Chapter 19
Chapter 19
"BAKIT KA SAD?"
Kumurap-kurap ang kulay abong mga mata ng batang lalaki na nasa harapan ko. Pinapakain ko siya ng tanghalian.
Kinalabog niya ang mesa. "Bakit ka nga sad?!"
Napatingin ako sa namumulang pisngi ni Aki. Moreno siya sa kakabilad sa araw, pero ang mga pisngi niya, nagiging orange kapag mas nabababad sa initan. Gayunpaman ay napakakinis ng kutis niya. Pino at balbunin.
Napakaguwapo niyang bata.
Kumirot ang kaibuturan ng puso ko habang nakatingin ako sa mukha ni Aki. Sinasampal ako ng facial features niya. Ginigising ako sa katotohanan.
"Huy!" Pumitik siya sa harapan ng mukha ko.
Binitawan ko ang kutsara. "P-pwede ba kumain ka na lang?"
Lumabi ang paslit.
Bakit ko nga ba siya sinusubuan e marunong naman na siyang kumain mag-isa? Sa sobrang lutang ko, hindi ko namalayan na inuuto niya na naman ako.
"'Bat ka muna sad?" Nangalumbaba siya sa mesa habang nakakiling ang cute na mukha sa akin.
"Hindi ako sad."
"Sige, bat ka sinungaling?"
"Aki!" Pinandilatan ko siya.
"Okay, bakit ka sad?"
Pakiramdam ko'y kumibot ang ugat ko sa sentido dahil sa kakulitan niya. Wala akong panahon sa mga paandar niya ngayon.
"Miss mo si Daddy, 'nuh?"
"Ano?"
"Papadating na 'yon. Tineks ko!"
"Tinext?"
Nang bumungisngis si Aki ay taranta kong hinagilap ang phone ko sa bulsa ng suot loose shirt. Agad kong ichineck ang messages. May text nga siya kay Wolf!
It read: 'i miss you plz come her and bring meny ais kream. Bye!!! See you! '
Matalim ang tinging ipinukol ko kay Aki. "Sa 'tingin mo iisipin niyang sa akin galing ito, e mali iyong spelling mo ng many, her at ice cream!"
Tumulis ang nguso niya. "Gusto ko ng ice cream, e! Hindi mo ko binibile!"
Napikon na ako. "Ibibili kita kung mataas ang grades mo sa school! Kaso, Aki, hindi!"
"Mataas naman! Seven ako sa up to ten na quiz!"
"Kulang iyon!"
"Anu gusto mu matalino pero me saket o hindi matalino pero malusog?!"
Gigil na dinuro ko siya. "Aki, hindi na ako natutuwa sa 'yo! Kelan ka ba titino?! Kelan ka mag-aaral nang mabuti?! Hindi pinupulot ang pera na pinangpapa-aral at pinangbabayad ko sa service mo!"
Natahimik siya.
"Kelan ka makikinig sa akin, ha?!" bulyaw ko na halos maglabasan na ang mga litid ko sa leeg. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay kailangan kong sumabog.
"Nakikinig naman po aku..."Taranta namang sumagot si Aki. Alam kasi na galit na ako.
"Hindi! Hindi ka nakikinig!" Sa sobrang pagsisikip ng dibdib ko, nahampas ko nang malakas ang lamesa, sanhi para mapaurong siya. "'Wag mo akong daanin sa mga drama mo! Hindi mo ako madadaan diyan sa pagpapa-cute mo! Naiinis ako, Aki! Napapagod na ako! Hindi dahilan na wala kang tatay! Hindi dahilan na hindi kompleto ang pamilya natin para magkaganyan ka! Daig mo pa ang spoiled brat! Nanggigigil ako sa 'yo!"
"Sowri na!" Napahikbi na si Aki.
"Sumusobra ka na talaga!"
Kandahikbi siya. Nanunubig ang mga mata, basa na ng luha ang mahahaba at itim na itim na pilik-mata.
