Chapter 26
Chapter 26
"ANONG NANGYARI?"
Madilim ang paligid, hindi ako makakita. Hindi rin ako makakilos dahil parang may pumipigil sa mga kamay ko.
Inangat ko ang mukha ko at pilit sinanay ang mga mata ko sa dilim. Sa pagkurap-kurap ko ay saka bumalik sa akin ang nangyari bago ako mapunta sa madilim na kuwartong ito. Nasa hagdan ako kanina ng may makita akong anino na may dalang kutsilyo.
Nang maalala ko ang nangyaring pamumukpok sa ulo ko ay nagsisigaw ako. Nagwala ako para lang maipon sa bibig ko ang lahat ng ingay. Kaya pala, meron palang busal na masking tape ang bibig ko.
Nasaan ako?!
Sino ang nanakit sa akin kaya ako nawalan ng malay-tao?
Nasaan si Alamid?!
Nakarinig ako ng pagpihit ng doorknob at pagbukas ng pinto. Kasunod ay marahang yabag ng mga paa.
"Mhmnpp!" pilit akong kumakawag. Nakaupo ako sa bangko at ang mga pulso ko ay nakatali sa aking likuran. Tila mga tela ang itinali sa akin.
Gumalaw ang nasisinag kong tao sa dilim. Tumunog ang switch ng ilaw saka bumaha ang liwanag sa buong kuwarto.
"Gising ka na pala..."
Natulala ako sa kanya.
Nang ilibot ko ang paningin ko sa kinaroroonan naming kuwarto ay natiyak kong nasa basement kami ng mansiyon. Wala man lang bintana sa lugar na ito. Wala ni isang gamit maliban sa bangko na kinauupuan ko. Bakit ako nandito?
Bakit dito niya ako dinala?
Bakit niya ginagawa ito? Ano ang kasalanan ko sa kanya?
Lumapit sa akin ang matandang babae at malungkot na ngumiti. Ang itsura ni Mang Tess ay tila ba may malaking problema siyang dinadala.
"Akala ko okay na siya..."
Anong sinasabi niya?
"Akala ko magaling na siya..."
Sino ang tinutukoy niya? Si Alamid ba?
"Sinubukan kong ibigay ang lahat sa kanya, kulang pa rin. Hindi pa rin siya nagbabago. Ayaw ko na masaktan ka niya, hija. Natatakot ako sa pwede niyang gawin sa 'yo."
Nagulat ako ng isa-isang pumatak ang mga luha sa mga mata ng matandang babae.
"Patawarin mo ako." Inalis niya ang tape sa bibig ko.
"Manang Tess, anong ibig sabihin nito?!" naguguluhang tanong ko sa kanya.
"Akala ko magiging okay siya dahil nandito ka na, Ingrid." Matabang siyang ngumiti sa akin. "Pero bumalik siya sa dati."
"A-ano ho?"
Lalong lumuha ang mata ng matanda. "Anong gagawin ko sa 'yo?" problemadong sumalampak siya sa sahig. Mahigpit ang kapit niya sa tungkod niya habang tumatangis siya. Awang-awa ako sa kanya.
"Manang... ano ho bang nangyayari?"
Hindi niya ako pinansin. "Anong gagawin ko sa kanya kapag may nangyaring masama sa 'yo? Sa inyo ng anak mo?"
Hindi ko siya maunawaan pero unti-unting bumabangon ang takot at kaba sa dibdib ko. Hindi para sa akin, kundi para kay Aki.
"Hindi ako mapapagod sa pag-intindi kay Ala, sa pagsunod sa kanya... kahit kailan hindi ako mapapagod dahil mahal ko siya bilang sarili ko ng anak. Pero ayoko ng madurog siya..."
"Manang..."
"Ayoko ng makitang durog siya..." tumingin siya sa akin. "Mahal na mahal ka niya, Ingrid."
Napaiyak na rin ako. Nangatal ang mga labi ko habang nakatingin sa kanya at pinakikinggan ang mga sinasabi niya.
