Chapter 21

Chapter 21


"GALIT KA BA?"

Pagkatapos kumain ng lunch ay bumalik sa paglalaro si Aki. Hindi niya ako pinapansin mula kagabi. Tahimik lang siya. Hindi niya rin ako inuutusan. Kusa niyang ginagawa ang mga bagay-bagay.

Ultimo pagligo kanina ay hindi siya humingi ng tulong sa akin. Baliktad pa nga ang briefs niya, gusto ko sanang sabihin sa kanya kaso baka mabadtrip siya.

Pinalamig ko muna, pero hanggang hapon, hindi niya pa rin ako pinapansin. Hindi ko na kaya.

Hindi ako sanay na hindi niya ako pinapansin at inuutusan. Hindi ako sanay na lilipas ang isang araw na hindi niya ako binubuwiset at ginagalit. Hindi ako sanay na hindi naglalambing sa akin ang anak ko.

Oo, anak ko. Hindi ako sanay na galit sa akin ang nag-iisang kayamanang meron ako.

Hindi na ako nakatiis, nilapitan ko siya sa sofa. Nanonood siya ng TV pero tagus-tagusan naman ang tingin niya.

Tinabihan ko siya. Tumikhim ako. "Balak kong tumanggap ng mas maraming files sa homebased job ko, para marami akong extra money."

Para siyang walang narinig. Nakapako pa rin ang mga mata niya sa screen ng TV.

"Isang daan ibibigay kong baon sa 'yo, gusto mo ba?"

Tuloy pa rin siya panonood.

"Uhm, kumusta pala 'yong alaga mong gagamba?"

Tahimik pa rin siya.

"Parang type ko maglagay ng icecream sa ref, anong flavor ang like mo?"

Para lang akong hangin sa tabi niya na hindi niya pansin.

"Aki..." napasigok ako. "Di ako sanay na ganito tayo."

Wala pa rin siyang imik.

"Bati na tayo, o." Ang sakit sa dibdib na ganito kami. Kinalabit ko siya. "Sori na."

Tumingin siya sa akin. Blangko ang kulay abo niyang mga mata.

"I love you, Aki."

Seryoso ang mukha niya. "Sinigawan mo ko. Bata pa ko. Tama ba yon?"

Sumimangot ako. "Galit ka pa ba sa 'kin? Sorry na. Nabigla lang naman ako..."

"Tuwing mabibigla ka, gaganonin mo ko?!"

"Hindi naman sa ganon... sorry na, please?"

Seryoso pa rin siya nang bumuka ang mga labi niya. "One-hundred na baon ko plus pwede na ko maglaro gagamba dito sa bahay plus chocolate icecream palagi sa ref."

Tumango ako habang naluluha. "Oo, baby. Kahit ano, baby."

Doon siya ngumiti, lumabas ang maliliit niyang ngipin. "Bati na tayu."

Napaiyak na ako at niyakap ko siya ng may ngiti sa labi. "I love you, baby. Kahit napakagulang mo, mana ka sa pinagmanahan mo."

...

AKIN SI AKI.

Pasimple kong pinapanood ang batang lalaki sa pag-aayos nito ng sirang kamay ng robot. Hindi ko inaalis ang paningin ko sa kanya. Natatakot ako na kapag kumurap ako, magalit na naman siya.

Parang bagungot sa akin noong magalit siya at hindi niya ako pansinin. Hindi ko pala talaga kaya ang ganoon. Kahit may pagka-sutil, mahal na mahal ko siya. Hindi ko kakayanin na mawala siya sa akin kahit sandali. Kinaya ko siyang buhayin noon, kakayanin ko pa rin ngayon.

Hindi ako papayag na kunin siya sa akin ng kahit sino. Kahit pa mismong ama niya.

Tumunog ang pinto ng bahagyang umangat ang screen door. Kinabahan agad ako at lumapit doon. "Sino 'yan?"

Saka lang nawala ang kaba ko ng makita ko na nakatayo sa labas si Abraham. May bitbit siyang tupperware.