"Hindi lahat nadadaan sa sorry! Hindi lahat, Aki!"
Nagsimula ng manginig ang bata.
"Anong tingin mo sa akin dito? Tau-tauhan lang? Ni hindi mo na ako iginalang! Iyong feelings ko, pinaglalaruan mo lang! Alam mo kasing mahal kita, kaya pinaglolo-loko mo ako!"
Nakatingin sa akin si Aki habang umiiyak siya at nanginginig ang buo niyang katawan. Pulado na ang dulo ng matangos na ilong at tulo na ang laway sa namumulang mga labi.
"Ano? Masaya ka ba sa paglalaro mo sa damdamin ko, ha? Ito ba ang gusto mo?! Ito ba?!"
Bumula na ng laway ang bibig ni Aki dahil sa kakapigil ng pag-atungal. Natatakot siguro na lalo akong magalit kapag ngumawa siya.
"Nananahimik ako sa buhay ko, bigla kang dumating at ginulo ang lahat! At ngayon, pinaglalaruan mo ang buhay ko! Hinayaan mong mahalin kita para maging manhid at bulag ako sa mga kalokohan mo! Pinagloloko mo ako!"
Nanlilisik ang mga mata ko habang dinuduro ko siya. Hindi ko pansin ang panginginig ng maliit na katawan niya.
"At 'wag mong papakialaman ang mga gamit ko! Wala kang respeto! Ikaw na ang nagdedesisyon sa buhay ko. Gusto mo, ikaw na ang masunod sa lahat! Plinano mo na ba ang mga mangyayari?! Ikaw ang magsasabi kung sino ang kakausapin ko, kakaibiganin ko, gagawin ko, at hindi ko gagawin? Hindi mo ako pag-aari! Tao ako, hindi ako bagay! 'Wag mong paglaruan ang nararamdaman ko!" Natigilan ako. "Aki..."
Doon na siya umatungal. Hindi na siguro kinaya. Sabay ang sigok, singhot at ngawa. Hindi ko malaman kung paano siya patatahanin.
Akma ko siyang lalapitan ng magpapasag siya.
Ito ang unang beses na nagkaganito si Aki. Ni ayaw niyang magpahawak sa akin. Iyon ang eksenang naratnan ni Wolf.
Nasa pinto siya at nakaguhit sa perpektong mukha ang pagtatanong at pagkagulat. "What's happening here?"
Napamata ako kay Wolf. Itim na polo, itim na jeans ang suot niya. Magulo ang buhok niya ngunit sa nakakaakit na paraan. Sa kaliwang kamay niya ay bitbit niya ang supot kung saan nasisinag ang malaking galon ng ice cream.
Agad siyang pumunta sa amin. Inilapag niya ang bitbit sa mesa.
"Wolf..." Pati ako ay napaiyak na rin.
Saglit lang siyang tumingin sa akin, inuna niyang nilapitan si Aki at binuhat agad.
"Hush, big boy." Alo ni Wolf kay Aki. Hinahagod niya ang likod ng bata.
Wala pa ring tigil sa pagngawa si Aki. Habol na ang paghinga sa bawat paghikbi. Pulang-pula na rin ang buong mukha pati ang leeg. Naghalo na ang sipon at luha sa mukha.
"Why are you crying, huh? Hush, please..." di magkandatuto si Wolf sa pagpapatahan kay Aki.
Nakatingin lang ako sa kanila. Ngayon lang ako natauhan sa ginawa ko. Sa mga pinagsasasabi ko kay Aki kanina, sa pagkawala ko ng pasensiya sa kanya.
"Aki, hindi ko sinasadya..." mahinang saad ko habang nakatingin sa kanila ni Wolf.
Napasabunot ako sa buhok ko. Sising-sisi ako. Baka natrauma si Aki dahil sa ginawa ko. Iyon ang unang beses na nagalit ako nang ganoon sa kanya. Baka isipin niya, hindi ko na siya mahal.
