4 - Continuous Friendship
Mag-isa na naman akong kumakain sa cafeteria at malalim pa rin ang iniisip ko. Solo ko kasi ang project namin at walang may gusto na maging kagrupo ako dahil tingin nila, wala akong maiaambag at hindi ako matalino. Bukod pa ro’n, nami-miss ko na si Jake. Ilang araw na rin siyang absent. Nag-aalala ako sa kalagayan niya. Mas iniisip ko na lang na kahit umalis na nga siya papuntang Australia, sana ayos lang siya. Pero sana man lang, nagpaalam siya nang maayos sa’kin. Itinuring naman niya akong kaibigan, ‘di ba?
“Ang lalim naman ng iniisip mo.”
Pansamantalang nawala ang agam-agam sa isip ko nang marinig ang baritonong boses ni Jake. Hindi ko siya nilingon agad dahil ayokong ipahalata na sobra ko siyang na-miss. Nakakahiya rin naman na ipahalatang atat akong makita siya gayong alam na niya na may crush nga ako sa kanya.
“Sorry kung hindi ako nakakasabay. Medyo marami kasing ganap sa bahay lately,” paumanhin ni Jake at tumabi sa pwesto ko. Binigyan na naman ako ng chocolate, nakakainis. Mag-a-assume na talaga ako na may gusto rin siya sa’kin.
“Ano ‘to?” tanong ko naman, kunwari pa ako na wala akong ina-assume na sagot mula sa kanya.
“From Australia, binigyan ko rin ang iba kong classmates,” turan naman ni Jake na may malapad na ngiti sa kanyang labi. Talaga naman, alam na alam niya kung paano ako kunin, eh. Akala ko pa naman, ako lang ang binigyan niya nito. Pero ayos lang, basta nandito pa siya, hindi ako dapat magtampo. He doesn’t owe me an explanation though.
“Salamat,” maiksi kong sagot at isinilid na sa bag ang binigay niyang tsokolate.
“Parang may iba ka pang problema, Yasmin.”
Bumilis ang tahip sa puso ko nang sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag niya ako sa pangalan kong gumanda lamang sa pandinig ko noong siya na ang nagbigkas nito.
Napilitan tuloy ako na isiwalat sa kanya ang totoo. “Magso-solo kasi ako sa projects dahil walang may gusto na makagrupo ako. Inaamin ko naman na hindi ako gano’n katalino pero ang sakit lang na pinapamukha pa nila sa’kin.”
Nanliit ako sa sarili ko nang ipagtapat ko ang dilemma ko.
“Tutulungan kita sa problema mong ‘yan, hindi naman ako busy, eh.”
Hindi ko inaasahan na mag-e-extend siya ng kabutihan sa sandaling iyon. Sobra na ang kabaitan ni Jake, hindi ko siya deserve. Ngayon pa lang, masasabi kong napakaswerte naman ng babaeng makakatuluyan niya balang araw.
“Saan natin gagawin? Sa inyo ba o sa’min?” tanong pa ni Jake.
“Pwede bang sa inyo na lang?” Hindi pa rin ako makapaniwala. Parang indirect ang paanyaya niya sa’kin na pumunta sa bahay nila. Kung gano’n, malalaman ko na rin kung totoo ang sinasabi ni Alona, na baka talagang mayaman si Jake at naglo-low profile lang.
“Okay sure. Hihintayin kita pag uwian, see you!”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top