Chapter Thirty Three
Kanina pa ako nakatulalang nakahiga. Kakatapos lang ng video call namin ni Nanay. Kahit papaano ay gumaan-gaan ang aking pakiramdam nang marinig ko ang matamis niyang boses at tawa.
Hindi ko naman sinabi sa kanya ang mga problema ko pero parang may magic talaga ang boses niya na nakakatanggal ng bigat sa dibdib. Excited na sila sa birthday ni Dodong kaya ayaw kong sirain ang excitement nila dahil lang sa problema ko. Mas mabuti na ako lang ang nahihirapan.
Hindi ko alam kung ilang oras na akong papalit-palit ng posisiyon para lang makatulog. Pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Iniisip ko pa rin ang sinabi ni Apollo kanina.
Ramdam ko na totoo ang lahat ng sinabi niya. Hindi rin mawala sa isip ko ang sakit at pagod sa boses niya. Parang may mabigat na problema siyang dinadala.
Nasasaktan ako. Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong paniwalaan at kung ano ang dapat kong gawin.
Dahil sa bigat sa dibdib, hindi ko namalayang nakatulog ako.
********
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa tunog ng cellphone ko. May tumatawag. Kinuha ko ito at nakita ang pangalan ni Karen. Tiningnan ko ang orasan sa ding-ding at nakitang alas dos na ng madaling araw.
Ano kayang pakay ng Bruhang 'to?
"Oh?" sagot ko sa kanya.
"Des, gising ka pa pala."
"Hindi. Tulog ako ngayong nagsasalita," bara ko sa kanya.
"Baliw ka talaga Des."
"Napatawag ka ba para lang makipag-tsikahan sa akin? Dinidisturbo mo ang pagtulog ko. Bruha ka!" reklamo ko sa kanya.
"Eh kasi Des may nagsusuntukan dito." Halata ang stress sa boses niya.
"So? Anong gagawin ko sa kanila? Bouncer ba ako?"
Bwiset na Karedad 'to. Ang sarap na ng tulog ko. Binulabog ba naman ako para lang sabihin ang walang kwentang bagay. Papatayin ko na sana ang tawag pero napatigil ako sa sinabi niya.
"Si Brave at 'yong parang anak o pamangkin ng Governor. Iyong Chinito na dumalo sa party at nasa labas kanina bago mag-start shift natin, siya ang kasuntukan ni Brave," mahabang pag-describe niya pa kay Apollo.
Pero nagsusuntukan si Brave at Apollo?
"Bakit sila nagsusuntukan?"
"Hindi ko alam Des. Pero kanina kasi nilapitan ako n'ong Chinito at tinanong niya ako kung nasaan ka raw. Kilala mo pala siya Des?"
Hindi ako sumagot sa sinabi niya. Akala ko umuwi na si Apollo pagkatapos ng engkwentro namin. Hindi naman kilala ni Karen si Apollo dahil busy siya sa pagkain noong party at hindi rin naman ako nagkwento sa kanya.
Pero bakit sila nagsusuntukan ni Brave?
"Des, pumunta ka dito. Nasa labas silang dalawa. Baka magsusuntukan na naman 'to. Hindi raw aalis itong Chinito kapag hindi ka magpapakita." Bakas pa rin ang stress sa boses niya.
Napabihis na lang ako ng damit at pumara ng taxi at bumiyahe pabalik ng club.
Sa malayo pa lang ay kita ko na si Brave na nakatayo malayo kay Apollo. May kanya-kanya silang bouncer na nakabantay habang si Karen nasa gitna nila. Parang sobrang stress na ng Bruha.
Dali-dali akong bumaba ng taxi at pinuntahan sila.
"Des!" tawag ni Karen sa akin nang makita niya ako. Kita kong napalingon si Brave at Apollo sa akin.
"Ano bang kaguluhan 'to?" tanong ko kay Karen nang makalapit ako sa kanya.
"Eh sila na lang tanungin mo. Hindi ko rin alam. Basta nagsuntukan na lang sila bigla."
Kita kong lumakad papalapit sa akin si Apollo. Aawatin na sana siya ng bouncer pero sinenyasan ko ang bouncer na ayos lang.
"Ember," malumanay na tawag ni Apollo sa akin. Kita ko ang pasa sa gilid ng labi niya. Parang nakainom din siya dahil sa pula ng pisngi at tenga niya.
