Chapter 35
Chapter 35
"KUMUSTA KA NA?"
Kumusta na nga ba ako?
"Ingrid, dalawang linggo ka ng walang matinong tulog at kain. Buhay ka nga, pero mistulan ka namang walang buhay na nakaratay lang diyan at nakatulala."
Nilingon ko si Ate Helen. Nakatayo siya sa tabi ko habang hawak niya ang mangkok ng umuusok na sopas.
"Alam mo ba na sobrang payat at putla mo na?"
Naupo siya sa gilid ng kama na hinihigaan ko.
"Natatakot na ako sa 'yo, mukhang magkakasakit ka na, Ingrid." Bakas sa boses niya ang pag-aalala. Binitawan niya ang mangkok at niyakap ako.
Labing dalawang araw na mula ng makalabas ako sa ospital. Labing dalawang araw na rin akong walang ibang gustong gawin kundi ang umiyak at lunurin ang sarili ko sa pag-iisa.
Nagkukulong lang ako sa kuwarto maghapon. Hindi ko na rin chinicheck ang phone ko kaya wala na akong balita sa mga nangyayari sa labas, maliban na lang kung si Ate Helen mismo ang magdadala ng balita sa akin.
"Ingrid, tumawag na naman pala si Hepe kanina, ang sabi niya pumunta na naman daw si Wolf sa presinto kahapon. Nagwala na naman."
May bago ba? Araw-araw na pumupunta si Alamid sa presinto. Araw-araw niyang ipinagsisiksikan ang sarili niya ron.
"May dala siyang baril kaya walang nagawa ang mga pulis kundi ikulong na naman siya hanggang gabi. Pero pinalaya rin kaninang madaling araw dahil dumating ulit iyong abogadong padala ni Mr. Thunderwood na umaasikaso sa kaso niyo. Nagkainitan pa sa presinto. Binugbog ni Wolf iyong abogado."
Gumuhit ang kirot sa dibdib ko ngunit nanatili akong tahimik.
"Naaawa ako kay Wolf, Ingrid. Kung tutuusin ay wala naman talaga siyang kasalanan." Bumuntong-hininga si Ate Helen. Naluluha ang mga mata niya. "Napakamiserable niya."
Napayuko ako.
"Mahal na mahal niya kayo ni Aki, saksi ako na mahal na mahal niya kayo. At nagawa niya lang iyon dahil sa sakit niya at sa sitwasyong pinaglagyan sa kanya ng demonyang babaeng iyon."
Kasalanan niya na nakilala niya ang Benilde na iyon. Mariing bitaw ko sa isip.
"Ang linaw ng kuha ng CCTV sa kuwartong iyon, makikita naman na wala siyang kasalanan. Na ginipit lang siya ng pagkakataon. At napatunayan ng abogado niya na wala talaga siyang kasalanan."
Isa sa mga prinisent ng abogado na ipinadala ni Acid para kay Alamid ay ang mga papeles na nagpapatunay na nanggaling sa asylum si Alamid. At nakasaad din don na nasa process pa siya ng pagpapagaling at ginamit ng Benilde na iyon ang sitwasyon para guluhin ang utak ni Alamid.
It was proven in the court that Alamid Wolfgang was under hypnosis. And he was drugged after.
"'Kitang-kita sa CCTV na baliw ang babaeng iyon." Tumalim ang mga mata ni Ate Helen. "Pati ron sa isang kuha ng CCTV, kitang-kita na tinurukan niya kayong dalawa ni Wolf ng droga. Napakahayup ng babaeng iyon! Siya mismo ang nagsaboy ng gas sa buong buhay, siya rin ang nagsindi ng apoy. Siya lang ang dapat managot dahil biktima lang kayong dalawa ni Wolf dito!"
Dahil sa apoy na iyon kaya natunton ng mga pulis ang bungalow. Pero sana nga hindi na lang dumating ang mga pulis. Sana nasunog na lang talaga ako ron para sana patay na rin ako ngayon.
Pareho kami ni Alamid na walang malay sa sala. Nagising ako sa sala na itinatali nila ako kay Alamid na kasalukuyang walang malay. May itinurok si Benilde sa amin saka niya kami iniwan.
Ilang ulit yata kaming drinoga ng babaeng iyon sa magdamag.
