Chapter 38
Chapter 38
GAGO BA SIYA?
Nagkandatapi-tapilok ako sa paglalakad dahil napakalabo ng paningin ko sa paligid. Paanong hindi lalabo e kanina pa ako naliligo sa luha. Mula sa bus, sa jeep at ngayon ay sa paglalakad papasok ng Palmera Subdivision ay umiiyak ako.
Matapos niyang guluhin ang buhay ko, iiwan niya ako at ang kapal ng mukha niyang sabihin sa akin na magiging okay ako?
Basta kalimutan ko na siya para maging okay na ako? Gago nga.
Sinuklay ko ng mga daliri ko ang aking buhok dahil baka habulin ako ng mga aso kapag napagkamalan nila akong pugad. May mangilan-ngilang napapatingin sa akin pero dahil mabilis ang mga hakbang ko ay hindi ko na iniinda ang mga tingin nila.
Pinunasan ko na ang mga luha ko. Kinuha ko ang salamin sa bag ko para icheck kung gaano kamiserable ang aking itsura.
Wala namang pinagbago. Isang buwan nang maga ang mga mata ko at hupyak ang aking pisngi, kaya hindi na bago na namumugto ang mga mata ko ngayon.
Nang matanaw ko ang apartment ay agad na umurong ang mga paa ko. Aki, ang gago ng ama mo...
Hindi ko kayang umuwi.
Ayaw ko pang umuwi. Pag umuwi ako, iiyak din ako doon. Mababaliw ako ron. Tumalikod agad ako, sakto na may dumaan sa harapan ko kaya bumangga ako ron.
"Ay, ano ba?!"
"Okay ka lang?!" Agad na pumulupot sa bewang ko ang braso ng lalaking nakabangga ko.
Napatingala agad ako. "Abraham?!"
Namilog ang kanyang mga mata. "Ingrid, ikaw pala!" Agad siyang napangiti nang makilala ako. "Saan ka galing? Namamasyal ka na?"
Itinulak ko siya. "Abraham, kailangan nating magusap."
"We're talking already." Kayganda ng pagkakangiti niya. Tila siya masayang-masaya na lumabas ako ng bahay. "Pero pwede tayo magdinner sa labas para mas makapagusap tayo nang maayos."
Napalunok ako sa nakikitang kislap ng mga mata niya. Mukhang napakalaki ng kasalanan ko kay Abraham.
Hindi na joke ang lahat. Ang kasal ay seryosong bagay na hindi dapat binabasta-basta. Kahit pa sa mayor lang ang kasal namin, kasal pa rin iyon. Kahit may ibang dahilan kaya kami nagpakasal, kasal pa rin iyon.
"Tungkol sa kasal natin ang pag-uusapan natin, Abraham?"
Ayaw ko na siyang paasahin. Dahil kahit wala akong sinasabi sa kanya ay alam kong umaasa siya sa akin. Kung bakit kasi pumayag agad siya sa gusto ni Manang Tess na magpakasal kaming dalawa. Bakit kasi sa dinami-dami ng babae rito sa Taytay Rizal ay ako pa ang nagustuhan niya.
Nabura ang kislap sa mga mata niya ngunit nanatili ang ngiti sa kanyang mga labi. "Sige bah."
"Sa may Spicy Elements sa may SM Taytay na lang tayo, mukhang mahaba-haba 'yang pag-uusapan natin e. Maigi na iyong may alak." Nagkamot siya ng batok. "'Tas kantahan kita ron, para kung ano man iyang sasabihin mo, mapaisip ka muna pag narinig mo na iyong boses ko."
...
Nang umalis si Abraham ay dumeretso na ako sa SM Taytay.
Alas-siete ang usapan namin at ilang oras na rin lang naman ay mag-a-alas-siete na kaya dito ko na siya hihintayin.
Hindi ko rin kasi talaga kayang umuwi sa bahay. Mamaya na lang ako uuwi ron, kapag may alak na ang tiyan ko. Katulad kagabi, kumalma ako nang masayaran ng alcohol ang mga bituka ko. Plus pa na katabi ko kagabi si Alamid.
Pero walang Alamid ngayong gabi. Kalimutan ko na raw siya, kaya maglilibang ako. Kung malilibang ako.
E ang gago niya talaga e. Pwede ba akong makalimot? Pwede ba iyon? Paano ba iyon?
Kung may mabibili lang akong eraser dito sa SM, iyong pambura ng alaala at pakiramdam ay baka namakyaw na ako. Ang kaso wala namang ganoon.
Napadaan ako sa stand ng icecream. Agad na sumama ang pakiramdam ko at nanubig ang mga mata ko.