"Mahal na mahal ka niya pero hindi niya makokontrol ang sarili niya. Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag nasaktan ka niya!"
Iyak ako nang iyak dahil unti-unting na-absorb ng isip ko ang mga sinasabi niya.
"Kapag may nangyaring masama sa 'yo, hindi niya mapapatawad ang sarili niya. Baka iyon na ang maging katapusan niya."
"Patakasin niyo ako, Manang..." pakiusap ko sa kanya.
Umiling siya. "Hahanapin ka niya. Babawiin ka niya. Hindi ka makakapagtago sa kanya."
Umiling ako. "Lalayo ako, Manang... lalayo kami ni Aki..."
Hindi siya kumibo.
"Sisikapin kong makalayo. Ilalayo ko ang anak ko sa kanya. Kahit gaano kahirap, kakayanin ko..."
Tagaktak ang luhang tumingin siya sa akin. "Maipapangako mo bang hindi ka niya mahahanap?" Puno ng pag-aasam ang mukha ng matanda.
Kahit diskumpiyado ay tumango ako.
"'Wag kang magpapakita sa kanya. 'Wag na wag kang magpapakita sa kanya hanggat kaya mo."
Lumuluha akong tumango.
Nagpumilit siyang makatayo saka kinalagan ang pagkakatali niya sa akin. Inalalayan niya akong makatayo. "Kumusta ang pakiramdam mo?"
"Masakit ho ang ulo ko..."
"Pasensiya ka na..."
Magkasama kaming lumabas ng bodega. Tama nga ako, nasa basement kami ng mansiyon. Nang makaakyat kami ay saktong bumukas ang main door.
Nanigas ang katawan ni Manang Tess. "Dito ka lang!"
Isinalya niya ako sa pinto ng kusina. Nagbabanta ang mga mata niya bago siya pumunta sa sala kung saan naroon na ngayon si Alamid.
Kahit malayo ay kitang-kita ko ang pagkakakunot ng kanyang noo at ang walang kangiti-ngiti niyang mga labi. Ang itsura niya ay tila hindi mo mabibiro o makakausap dahil sa sobrang kaseryosohan. Ngunit kahit ganoon ay nasasabik ako na lapitan siya, yakapin at lambingin.
Itim na polo, itim na jeans ang suot ni Alamid. Ang mga kamay ay nasa bewang. Ang kaliwanag kamay niya ay may suot na mamahaling relo na sumasabay sa pagkinang ng malamlam na liwanag ng nag-iisang nakabukas na chandelier. Para siyang diyos na nakatayo sa gitna ng sala. Nakapaguwapo niya.
Nilapitan ni Manang Tess ang lalaki. Hindi ko marinig mula sa kinaroroonan ko kung ano ang pinag-uusapan nila.
Naupo si Alamid sa sofa at isinubsob ang mukha sa mga palad. Parang malaki ang problema niya. Gusto ko sana siyang lapitan at damayan pero naalala ko ang bilin ng matanda.
Bumalik si Manang Tess at bumulong sa akin. "Ikukuha ko siya ng tubig."
Tumango ako pero ang mga mata ko ay nakatutok pa rin kay Alamid. Kahit ngayon lang, gusto ko siyang titigan.
Payapa ang itsura niya sa sofa. Gusto kong malaman ang iniisip niya. Hindi ba siya nagtataka kung nasaan na ako? Kung ano ang ginagawa ko? At saan ba siya nanggaling?
Mayamaya ay bumabalik na ang matandang babae sa sala bitbit ang isang baso ng tubig. Inabot niya iyon kay Alamid at agad namang nilaklak ng lalaki.
Muling umalis si Manang Tess. Umakyat sa second floor ang matanda at pagbalik ay may dalang maliit na botelya ng tila gamot. Nagtaktak ang matanda sa palad saka tinabihan si Alamid para ibigay ang gamot. Umalis ulit si Manang Tess para kumuha ng tubig at ibigay kay Alamid.
Sa lahat ng nagaganap ay nakamasid lang ako habang nakatago sa gilid ng pinto.
