Chapter Fifty Four


"Noooooo!" Namamaos na ang boses ko sa kakasigaw.

Napaka-demonyo nila!

Nanginginig ang buong katawan ko. Nakapikit pa rin ang mga mata ko habang walang tigil sa pagbuhos ang mga luha. Hindi ko magawang ibuka ang mga mata para tingnan si Karen.

Baka hindi ko makayanan ang sakit.

"Ang demonyo mo! Napaka-hayop niyo! Papatayin ko talaga kayo!" Nalalasahan ko ang dugo sa labi ko dahil sa patuloy ko na pagkagat nito. Puno ng sakit at galit ang puso ko dahil sa kahayupang ginawa nila.

Wala silang kasing-sama.

"Des..."

Napatigil ako sa kakasigaw at parang tumaas ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ang narinig. Pero hindi ko magawang ibuka ang mga mata. Ayaw kong malaman na mali ang narinig ko.

"Des..."

Sa ikalawang pagkakataon, alam kong hindi na ito guni-guni. Boses ni Karen talaga ang hinang boses na 'yon. Binuka ko ang naluluhang mga mata. Kahit medyo malabo pa ang paningin ko dahil sa mga luha, sinisikap ko pa ring maaninag si Karen.

Nakita ko ang nakangiting mukha ni Karen sa harap. Nakaupo pa rin at nakagapos siya. Pero nakahandusay na ang matabang lalaki sa sahig habang may dugong dumanak sa sahig.

"Paano?.." hindi ko magawang tapusin ang sasabihin. Sobrang saya ng puso ko. "Karen! Buhay ka! Buhay ka, Karen!"

"Oo, Des. Hehe. Muntik na ako d'on. Akala ko katapusan ko na." Ramdam ko ang relief sa boses niya.

Sobrang saya ko!

"Ember..."

Napalingon ako sa tumawag sa akin. Nakita ko sa may pintuan si Apollo. Puno ng pawis ang mukha niya at hinihingal pa siya. Nakita ko ang bitbit niyang baril sa kanang kamay.

"Apollo..." Naiiyak ako. Dumating siya. Niligtas niya kami. Lalo na si Karen.

"Sorry medyo na-late ako ng dating," hinihingal pa ring sabi niya.

"Tama lang ang timing mo, Oppa the second. Hehe. Buti na lang nakita kita agad," sagot ni Karen.

Takang tiningnan ko sila. "Nakita mo na si Apollo?" tanong ko kay Karen.

"Oo, Des. Nakita kong medyo nangingig ang mga kamay ni Oppa habang hawak ang baril. Sinusubukan kong i-distract ang matabang lalaki kasi baka ako pa ang matamaan. Hehe."

Nahihiyang napakamot ng ulo si Apollo. Kaya pala parang hindi ko nakitaan ng takot ang Bruha. Alam niyang maililigtas kami.

Napahagulhol ako sa saya. Hindi ko ma-explain ang sobrang saya sa puso. Akala ko wala ng pag-asa na mailigtas kami dito.

"Ember," lumapit si Apollo sa akin at pinapahiran ang mga luha ko sa mukha, "shhh. It's fine. I'm here. You're already safe."

"Apollo... thank you," naiiyak kong sabi sa kanya. Matamis na ngiti ang sinukli niya sa akin.

Kinalas niya ang tali sa mga kamay at paa ko. Nang nakawala ako sa pagkakatali, tumayo ako at niyakap si Apollo.

"Thank you!" Walang tigil ang pagbuhos ng luha ko sa saya. "Thank you, Apollo! Thank you!"

Niyakap niya rin ako pabalik. "No problem, Ember. I'm glad you are safe."

Napatango ako at umiiyak lang sa balikat niya. He came at a perfect time. Kahit delikado, he still came to save us.

"Ahm. Hello. Nakatali pa po ako," disturbo ni Karen sa amin.

Hinang napatawa ako at kumalas sa pagkakayakap. Pinuntahan ko si Karen at tinanggal ang tali. Niyakap ko rin siya nang mahigpit pagkatapos. Ilang minuto kaming nagyakapan ng Bruha habang nag-iyakan.

"Ahm girls. Sorry to interrupt pero kailangan na nating tumakas," sabi ni Apollo sa amin, "baka babalik na 'yong mga kasama niya."

"Paano ka pala nakapasok dito Apollo?" tanong ko sa kanya.

"I know these guys. Ilang beses ko nang nakita ito sa bahay ni Tita. Kilala nila ako. Sila rin 'yong pinagtaguan natin one time na pumunta sa Club. But I never expected them to move earlier than the plan."

"Ito ba ang tinatago mo sa akin?" tanong ko sa kanya.

Matamlay na binigyan niya ako ng ngiti. "Yes, Ember. I want to put an end to Tita's evilness. She has to go to jail. Pero I have to keep it a secret because Tita has a lot of connections. And she is smart when it comes to her evil plans. Kaya nahihirapan kaming maghanap ng mga evidences para maidiin siya."

"Kami?" putol ko sa sinabi niya.

Sumeryoso ang mukha niyang tinitigan ako sa mga mata. "It's Patricia and Tito June. We are secretly planning something against Tita Mirasol."

Nagulat ako sa rebelasyong sinabi ni Apollo. "Si Tatay? Pero paano?"

