Hatid
Sabi nila, madalas ay iba ang nais ng puso sa kailangan ng isip. May mga bagay na puso ang dapat pinapairal, at mayroon ding utak.
May mga bagay na ayaw malaman ng puso ngunit gusto at pilit na inaalam ng isip. Tipong alam mo nang magiging masakit, ngunit ipaglalaban mong malaman ang katotohanan.
At kapag alam mo na... dapat mong tanggapin.
•••
MALALIM ang buntonghininga ni Marko habang nakapamulsa ang kanang kamay at pinapaikot sa hintuturo ang isang metal keyholder. Nangingibabaw ang kalansing ng tatlong susing nakalagay roon sa tahimik na kalsada sa tapat niya.
Matikas ang tindig ng binatang nakasuot ng kulay tsokolateng leather jacket na kinapapalooban ng puting kamiseta at pinarisan ng maong na pantalon at puting sapatos. Tinititigan niya ang sariling anino sa harap niyang dulot ng poste ng ilaw sa kaniyang likuran.
Bahagya niyang narinig ang mga kaluskos ng sapatos mula sa 'di kalayuan at hindi nagtagal ay lumapit sa kaniya ang isang dalagang mahaba ang kulay mais na buhok, nakaputing crop top at kulay asul na palda—bitbit ang isang plastic bag na may kahon sa loob.
"Love, you want donuts? Bumili ako ng pasalubong para kay Miggy," masigla nitong bigkas at inilapit sa kaniya ang hawak na pagkain. Sinilip lang niya ang loob nito at tumitig sa kasama gamit ang mapupungay niyang mata.
"Hindi mo naman sinabing ang hirap sumakay rito kapag gabi, love," malumanay niyang bigkas. Napanguso na lang ang kausap at sumulyap sa relong nasa kaliwang pulsuhan.
"I'm sorry, love. Need ko na kasi talagang dayuhin 'yong perfume shop dito sa Espanto, ngayon lang kasi may sale, eh. We had fun din naman sa bird cafe kanina, 'di ba? Don't sulk na, makakauwi rin tayo," tugon ng dalaga na halata ang taglay na kaartehan sa tono ng pananalita. Payak na ngumiti si Marko sa kabila ng pagod at inip na nadarama. Inabot ng kanang kamay niya ang kanang braso ng dalaga at inilapit ito sa kaniya, upang kahit papaano'y makaramdam sila ng init sa gitna ng malamig na gabi.
Pitong buwan nang magkasintahan sina Marko at Ayella. Parehong galing sa mga maykayang pamilya, at nagkakilala sa loob ng prestilyosong unibersidad na pareho nilang pinapasukan. Isa silang tipikal na pares ng mga taong magkaiba ang pag-uugali ngunit sumunod sa tuntunin ng magnetismo, na ang magkasalungat ay naaakit sa isa't isa. Binabalanse ng magiliw at may kaingayang katauhan ni Ayella ang kalmado at madalas ay seryosong imahe ni Marko.
Mahilig sa mga cosmetics at pabango si Ayella, at lagi namang itong sinusuportahan ng nobyo sa kahit anong nais nito. Halimbawa na lang ngayon kung saan sinamahan ni Marko ang dalaga upang dayuhin ang tindahan ng limited edition na pabangong matatagpuan pa sa isang tagong puwesto sa bayan ng Espanto, na tatlong bayan ang layo mula sa sarili nilang siyudad ng Alfonso. Inabot na sila ng gabi dahil alas-dos na sila nakarating, nahirapan pa silang hanapin ang tindahan, at pagkatapos bumili ay binisita rin nila ang isang bird cafe sa malapit.
"I didn't know na it's like a ghost town here in Espanto kapag gabi. It's only seven," pahayag ni Ayella na mas inilapit ang sarili sa nobyo. Luminga siya sa walang lamang kalsadang pinalilibutan ng mga puwesto ng tindahang iilan na lang ang bukas. "To think na ito na ang town proper nila, it's too empty and... creepy."