At si Aki? Wala na si Aki. Dinala siya ng mga tauhan ni Benilde sa kusina at hinayaang masunog. Pakiramdam ko, nababaliw lang ako non habang hinahabol ko sila ng nanlalabo kong paningin. Pakiramdam ko, ang mga nangyari ay hindi totoo.
Nasa aktong nasusunog ang bungalow nang dumating ang mga pulis. Nanlaban si Benilde at ang mga tauhan nito, nagkapalitan ng putok, at si Benilde lang ang natirang buhay dahil napatay lahat ang mga tauhan niya. At ngayon ay nasa ICU si Benilde dahil sa mga tama ng baril.
Pagising ko sa ospital, urn na lang ni Aki ang nasa tabi ko. Nagising ako nag-iisa dahil wala na rin sa ospital si Alamid. Nasa presinto na si Alamid at pilit na ipinapakulong ang sarili niya.
Kumuyom ang mga kamay ni Ate Helen at tumawid ang galit sa kanyang mga mata. "Patawarin ako ng Diyos pero hiling ko lang sana ay wag nang magising mula sa coma ang babaeng iyon. Nang dahil sa kanya nawala si Aki natin. Nang dahil sa kanya nahihirapan kayo ni Wolf. Kung demonya lang din ako, pupuntahan ko siya sa ICU at ako na mismo ang papatay sa kanya." Marahas na napabuga ng hangin ang babae. "Diyos ko, kung isa lang itong bangungot ay sana magising na tayong lahat."
"Ate Helen, iwan niyo ho muna ako," mahinang utos ko sa kanya.
"Pero kumain ka naman, Ingrid. Kahit kaunti lang..." Nagpahid siya ng luha. "Kain na, parang awa mo na. At pagkatapos, mag-usap kayong dalawa ni Wolf. Utang na loob, kailangan niyo ngayon ang isat-isa."
Umiling ako kasabay ng pagpatak ng mga luha ko.
"Tahan ka na... pati ako, naiiyak na naman e. Isipin na lang muna natin na masaya na si Aki ngayon. Di ba pangarap niyang makita si Papa God? Ayun o, nagkita na sila. At angel mo na siya ngayon."
Hindi ko kayang isipin iyon dahil ang pilit sumisiksik sa isip ko ay ang iyak ni Aki ng buhatin siya ng mga tauhan ni Benilde. Kahit naghahallucinate ako ng mga oras na iyon, sigurado ako at hindi ako pwedeng magkamali. Napahagulhol ako ng manariwa sa isip ko ang ginawa ni Benilde sa anak ko.
"Ingrid, tahan naman na..." Hinagod ni Ate Helen ang likod ko. "Ayaw ni Aki na ganito ka. Magagalit iyon kapag malaman niyang pinarurusahan mo ang sarili mo."
"Pero ayaw mawala ng sakit, Ate. Ayaw mawala..."
Napaluha na rin siya. "Alam ko naman na masakit. Pero nasa sa'yo kung magpapatalo ka."
"Hindi ko kaya, Ate. Sana namatay na lang din ako."
"Wag kang magsalita ng ganyan."
"Gusto ko na lang mamatay, Ate. Pabayaan mo na ako. Please, gusto ko na lang pong mamatay." Walang patid na naman ang pagtulo ng mga luha ko.
Hindi ko alam kung saan pa ako kumukuha ng tubig sa katawan, pero talagang tila bukal na hindi maampat ang mga luha ko. Hindi ko na alam kung ilang balde na ang iniyak ko habang yakap-yakap ko ang urn ng abo ni Aki. Hindi ko matanggap na hindi ko na makikita kahit kailan ang anak ko.
At alam ko na hindi pa matatapos ang pag-iyak ko. Iiyak at iiyak pa rin ako. Hangga't may luha pa akong ilalabas, iiyak pa rin ako. Dahil kung ang pag-iyak lang ang paraan para mabawasan ang sakit, hindi ko panghihinayangan ang mga luhang ito.
Tiningnan ko si Ate Helen. "Gusto ko na lang po mamatay, Ate. Gusto ko na makasama ulit si Aki."
Matigas na umiling siya. "Hindi mo siya makakasama kahit mamatay ka ngayon, Ingrid. Hindi matutuwa ang anak mo na nagkakaganito ka. Lumaban ka. Hindi mo pa oras. Wag mong madaliin ang oras mo."
