Chapter Twenty


Dumeretso kami ni Karen sa Mall of Asia para doon na kumain ng tanghalian. Naglakad lang kami galing Manila Bay hanggang MOA. Kahit medyo malayo at tanghaling tapat ay wala akong narinig na reklamo mula sa Bruha.

Parang tangang nakangiti lang siya.

"Para kang sinto-sinto sa kakangisi mo diyan," saway ko sa mukha niyang parang baliw.

"Haha. Masaya lang ako Des sa ginawa natin kanina," nakangising sagot niya, "tsaka sabi mo hindi ako magsasalita o magtatanong tungkol do'n."

Nagkibit balikat na lang ako sa ka-abnoyan niya. "Bahala ka. Malaki ka na."

*******

Kumain kami ng tanghalian sa isang Korean Resataurant. Sinabi ko rin sa kanya na ako na ang magbabayad. Pero tumanggi siya at nag-offer na siya na raw magbabayad dahil masaya raw siya na sinama ko siya kanina sa pamimigay ng groceries sa mga homeless.

Hindi na lang ako umangal at inenjoy na lang ang pagkain.

Pagkatapos kumain ay naglalakad kami ni Karen sa bay area ng MOA habang hinihintay sila Chino. Nag-text kasi siya na hapon pa raw sila makakarating.

"Des, may tanong lang ako," biglang sabi ni Karen nang naka-upo na kami malapit sa Ferris Wheel.

"Ano?"

"Bakit pumayag ka makipagkita ngayon nila Oppa?" nagtatantiyang tanong niya habang nakatingin sa akin.

Hindi ako sumagot agad. Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Sinabi ko na dati sa sarili ko na iiwasan ko na sila. At pwede namang hindi talaga ako sisipot dito para makipagkita.

"Huwag mo na lang pala sagutin Des. Sorry sa pagtatanong," napa-iwas na sabi niya. Baka iniisip niyang magagalit ako sa tanong niya dahil hindi ko siya sinagot.

Napabuntong hininga muna ako bago siya sinagot. "Sa totoo lang hindi ko rin alam. Siguro napagtanto ko na hahayaan na lang ang lahat ng bagay. Kasi sa kakaiwas ko sa kanila, mas lalo pa tuloy akong napalapit sa kanila. Nakakatakot."

"Bakit hindi mo subukan, Des?" suhestiyon niya, "baka sincere naman talaga sila at baka iba sila."

"Ayoko."

"Bakit Des?" Seryoso at curious ang mata niyang nakatitig sa akin.

"Anong bakit?" maang-maangan na sagot ko.

"Bakit ka naging ganyan?"

"Dapat bang may dahilan?"

"Hindi man ako matalino Des, pero alam kong may dahilan bakit ganyan katayog ang pader na pinangharang mo."

Tumitig ako sa kawalan at inaalala ang mga nangyari noon. 

Isang malalim na buntong hininga pa ang pinakawalan ko bago nagsalita. "Kapag hinahayaan mong nakabukas ang pinto, para mo na ring binigyan ng pahintulot ang lahat na pumasok," simula ko. Pinipigilang huwag damhin ang kirot na naramdaman.

Hindi siya nagsasalita at hinihintay niya lang ang susunod kong sasabihin.

"Bata pa lang ako, idol ko na ang Nanay ko. Pinapangarap ko sa sarili na lumaking kagaya niya. Sobrang bait, maunawain at mapagmahal," napangiti ako habang ini-imagine ang mukha ni Nanay, "sa mata ko, napaka-perfect niya."

"Lumaki akong mabait, masunurin at mapagmahal. Ibinibigay ko ang lahat ng pagmamahal sa mga taong malapit sa akin. Kasi naniniwala akong doble ang balik nito sa akin. At turo ito ng Nanay ko."

"I was an open book. Kahit sino pwedeng magbasa."

Napakuyom ako ng kamao nang maalala ang ginawa nila sa amin. "Kaya ginamit nila ito laban sa akin, sa amin."

"Ang tinuturing na pamilya ni Nanay ang naglagay sa buhay ni Dodong sa kapahamakan!" Nanginginig ang bibig ko sa huling sinabi.

