Chapter 21

050222 #HatemateWP Chapter 21

Miraculously, nakatulog ako nang mahimbing, siguro dahil sa pagod. Pagbalik namin sa rest-house, hindi naman sila nagsitulugan agad . . . except yata kay Deion na nagkulong na sa kuwarto.

Sumama muna ako sa iba na tumambay sa poolside, pero hindi rin ako masyadong nagtagal dahil nag-start ulit silang uminom at baka maungkat pa 'yung nangyari sa restaurant. Nagpaalam muna ako sa may birthday at kay Ate Maggie bago ako umakyat.

Kinatok ko ang pinto ng katabing kuwarto; nasa akin pa kasi ang salamin ni Deion. Walang kahit sinong sumagot, so baka tulog na nga siya at walang ibang tao sa loob. Binuksan ko nang bahagya ang pinto at sumilip muna bago tuluyang pumasok.

Gaya ng kung paano ko siya nakitang natutulog sa unit nila ni Mark, binalot ni Deion ang sarili niya ng kumot. Parang ihiniga niya ang sarili sa kumot, tapos rumolyo siya sa kama. I wonder kung buong magdamag ay ganiyan lang siyang matulog, parang lumpia. Hindi ba mananakit ang katawan niya pagkagising?

Bahagya ko siyang tinulak para tumagilid ang katawan niya. Kapag kasi nakakainom si Daddy, laging sinasabihan ni Mommy na patagilid humiga; masama raw kasi kapag tuwid na tuwid. Wala namang kamalay-malay si Deion at hindi naman nagising nang i-roll ko siya pagilid. Pinatong ko ang salamin niya sa maliit na table sa may kama at hininaan ang aircon bago lumipat sa kuwarto naming mga babae.

Hindi ko na namalayan kung anong oras umakyat sina Ate Maggie. Nang gumising ako, tulog pa sila.

Lahat yata sila parang mga zombieng naglalakad nang gumising, except kay Deion na pinakamaagang natulog kagabi. Ilang beses pa ngang nabatukan ni Ate Maggie si Mark na panay ang subsob sa dining table habang naghihintay kami ng lunch. Hanggang sa uwian na, gano'n sila.

Dahil hassle kung dadaan pa ako sa amin, sa apartment na lang ako uuwi. Sa labas na ako ng rest-house naghintay habang 'yung iba ay hindi pa tapos maligo at magbihis.

Kanina ko pa inaabangang humarap sa 'kin si Deion na nakapuwesto malapit sa van. Sa right side niya ay si Mark na mukhang bigat na bigat sa ulo niya kaya nakadantay sa balikat ni Deion.

I-ni-magine kong nakakandado ang mga paa ko para hindi ko sila lapitan. Dati, hindi ko talaga kayang kontrolin. Kapag gusto kong lumapit kay Deion, lalapitan ko siya. Kapag gusto ko siyang kausapin, kukulitin ko siya. Wala naman akong pakialam no'n kung hindi niya ako pinapansin. Kung ano'ng gusto ko, ginagawa ko. Unless explicitly sabihan niya akong lubayan siya, which is never naman niyang ginawa.

Tinadtad ko ng kagat ang labi ko habang nagpipigil. Lolokohin ko naman ang sarili ko kapag sinabi kong gusto ko lang siyang kausapin ngayon as a friend. E kaaamin ko nga ang sa sarili ko kagabi.

Nangangati na talaga ang dila kong magsalita, at hindi na mapakali ang mga paa ko kaya mukha na akong nagmamartsa sa puwesto. Huminga ako nang malalim. What if left-over stress lang talaga 'to sa exams? What if di ko talaga siya gusto, sadyang may part lang sa 'kin na nami-miss 'yung kami dati?

Ay putek, hindi naman pala naging kami.

Pero mas close na kasi kami ngayon. So baka dahil may part sa 'kin na ang tagal 'yung hiniling kaya ngayong nandito na, feeling ko crush ko ulit siya? Ganoon ba 'yon? Bakit ba ang hirap i-analyze ng sariling feelings?

