Chapter 3

Chapter 3

PATAY na ang apat na lalaking nanloob sa bahay namin ng dumating ang mga pulis. Nakahandusay na ang mga ito sa sahig ng kusina namin.

"Anak, okay ka lang ba?" kinuha sa akin ni Mommy si Aki.

Tumango ako. Hindi ko pa rin nalilinis ang dugo sa katawan ko, ang suot ko ay ang malaking maroon hoodie na nakuha ko sa sampayan kanina.

Si Daddy ay tulala pa rin sa sulok at hindi makuhanan ng panayam ng mga pulis. Si Mommy naman ay walang ibang nasabi kundi nilooban nga daw kami. Hindi rin namin kilala ang mga lalaking nanloob.

"Ikaw, Miss? Wala ka bang naalala sa nangyari kanina?" tanong sa akin ng isa sa mga pulis. Nag-iimbestiga ang mga ito.

"M-may lalaki..." napalunok ako. "Nasaan siya?"

"Ha? Sinong lalaki, Miss?"

"Oo, officer." Biglang sumabat si Mommy na tila noon lang naalala ang lalaking binanggit ko. "May lalaki ngang dumating kanina, siya ang bumaril sa mga 'yan."

"Sino ho bang lalaki iyon?" tila naguluhan ang pulis. "Iyang apat lang ang nadatnan namin dito kanina."

"At imposibleng magbarilan silang apat." Sabi ng isa pang pulis. "Magkakasabwat iyan, e. Kaya malamang iba ang bumaril sa kanila."

"K-kaya nga ho. May isa pa hong lalaking dumating. Siya ang nagligtas sa amin. H-hindi ko lang matandaan ang mukha niya... hindi ko nakita..." napailing ako. "Puno ng dugo ang mga mata ko kanina, at nanlalabo pa sa luha. Nang luminaw ang paningin ko ay nakatalikod na siya." Hindi niya na ako nilingon...

Tumango-tango ang pulis habang inililista sa hawak na notebook ang mga sinasabi ko. "Wala ka bang ideya kung sino ang lalaking iyon?"

Umiling ako. Tumalikod na ako at pumasok sa kuwarto ko.

"Nasaan ka?" nangilid ang mga luha sa mga mata ko. "Anong nangyari sa'yo?"

Hinubad ko ang hoodie at iyon na rin ang ipinagpunas ko sa mga natuyong dugo sa balat ko. Wala akong pakialam kahit napakalangsa ako. Wala akong pakialam kahit pa dugo ng kriminal ang nasa balat ko. Ang buong isip ko ay nakatuon sa lalaking bigla na lamang dumating at bigla ring umalis.

A.W.

Wala sa loob na napalingon ako sa lifesize mirror na nasa tapat ko. Napakarungis ko. Magulo ang buhok ko at puno ng natuyong dugo ang upper body ko.

Bumaba ang paningin ko sa mga hita ko. Ibinuka ko iyon, sanhi para makita ko ang tattoo sa aking left groin. Nagtagis ang mga ngipin ko kasabay ng pagbigkas ko sa nakasulat ron.

"Alamid."

...

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makausap nang matino si Daddy. Si Mommy naman ay palaging malungkot. Kami naman ni Baby Aki ay palaging nagkukulong sa kuwarto.

Nakadapa si Baby Aki sa gitna ng kama at naghihilik na. Walang kamalay-malay ang bata na kanina pa ako titig na titig sa mukha niya. Ni kumurap ay hindi ko magawa.

"Wala ka pa rin bang balak pumasok sa eskwela, Ingrid?" Bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Mommy.

"Maybe next week, Mommy." Alam naman sa school ang nangyari sa bahay namin. I'm pretty sure na naiintindihan ng mga teachers ang trauma na pinagdadaanan ko.

Trauma nga ba talaga?

"Anak..." tumabi sa akin si Mommy at niyakap ako.

"Mommy..." napayakap na rin ako sa kanya.

"Patawad kung kailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito. Kung sana ay may pambayad pa tayo sa mga katulong o guwardiya ay hindi sana nangyari ang panloloob na iyon." Hinaplos niya ang buhok ko. "Patawad... napakabata mo pa para pagdaanan ang mga ito."

"It's okay, Mom. Walang may gusto sa nangyari." Wala ring may gusto na malugi ang mga negosyo natin.