"Abraham, ikaw pala." Binuksan ko ang screen door.

"May dala akong ulam." Ngiting-ngiti siya. Nakapambahay lang, shirt at cargo shorts, pwedeng pang-malling. Magandang lalaki siya kaya ayos lang kahit ano ang isuot niya.

"Salamat." Alanganin ko siyang pinapasok sa sala, dala ng kagandahang asal.

Unang beses niyang makapunta dito. Bukod sa ulam, may sadya pa ba siyang iba?

"Jowa mo, asan?"

"Ha?" Napansin ko na mapagmasid ang mga mata ni Abraham sa kabuuhan ng sala.

"Anong jowa?" sabat ni Aki na nakalupasay sa sahig habang kalong ang robot na kanina pa kinukutingting.

Nginisihan ni Abraham ang bata. "Uyab."

"Uyab?"

"Labidabs."

"Abraham!" saway ko sa kanya.

Utang na loob!

Napakamot ng batok ang lalaki. "Sori. Hehe. Kyot niya kasi."

Bigla namang bumagsik ang mukha ni Aki. "'Pangit mo!"

Dinuro ni Abraham ang bata. "Hoy, sinong nagturo sa 'yong magsinungaling, ha?"

"Pangit ka naman talaga! Laki mata mo!"

"Aki!" sigaw ko.

Matalim ang mga matang tumingin sa akin si Aki. "Bakit?! Papagalitan mo na naman ako?!"

Napailing ako at hinarap si Abraham. "Pasensiya ka na, Abraham. Bakit ka nga pala napadalaw?" kinuha ko ang tupperware ng ulam at inilapag sa mesita. Disposable tupperware naman iyon kaya hindi ko na lang huhugasan at isosoli sa kanya.

"Hmn, wala. Di ka kasi pumunta ng fiesta, hinanap kita ng tanaw habang nasa stage ako, e. Kinanta ko pa naman 'yong requst nitong si Kyot."

"Hindi ako Kyot!" tili ni Aki sa sahig.

Ngingisi-ngisi lang si Abraham. "He's really cute, kasundo niya ba yong jowa mo?"

Humalukipkip ako at tiningnan siya nang mataman. Nanliligaw ba siya kaya siya nandito?

Nakahalata yata si Abraham. Muli siyang nagkamot ng batok. "Sorry ha, nakaistorbo ata ako. Hinatid ko lang talaga 'yan, naparami luto ni Mudra e. Sayang naman. Geh, alis na ako."

Saktong papalabas si Abraham ng pinto ng pumasok ang isang matangkad na lalaki.

"Wolf..." gulat na sambit ko. Bakit siya naririto?

Agad na napatayo mula sa sahig si Aki. "Daddy ko!"

Nakita ko ang bahagyang pamumutla ni Abraham. Sabagay, sino ba ang hindi mangingilag kay Wolf?

He's taller than Abraham. At kahit guwapo si Abraham, iyon ang klase ng kaguwapuhan na agad matatabunan kapag nariyan si Wolf. Iba si Wolf. Para siyang hindi tao. Sa totoo lang, ibang-iba siya. He's perfection.

Bigla akong nakaramdam ng awa para kay Abraham.

Sandali na nagsukatan ng tingin ang dalawang lalaki bago naunang magbaba ng mga mata si Abraham. Tumingin siya sa akin at pilit na ngumiti.

"Alis na ako, Ingrid."

"S-sige, salamat ulit sa ulam..." Hindi ko alam kung bakit ilang na ilang ako.

Nang makalabas na ng bahay si Abraham ay lalong tumindi ang tensyon. Pakiramdam ko, hinahalukay ng titig ni Wolf ang buong pagkatao ko. Kung makatingin siya sa akin, para bang nagkasala ako. 

Agad na nagpakarga naman si Aki kay Wolf. Parang unggoy na nakayapos ang bata sa leeg niya. At siya naman ay nakatingin pa rin sa akin na parang binabasa pati ang aking kaluluwa.

