawa?

Ang hirap maiwan na kasama ang lalaking ito. Mapapanisan ka ng laway. Mababaliw ka sa sobrang tahimik. Magti-titigan lang kayo, magpapakiramdaman.

Okay lang sanang makipagtitigan kay Wolf kung hindi nakakatunaw ang titig niya, e. Ang kaso segundo pa lang ay mapapaurong ka na. Hindi mo kakayanin talagaga ang intensidad ng mga mata niya. Parang nambubudol, ang kaso hindi pera ang kukunin sa 'yo kundi kaluluwa mo.

Ang corny pero ganon talaga iyong effect. Amazing 'tong si Wolf. Tatahi-tahimik pero ang lakas ng arrive. Medyo nakaka-stress.

"What are you thinking?"

"Ha?" napatingin ako sa kanya. Tinanong niya ba kung ano ang iniisip ko?

Ni hindi man lang siya nag-abalang ipaliwanag o ulitin iyong tanong niya. Nakatingin siya sa akin na para bang hinihintay niya na sagutin ko siya.

"Ah, ano kasi..." tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding. "Hala, o! Eight PM na pala akalain mo iyon!"

Napatingin din siya sa orasan. Walang kaemo-emosyon ang mukha niya ng ibalik niya ang paningin niya sa akin.

Nagpilit akong ngumiti. "Eight na. Meaning, kailangan ko ng patulugin ang kapatid ko. Alam mo na. May pasok kasi bukas. Kapag may pasok talaga ay maaga ko siyang pinapatulog at—"

"Pinapaalis mo na ako." Hindi iyon tanong.

"Ay, naku, hindi, ah!" tabingi na ang ngiti ko. "Pwede ka naman dito sa sala, e. Kailangan ko lang talagang samahan si Aki sa kuwarto para patulugin siya—"

"Tapos na ako kain, Ate!" sigaw ni Aki.

Nang lingunin ko siya ay papasok na siya sa kuwarto.

"Sige, Aki, ito na ako." Tiningnan ko si Wolf. "Ayan na, papatulugin ko muna siya, ha? Dito ka muna. Nood ka na lang ng TV, ayun iyong remote. Pakatok na lang ako kapag uuwi ka na."

Nauna na si Aki sa kuwarto. Sumunod agad agad ako ang kaso ay nakalock ang pinto! Ini-lock ng tinamaan ng magaling!

"Aki!" kinatok ko siya. "Buksan mo 'to, Aki. Nai-lock mo."

Naghintay ako pero hindi binuksan ni Aki ang pinto. Kumatok ulit ako. Wala pa rin.

"Aki!"

Pinihit-pihit ko ang doorknob, ayaw. Naka-lock talaga. Naiwan ko pa naman ang wallet ko sa loob, nandon ang susi ng mga doorknobs.

"Aki, baby, buksan mo na 'to." Pawisan na ako. Nang lingunin ko si Wolf sa sofa ay nakatingin siya sa akin.

"He-he, nai-lock ni Aki..." paliwanag ko sa kanya. Muli kong hinarap ang pinto at kinalabog na. "Aki!"

"Tutulog na ako!" Sigaw ni Aki mula sa loob.

"Kaya nga, baby, papatulugin na kita. Buksan mo na 'to, babasahan kita ng stories, kakantahan, kakamutin ang likod—ah, basta, papatulugin kita."

"Ayoko ng stories, hindi makati likod ko, saka hindi ka naman marunong kumanta!"

"Aki, buksan mo sabi 'to." May diin na ang boses ko.

"Tutulog na ako!"

"Aki, please—" biglang may humawak sa kamay ko.

Agad akong napatingala sa may ari ng mainit na palad. Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na si Wolf.

Walang salita na inalis niya ang kamay ko sa doorknob. Umusod naman ako para bigyan siya ng space sa pinto.

Kinuha niya ang wallet niya mula sa back pocket ng jeans niya. Inilabas niya mula ron ang pinakamanipis na card na nasa pitaka. Nakamasid ako ng isiksik niya iyon sa gilid ng pinto, sa may gawing doorknob. Segundo lang ay bumukas ang pinto.

Manghang napatitig ako kay Wolf. "Uuwi na ako."

Nahihiyang napatungo ako.

Pagkabalik niya ng wallet sa bulsa niya ay tumalikod na siya.

"W-wolf, sandali!" hinabol ko siya hanggang sa pinto.

Nakalabas na siya ng abutan ko siya. Huminto siya at hinintay akong magsalita.

"P-pasensiya ka na... g-ganon talaga si Aki kapag may ibang lalaki sa paligid, e. Ano kasi, ayaw niya na may manliligaw sa akin."

Napahiya ako sa sinabi ko. Hindi naman kasi nanliligaw si Wolf sa akin, baka mamaya isipin niya ang ambisyosa ko.

"Wolf, pasensiya ka na sa ini-imply ng sinasabi ko. Ano kasi, pumupunta ka rito sa amin... nagpapasalubong ka... baka lang kasi akala ni Aki manliligaw ka. Alam mo na, bata iyon... pero hindi ko naman sinasabi na nanliligaw ka. Ah, sige good night na. Bye. Pasensiya na ulit." Hiyang-hiya ako sa kanya.

Pero hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan niya.

"B-bakit?"

"Kung sakali bang manligaw ako, may pag-asa ba ako sa 'yo?"

"A-ano ba 'yang sinasabi mo. Ikaw, joker ka rin pala! Ikaw talaga." Tumawa ako pampaalis ng tensyon. "Joker ka pala!"

Ngiting-ngiti ako samantalang siya ay seryosong-seryoso.

Napalunok ako. "M-manliligaw ka sa akin? S-sigurado ka?"

"Why not?" kumunot ang noo niya.