Kumalas sa pagkakahawak si Marko at inalis ang suot na jacket, bago ialok na suutin ng kasintahan. Nginitian naman siya nito umiling, kaya sinuot niya na lang ulit ang jacket at niyakap ang dalaga mula sa likuran habang nasa ilalim sila ng liwanag ng isang poste ng ilaw. Tumitig si Marko sa sarili niyang anino.
"Sure ka bang makakauwi pa tayo, Yel? Halos walang dumadaang sasakyan, puro pa private cars kanina."
"Gusto n'yo na bang umuwi?"
"Ahh!"
Napatili si Ayella at halos mapatalon sa gitla si Marko nang may marinig silang garalgal na boses mula sa likuran. Hinarap nila ang pinagmulan nito—isang matandang babaeng nakabestidang pula at hanggang balikat ang kulot na puting buhok.
"Sino kayo?" malakas na tanong ni Marko. Nang makabawi sa gulat ay mahinahon niyang sinundan ang unang tanong.
"Tagarito po ba kayo, Nanay?"
Sumilay ang isang abot-taingang ngiti sa bitak-bitak na labi ng matanda, kasabay ng bahagyang panlalaki ng itim nitong mata. Lalong nahalata ang mga kulubot sa morena nitong kutis habang nakayakap ang mga braso niya sa sarili.
"Ako si Lilia. Oo, dito ako nakatira at ikaw... saan ka papunta?"
Hindi malaman ni Marko ang irerehistrong ekspresyon sa mukha. Malumanay ang pagbigkas ng matanda sa bawat salita at nakangiti pa ito, ngunit ang ngiting iyon ay tila lalo pang nakapagpabagabag sa kaniya. Hinigpitan niya ang kapit sa mga braso ni Ayella.
"P-pauwi na po kami sa A-Alfonso."
"Ahh, Alfonso..." Hindi nawala ang kakaibang ngiti sa mukha ni Lilia. "Wala ka nang masasakyan dito."
"Po?" Napataas ang boses ni Marko sa narinig. Sa pagkakaalam niya naman ay may jeep pang bumabyahe ng ganitong oras.
"Eh, paano po kami uuwi n'yan? Wala po bang taxi dito?" Pinipilit maging kalmado ni Marko kahit sobrang higpit na ng kapit ni Ayella sa braso niya na halos bumaon pa ang kuko.
"May alam akong masasakyan mo. Hindi mo nga lamang iyon makikita rito."
"Po? Saan po?"
Dahan-dahang tumaas ang kaliwang braso ng matandang babae na sinundan ng tingin ng magkasintahan. Tumuro iyon sa kaliwa.
"Sa ikatlong kantong madaraanan mo sa direksyong ito, lumiko ka pakaliwa. Diretsuhin mo ang daan hanggang makarating ka sa maliit na kubong katabi ng matandang puno ng molave. Doon tumitigil ang Karo."
Nanlaki ang mga mata ni Lilia at lumapad ang ngiti, kasabay ng pagsulpot ng ngipin niyang maiitim na.
"Kailangan mong sumakay roon."
•••
"Why the freak are we obeying that witchy lola's instructions? Hindi ka ba natatakot sa kaniya kanina, love? She's so creepy kaya!" reklamo ni Ayella habang hila-hila siya ni Marko papunta sa lugar na sinabi ng matanda. Pagkatapos nila itong kausapin ay dahan-dahan itong naglakad papalayo, na tindig-balahibo lang nilang sinundan ng tingin.
"Kailangan na nating umuwi. Delikado tayo rito!" maotoridad na pahayag ni Marko. Kumakabog ang dibdib niya sa mga nangyayari. Nakalampas na sila sa dalawang kanto at puro puno na ng nasa magkabilang gilid ng daan. Malalabo rin ang liwanag ng mga poste ng ilaw.
"This is getting scarier because of you! Stop!" Itinigil ni Ayella ang paglalakad at pilit nilabanan ang paghila ni Marko. Sinubukan niyang alisin ang pagkakahawak nito sa kanya.
