Chapter 34
Chapter 34
"AKI!!!!!!!!"
"Let her go," utos ni Benilde.
Binitawan ako ng dalawang lalaking may hawak sa akin. Napasubsob ako sa sahig. Hindi ako makakilos. Nahihilo ako at nalulula ako sa dugo na kumakalat sa sahig. Hindi na gumagalaw si Aki.
Hindi na gumagalaw ang anak ko!
Itinaas ni Alamid ang baril. "Fuck! Fuck! Agh!" Dalawang putok ang pinakawalan niya sa kisame, kasunod ay ang malalakas niyang sigaw.
Winawasak ng iyak niya ang puso ko. Dama ko kung ang paghihirap niya, ang sakit na nararamdaman niya. Hindi ko siya magawang damayan dahil higit ang nararamdaman ko. Mas malala ang butas sa puso ko habang pinipilit kong abutin si Aki.
Lumapit si Benilde sa kanya. "It's all right, Ala. It's all right."
"Fuck you!"
"You did the right thing."
"Fuck you, whore!"
"You saved your son. You saved him from pain. Just like what you did to Aletta, tinapos mo lang ang paghihirap nila."
Nagtatagis ang mga ngipin ni Alamid habang mahigpit na hawak ang baril. "You'll rot in hell, Benilde."
"We will rot in hell together, honey. Pero hindi pa ngayon. Hindi pa ngayon, Ala." Kay hinahon ng boses ni Benilde, kalmante na parang walang madugong nangyari, na wala siyang ginawang kademonyahan.
Nakatutok na kay Benilde ang baril na hawak ni Alamid.
"Remember poor Aletta, you saved her from pain. You're good, you always do the right thing."
Nanatili sa ere ang baril. Sa isang iglap, blangko na muli ang mga mata ni Alamid.
"Aletta and Aki are together now. And that's because of you. You killed them, because you wanted them to be free. Because you cared for them."
"Tama na! Tigilan mo na siya!" sigaw ko. Alam ko na ang ginagawa niya, ginugulo niya ang isip ni Alamid. Ginagamit ni Benilde ang kahinaan ni Alamid laban sa kanya.
"Put the gun down, honey. I'm strong. I don't need your mercy. Kung may dapat kang barilin dito, si Ingrid iyon."
Bumagsak sa sahig si Alamid. Tila nawalan ng lakas.
Again, he was under hypnosis. He was zoned out.
"Ayos talaga 'to si Sir Wolf, e," anang isa sa mga tauhan ni Benilde. "Sayang lang talaga mukha neto, may saltik naman."
Nilingon ni Benilde ang mga tauhan niya. "Get him."
Ipinosas nila si Alamid at kinaladkad palabas ng kuwarto. Tiningnan ako ni Benilde. "Wag kang mag-alala, Ingrid, ako na ang bahala kay Alamid. He'll be fine."
Tumayo ako para habulin siya, ngunit naibagsak niya na pasara ang pinto. Kahit anong pihit ko sa door knob ay hindi ko na talaga mabuksan.
Naghahalo na ang luha, pawis at dugo sa akin, nanghihina na ako pero hindi ako sumusuko. Pinuntahan ko ang bintana para lang mawalan ng lakas nang makitang nakalock din ang mga ito.
"M-mommy ko..." maliit, nanghihina at maaligasgas na boses ang nagpatigil sa tibok ng puso ko.
"Aki?" Napalingon ako. Duguan siya at nakatingin sa akin mula sa sahig. "Aki?!"
"W-wag iwan, Mom...my..."
Nilapitan ko siya at inilagay sa kandungan ko. "Hindi kita iiwan! Kahit kailan ay hinding-indi kita iiwan, Aki. Tandaan mo 'yan!"
"Di b-ba m-mommy kita? Mommy..."
Todo tango ako habang lumuluha. "Oo, anak. Oo, mommy mo ko. Mahal ka ni Mommy. Mahal na mahal kita, Aki."
"Bakit ako d-dugo, Mommy..."
Napahikbi ako. "Mawawala yan, baby... gagamutin ka ng doktor tapos—"
"San daddy ku..." umubo siya at sumuka ng dugo.
"Aki!"
"M-mommy ko... lab k-kita..."
"Mahal din kta, baby ko."