"Bakit hindi ka pa umuwi? Nakainom ka ba?" malumanay na tanong ko sa kanya.
"I was looking for you, Ember," nakayukong sabi niya, "kaunti lang naman ang ininom ko."
Napabuntong hininga na lang ako.
"Just go home and sleep. Madaling araw na," sabi ko sa kanya habang tinitigan ang mukha niya.
Umiling siya sa sinabi ko. "Gusto kitang maka-usap, Ember."
"Just go home Apollo," hinang sabi ko sa kanya. Hindi ko kayang pagtaasan siya ng boses. Lalo na kung ganito ang mukha niya.
"I'll go home after we talk," pagmamatigas niya pa, "please?"
"Mamaya na tayo mag-usap. Matulog ka na muna."
Kita kong sumilay ang ngiti sa labi niya dahil sa sinabi ko. "We will talk later?"
Tumango na lang ako.
"Thank you, Ember." Malaki ang ngiti niyang nakatitig sa akin.
"Kaya mo pa bang mag-drive pauwi?" tanong ko sa kanya.
"Yeah." Malaki pa rin ang ngiti niya sa mukha.
"Okay umuwi ka na muna at matulog. Madaling araw na."
"Ahh sige. Ahm saan tayo magkikita mamaya, Ember?" nahihiyang tanong niya pa.
"Hintayin mo lang ako dito mga 6 PM."
"Okay, Ember. I'm excited," nakangiting pahayag niya. Tinanguan ko lang siya.
"Karen," tawag ko sa Bruha, "samahan mo siya papuntang sasakyan niya."
Medyo nabigla pa ang Bruha. "Ahh sige, Des. Tara na Oppa the second."
Napailing na lang ako sa binigay na palayaw ni Karen kay Apollo. Hindi rin naman nagreklamo si Apollo. Sinundan ko na lang sila ng tingin nang naglakad na sila paalis.
Nang hindi ko na natanaw sila Karen at Apollo, nilingon ko ang kinatatayuan ni Brave.
Kita ko ang madilim na mukha nitong nakatingin sa akin. Salubong ang mga kilay habang naka-crossed arms.
Nilapitan ko siya at kita ko rin na may maliit na pasa siya sa gilid ng labi.
"Bakit ka na naman nakikipagsuntukan?" tanong ko sa kanya nang makalapit ako.
Umigting ang panga niya at mas lalong nagsalubong ang mga kilay na tiningnan ako.
"I don't like how your boyfriend looked at me," matigas na sabi pa niya. At dinidiinan ang pagkakasabi ng boyfriend.
"Dahil lang d'on sinuntok mo siya?" nakataas na kilay na sabi ko sa kanya.
Salubong pa rin ang kilay niya at nakangusong umiwas ng tingin sa akin.
"I don't like people to look at me as if may atraso ako sa kanila. I hate how your boyfriend looked at me," nakanguso pa ring sabi niya.
Napabuga na lang ako ng hininga. Napakababaw ng dahilan niya para makipagsuntukan.
"So, lahat na lang ng tumitingin sa 'yo nang masama susuntukin mo?"
Nakanguso pa rin siya at hindi makatingin sa akin. "I just don't like how your boyfriend looked at me."
Hindi ko na lang pinansin ang pagbibinata niya. Parang timang eh.
"Uwi na ako. Ayaw mo pang umuwi?" tanong ko sa kanya.
Mas lalong tumulis ang nguso niya dahil sa sinabi ko. "Why do you care? Are you my girlfriend?"
Pinanliitan ko siya ng mata dahil sa mga pinagsasabi niya. Pinagmasdan ko ang mukha niya at parang hindi naman 'to lasing.
Para kasing ibang katauhan ang sumanib dito.
Namumula ang tenga niya at napaiwas ng tingin. "Don't look at me like that," pagmamaldito niya pa.
Bumuntong hininga na lang ako at tumalikod. Wala akong oras sa mga kalokohan niya. Inaantok pa ako.
Mga ilang hakbang pa ay nagsalita siya. Pero hindi ko siya nilingon.
"I paid you to become my girlfriend. We will have a date later, 6 PM. I won't take No as an answer," mabilis na sabi niya.
Nilingon ko siya at magrereklamo na sana pero nakita kong tumalikod na ito at naglakad paalis. Kita kong ginugulo niya ang buhok niya at napapasipa pa ito sa semento.
=====
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top