"Let me go!"
"Makinig ka nga, Ayella!" Biglang hinarap ni Marko ang nagpupumiglas na kasintahan at hinawakan sa parehong balikat. Nanginginig siyang nagsalita.
"G-ganito... ganito rin ang nangyari kay Misha bago siya mawala! Ginabi siya sa isang lugar at walang masakyan, tapos hindi na namin siya nakitang buhay! Kailangan nating uwuwi sa lalong madaling panahon dahil ayaw ko..."
Napabuka ang bibig ni Ayella nang mamasdan ang mga mata ng nobyong nangingilid na sa luha. Tinutukoy nito ang nakababatang kapatid na babaeng apat na buwan na mula noong matagpuang bangkaybs aisang masukal na bakanteng lote.
"Ayaw kong magaya ka sa kaniya..." Basag ang boses na napatungo si Marko. Agad niyang pinalis ang mga luhang tutulo sana at mabilis na nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na pinilit ni Ayella ang sariling kagustuhan at sumunod na lang.
"Ikatlong kanto na..." bulong ni Marko sa gitna ng paghingal niya. Nilingon niya ang kasintahang nasa likod ngunit nabigla siya nang walang mabungaran ang paningin.
"Hindi, hindi..." gimbal na anas ng lalaki at itinakip ang dalawang palad sa mga mata.
"What are you doing?"
Napabuka ang bibig ni Marko nang pagdilat niyang muli ay naroroon na ulit si Ayella. Nakakunot ang noo nito't tila nalilito sa ipinapakita niyang mga kilos.
Niyakap si Ayella ng nobyo. Isang mahigpit na yakap. Sinamyo ni Marko ang mahabang buhok ng dalaga at pinilit makaramdam ng init galing sa magkadikit nilang mga katawan.
"Love, what's wrong? Bakit super nagpa-panic ka? Nandito lang ako," saad ni Ayella at hinawakan ang kanang kamay ni Marko nang humulagpos sila sa yakap.
"I... I'm sorry, Yel. H-hindi lang talaga ako komportable... sa lugar na 'to," putol-putol na tugon ng binata. Nginitian lang siya ni Ayella at pinisil niya ang palad nito bago sila lumiko sa ikatlong kanto.
Kakaiba ang daang ito. Madilim. Kumpara sa nauna nilang dinaanan ay iilan ang poste ng ilaw sa kalsadang ito at malalayo pa ang agwat. Matataas na puno pa rin ang pumapalibot, at wala pa ring bakas ng kahit na sinong tao o sasakyan.
Matiyagang binaybay ni Marko ang daan habang inaalala ang pahayag ng matanda.
"Kubo... kubo sa tabi ng molave... Ano nga bang itsura ng molave?" isip-isip niya.
Hawak pa rin ang kamay ng kasintahan, tumuloy lang si Marko kahit siya mismo ay hindi na sigurado sa kahihinatnan nila. Subalit, nananaig pa rin ang kagustuhan niyang makauwi kasama si Ayella. Gustong-gusto na niyang makapunta sa isang ligtas na lugar dahil magmula nang makausap niya si Lilia ay binundol siya ng hindi maipaliwanag na kaba.
Hindi niya alam kung saan ito nanggagaling, ngunit tila nagkaroon ng mga nakatagong mata sa paligid nila ng nobya: nagmamatyag, nagbabanta. Unti-unti nang sumasakit ang tagiliran at kalamnan niyang parang pinupulupot ang bituka.
"Love, do you remember noong huli tayong nagpunta ng bird cafe before today?"
Napatiim-bagang si Marko sa tanong ng dalaga.
"Love, let's take a pictu—Ahhh!"
"Hindi."
"Ang saya—"
"Huwag na nating pag-usapan 'yon, Yel."
Nagpatuloy sila sa mabilis na paglakad habang hawak-hawak ang kamay ng isa't isa. Nagsisimula nang tumagaktak ang pawis sa mukha ni Marko kahit ang lamig-lamig ng simoy ng hangin.