Ilang ulit pa niya akong pinilit na tumayo, kumain at ayusin ang sarili ko, pero katulad ng parati ay napagod na naman siya. Sino nga ba ang hindi mapapagod sa akin? Kahit anong pakiusap, payo ay hindi ko naman tinatanggap. Sa huli ay sinukuan na naman ako ni Ate Helen at nakatulugan ko na naman ang pag-iyak.
Nagising ako nang lumundo ang hinihigaan ko. Nang magmulat ako ng mga mata ay ang bunsong anak ni Ate Helen na si Totoy ang namulatan ko. Alanganin ang ngiti sa akin ng bungi-bunging bibig ng bata.
"Oki ka na pu?"
Kamumulat ko palang ay naluluha na naman ang mga mata ko ng makita ko si Totoy. Marahan akong naupo at pinagmasdan ang inosenteng mukha ng paslit.
"Totou ba na di po babalik si Aki?"
Mabigat ang loob na tumango ako.
Nagkamot siya ng pisngi, bagay na mannerism din ni Aki. "Mimiss ko siya kahet lagi niya aku aaway."
"Mamimiss ko rin siya, 'Toy." Hinawakan ko ang kamay ng bata. "Pwede ba kitang yakapin, Totoy?"
Hindi ko na siya hinintay na pumayag. Hinila ko ang bata at niyakap nang mahigpit. Umiiyak ako habang yakap-yakap ko siya. Nagtataka man ay nagpapasalamat ako na hindi nagtangkang kumalas sa yakap ko si Totoy.
"Ganitong-ganito kaliit ang katawan ng baby ko..." anas ko. "Ganitong-ganito kainit ang katawan niya... Totoy, miss na miss ko na ang baby ko..."
"Gustu mo pu ditu muna ako?"
Lalo akong napaiyak. "S-sige, please... dito ka muna..."
Niyakap ko siya habang nakahiga kami sa kama. Sa muling pagtulog ko ay bahagya nang gumaan ang pakiramdam ko. Kahit man lang sa pangarap ay iniisip ko na si Aki ngayon ang yakap-yakap ng mga braso ko.
...
WALA AKONG BALITA KAY BENILDE. PERO SANA, SANA PATAY NA RIN SIYA.
Ilang linggo pa muli ang lumipas. Nakahiga pa rin ako sa kama at nakatulala sa kisame. Rinding-rindi ako sa katahimikan ng bahay kaya inuulit-ulit ko na lang ang record ni Aki sa laruan niyang duck recorder.
Marami siyang rap songs na nakarecord dito. Mga bulol at mali-maling lyrics. Iyon ang pinapakinggan ko palagi. Sa tuwing maririnig ko ang maliit na boses ni Aki, minsan ay napapangiti ako, ngunit madalas ay napapaiyak. Oras-oras, minu-minuto, hindi ako nagsasawa. Nagkalat na ang battery sa sahig ng kuwarto dahil tuwing malo-lowbat ay pinapalitan ko agad ng battery ang duck recorder.
Napakislot ako ng bumukas ang pinto ng kuwarto. Nakapamewang na pumasok si Ate Helen. "Anong balak mo sa buhay mo, Ingrid?"
Hindi ko siya pinansin. Akala ko ay titigilan niya na ako dahil hanggang ngayon ay wala siyang napapala sa akin. Hindi ko siya pinapakinggan kahit ano pa ang pakiusap niya.
"Ingrid, darating ang magdarasal para kay Aki mamaya. Paano mo sila haharapin kung ganyan ang itsura mo?"
Napatingin ako sa salamin na katapat ng kamang kinauupuan ako. Mula sa repleksyon ko ron ay nakita ko na tama ang sinasabi ni Ate Helen. Sobrang payat at sobrang putla ko na nga. Nanlalalim ang ilalim ng mga mata ko. Namumutla ako at dry na dry ang aking mga labi.
"Okay lang magluksa, Ingrid. Pero wag ganito. Pinapatay mo na ang sarili mo, e. Maawa ka naman sa sarili mo. Kumain ka naman kahit kaunti lang!" Nauubusan na ng pasensiyang kausap niya sa akin.