"Maaayos din ang lahat. Magiging okay rin tayo. Babawi kami sa 'yo ng daddy mo."

"Mommy," kumalas ako sa kanya. Ito ang tamang oras para tanungin siya. I needed answers.

"Bakit?"

"Saan siya pumunta?"

"Ha?"

"Iyong lalaki, Mommy. Nasaan siya? Saan siya pumunta?"

Saglit na natulala si Mommy. Mayamaya ay nanginig ang mga labi niya.

"A-anong nangyari sa kanya, Mommy?" Kinakabahang tanong ko.

"May tama siya ng baril." Umiling si Mommy. "Hindi ko alam kung saan. Basta may tama siya. May mga tama siya. Dalawa... dalawang beses siyang tinamaan. Nabaril siya."

Napanganga ako.

"Ingrid, hindi ko masyadong maalala ang mga pangyayari... pero sa pagkakatanda ko, matapos niyang paputukan sa ulo iyong lalaking nagapos sa amin ng daddy mo ay nabaril din siya. Nabaril pa ulit siya bago niya mabaril iyong huling lalaki."

"A-anong itsura niya? Mommy, please tell me kung ano ang itsura niya!"

"A-ang itsura niya..." Kumurap-kurap si Mommy saka bumaba ang kanyang paningin sa natutulog na batang lalaki sa kama.

"M-mommy... buhay pa ba siya?"

"H-hindi ko alam... maraming dugo ang umagos mula sa kanya. Lumabas siya sa back door ng marinig niya ang serena ng mga pulis. Hinang-hina siya... hindi ko tiyak kung mabubuhay siya, Ingrid."

Hindi ko alam kung bakit parang may pumiga sa puso ko sa mga oras na ito. Nang lingunin ko ang natutulog na si Aki ay tumulo na lamang bigla ang mga luha ko.

"Patay na siya..." Patay na si A.W.

...


YEARS LATER...
RIZAL

"MOMMY!!!" hiyaw ng limang taong gulang na batang lalaki.

"Ate!"

"Mommy, sabi!" Nagpapadyak si Aki. "Sino ba siya, Mommy?!" Itinuro pa ni Aki si Jun.

"Kaibigan ko siya—"

"Pangit niya!"

"Aki!" Nanlaki ang mga mata ko. Hiyang-hiya ako kay Jun.

"Ayaw ni Daddy na nakikipag-kaibigan ka sa ibang boys! Bubugbugin ka non kasi bad ka!"

"Aki, stop it!" Napipikon na ako.

"Sige na, Ingrid, uwi na lang ako, hindi mo naman sinabi na may asawa at anak ka na pala..." tila pilipit na ang boses ni Jun.

"P-pasensiya ka na, Jun—"

"Alis!!!" Sigaw ni Aki rito. "Alis, pangit!"

Kakamot-kamot ng batok na umalis ang binatang si Jun. Nakilala ko ito sa Waltermart. Mula non ay palagi ko na itong nakakasabay sa pago-grocery. Mabait naman ito at mukhang disente, kaya ng magpaalam si Jun na dadalaw ay sinabi ko rito kung saan ako nakatira.

Hinigit ko sa braso si Aki matapos kong lingunin si Jun. "Sige salamat, Jun! Pasensiya na ulit!"

Pasalya kong ipinasok ng bahay si Aki. Ngingisi-ngisi ang tinamaan ng magaling. Mukha itong anghel ngunit demonyito sa pagiging maldito.

"Aki, ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na hindi mo ako mommy?!" Pinandilatan ko ang limang taong gulang na batang lalaki. "Ate mo ako!"

"Ikaw ang mommy ko!" binato niya ako ng napulot niyang pambura sa sahig. 

Sapol ako sa noo.

"Aba!" Gigil na nilapitan ko siya. "Bad ka talaga, ha!"

"Bad ka rin naman! Salbaheng mommy!" binelatan niya ako saka siya nanakbo papasok sa nag-iisang kuwarto.

"Aki, bumalik ka rito!"

"Ayoko, salbahe ka!" pinagbagsakan niya ako ng pinto.

Ate ang tawag niya sa akin, pero kapag may lalaking kumakausap sa akin sa labas ay tinatawag niya akong 'mommy'. At hindi lang iyon, magpapakitang gilas pa siya kung gaano siya kabarumbado. Tila ba nananadya.