"Ayon! Kubo!" Bahagyang lumiwanag ang mukha ng binata nang matanaw sa malayo ang isang kubo na malapit sa poste ng ilaw. Hindi niya alam kung ang puno sa tabi noon ay molave, ngunit sa haba ng nilakad nila na walang nakitang ibang kubo ay sigurado siyang iyon na ang sinasabi ng matanda.
Hindi nagtagal ay nakarating na siya sa kubo. Isa itong normal na kubong tambayan, gawa sa kawayan, nipa, at rattan. May mga upuan sa gilid at kawayang lamesa sa gitna. Walang ibang tao roon, at ang nag-iisang poste ng ilaw sa kaliwa nito ang tumutulong sa kaniyang makakita. Naupo si Marko sa may entrada.
"Sure ka bang dadaan dito 'yong taxi the creepy lola told us about, love?"
Napatingin siya sa katabing si Ayella. Kahit sa dilim ay tila nagniningning sa paningin niya ang magandang mukha nito—makakapal na kilay, mahabang pilikmata, matangos na ilong, matambok na labi, at ang kakaibang kulay berde nitong mata. Kawangis nga raw nito ang isang kilalang aktres sa Amerika.
Hinaplos ni Marko ang pisngi ng katabi at ngumiti.
"Dadaan 'yon, tiwala lang. Uuwi na tayo."
Biglang may kumalansing mula sa loob ng kubo, na agarang napukaw ang pansin ng lalaki. Napalunok siya at dahan-dahang tumayo.
"Anong..." Maingat siyang pumasok at sinuyod ng tingin ang paligid sa kabila ng dilim. Unti-unting nasanay ang bista niya rito at maya-maya'y may naaninag siya sa isang sulok ng upuan. Hinawakan niya ito.
Kutsilyo. Isang kutsilyong may bahid ng dugo.
"Hindi! Hindi ako papayag! Aaahhh!"
Humigpit ang hawak ni Marko sa kutsilyo at pumapalahaw na ihinagis iyon sa labas ng kubo. Nanlalaki ang mga mata at napapasabunot na sa sariling buhok ang binata, at wala sa sarili siyang umikot at tumakbo palabas ng kubo.
"Love!"
"Ugh!"
Bumagsak sa lupa ang likuran ni Marko at bahagya pang nauntog sa ibabang parte ng kubo ang ulo nang pagharap niya ay nabangga siya sa nakatayong si Ayella. Sa nagtutubig sa mata niya ay nakita niya ang maputing kamay nitong nakalahad sa harapan niya. Napangiti ang binata at pumatak ang luha habang inaalalayang tumayo ng kasintahan.
"I'm getting worried about you, love! Ano bang nangyayari sa 'yo? Look, nandito na ang taxi, may sasakyan na tayo!" masiglang wika ng dalaga at saka lamang napansin ni Marko ang sasakyan sa likuran nito.
"Ito ang... Karo?"
Isa itong taxi na mas mahaba kaysa karaniwan, ngunit hindi kasinghaba ng isang limousine. Sa halip na dilaw o puti ay makintab na itim ang pintura nito, at tanaw niya sa loob ang kulay pulang mga upuan. Hindi niya naman maaninag ang mukha ng driver na nasa unahan.
"Let's go, love!"
Namalayan na lang ni Marko na nasa loob na ng sasakyan si Ayella, at kumakaway sa kaniya habang nakabukas ang pinto.
"Why are you standing there? Akala ko you want to go home so bad? Get in na, love!" Tinapik pa ng dalaga ang puwesto sa kanan niya at matamis na nakangiti sa nobyo.
Kumakabog ang dibdib ni Marko. Ang ngiting iyon ni Ayella... napakaganda. Talagang para siyang lulutang sa kagihawaan.
Hindi niya inakalang makikita niya muli ang ngiting iyon. Mabuti na lang talaga at nagbalik ito.
"Tara."