"I will tell you everything kapag nakalabas na tayo dito, okay? Patricia and the police are coming. We will be saved."

Napatango na lang ako. Hindi ko pa ma-absorb lahat ng sinabi ni Apollo. Naiyak ako sa mga nalalaman. Ang buong akala ko, pinagkaisahan nila kami. Kinamuhian ko sila dahil sa mga ginawa nila. Pero hindi ko alam na ginagawa lang pala nila ito para sa amin. Para sa amin ni Nanay at Dodong.

Nagi-guilty ako sa lahat ng sinabi at ginawa ko sa kanila. Lalo na kay Tatay.

"Let's go," aya ni Apollo sa amin.

Kinuha ni Karen ang baril ng matabang lalaki bago kami lumabas. "Para handa tayo, Des." Napatango na lang ako at sumunod kay Apollo.

Tahimik at dahan-dahan kaming nagtatago sa mga halaman. Naririnig namin ang mga tawanan ng mga lalaki. Parang kakarating lang nila galing sa kung saan sila galing.

Nakita naming papunta ang mga lalaki sa bahay na pinanggalingan namin. Kinabahan ako dahil malalaman nilang nakatakas kami.

"Let's go," bulong ni Apollo sa amin at naunang mabilis na tumakbo sa likod ng isang bahay malayo sa mga lalaki.

Hinihingal kami habang nakaupo sa lupa. Kinuha ni Apollo ang selpon niya at may tinawagan. Baka si Patricia ang kausap niya o ang mga police. Saglit lang ang naging usapan nila.

"Nakahanda na ang mga pulis. They will distract the guys sa harap. So we have to go at the back," instruct ni Apollo sa amin. Sumunod kami ni Karen kay Apollo.

Hinihingal kami sa katatakbo dahil sa laki ng lugar na ito. Pero hindi kami dapat tumigil. Nasa may gate na kami at kita ko na ang labasan ng property na 'to. Napangiti ako.

Sa wakas ay makakatakas na kami.

Mabilis na tumakbo kami patungo sa gate. Pero bago pa namin marating ang gate ay narinig namin ang boses ng isang lalaki.

"Hoy!"

Bago pa kami maka-react ay may narinig kaming putok ng baril. Napatigil kami sa katatakbo. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang natumba si Apollo.

"Akala niyo makakatakas kayo ha!" rinig kong sabi ng lalaki.

Papuputukan pa sana niya kami nang naunahan siya ni Karen. Natamaan at humandusay ang lalaki. Dali-dali kong pinuntahan si Apollo.

"Apollo..." naiiyak na sampit ko sa kanya.

Kinandong ko ang ulo niya sa hita ko. Nakita kong may lumalabas na dugo sa bibig niya. Nakita ko na tinamaan siya sa may dibdib. Patuloy ang agos ng dugo sa dibdib at bibig niya. Mas lalo akong naiyak.

"Karen! Puntahan mo ang mga pulis! Dali! Sabihin mo na kailangan ng ambulansya!"

Kita ko ang naluluhang mga mata ni Karen na nakatingin kay Apollo. Agad siyang kumaripas ng takbo para humingi ng tulong.

"Apollo..." Patuloy ang pagbuhos ng mga luha ko sa mata habang kandong-kandong siya.

Saglit na napangiti siya at sinubukang hawakan ang mukha ko. Pinahiran niya ang mukha ko gamit ang nanghihinang kamay niya.

"Apollo... don't move. Huwag kang bibitaw please!"

Tangina! Nasaan na ba ang ambulansya!

Nanghihina na siya at pipikit na ang mga mata niya. Mas lalo akong kinabahan. "Apollo! Huwag kang bibitaw! Please!"

Namamaos na ako sa kakasigaw at kakaiyak para panatilihing gising siya. Hinang-hina na siya. Parang nauubusan na siya ng dugo sa tagal dumating ng tulong.

"Apollo! Ano ba! Hindi ka pwedeng bumitaw! Apollo naman eh!" Patuloy ko na kumbinse sa kanya habang patuloy ang pagbuhos ng mga luha.

Nakita ko ang luhang pumatak sa mata niya at may ngiti sa labi bago tuluyang pumikit at binawian ng buhay.

Ilang minuto na akong sumisigaw at umiiyak habang kandong-kandong ang wala ng buhay na si Apollo. Namamaos na ako at parang sinasaksak ang puso ko sa sakit.

"Ember..."

Napaangat ako ng tingin at nakita si Patricia na nakatayo at naluluhang tinitigan si Apollo. Bumuhos ang luha sa mga mata niya. Kita ko rin ang panginginig ng katawan niya.

"Pat..." nanghihinang tawag ko sa kanya.

"Apollo..." Kay Apollo pa rin nakatingin ang mga mata niya. Kita ko ang sakit at galit sa kanya.

Maya-maya pa ay may dumating na mga pulis. Walang tigil pa rin ang buhos ng mga luha sa mata ko. Kinuha nila ang katawan ni Apollo na nakakandong sa akin. Pero bago ko pa makausap ang mga pulis, nagsalita si Patricia.

"Hulihin niyo siya! She killed him!" sigaw ni Patricia.

Nagulat ako sa sinabi niya. Bago pa ako makapagsalita ay dinampot na ako ng mga pulis at pinusasan.

*****

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top