Napabangon ako ng agawin niya sa akin ang recorder at alisan iyon ng battery
"Ingrid, wala na si Aki. Tanggapin na natin utang na loob!"
"Nasasabi mo lang 'yan kasi hindi ikaw ang nawalan." Umismid ako at nagpunas ng luha gamit ang laylayan ng suot kong loose shirt.
"Oo na, hindi ako ang nawalan. Siguro nga hindi ko talaga alam ang nararamdaman mo, pero isipin mo naman, concerned ako sa 'yo. Ayaw ko lang naman sirain mo ang buhay mo sa kakamukmok dito. Hindi porket sa 'yo na pala ipinangalan ni Wolf ang apartment building na ito ay hihiga-higa ka na lang diyan. Magtrabaho ka para makalimot ka!"
Makakalimot lang siguro ako pag namatay na rin ako.
"At si Wolf, nasaan ba iyon?" Nagsimulang magdampot ng mga kalat sa sahig si Ate Helen. "Ilang linggo na, hindi pa rin nagpapakita sa 'yo! Baka pinapatay na rin nong ang sarili niya ngayon. Hindi na siya bumalik sa presinto pero hindi na rin siya nagpakita pa sa 'yo. Nasaan na ba siya? Ano na ba ang nangyari sa kanya?!"
"H-hindi ko alam..." Tinakpan ko ang mukha ko ng aking mga palad.
Nasaan nga ba si Alamid? Nasaan siya? Bakit wala siya?! Bakit?!
Gusto ko biglang humiyaw. Gusto kong magwala. Gusto ko ring manakit. Pakiramdam ko'y malapit na akong masiraan ng bait.
Aki... Aki ko... Baby ko...
"Bakit kayo nagluluksa nang magkahiwalay? Hindi ba dapat ay magkasama kayo lalo sa panahong ito? Dapat magkatuwang kayo ngayon. Dapat dinadamayan niyo ang isat-isa."
Alamid...
Natigilan ako at napakurap.
Umasa ako na darating si Alamid dito. Umasa ako na darating siya at luluhod sa harapan ko para humingi ng tawad. Na pupuntahan niya ako at sabay kaming magluluksa sa pagkamatay ng anak namin. Pero hindi siya dumating.
Sabagay, malamang na ikinakahiya niya ang sarili niya ngayon. Ni hindi nga siya nagpakita sa akin kahit noong nasa ospital ako. Siguro wala na siyang mukhang maihaharap sa akin.
Alam ko na katulad ko ay nasasaktan siya. Naiintindihan ko na may problema siya sa sarili niya, pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ang kailangang magbayad ng mga problema niya ay si Aki?
Bakit kailangang madamay ang walang muwang na bata sa kaguluhan ng buhay niya? Bakit kailangang mawala ni Aki dahil sa kanya?
Bakit si Aki pa? Bakit ang anak ko pa?!
"Bumangon ka riyan, utang na loob, Ingrid. Kung naririto si Aki baka nabulyawan ka na non."
Hindi ako nakaimik. Ang isip at puso ko ay nalulunod sa mga tanong. Nasaan ba si Alamid? Ano ang ginagawa niya ngayon? Ano ang nasa isip niya sa mga oras na ito? Kailan siya magpapakita sa akin.
At kung magkikita kami, ano ba ang dapat kong maramdaman?
"Ingrid, naririnig mo ba ako?!"
Napatingin ako kay Ate Helen. Nasa mukha niya ang awa ngunit naroon din ang pagkapundi niya.
"Hindi ikakatuwa ni Aki na nagkakaganito ka." Dinuro niya ako. "Kilala mo ang anak mo, ayaw non kapag mabaho ka. At ayaw non kapag nagmumukmok ka. Kaya bumangon ka na riyan at ayusin mo ang sarili mo!"
...
"KANINA KA PA BA DITO?"
Natapos na ang padasal para sa forty days ni Aki. Nakaalis na si Ate Helen at ang mga nagdarasal at nakiramay. Nailagay ko na sa estante ang urn at nakapaglinis-linis na ako ng bahay. Tama si Ate Helen na hindi gugustuhin ni Aki na maging miserable ako. Masakit na masakit pa pero susubukan kong kayanin kahit paunti-unti.
Kahit paunti-unti lang muna...