Naiiling na binilisan ko ang aking lakad palampas sa stand. Nakakainis. Nandito nga ako para maglibang, pero heto at may mga bagay pa rin talaga na pilit na tumutusok sa puso ko.
Habang palayo ako nang palayo sa stand ng icecream ay pakirot nang pakirot ang puso ko.
Muli akong lumingon at agad na nagpasya. Bibili ako ng icecream!
Mabilis akong naglakad pabalik at sumingit sa pila ng mga batang gusto ring bumili ng icecream. Wala akong pakialam kahit sinisimangutan ako ng mga mommy ng mga bata. Basta kailangan kong makabili ng icecream.
"Pinakamalaking cup ng chocolate icecream, Kuya." Nag-abot ako ng buong limang-daan sa vendor. "Pakilagyan ng maraming chocolates at marshmallows." Nang magawa ang icecream ay tumalikod na ako.
Hindi ko naman kinain ang icecream. Tinitigan ko lang iyon nang isang oras sa food court hanggang sa matunaw.
Natatakam ako dahil gutom ako. Hindi pa ako kumakain maliban sa pagtikim sa niluto kong tinola kanina sa condo ni Alamid. Pero hindi ko talaga magawang bawasan ng kahit isang kutsara ang icecream na ito.
Natutuwa lang akong pagmasdan ang pagkalusaw ng icecream sa cup.
Nakikinita ko ang magiging reaksyon ni Aki kung naririto lang ang batang iyon. Malamang na maligo ako ng sermon at sumbat dahil sa ginagawa kong pagsasayang sa icecream na ito.
"Ikaw kasi, iniwan mo ko e..." Nangalumbaba ako sa mesa habang nakatingin pa rin sa icecream. "Kung andito ka, e di sana sa 'yo to..."
Nag-iinit na naman ang sulok ng mga mata ko kaya nang saktong alas-siete ay tumayo na ako. Iniwan ko sa mesa ang lusaw na icecream.
...
"KANINA KA PA BA DITO?"
"Hmn, medyo. Inagahan ko lang naman nang onti." Inalalayan ako ni Abraham papasok sa Spicy Elements.
Maliit lang ang loob niyon at iilan lang ang mesa pero okupado ang ang lahat ng nasa harapan. Sa gilid ay may dalawang bakanteng table at doon sa isa sa malapit sa stage niya ako dinala. Sa stage ay may babaeng kumakanta.
"Paano tayo makakapagusap dito?" Maingay sa lugar na ito although kaya naman naming magkarinigan.
"Sabi ko naman sa 'yo, kakantahan kita." Tumawag siya ng waiter para sa menu. "Pili ka muna. My treat."
"Hindi ako nagugutom." Kahit pa natatakam ako sa mga steak na nasa menu.
"Kumain ka na. Ayan o, ampayat mo na."
Siya na rin ang umorder para sa akin.
"Ipinangako ko sa memories ni Kulet na hinding-hindi kita papabayaan, Ingrid."
Napatingin ako sa kanya. Seryosong-seryoso siya habang nakatingin sa akin.
"Kahit gigil sa akin iyong anak mo, napamahal na iyon sa akin."
"Abraham..."
"Nong malaman ko nga kay Manang Tess na anak mo nga si Kulet, hindi na ako nagulat. Ramdam ko kasi noong una palang na may something sa 'yo. Masyado kang misteryosa, kaya talagang nahulog ako sa pagmamasid sa bawat kilos mo kapag nakikita kita."
"Tanggap mo ako kahit m-may anak ako?"
"Tanggap kita kahit pati si Manang Tess e anak mo."
Napalabi ako. "Gago..."
Bumungisngis siya at kinurot ang pisngi ko. "Tingnan mo, nakakangiti ka na o."
Napapailing na lang ako.
"Yung sasabihin mo pala sa akin, later na lang, ha? Pakainin mo muna ako." Nakangiti siya pero hindi umaabot sa mga mata niya ang ngiti.
Nang dumating ang order ay galit-galit muna ang siste ni Abraham. Ang bilis ng subo niya at ganadong-ganado siya. Samantalang ako ay hindi magawang galawin ang inorder niya sa akin.
Hindi ko kasi gusto ang amoy ng pagkain.
Nang matapos siyang kumain ay naghugas siya ng kamay sa banyo at nang bumalik ay sinimangutan ako. "O ano 'yan? Nagsayang ka."
"Ako na lang ang magbabayad nito, Abraham. Pasensiya ka na kasi hindi pa talaga ako nagugutom."
"Sus."
"Pwede na ba tayong magusap ngayong tapos ka ng kumain?"
"Mamaya na. Kakantahan muna kita." Tumayo siya ulit at kumindat bago ako tinalikuran.