Napakamot na lang sa noo. Dahil clown ako, lumapit ako sa kanila ni Mark. Sasaglit na lumapat ang daliri ko sa braso ni Deion nang kalabitin ko siya pero halos mabitiwan niya ang phone sa gulat. Napadaing tuloy si Mark dahil naalog ang ulo niyang nakasandal kay Deion nang magulat ito.

"B-Billie." Kumunot ang noo ko sa inaakto ni Deion. Hindi naman siya nagkape kaninang umaga. Siya nga lang ang tanging nagsabi na tubig lang ang gusto niya e. Tumikhim siya at tinabi ang phone sa bulsa ng pants. "Bakit?"

Itatanong ko sana kung masakit ba ang ulo niya, pero nabitin sa ere 'yon dahil kinukuha na niya ang bag ko. Hinayaan ko na lang 'yung mapunta sa kaniya kaysa makipag-agawan pa ako.

Makikipag-agawa pa ba ako e gusto ko rin naman?

"Di masakit ang ulo mo?" tanong ko nang makabawi.

Umiling siya. Sinukbit niya ang strap ng bag ko sa isang balikat niya. Hindi na ulit siya nagsalita, at nablangko naman ang isip ko ng sasabihin, kaya nanahimik na lang din ako.

Nilingon ko agad siya nang tawagin niya ako. "Bakit?"

Ang tagal niyang hindi nag-respond, so akala ko trip niya lang na tawagin ako. Nakailang lunok yata siya bago umiling ulit. "Wala pala."

"Ah . . . okay."

Bakit parang ang awkward na naman? Nakiramdam tuloy ako kung may silent agreement ba kaming hinid uungaktin 'yung nangyari kagabi. Di naman 'yon big deal . . . yata. I mean, ayaw kong gawing big deal. Kiss lang naman 'yon e. Kiss lang. Kiss . . .

Tumikhim ako nang may tumakas na tawa sa 'kin. Napalingon sa 'kin si Deion, nagtataka siguro bakit ako tumatawa out of nowhere. Sinikap kong ibalik ang poker face ko kahit traydor ang labi ko at gustong-gusto ngumiti. Parang tanga lang.

Umiling ako sa sarili, unti-unting natauhan. Malamang gagawin ni Deion 'yung dare dahil nando'n sina Shana. Kasi kung hindi, baka issue na naman. Sure akong 'yon lang naman ang iniisip niya.

'Yan. Nawala na nang tuluyan ang ngiti ko. Maganda nga talagang alam ang weakness para alam din kung paano 'yon sosolusyunan. Tutal mahilig akong umasa, ako na lang din ang babasag n'ung pag-asa ko para hindi masyadong masakit. Kaysa naman hayaan kong 'yung same person na bumasag n'un before ang bumasag n'un ulit.

Bagsak ang lahat pagsakay sa van. Magkatabi pa rin kami ni Deion. Nawiwirdohan nga ako sa kaniya kasi tuwid na tuwid ang pagkakaupo niya.

Nahawa ako sa pagkagulat niya nang kalabitin ko siya. Ano ba 'to! Ito ba epekto ng alak sa kaniya? Parang nakalaklak siya ng isang galong kape sa pagkaalerto at pagkamagulatin.

"Okay ka lang ba?" tanong ko, genuinely concerned. No'ng pinuntahan ko naman siya sa kuwarto kagabi, tulog na tulog siya, so crossed out na ang kulang siya sa tulog kaya siya ganiyan. Maayos naman siyang kumain kanina. Di ko ma-figure out kung bakit parang kanina pa siya kabadong-kabado.

"Oo," tumatango-tango niyang sagot. Nagbuntonghininga siya bago sumandal sa upuan. "Billie."

"Ano?"