Mula sa dilim ay lumitaw si Abraham. Nakapamulsa siya sa suot na khaki shorts. Puting plain shirt ang suot niya.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko siyang nakita sa labas ng bintana sa tuwing mapapatingin ako ron. Alam ko na nasa paligid lang siya at nagmamatyag. Alam ko na humahanap lang siya ng tyempo na lapitan ako.
Alam ko na nakikiramdam siya sa kung ano ang pwede niyang maitulong. Naaawa ako sa kanya dahil nainvolved siya sa buhay kong magulo. Alam ko na may responsibilidad na ako sa kanya at dapat lang na ayusin na namin ang kung anong meron kami. Pero kasi sa ngayon ay hindi ko pa kayang alisin ang sarili ko sa pagluluksa sa pagkawala ni Aki.
"Pasensiya ka na, hindi ko naman gustong istorbohin ka. Hindi ko lang talaga matiis na hindi ka kumustahin. Ngayon ka lang lumabas ng pinto."
Tinanguan ko siya.
"Sorry kasi ngayon lang ako. Hindi ko talaga magawang lumapit sa 'yo e, dahil alam ko na kailangan mo ang mga oras na iyon para sa sarili mo. Alam ko na napakahirap ng dinaranas mo ngayon." Lumapit siya sa akin at hinawakan ang balikat ko.
Napatingala ako sa kanya.
Malungkot na nakangiti sa akin si Abraham. "Ingrid, nandito ako. Pwede mo akong kausapin kapag handa ka na. Kung kailangan mo na ako, tawagin mo lang ako. Kahit kailan, kahit may ginagawa ako, titigil ako. At kahit tulog ako, gigising ako basta para sa 'yo."
"S-salamat..."
"Palagi akong nandito para sa 'yo. Sabihin mo sa akin ang lahat ng nagpapahirap sa 'yo, ang lahat ng masasakit na gusto mong ilabas, makikinig ako."
Napahikbi ako. "S-si Aki..."
"Namimiss mo siya?"
Lumuluha akong tumango. "Wala na si Aki, Abraham."
"Hindi naman nawala si Aki, e." Kinuha niya ang isang kamay ko at inilapat sa tapat ng aking dibdib. "Nandito siya, o."
Umiling ako. "P-pero hindi ko na siya mayayakap. Hindi ko na siya mahahalikan..."
"Hindi na rin siya makakapagpasaway sa 'yo." Nakangiti si Abraham pero masisilip sa mga mata niya ang lungkot.
"Okay lang." Pilit akong ngumiti sa kanya. "Okay lang kahit oras-oras siyang magpasaway. Kahit nga minu-minuto, ayos lang. Basta wag lang siyang mawala. Basta andito pa rin siya. Basta wag niya akong iwan..."
"Hush..." Hinila niya ako at niyakap. "I'm sorry, wala ako ron para tumulong."
Gumanti ako ng yakap kay Abraham. Sa yakap niya ako kumukuha ng suporta para hindi na muna umiyak. Para maipahinga ko muna ang sarili ko sa walang humpay na pagluluksa. Matagal kaming magkayakap nang biglang tumunog ang gate.
"Ingrid." Malamig na boses ang nagpatayo sa lahat ng balahibo ko sa katawan.
Napahiwalay ako kay Abraham. Sabay kaming napalingon sa gate ng apartment. Nakatayo sa labas ang isang matangkad na lalaki na nagtataglay ng malungkot na abuhing mga mata.
Hindi ko magawang magsalita habang nakatingin sa kanya. Bumigat ang puso ko ng mapansin ang mga pagbabago sa kanya. Halatang-halata ang pagbagsak ng kanyang katawan, ang panlalalim ng mga mata niya at stubbles sa kanyang mukha. Nevertheless, he still looked gorgeous. Siya pa rin ang lalaking madalas na magpatigil sa tibok ng puso ko.
Pero anong ginagawa ni Alamid rito?
At bakit ngayon lang siya? Saan ba siya nanggaling?
Nasaan siya nong mga panahong halos mamatay ako sa pagluluksa dahil sa pagkamatay ng anak namin?
Agad na lumipat ang matiim na titig ni Alamid sa kasama ko. Agad ang pagsasalubong ng kanyang mga kilay.