Ano nga bang ginagawa niya rito? Sinabi ko na di bang umalis na siya? Why is he still here?

Paano ko siya makakalimutan kung palagi siyang magpaparamdam? Hindi siya nakikisama!

At naiilang ako sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, hindi ako mapakali dahil alam ko na naririto siya.

Nang ibaba ni Wolf si Aki ay inabot niya rito ang cell phone niya. "Go play outside."

Lalong bumilis ang tahip ng dibdib ko. Kinabahan agad ako sa gusto niyang mangyari. Gusto niyang mapag-isa kaming dalawa!

"Ano password?!" Namimilog ang mga mata ni Aki habang yakap sa maliliit na braso ang iPhone ni Wolf.

"Your birthday," sago t ni Wolf kay Aki.

"Pow?!"

Masuyo niyang ginulo ang buhok ng bata. "Your birthday. 6 digits."

Tumango ang paslit saka tila hanging biglang nawala sa sala sa bilis ng pag-alis.

Nang kami na lang dalawa ay pilit kong hinamig ang aking sarili. Hinarap ko si Wolf kahit pa nangangatog ang mga tuhod ko. "Anong ibig sabihin nito? Di ba sabi ko ayaw ko ng makita ka? Di ba sabi ko wag ka ng babalik dito? Di ba sabi ko—"

"I missed you."

Natulala ako sa kanya.

"Hindi ko kaya, Ingrid," walang gatol niyang sabi.

"Wolf..."

Ang mga mata niya ay mapungay at nagmamakaawa, handang lusawin ang puso ko anumang oras ngayon.

Pero alam ko ang totoo. He was a liar first and foremost! Magaling siyang magmanipula ng damdamin!

Ayaw ko na sanang magalit, gusto ko na lang sanang lumayo siya para makalimutan ko na siya. Gusto ko na kung may maaalala man ako tungkol sa kanya ay iyon na lang na magaganda, hindi iyong mga nasa nakaraan na masasama. Hindi iyong pang-iiwan niya at di niya pagtupad sa pangako niyang hinding-hindi siya mawawala.

"Alamid Wolfgang," sambit ko sa tunay na pangalan niya.

Bahagya siyang ngumiti sa akin. "Yes, love."

Deep set liquid gray eyes, long-lashes, thick brows, perfect jaw and red sensual lips. Ito pa rin ang mukha niya, ito pa rin ang mukha ng lalaking dumating sa buhay ko at minahal ko. Pero ibang katauhan na ngayon ang nakikita ko sa mukhang ito.

Itong ngayon na kaharap ko, ito na ang tunay na siya. Hubad na ang maskara. Hindi iyong Wolf na ipinakilala niya. Ito talaga ang tunay na siya. At hindi ko kayang makisama sa kanya.

Pilit kong tinatagan ang sarili ko. "Ayoko na."

"You don't mean that."

Umiwas ako ng tingin. "Totoo, ayoko na. Gusto ko na ulit ng tahimik na buhay."

"I can give you that kind of life."

Pumiksi ako ng humakbang siya palapit. "Hindi mo pa ba naiintindihan? Ayoko na sa 'yo!"

Ang maamo niyang mukha ay biglang bumangis. "Say that again."

Napalunok muna ako. Nagsisi ako ng muli akong tumingin sa kanya. Kitang-kita ako ang galit sa mga mata niya, na para bang kaya niyang saktan ako.

"Say that again, Ingrid!"

Kandalunok ako. "A-ayoko na sa 'yo..."

Mula sa galit, muling lumambot ang ekspresyon niya, at sa huli ay biglang lumungkot. "I don't believe you. You're just mad."

Panay ang iling ko. "Ayoko na talaga. Ayoko na, Wolf."

"Tinawag mo na ako sa pangalan ko. Please, I'm Alamid. Call me by my name, love."