Isa-isang inalis ni Alamid ang pagkakabutones ng suot niyang polo saka sumandal sa sandalan ng sofa. Nakabilad ngayon ang malapad niyang dibdib at matigas na kalamnan.
May sinabi siya kay Manang Tess na hindi ko na naman narinig. Mayamaya ay nag-uusap na ang dalawa.
Sa una ay mukhang maayos naman ang usapan, pero ilang sandali lang ay nakita ko ang paglungkot ng mukha ni Manang Tess. Pumikit si Alamid habang patuloy na nagsasalita.
Nang tumingin sa gawi ko si Manang Tess ay nagulat ako ng makitang lumuluha na ang matanda. Bakit?
Saka ko napansin ang pagkakahawak ni Alamid sa braso ng matandang babae. Mayamaya ay napatili na si Manang tess na tila nasaktan.
"Ala!" Sigaw ng matanda. Napatayo ang dalawa mula sa sofa.
Napaurong ako ng biglang sampalin ni Alamid ang kawawang matanda. Napasubsob sa marmol na sa sahig si Manang Tess habang sumisigaw. Sa akin nakatingin ang matanda. "'Wag kang lalabas! Wag kang aalis diyan sa puwesto mo!"
Napakapit ako nang mahigpit sa pinto. Akala ko ay makikita ako ni Alamid pero mistulan siyang bingi kaya hindi niya narinig ang sigaw sa akin ni Manang Tess.
Nakatayo si Wolf sa tapat ni Manang Tess. Hindi ko na siya makilala, nagliliyab ang mga mata niya.
"I will kill them again, you hear me?" Kasing lamig ng gabi ang boses niya.
"Ala, pakiusap... tama na..." samo ng matanda.
"I will kill them again! I will make sure they will rot in hell!" sigaw niya. Nakakagulat. Ngayon ko lang siya nakita na ganito kagalit. Na para bang lahat ay kaya niyang saktan. Kahit ako.
Tinadyakan ni Alamid ang babasaging center table. Lumikha iyon ng malakas na ingay. Mayama ay nagpasukan na ang mga nakaitim na lalaki sa loob ng sala. Nakapalibot na kay Alamid ang mga tauhan niya.
"Give me your gun," utos ni Alamid sa isa sa mga lalaki.
"No, Sir." Sagot ng tauhan.
"I said give me your gun, motherfucker!"
"'Wag, Sandro! Hawakan niyo siya!" utos ni Manang Tess. "Gardo, kunin mo ang syringe sa kuwarto ko, madali ka!"
Malalaking tao ang mga tauhan ni Alamid pero nakaya niyang ibalibag ang mga ito. Marunong siya ng martial arts base sa galaw niya, para bang kahit magtulong-tulong ang mga ito ay hindi siya makakaya.
Basag-basag na ang mga gamit sa paligid. Ang mga sofa at upuan ay wala na sa kaayusan.
Padakmang sinakal ni Alamid ang lalaking nagngangalang Sandro. "I will fucking kill you!"
"S-Sir—!"
Nang makabalik mula sa second floor ang isa sa mga tauhan niya ay lumapit agad ito kay Manang Tess na ngayon ay nakatulala sa mga nangyayari. May inabot itong syringe sa matanda. Doon lang natauhan si Manang Tess. Agad siyang tumayo at lumapit kay Alamid.
"Ala, tama na!" sa braso ni Alamid bumaon ang syringe. Tila hangin lang na tumalsik ang matanda pabalik sa sahig nang tabigin siya ni Alamid.
Napaluhod si Alamid matapos ang ilang minuto. Doon siya pinagtulungan ng mga tauhan niya para mailagay siya sa sofa.
Inalalayan din ng mga ito si Manang Tess na makaupo sa tabi ni Alamid.
"Tama na, hijo. Utang na loob, tama na!" May hawak na panibagong syringe ang matanda.
Hindi ako makagalaw. Nakamasid pa rin ako sa mga nangyayari. Parang tila walang naganap ng tumingin si Alamid kay Manang Tess. Nag-usap ang dalawa bago muling turukan ng injection ng matanda si Alamid. Nawalan ng malay-tao ang lalaki.