"Ang demonyong asawa ng demonyo kong ama ang dahilan kung bakit muntik nang mawala si Dodong."

Pinahiran ko ang patuloy na patak ng luha. "Alam mo sino ang dahilan?" tanong ko kay Karen kahit alam kong hindi naman niya alam ang sagot. Malungkot lang itong nakatingin sa akin at hinahayaan lang ako.

"Mga tanginang kapatid ni Nanay!"

Bumuhos ang luha ko dahil sa sugat na muling nabuksan. "Kasi anak daw sa labas si Nanay. Anak ng isang kabit. Kaya naging kabit din daw dahil mana sa Nanay."

"Tangina nila! Walang ginawa ang Nanay ko kundi ituring silang kapatid. Kahit ni isang salita wala silang maririnig sa kanya. Pero nang nalaman nilang may pinamana ang Lolo ko kay Nanay, ipinagkanulo nila kami sa asawa ng demonyo kong Ama!"

"Para sa pera nagawa nilang gawin 'yon sa amin," napahagulhol kong tinakpan ang mukha, "kami na mismong kamag-anak nila, nagawa nilang ipapatay."

Naalala ko kung paano kami humagulhol na nagmaka-awa at lumuhod sa harapan ng demonyong asawa ng demonyo kong ama. Kasi isang kalabit lang, puputok ang baril sa ulo ni Dodong. Nanginginig ako sa naalala.

"Des," awat ni Karen sa akin. Nanginginig ang boses niya.

Pero nagpatuloy ako. "Alam mo anong mas masakit? Alam ito ng demonyo kong Ama! Napakaduwag niya! Hindi niya kami kayang ipagtanggol sa demonyo niyang asawa!"

Tinitingala ko siya noong bata pa ako dahil sa talino at talento niya. Pero laking pagkakamali ko ang umasa na kaya niya kaming ipaglaban.

"Nagpakalayo-layo kami para sa kaligtasan ng pamilya namin. Hindi nagtanim ng galit si Nanay sa lahat ng nagkasala sa amin. Ganyan siya kabait."

"Kaya napunta ako rito. Hindi ako pwede sa Cebu o Visayas. Teritoryo ng demonyong babae ang lugar na 'yon."

"Des," umiiyak siya at hinawakan ang kamay ko, "sorry. Des, sorry."

Binawi ko ang kamay sa pagkakahawak niya. "Tatlong buwan pa lang ako dito sa Manila nabalitaan ko na lang na ikakasal na ang boyfriend at bestfriend ko."

Parang sinaksak ako sa puso sa huling sinabi. Pinahiran ko ang walang katapusang buhos ng luha kahit hindi nito kayang burahin ang sakit sa dibdib.

"Napakatangina lang diba?!"

Tiningnan ko nang diretso sa mata si Karen. "Ngayon mo sabihin sa akin bakit kailangan ko pang magtiwala sa ibang tao?"

Napayukong umiiyak lang siya. "Des, sorry. Sorry talaga. Sana hindi na lang ako nagtanong."

Pinahiran ko ang basang mukha at inayos ang sarili. Seryosong tumingin ako sa kawalan.

"Huwag kang humingi ng sorry. Wala kang kasalanan."

"Pero sorry talaga, Des," nakayuko pa rin siya habang pinapahiran ang luha sa mukha.

Kaya lumapit ako sa kanyang harapan. Inangat ko ang mukha niya at seryosong tumingin sa mata.

"Huwag kang magigiging mahina. Kailangang laging handa para lumaban," sabi ko sa kanya at binigyan siya ng maikling ngiti.

Tumango siya at niyakap ako ng mahigpit. "Thank you, Des!" hagulhol na sagot niya.

Niyakap ko siya pabalik at hinayaang pumatak ang aking mga luha sa balikat niya.

============
A.N: AAAAHHHHHHHH! SAKLAP! HUHUHU Sorry medyo na busy po ako. Sana mapatawad niyo pa ako. Huhuhu Comment naman diyan para ganahan mag-update. Char lungs Heheh.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top