Gaya ng kanina, hindi agad siya nakasagot. Nakatitig lang siya sa 'kin na parang nag-pause ang oras niya. Nilipat ko ang tingin sa sapatos ko dahil mahihimatay yata ako kapag nilabanan ko ang titig niya.

"Wala pala."

Kumunot ang noo ko. "Ano nga 'yon?"

"Wala nga." Narinig ko siyang humugot ng malalim na hininga.

Binalik ko ang tingin sa kaniya. "Deion."

Umangat ang dalawang kilay niya. "Hm?"

Nagdalawang isip ako kung babanggitin ko 'yung sa nangyari kagabi, pero baka mamaya may nagtutulug-tulugan lang sa mga kasama namin sa likod ng van kaya umiling ako.

Tsk. Sabing 'wag na nga 'yung pag-usapan, ako lang madi-disappoint e. Di ko na nga 'yon uungkatin. "Wala pala."

"Ano nga?" tanong niya na ikinatawa ko. Salubong na ang kilay niya.

"O ano? Anong feeling ng di sinasagot nang ayos?" balik ko sa tanong niya.

Lalo lang lumalim ang simangot niya. Umiwas siya ng tingin at hinigpitan ang pagkakayakap sa bag ko. Naku, kaamoy na nman niya 'yan mamaya. Patay na naman ako.

"Billie."

Napailing na lang ako. Ang kulit niya today, ha? "Trip mo ba ako?"

"Hindi" Umiling siya.

"E ano?"

Tumikhim siya at umayos ulit ng pagkakaupo, parang di mapakali. Sinubsob niya saglit ang ulo sa bag kong yakap niya. Talagang ginawa niya pang unan ang bag ko, ha?

Sinuklay niya ang humahaba niyang buhok gamit ang mga daliri nang iangat ulit ang ulo niya. "Wala ka bang sasabihin?"

Nanlaki ang mata ko roon. "Wala," mabilis pa sa alas-kuwatro kong sagot. Ang lakas naman ng pang-amoy nito! "Ano'ng sasabihin ko sa 'yo? Wala namang akong di sinasabi. Ano'ng itatago ko sa 'yo? Ano'ng kailangan mong malaman? Wala akong aaminin, 'no."

Kunot ang noo niya nang lingunin ako. Nilipat ko ang mga mata ko sa pudpod kong mga daliri para lang iwasan ang mga mata niya.

"Ano? Anong aamini—"

"Bakit ka ba tanong nang tanong? Baka ikaw talaga ang may sasabihin, ha?" putol ko sa sasabihin sana niya.

Nang ibalik ko ang tingin sa kaniya ay nakakunot pa rin ang noo niya sa 'kin. Panay ang buka ng bibig niya na parang may sasabihin pero di naman niya tinutuloy. Inunahan ko na lang siya, "'Wag na nating pag-usapan kung anoman 'yan. Di 'yan importante."

Naitikom niya ang bibig bago tumango. Napakamot siya sa likuran ng tainga bago sumandal nang ayos at pumaling sa opposite side.

Parehas kaming gising sa buong biyahe, pero hindi na kami nag-usap ulit kahit isang beses.

Kinabahan tuloy ako. Obvious na ba ako agad?

* * *

Pagkatapos ng ilang araw, birthday na ni Mark. Tapos, kaunting tulog na lang ay October. Birthday ko naman ang susunod. Though, hindi ko sure kung makakapag-enjoy ba ako sa birthday ko dahil tuloy na ulit ang lessons at requirements. Sure naman akong magse-celebrate kami nina Daddy pag-uwi ko sa tatapatang weekend na pinakamalapti sa birthday ko. Pero baka kahit pagkain ko ng cake, stressed ako kaiisip about school.

"Sorry, ha?" sabi ko kay Je paglabas namin ng trike. Bitbit niya 'yung cake na p-in-ick-up namin after class para kay Mark. Alam ko namang kung siya ang masusunod, hindi na siya sasama at baka natulog na lang siya sa apartment. Pero wala e, ang kulit ni Mark kanina.