Parang sanggol na ihinele ni Wolf si Aki. Parang wala lang kay Wolf na may karga-karga siyang preschooler na bata kung makapaglakad-lakad siya sa sala.
"Shhh, tahan na... it's okay, huh? It's okay... hush..." Bagamat pawisan na ang noo ni Wolf ay tuloy pa rin siya sa pagpapatahan sa bata. Parang pati nga siya ay maiiyak na rin.
Nakangudngod na si Aki sa leeg niya. Ni hindi alintana ni Wolf na basa na siya ng luha at sipon ni Aki.
"Dala ko na iyong ice cream mo, tahan na, ha?" Inilapag siya sa sofa ni Wolf pero ayaw bumitaw ni Aki. Tumingin pa sa akin ang paslit saka humikbi.
Daig ko pa ang sinikmurahan sa nakita kong hinanakit sa mga mata ni Aki ng tumingin siya sa akin.
Sa huli ay nagpalapag na si Aki sa sofa. Tinabihan siya ni Wolf at patuloy pa ring inaalo. Naroon ang halik-halikan ni Wolf si Aki sa ulo at noo, hagurin ang likod, yakapin at pangakuan nang kung anu-ano.
Nakatingin lang ako sa kanila. Animo solo nila ang mundo. Parang wala ako sa paligid, pero naririto ako.
Kitang-kita ko ang lahat ng resemblance nila sa isat-isa na kung bakit ay ngayon ko lang napagtuunan ng atensiyon. Sa matangos na ilong, sa kulay ng balat, sa balbon, sa hugis ng labi at higit sa lahat ay sa kulay ng mga mata. Parehong kulay abo. Parehong misteryoso.
Patuloy sa pag-agos ang luha ko habang nakatingin sa kanilang dalawa.
Bakit ganito ang pakiramdam ko? Bakit pakiramdam ko, mawawala na si Aki sa piling ko?
Akala ko okay na ang lahat, akala ko magiging maligaya na ako. Perpekto na ang buhay ko, pero bakit kailangang matapos agad?
"Now, tell me, why are you crying?" masuyong tanong ni Wolf sa bata.
May kinuha sa back pocket ng jeans niya si Wolf, isang panyo. Ginamit niya iyon upang marahang tuyuin ang mga luha at sipon sa mukha ni Aki.
"You're a big boy now, Aki. Bakit ka umiiyak?" hinaplos ni Wolf ang braso ng bata.
Kung hawakan niya si Aki, parang mamahaling bagay ang bata na bawal madumihan o masira. Ingat na ingat siya na parang si Aki ang pinakamahalagang yaman na meron siya.
Pero akin si Aki. Siya ang yaman ko! Hindi ko siya ibibigay kahit kanino. Kahit pa kay Wolf!
Akin si Aki!
Pero bakit pakiramdam ko, maiiwan akong wala kasama, walang nagmamahal, at mabubuhay nang malungkot dahil mag-iisa na ako sa mundo? Bakit ganito ang pakiramdam ko?!
"Please tell me, buddy. Kahit anong hiling mo, pipilitin kong ibigay sa 'yo. Just please, 'wag ka ng iiyak nang ganon. Papatayin mo ako sa pag-aalala."
Hindi kumibo si Aki. Nakayukyok lang ang bata at ayaw mag-angat ng mukha.
"Come on, buddy. What do you want? You can tell me, you know?"
Mayamaya ay narinig ko ang maliit at nanginginig na boses ni Aki. "Gustu ko sama sa 'yo. Ayoku na dito!"
Tulala akong napatingin kay Wolf na ngayon ay nakatingin na rin pala sa akin.
Muli ay nagsalita si Aki. "Daddy, sa 'yo na lang aku! Sama mu na aku, please! Ayoku na dito, Daddy!"
Nangilid ang mga luha ko. Ang sakit. Ang sakit-sakit ng dibdib ko!
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top