Sa stage siya dumeretso at nakipagusap nang kaunti sa nakaupo ron. Mayamaya ay si Abraham na ang may hawak ng microphone.
"Mic test. Mic test."
Pumailanlang na ang background ng kanta.
"Knew the signs wasn't right. I was stupid for a while..."
Nanahimik ang mga nasa kabilang mesa at napatingin kay Abraham. At dahil may itsura talaga ay hindi napigilan ng ilang babae na customer ang hindi magngitian at magsikuhan habang nakatingin sa kanya.
"Catch myself from despair. I could drown if I stay here."
Hindi ko namalayan na namamalisbis na ang luha sa pisngi ko habang nakatingin ako kay Abraham. Kumakanta siya habang ang mga mata niya ay nakapako rin sa akin.
"What is lost inside and I hope that in time you'll be out of my mind." Ngumiti siya sa akin at tumango.
Alam ko na ang ibig sabihin non kaya tulo nang tulo ang mga luha ko.
"Out of reach, so far... You never gave your heart. In my reach, I can see there's a life out there for me..." This time ay nakikita kong namamasa na rin ang mga mata ni Abraham.
Naluluha akong tumayo at kinuha ang aking bag. Nginitian ko siya and I mouthed "thank you" before leaving the place.
Nasa kalsada na ako nang magbeep ang phone ko. Nang tingnan ko kung sino ang nagtext ay pangalan ni Abraham ang nag-appear sa screen.
Abraham:
I'll update you once I already have the annulment papers. Good luck, Ingrid. I'm praying for all your problems, heartache and sorrow to eliminate from your life. And may your heart be filled with happiness you truly deserve. Always remember that I will still be here for you whenever you need a friend.
"At ipinagdadasal ko na sana makatagpo ka rin ng para sa 'yo," usal ko sa hangin saka ako naglakad pabalik sa mall para sumakay ng jeep.
Nangingiti ako habang naiiling. "Aki, bakit hindi ka naging mabait kay Abraham?" kausap ko sa aking sarili. "He's a good guy, anak. Sana man lang naging kaibigan mo siya." Hinayaan kong pumatak ang ilang luha habang ako ay naglalakad. "Pareho kayong makulit, pero pareho kayong mabait. Sana nagkasundo kayo noon..."
Pero umiikot lang kasi ang mundo ni Aki kay Alamid.
Walang ibang nakikita ang batang iyon kundi ang ama niya.
Dahil siguro alam niya sa puso niya na ito ang tunay niyang ama. Nakakalungkot lang na hindi siya nabigyan ng mas matagal na panahon para eenjoy ang pagkakaroon ng tatay.
Siguro galit na galit si Aki ngayon sa akin kasi nakausap niya na sa heaven si Daddy. Malamang gusto akong sabunutan at tadyakan ni Aki dahil alam niya ng niloko ko siya. At siguro miss na miss niya na ako kasi alam niya nang ako ang mommy niya. Siguro nagsisisi na siya sa lahat ng pambubully niya sa akin.
Siguro hinihiling niya na sana naging mas mabait pa siya sa akin. Kasi ako, nagsisisi na ako na hindi ko pinagbigyan lahat ng gusto niya.
Nagsisisi na ako kasi dapat mas naging mabait at mabuti ako sa kanya.
"Miss!" May mga sumigaw sa tapat ko. "Tabi!"
Patawid na ako sa maliit na daan na paliko sa parking lot na nasa basement ng mall. Hindi ko napansin ang sasakyan na papasok ng parking lot dahil namamasa ang aking mga mata.
Sa gulat ay hindi ako nakakilos. Bigla na lang nagdilim ang aking paningin kasabay ng pagtama ng kung anong matigas sa tagilan ko.
Sa pagpikit ko ay nakita ko ang mukha ni Aki. Nakasimangot siya at tila iiyak habang nakatingin sa akin ang kulay abong mga mata.
"Aki, gusto na kitang makasama..."
Sa likuran niya ay may liwanag na alam kong kapag pinuntahan niya ay hindi na siya makakabalik pa. Umiiyak ako at nagmamakaawa na lapitan niya ako dahil gusto ko siyang yakapin at ayokong pumasok siya sa liwanag nang nag-iisa. Na sana kung papasok siya ron ay isama na rin niya ako.
Ngunit imbes na lumapit sa akin si Aki ay nagulat ako ng manakbo siya palayo. Hindi papunta sa liwanag ang kanyang pagtakbo, kundi sa ibang daan na hindi ko maaninag kung ano.
At nang mawala siya ay nawala rin ang liwanag at nawala na rin ang pakiramdam ko.
Siguro nga, patay na rin ako.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top