"Okay lang, wala rin namang kakainin sa apartment," sagot ni Je na kinatawa ko. May point naman, at least tipid kami both.

Inakbayan ko si Je habang papasok kami sa bahay nina Ate Maggie. Sa bahay nina Ate Maggie kasi magse-celebrate si Mark, siguro dahil mas malapit sa school. Bukas na ang gate pagkarating namin at may mga namukhaan na ako sa maliit na crowd sa labas.

"Walang kandila?" tanong ni Mark na kalalapit lang sa 'min. Inambahan ko siya ng kurot sa tagiliran pero tinawanan lang niya ako. Binilhan na nga siya ng cake, hahanapan pa kami ng kandila!

"Happy birthday," bati ni Je. NIlingon ako ni Mark na parang naghihintay ng greeting pero inirapan ko lang siya.

"Thanks," natatawang sabi ni Mark bago kuhain ang cake. "Pasok kayo sa loob, or d'yan sa labas." Inginuso niya ang table na naka-set-up sa tapat ng itim na kotse. "Nasa loob sina Tita at Mama. Nasa loob din si Deion."

"Di ko naman hinahanap," pabulong kong sabi pero narinig niya yata kaya natawa ulit siya bago kami talikuran para ipasok 'yung cake.

"So saan tayo?" tanong ni Je. Sinimangutan ko rin siya nang mapansing nagpipigil siya ng ngiti.

"Magpaalam na lang tayo mamaya sa matatanda 'pag uuwi na tayo," sabi ko at hinigit si Je papunta sa table na naka-set up sa labas. Nang mapansin kami ng mga kaklase namin ni Mark no'ng junior high ay tinawag nila ako. Ang pinakilala ko lang kay Je ay ang mga kalapit namin sa table dahil sure naman akong hindi niya rin matatandaan kung ipapakilala ko lahat.

"Wala si Shane?" tanong ko. Inagaw ko 'yung plato ng nachos na nasa gitna ng table at nilapit kay Je. Favorite niya 'yon e. Wala namang umangal sa mga nakapuwesto sa table.

Napanguso ako nang pare-parehas na wala ang sagot nila sa 'kin. Kinuha ko ang phone sa bulsa ng pants ko at ch-in-at si Shane kung pupunta siya. Nag-uusap pa rin naman kami pero hindi na gano'n kadalas. Kung nandito siya, ang dami ko sanang maikukuwento.

Napaangat ang tingin ko mula sa phone nang bigla na lang silang naghiyawan. Hinanap ko pa ang reason kung bakit dahil mukhang wala namang bagong dating. Nalaman ko lang kung ano'ng hinihiyawan nila nang kay humila sa monobloc sa kabilang side ko.

"Huy!" Tinapik ko si Miko sa braso. Ang tangkad na niya lalo! Feeling ko lahat ng boys sa 'min, tumangkad nang todo. Ako lang yata ang hindi masyadong gumalaw ang height. "Long time no see!"

"Oo nga e," aniya, natatawa. Nanlaki ang mga mata ko dahil nagbago rin ang boses niya. Two years lang naman kaming hindi nagkita pero ang laki ng nilalim n'un. Parang nagbago rin ang mukha niya, pero hindi ko sure dahil baka dahil lang 'yon sa semi-kalbo na ang buhok niya. "Kasama mo?" Nilipat ni Mark ang tingin kay Je kaya in-introduce ko muna sila sa isa't isa.

"Bil . . . lie . . ." Inangat ko ang tingin kay Mark na nakatayo sa likuran ko. Na kay Miko ang tingin niya at di ko alam kung bakit gulat na gulat siya, e malamang siya naman ang nag-invite sa mga kaklase namin dito sa birthday niya. "Huy, gagi ka. Saan napunta ang buhok mo?"