"Lintek ka talagang bata ka!" Nagpupuyos sa inis na napapadyak na lang ako. Dahil kay Aki ay pakiramdam ko'y trenta anyos na ako at hindi bente dos.

Nagpakawala ako ng buntong-hininga matapos kong igala ang paningin ko sa paligid. Tambak na naman ang lilinisin ko. Napakagulo ng apartment. Nagkalat ang mga laruan, puro guhit ng crayola ang mesa, sofa at kahit ang dingding.

Ilang beses ko ng sinermunan si Aki tungkol sa pag-v-vandal ngunit hindi talaga siya nakikinig sa akin. Madalas kung ano ang ayaw ko, ay iyon mismo talaga ang ginagawa niya.

Hindi ko alam kung bakit lumaki siyang matigas ang ulo at hindi marunong makinig. Siguro dahil sa wala siyang ama na nagdidisiplina sa kanya.

Nanlulumo na sumalampak ako sa sahig. "Mommy, Daddy, bakit niyo kami iniwan nang maaga?"

Two years old si Aki ng mamatay sa car accident ang mga magulang namin. Dead on arrival sila sa ospital dahil sa malalang kalagayan. Truck na may lamang semento ang nakabangga ng sasakyan nila ng manggaling sila sa Divisisoria.

Sa isang iglap ay ulila na kami ni Aki. Wala ng laman ang trust fund ko. Wala ring trust fund si Aki. At ang bahay namin sa bayan ng Dalisay ay naibenta na matapos mag-declare ng bankruptcy ang kahuli-hulihan naming negosyo. Kinailangan na din naming umalis noon dahil naubos na rin ang natitirang pera sa pagpapalibing kina Mommy at Daddy.

Dito kami sa Palmera, Taytay Rizal lumipat. Isang maliit na apartment na may isang kuwarto ang inuupahan ko para sa amin ni Aki. Ang bumubuhay sa amin ngayon ay ang katamtaman kong sahod at ang pensyon ni Mommy sa SSS, na mabuti'y hinuhulugan pala nito na lingid sa kaalaman ni Daddy.

Second year college lang ang naabot ko sa kursong IT. Home base ang trabaho ko, encoder. Pinili ko talaga ang ganito para mas matutukan ko si Aki na ngayon ay kinder na sa Taytay Elementary School. Isang public school na malapit sa amin. Tricycle ang service niya.

Nagsimula na akong mandampot ng mga kalat. Nangangalahati na ako ng bumukas ang pinto ng kuwarto. Lumabas mula ron si Aki. Kung ano ang ikinaamo ng mukha ay ikina-barumbado naman ng ugali.

"Ano?!" Singhal ko sa kanya.

Nakangiti ang lintik. Mukhang good mood na at ready na namang humingi ng pabor. At hindi nga ako nagkamali.

"Ate, nood ako TV."

"Bahala ka sa buhay mo." As if naman kung hihindi ako ay magpapapigil siya.

Sumampa siya sa sofa saka kinuha ang remote ng 21 inches flat screen Samsung TV. In-on niya iyon at mayamaya ay nabibingi na naman ako sa paulit-ulit na cartoons na pinapanood niya.

Nasa tapat na ako ng lababo at naghuhugas ng mga plato ng biglang tumunog ang door bell.

"Aki, pakibuksan naman ang pinto."

"Ikaw na!"

"Aki, naghuhugas ako ng plato. Sige na please!"

"Eee, 'yoko! Nanonood ako e!"

Nagpunas ako ng kamay at tinungo ang pinto. Siguro ay si Ate Helen ito, ang katabi naming apartment. Mahilig itong mamigay ng ulam kapag napaparami ang luto.

"Saglit." Inalis ko ang lock ng pinto saka iyon hinila pabukas.

Nakahanda na ang ngiti ko. Ngunit agad iyong nabura ng hindi si Ate Helen ang napagbuksan ko ng pinto.

Isang matangkad na lalaki na may tattoo sa braso at may taglay na kulay abong mga mata ang nakatayo sa harapan ko. Moreno, makapal ang kanyang mga kilay, matangos ang ilong at makinis ang mukha. Nang bumuka ang natural na mapula nitong mga labi ay natulala ako.

"How have you been, Ingrid?"  

JFstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top