"Dalhin niyo siya sa kuwarto niya." Pagkautos ay iika-ikang lumapit sa akin si Manang Tess.
Hindi ko namalayan na napalapit na pala ako sa kanila, na hindi na pala ako nakatago sa pinto. Pero bakit ni hindi man lang ako napansin ni Alamid?
Bakit parang wala siya sa sarili niya?
Dahil malaking lalaki ay apat ang nagtulong-tulong sa pagbubuhat kay Alamid patungo sa second floor ng mansiyon. Wala pa ring malay si Alamid habang bitbit ng mga tauhan niya.
"Ingrid..." boses ni Manang Tess. Nasa harapan ko na siya.
"Manang!" Sinalubong ko siya dahil halos gumewang na siya sa paglalakad. Duguan ang gilid ng labi niya, maging ang noo at ilong.
"A-ayos lang ho ba kayo?" nanginginig na tanong ko sa kanya. Pakiramdam ko ay mas nasaktan ako kesa sa kanya.
Tumango siya at hinayaang alalayan ko siya. May galos din pala ang mga braso ng matanda.
"Manang Tess, anong nangyayari sa kanya?"
Malungkot siyang ngumiti. "Kung ano man iyon, sanay na kami."
"A-anong mangyayari sa kanya?"
"Hindi ko pa alam. Pero kailangan mo ng umalis, Ingrid."
Kasama ang tatlong tauhan ay inihatid nila ako hanggang sa itim na pajero na nasa lawn ng mansiyon. Napakalawak pala ng lugar na ito at maraming nagkalat na malalaking aso.
"Ihahatid ka ni Gardo hanggang sa lugar mo, pero hindi mismo sa inyong tirahan. Pasensiya ka na pero alalahanin mo rin sana ang kalagayan namin," anang matanda. "Mag-iingat ka..."
Nakakaintindi akong tumango. Niyakap ko siya at nagpasalamat ako sa kanya.
...
KASALUKUYAN, naalimpungatan ako sa sigaw ng konduktor. "Indang! Indang!"
Gaano katagal na ba kaming bumabyahe ni Aki? Ilang oras na ba akong nakatulog? Mahapdi pa sa antok ang mga mata ko.
Sa sobrang pagkahapo at puyat ay naging malalim ang tulog ko. Napanaginipan ko pa ang huling nangyari sa mansiyon ni Alamid. Kumusta na kaya ngayon si Manang Tess?
Si Alamid? Hinanap niya kaya ako?
Ano ang sinabi ni Manang Tess kay Alamid ng hanapin niya ako?
Muli akong pumikit. Masarap ang pakiramdam ko, malamig pala sa parteng ito ng Cavite, lalo na at mabilis ang biyahe. Mas nakadagdag pa sa sarap na nararamdaman ko ang pagkakayakap sa akin ni Aki. Nakatulog din ang bata sa biyahe.
Isinandal ko ang ulo ko pero hindi na ako makaunat. May mainit at mabigat na nakapatong sa balikat ko. Pakiramdam ko ay naiipit ako sa pagitan ni Aki at ng kung sino mang nasa tabi ko sa kanan.
Napadilat ako bigla ng mapagtanto kung ano ang meron.
May katabi ako! Nakaakbay siya sa akin habang nakasubsob ang mukha niya sa gilid ng leeg ko!
Ang bilis ng tahip ng dibdib ko habang pilit sinisipat ang lalaki sa tabi ko. Nagpapanic na ako dahil baka masamang loob siya, pero agad ding napalitan ang takot ko ng maamoy ko ang kaiga-igayang amoy niya. Masarap sa ilong ang perfume na gamit niya.
Marahang kumilos ang lalaki at nang-angat ng mukha. Narealized ko na kilala ko ang perfume na naaamoy ko sa kanya, pati ang init at natural na amoy ng lalaki ay kilala ko rin pala. Napanganga ako nang magtama ang aming mga mata.
Ngumiti siya sa akin.
"Alamid..." gulat na sambit ko sa pangalan niya.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top