"Ayoko sa 'yo. Si Wolf ang minahal ko, at ayaw ko na rin sa kanya. Hindi kita kilala... hindi kita lubos na kilala... Ayaw ko na sa 'yo. Kahit sino ka pa, ayoko na..."

Tumalim ang mga mata niya. Sa isang iglap, bumalik ang pagbabaga ng mga mata niya kanina. Napaatras ako sa takot.

Hindi ko alam kung bakit pero natatakot ako.

Humakbang siya palapit sa kinatatayuan ko. Nag-iigting ang kanyang panga at seryoso ang kanyang mukha. "Hindi mo ako pwedeng bitawan, Ingrid. Hindi mo ako pwedeng bastang iwan."

"Pero ayoko na... ayoko na—" napaigik ako ng bigla niyang hulihin ang braso ko at mariing pisilin. "Wolf, nasasaktan ako!"

Lumamlam ang mga mata niya. "Kailan kita sinaktan, Ingrid?"

Nangilid ang mga luha ko sa nakikitang kirot sa nagbabaga niyang mga paningin. Natatakot din ako sa pabago-bagong emosyon niya. Pero nanguna ngayon sa akin ang galit ng bumalik sa alaala ko ang ilang taon na akala ko patay na siya.

"Ingrid, kailan kita sinaktan? Prinotektahan kita, binantayan, inalaagan."

"Nasaan ka habang lumalaki si Aki?" nanginginig ang boses na sumbat ko sa kanya. "Sabihin mo sa akin kung nasaan ka?! Bigla kang naglahong parang bula kahit ang sabi mo, hindi ka mawawala!"

Natigilan si Wolf. Ngunit saglit lang ang pagkablangko ng titig niya.

"Iniwan mo kami. Kahit hindi kita nakikita, ramdam ko na iniwan mo kami! Inabandona mo kami! At ngayon bumalik ka bilang si Wolf, at niloko mo ako! Niloko mo kami!"

"Hindi ko ginustong mawala, Ingrid," nagtatagis ang mga ngiping saad niya.

"Ginusto mo! Wag mo na akong lokohin! Tama na! Ayoko na! Baliw ka! Hindi ko hahayaang kalakihan ni Aki ang isang taong katulad mo! Ano ba bitawan mo ako!"

"You're just mad. What did that guy tell you?!"

"Ano? Anong sinasabi mo—ano ba?! Bitiwan mo ako! Walang kinalaman si Abraham dito! Bitawan mo ako!"

"No!"

"Bitawan mo sabi ako! Isa kang baliw!"

"I said, no!" Lalo lang humigpit ang hawak niya sa akin na pakiramdam ko'y anumang oras, magkakapasa ako.

"Wolf, ano ba?!" Hindi ako makawala sa malabakal niyang kamay kahit anong pagpupumiglas ko.

Mula sa bulsa ng suot niyang jeans ay may hinugot si Wolf. Nang makita ko kung ano iyon ay ganoon na lang ang pamumutla ko.

It was a syringe!

Nahintatakutan ako. "A-anong gagawin mo?"

"You pushed me to do this."

"W-Wolf... 'wag..."

"I don't want you talking to that man again, Ingrid. I don't share my woman. I don't share my property. I don't share my family." Walang emosyon ang mga mata niya ng tanggalin niya ang takip ng karayom sa pamamagitan ng pagkagat ng ngipin niya doon.

"Wolf, ano ba... 'wag— ahhh—" Mariin akong napapikit ng iturok niya iyon sa leeg ko.

Pasubsob akong bumagsak sa kanyang matigas na dibdib, agad na pumulupot sa akin ang mga braso niya.

"Wolf..." Nanghihina akong napakapit sa kanya.

Ang huli kong naalala ay binuhat niya na ako palabas ng sala. Saan niya ako dadalhin?!

Masuyo niya pang hinaplos ang buhok ko bago ako tuluyang nawalan ng malay-tao. "I love you, love. Kahit ayaw mo na sa 'kin, akin ka pa rin."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top