"H-hindi lang ako makapaniwala na gusto mo akong ligawan..."

"Anong hindi kapani-paniwala kung liligawan kita. In fact, I'm doing it now."

"Nililigawan mo na ako?" saka ko lang napansin ang maliit na mesa sa tapat ng bintana ng apartment ko.

Sa ibabaw ng lamesa ay may bungkos ng bulaklak—red roses.

"Sa 'yo 'yan?" gulat na tanong ko.

Dinampot niya iyon at inabot sa akin. "These are yours now, Ingrid."

Tinanggap ko iyon at lulang tinitigan. "Bakit nandito sa labas?"

"It's Helen's idea." Sumimangot siya. "Wag ko raw munang ibigay sa 'yo. She said it's too early for me to court you."

May point. Masyado nga namang mabilis.

Ilang araw na ba? Two? Three? Masyado pang maaga. Unless na-love at first sight siya sa akin? Malabo. Noong una kaming magkita ay nanlilimahid ako.

"But I can't wait any longer, Ingrid." May paghihirap sa boses na sabi niya.

Napatingin tuloy ako kay Wolf. Bakit nga ba siya nagmamadali? May humahabol ba sa kanya? May taning na ba ang buhay niya?

"Sandali lang. Wait!" Inilapag ko ulit sa mesa ang mga roses.

"What?" halos magbuhol ang mga kilay niya. "You don't like the flowers?"

"Hindi naman sa ayaw ko sa flowe—"

"Shit."

"Ha?"

"Hindi ko alam kung ano ang gusto mong bulaklak. I should've bought ten bouquets of different flowers so you'll have choices."

"Wolf, hindi naman—"

"You don't like flowers?" Nalungkot ang anyo niya. "I should have brought toys then. Or chocolates perhaps? But I don't know what brand I will buy; what brand do you like."

"Wolf—"

"Damn. I know, I know! I messed up. I really don't know what to give you, honestly. 'You see, I'm new to this." Nagtagis ang mga ngipin niya. "Tell me now, Ingrid. You can tell me now what you like. Anything you like."

"H-hindi—"

"Tell me, Ingrid. Anything, and I'll have it deliver for you—"

"Teka, sandali!" napasigaw na ako.

Napatanga siya sa akin. "Why are you shouting at me?"

"Hindi kita sinisigawan, okay?" napahingal ako, hawak ang aking dibdib. "Makinig ka muna sa sasabihin ko, okay? Okay ba iyon?"

Tumango naman siya kahit nagtataka.

"Good." Huminga muna ako nang malalim dahil para akong biglang kinapos sa hangin sa intense.

Namulsa siya sa suot na fitted jeans at matamang tumingin sa akin. Na-conscious tuloy ako bigla.

Nagbawi ako ng tingin kay Wolf. "This isn't about flowers or gifts, Wolf."

Nagsalubong ang makakapal niyang kilay. Sa gawi niyang iyon ay may gumuhit na namang kakaibang pakiramdam sa dibdib ko. Pamilyar talaga siya kapag ganitong kumukunot ang kanyang noo o nagsasalubong ang mga kilay niya.

"What, Ingrid?" untag niya sa pananahimik ko.

Tumikhim ako at nag-ipon ng lakas ng loob. "The point here is; masyado kang mabilis."

"Does it matter?" inosenteng tanong niya.

"It matters to me, Wolf." Bahala na siyang isipin na maarte ako, pakipot o feelingera. But I really need to say this. "Wala pang isang linggo tayong magkakilala, liligawan mo na agad ako?"

"Why not?"

Ayun na naman iyong 'why not' niyang masakit sa bangs.

"What is you reason, really?" Ano ang intensyon mo sa akin?

Obviously na yayamanin siya. Ako, mahirap lang 'tapos oily pa kapag hindi nakakaligo ng isang araw. Pag hindi nakatulog nang maaga kahit isang gabi lang, may pimples na agad na tutubo kinabukasan. Samantalang si Wolf, kahit yata isang taong pagpuyat, hindi magkaka-tagyawat. Maski yata white heads ay mahihiyang tumubo sa makinis niyang balat.

Kaya bakit ako? Wala pa naman akong naipapamalas na talent o magandang pag-uugali para ma-turn on siya sa akin.

Baka kursunada niya nga ako pero hindi naman pala siya seryoso. Baka lolokohin lang ako.

Oh, my God! Hindi ako handang maloko at masaktan. May chance na mangyari iyon kaya natatakot ako. Natatakot ako dahil masyadong guwapo at malakas ang dating ng lalaking ito sa akin. Hindi malabo na umasa ako kahit pa pigilin ko ang sarili ko.

"Wolf, kung tutuloy ka talaga sa panliligaw sa akin, gusto kong malaman kung bakit. Sagutin mo ako kung seryoso ka talaga na liligawan mo nga ako."

Hindi siya kumibo kaya lalo akong na-praning.

Nasobrahan yata ako sa kaartehan. Umayaw na yata siya. Na-turn off na. At teka, bakit nanghihinayang ako?

Bakit ko panghihinayangan ang taong ayaw akong pagtiyagaan? Bakit ko siya panghihinayangan ang taong bigla na lang akong sinukuan?

Umayaw na siya kasi mahirap akong ligawan. Pakipot ako kaya nainis na siya at nag-back out na, nag-changed plan, hahanap na lang ng iba. Hahanap ng mas easy—

"Because I want you. I really do."

"Ha?"

"That is my reason. Do I really need to explain it, Ingrid? I want you to be my girl."

Napalunok ako habang sinasahod ko ang nakakatunaw niyang titig. Muli niyang dinampot ang bouquet of red roses at inabot sa akin. 

"I'm begging you, please be mine."


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top