"What is he doing here?" Madilim ang titig niya kay Abraham.
Naramdaman ko ang paninigas ni Abraham sa tabi ko, ngunit nanatiling kalmante ang lalaki. "Nandito ako kasi dinadamayan ko ang asawa ko."
Nanlaki ang abuhing mga mata ni Alamid. "What did you say?"
Bumangon ang takot sa dibdib ko.
"Hindi ka naman siguro bingi, pare." Inakbayan ako ni Abraham. "Nandito ako kasi kailangan ako ng asawa ko. Ikaw, pare? Nandito ka para dumamay rin? Pero bakit ngayon lang? Katatapos lang ng padasal, magpapahinga na si Ingrid."
Naguguluhan ang mga mata ni Alamid ng tingnan niya ako. "What is he saying, Ingrid?"
Napalunok ako. Gulo ang nahihinuha kong mangyayari anumang oras mula ngayon.
"Ingrid?" Nasa guwapong mukha ni Alamid ang hapdi at kaba.
Nalilito man ay umiling ako sa kanya. Hindi ko gustong magkagulo sila. Hindi ngayon dahil ayaw kong mabastos ang pagluluksa ko kay Aki.
Nagulat ako nang umabante si Abraham. "You heard me right, pare. Ikinasal na kami ni Ingrid. Asawa ko na siya."
Pakiramdam ko'y napipi ako nang makita ang pagdaan ng talim sa tila lawin na mga mata ni Alamid. Maski ang katawan ko ay hindi ko maigalaw. Parang pinupunit ang puso ko habang nakatingin sa kanya. Pakiramdam ko'y bumalik sa akin ang trauma nang gabing nawala si Aki...
"What happened, Ingrid?" Maaligasgas ang tinig niya, at dama ko ang pagpipigil niya ng emosyon. "Please tell me what happened. Please..."
Sinikap kong hanapin ang aking boses nang biglang hawakan ako ni Abraham sa braso. "Ako nang bahala, Ingrid."
"Ingrid..." Bakas sa mukha ni Alamid ang di matatawarang sakit.
Iniharang ni Abraham ang sarili niya sa akin. "Umalis ka na. Nagluluksa si Ingrid at hindi ka niya kailangan ngayon. Mas pinapalala mo lang ang sitwasyon."
"Shut up! I'm not talking to you!" Nanlilisik ang mga mata ni Alamid ng balingan niya si Abraham.
Bumagsak ang mga luha ko ng magtagis ang mga ngipin ni Alamid.
"Wag mo ng pahirapan si Ingrid. Tama na, pare. Sinabi nang umalis ka na, igalang mo naman sana siya. Umalis ka na!"
"No. I'm not leaving. N-no..." Nabasag bigla ang boses niya. "I'm not leaving. Not until you talk to me."
"Pare, tigilan mo na sabi ang asawa ko. Nahihirapan na siya, tama na."
"Shut up!" Sigaw ni Alamid. Sa akin siya nakatingin at nagsusumamo ang mga mata niya sa akin. "Ingrid, what is he saying? Bakit tinatawag ka niyang asawa niya?! Bakit?! Anong ibig sabihin non?! Please, tell me. Please..."
Finally, I found my voice.
"Sorry." Sinalubong ko ang ngayo'y luhaan ng mga mata ni Alamid.
Sorry sa lahat dahil hindi ko inaakalang aabot sa ganito. Hindi ko alam kung paanong humantong kami sa ganitong sitwasyon. Naniwala ako kay Manang Tess na ito ang sagot sa lahat ng problema, pero ngayon ay hindi ko na alam ang paniniwalaan. Gulong-gulo na ako.
"No. Ingrid, tell me that he's just lying!" Pulang-pula na ang mukha ni Alamid. Panay ang alon ng lalamunan niya at nanginginig na siya sa galit.
Tama na. pagod na ako. Ayoko na. Gusto ko na munang magpahinga. Tama na muna...
Tuluyan ng bumagsak ang mga luha ni Alamid. At kulang ang salitang tila siya binagsakan ng langit at lupa sa pagkabigong gumuhit sa kanyang mukha.
"I'm sorry, Alamid..."
Matagal na nakatingin lang sa akin si Alamid. Marahan siyang tumango at walang imik na umalis.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top