Pilit kong tinatakpan ng palad ko ang sugat niya, pero patuloy ang pag-agos ng dugo niya. Natatarantang niyakap ko siya at pilit na kinakalma siya.
Hindi ko makita kung saan sa bandang balikat niya ang tama pero maraming dugo. Hindi ko na masiyasat nang mabuti dahil nanlalabo na ang mga mata ko sa luha at dahil sa epekto ng kung ano mang itinurok sa akin ng mga tauhan ni Benilde kanina.
"Masakit ba, baby? Masakit ba? Sorry, baby. P-promise, gagaling ka... h-hindi ako papayag na hindi... saka strong ka, di ba? Kaya gagaling ka..."
"Opu. Dami k-ko dugo... ubos d-dugo ko..."
"Hindi mauubos, Aki. Dadalhin kita sa ospital, mawawala yan, promise..."
"M-masakit... sugat ako, M-mommy..."
"Dadalhin kita sa ospital, ha? Dadalhin kita."
Nakatingin na lang si Aki sa akin.
"Aki... Aki, sory..."
"M-masakit... hapdi, Mommy..."
"S-strong, Momm—y..."
"Opo, baby, strong ka po..." Ngumiti ako. Matapang siya, hindi siya umiiyak at alam ko na ayaw niya akong mag-alala sa kanya. "Baby, gagawin ko na palaging one-hundred ang baon mo. Pwede ka na pong maglaro maghapon. Ibibili kita ng PS4. H-hindi na kita papagalitan... K-kahit anong iutos mo, baby, kahit ano... Kahit ano, gagawin ko. K-kahit anong hiling mo... ibibigay ko..."
Nakasubsob ako sa leeg niya, wala akong pakialam kahit napupuno na ng dugo niya ang damit ko. "Kahit ano, Aki... Wag mo lang akong iiwan. Hindi ko kaya... hindi ko kaya..."
"Di... k-kita iwan..."
"I love you, baby ko. 'Wag kang pipikit, wag mo akong iiwan, marami akong sasabihin, baby ko." Matagal ko siyang yakap-yakap, hanggang sa hindi na siya nagreresponse sa akin.
Hindi na gumagalaw si Aki pero nakadilat pa rin siya.
Hindi ko siya binibitawan kahit puro dugo na ako. Ayaw ko siyang bitawan. Gusto kong maramdaman niya na hinding-hindi ko siya isusuko.
"Mahal kita, Aki. Kahit makulit ka, anak, mahal kita. Ako ang mama mo, patawarin mo ako. Mahal na mahal kita, kahit anong mangyari nasa puso kita, Aki. Mahal kita..."
Wala nang kulay ang mga labi niya. Tulala na lang siya sa akin, ang maliit niyang kamay ay nakapatong na lang sa braso ko.
Ang sakit. Lumalaban siya para sa akin, pero hindi ko na kayang ilaban siya.
Hindi ko na kayang makitang nahihirapan siya. Hindi na kaya ng puso ko na panooring unti-unting bumibigay ang katawan niya.
Pumikit ako nang mariin. "S-sige na, baby..."
Mahal na mahal ko siya, hindi ko na kayang makita siyang naghihirap. Na tinitiis niya ang sarili niya para sa 'kin. Hindi ko kaya na mawala siya sa akin, pero mas hindi ko kaya na makita pa siyang ganito.
Niyakap ko siya nang mahigpit. "Sige na, baby... okay na... okay na, baby..."
Kahit mabigat sa dibdib ko ay binitawan ko na ang kamay ni Aki.
"Bitaw ka na rin, baby."
Marahang pumikit ang mga mata niya.
"Baby, bitaw na. Okay lang si Mommy, okay na si Mommy. Bitaw ka na..."
Hindi ko na siya maramdaman. Sa isang iglap, biglang nawala ang hirap na paghinga niya.
"Thank you, baby... thank you sa lahat. Mahal na mahal kita, wag mong kakalimutan na mahal na mahal kita. Kasi ako, hinding-hindi ko makakalimutan na mahal na mahal kita." Umagos ang mga luha ko, tumulo iyon sa maputlang mukha ni Aki.
Hindi ko na ulit makikita ang mga ngiti niya, ang pagngisi ng bungi niyang bibig at ang nanlilisik niyang mga mata kapag galit siya sa akin.
Wala na iyon. Lahat iyon, wala na. Wala na kasi si Aki...
Wala na ang baby ko.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top