Pirmi ang bawat hakbang, sumakay si Marko sa itim na Karo bitbit ang galak sa kaniyang puso.
•••
"Patuloy pa ring pinaghahahanap ng mga otoridad ang serial holdaper at killer na umaaligid sa magkakaratig na bayan sa probinsya ng San Lorenzo. Halos dalawampu na ang nabiktima ng hindi pa nakikilalang salarin na nagsimulang gumawa ng krimen apat na buwan na ang nakalilipas. Nasa mataas na alerto na ang bawat lokal na ahensya ng kapulisan upang agad na makaresponde kung sakaling magpakita muli ang salarin. Matatandaang ang unang atake ng kriminal ay naganap noong gabi ng ikatlo ng Hunyo sa isang liblib na baryo, kaya't may mga dineploy na ring security personnel sa mga barangay na hindi gaanong matao lalo na kapag gabi. Samantala, patuloy pa ring pinag-iingat ang lahat at inaabisuhang umuwi nang maaga hangga't maaari."
Nakatulala sa labas ng bintana si Marko habang unti-unting namumula dahil sa narinig na balita sa radio. Nakakuyom ang mga kamao niya nang bigla siyang nagsalita.
"Si Misha... Ang kapatid ko ang unang biktima ng demonyong killer na 'yan." Madiin ang bawat pantig na binitawan ng binata.
"Fifteen years old lang siya. Fifteen! Ni hindi pa nga niya nararanasang magka-boyfriend. Nagpapatulong pa siya sa akin kung paano mag-ayos ng sarili para magustuhan siya ng crush niya. Pero..." Napapikit ang lalaki.
"Pero hindi na niya nasubukang magpa-cute sa kung sino mang lalaking 'yon, dahil... "
Naramdaman ni Marko ang malambot na kamay ni Ayella sa ibabaw ng hita niya. Sinulyapan niya ito at hindi pa rin nawawala ang mahiwagang ngiti nito sa labi.
"Wala siyang awa! Wala siyang kaluluwa! Kaya naman sinisiguro kong wala na siyang magagalaw ni isa sa mga mahal ko..." Tumitig ang namumulang mata ni Marko kay Ayella.
"Hindi ako papayag na masaktan ka niya."
Umubo ang matandang lalaking nagmamaneho ng sasakyan, kaya napatingin sa kaniya si Marko.
"Pakibilisan, Sir. Dodoblehin ko pa ang bayad basta makauwi na kami agad. Gustong-gusto ko nang magpahinga."
Inismiran siya ng matandang puti na ang buhok pati ang bigote at kilay na nakita niya sa pamamagitan ng salamin sa harap.
"Hindi kita ihahatid kung saan mo gusto. Ihahatid kita kung saan mo kailangang pumunta, iho."
"Ha?" Nangunot ang noo ni Marko. Nagsisimula na siyang kilabutan, kagaya ng pakiramdam niya kanina sa matandang si Lilia. Para bang may kakaiba sa intensyon ng tagapagmaneho nilang ni hindi nila kilala.
"Gusto ko po naming umuwi, at kailangan po naming umuwi. Gano'n din po 'yon kaya pakibilisan na lang po. Nasaan na po ba tayo? Hindi makilala ang lugar dahil sa dilim."
"May gusto ka bang sabihin, ineng? Mag-usap na kayo."
Natuon naman ang paningin ni Marko sa katabi. Napansin niyang iba na ang suot ni Ayella—isang puting bestidang may kulay lilang disenyo ng mga bulaklak. Napalunok ang binata.
"Yel..."
"Love, did you see kung available pa ang fave scent ko sa perfume shop kanina? Did you buy it? Natapon kasi sa kalsada 'yong last na binili natin, sayang."
"Hindi, hindi..." Dahan-dahan nang umiiling si Marko kasabay ng pagbulong. Namumuo na ang mga butil ng pawis sa kaniyang noo at batok.
Kumalansing nang malakas ang door chime sa pagpasok ni Marko sa tindahan ng pabango. Bumungad sa kaniya ang pamilyar na simpleng ayos ng lugar na puro puting estante at mga salamin. Nilapitan niya ang babaeng nasa may counter.
"Miss, naghahanap po kami ng limited edition perfume ng girlfriend ko. Ano nga ulit ang brand no'n, Yel?" aniya at lumingon sa kaliwa.
Nagkrus naman ang mga kilay ng babaeng tagabantay dahil wala namang kasamang pumasok ang binata.
"You visited the bird cafe rin, right? How is Pierre the Parrot? Saka si Shannon, the talking myna? They were my favorites from our first and last time there together. You had fun, 'di ba?"
Tumulo ang luha ni Marko at marahas na tinakpan ang tainga ng kaniyang mga palad, sabay iwas ng tingin sa katabi.
"Hala, hindi mo ba napapansin 'yong isang lalaking customer do'n sa gilid?" bulong ng isa sa staff ng cafe sa kasama nito.
"Alin? 'Yong pogi?" turan naman ng isa pa.
"Oo, ayun oh, nasa may parrot. Hindi mo talaga pansin?"
"Ano ba talaga ang tinutukoy mo?"
"Nagsasalita siyang mag-isa, sis! Um-order siya ng para sa dalawang tao pero wala naman siyang kasama, tapos kinakausap niya 'yong katabing upuan kahit walang nakaupo!"
"Ay, grabe! Pogi sana, kaso parang baliw."
"Love?"
Hinawakan ni Ayella ang mukha ni Marko at iniharap sa kaniya. Dahan-dahang nagmulat ang lalaki at ramdam na ramdam niya ang malalamig na palad sa kaniyang pisngi.
Kaharap niya pa rin ang nakangiting si Ayella... ngunit unti-unti nang kumakalat sa may dibdib nito ang mapulang dugo.
"Ayoko! Ayoko! Hindi! Aaahhh!"
Hindi na nakontrol ni Marko ang katawan at pinagsasampal at sinabunutan ang sarili.
"Love! Love!"
"Narito na tayo."
Isang magaspang na tunog ng pagpreno ang umalingawngaw kasabay ng nakangingilong tunog. Humampas ang ulo ni Marko sa upuang nasa harap at tuluyang nagdilim ang paningin.
•••
"Ayella... Ayella..."
Kikisap-kisap na inilinga ni Marko ang paningin. Hilam sa luha ang mga mata niya nang mapagtantong nakaupo siya sa damuhan at nakasandal sa konkretong pader.
"A-aray..." Pinilit niyang tumayo at nakaramdam siya ng sakit ng ulo. Kinusot niya ang mata at sa muling pagdilat ay naroroon na siyang muli—si Ayella.
"Love..."
Nasa likuran ng dalaga ang Karo na nakabukas ang ilaw. Kitang-kita ni Marko ang gintong buhok ng nobyang sumasayaw sa umiihip na hangin.
"Love, it's not your fault."
Nagbagsakan ang mga luha ni Marko at napaluhod.
"Kasalanan ko! Hindi kita naprotektahan... Wala akong kuwenta!" hagulhol niya. Nilapitan siya ni Ayella at naupo sa tapat niya.
"It's not your fault na nabiktima tayo ng killer, love. Ginawa mo ang lahat. My life was stolen, but until my last breath, you held on to me and made me feel loved." Pinunasan ni Ayella ang mga luhang bumabaha sa mukha ng nobyo.
"I love you, Marko."
Nagdikit ang kanilang mga labi... sa huling pagkakataon.
"Goodbye."
Pagmulat ni Marko ay walang Ayella sa harapan niya. Walang ilaw. Walang Karo.
Nangangatog ang tuhod siyang tumayo at nilibot ang paningin. Noon niya napagtanto ang isang bagay.
Nasa sementeryo siya.
At sa kaniyang likuran ay naroroon siya... Si Ayella.
Ayella Denise D. Marcelo
Born: October 16, 2001
Died: May 30, 2022
×××
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top