Tinawanan lang siya ni Miko bago batiin ng happy birthday. Niyakag kami ni Mark sa loob para kumuha ng food, pero nahihiya akong pumasok at ayaw ko ring iwan si Je sa labas.

"Ako na lang ang kukuha," presinta ni Miko kaya inasar na naman kami. Kinunutan ko ng noo si Mark nang makitang nakatingin siya sa akin. Umiling lang siya at pinanliitan ako ng mga mata bago samahan si Miko sa loob ng bahay.

"Ano'ng meron sa inyo?" pabulong na tanong ni Je.

Umiling ako bago dumampot ng nachos. "Wala. Nang-aasar lang ang mga 'yan."

"Dalawa ang ex mo?"

Natapik ko si Je sa hita. "Wala akong ex, ano ka ba?" tanggi ko. Tinawanan lang naman niya ako.

Pagbalik ni Miko, may dala siyang food, pero isang plato lang. Akala ko babalikan niya pa 'yung para sa amin ni Je pero bigla na lang may naglapag n'un sa table mula sa likuran namin. Di ko na kailangang tingalain kung sino 'yon dahil sa amoy pa lang, kilala ko na.

"Thanks," sabi ni Je kay Deion na umikot sa kabilang side ng table para umupo sa tapat ko. Tiningnan ko lang siya pero hindi na ako nagpasalamat. Hati na kami ni Je roon sa thank you niya.

"Oy, Deion," acknowledge ni Miko sa presensiya n'ung isa. Tinutok ko ang mga mata ko sa videoke at wala akong balak ilipat 'yon sa kung sino'ng nakaupo sa tapat ko. Bakit ba bigla siyang lumabas? "Same univ kayo, di ba, Bills?"

Sinulyapan ko si Miko na mukha namang walang masamang balak sa pagbanggit n'un, sadyang nabanggit niya lang. Pero para safe, binago ko ang topic. "Oo. Bakit ganiyan ang buhok mo?"

Sinalat ni Miko ang ulo niya. "Mainit e," natatawa niyang sagot.

"Bagay naman sa 'yo." Pagkasabing-pagkasabi ko n'un, naghiyawan ulit 'yung mga malalapit sa 'min. Napairap na lang ako. Ang mga 'to, nakikinig pala!

"'Wag nga kayong ganiyan, baka mamaya may boyfriend na 'yung tao," saway ni Miko.

Sasabihin ko sanang wala, dahil kami-kami lang namang magkakaklase no'ng JHS ang nandito at si Je, pero naudlot 'yon dahil may malikot na kamay na nagbalak nakawin ang shanghai sa plato ko. Nahuli ko ng tinidor 'yung inaabot ni Deion kaya hindi niya 'yon nakuha. Dapat kumuha siya ng kaniya sa loob!

Pinagpilitan niyang hilahin 'yon kaya naputol at nakuha niya ang kalahati. Sinamaan ko siya ng tingin. Epal. PAPANSIN! At pinapansin ko naman! Sino ba kasi di papansin sa mukhang 'yan?!

"May boyfriend na ba 'to, Deion?"

Buti na lang nalunok ko na ang nginunguya ko dahil kung hindi, baka nabilaukan ako sa biglaang tanong ni Miko. Tusukin ko nga ng plastic fork ang braso niya. Bakit si Deion pa ang tatanungin? E heto naman si Je o, katabi ko lang!

Napalingon sa 'kin si Miko, sapo ang spot na tinusok ko. "Tinatanong ko lang naman."

"'Wag ka diyan magtanong, di kami friends," tugon ko. Kumunot ang noo niya bago sumulyap kay Deion na nang-i-intrude na naman ng plato ng may plato. Nahagip ko ng hampas ang kamay niya nang nakawan niya ulit ako ng lumpia.

"Or baka naman may gusto ka pa kay . . ." Naitikom ni Miko ang bibig niya nang siya naman ang samaan ko ng tingin. "Joke."

"Ano ka ba, past is past, 'no?" nagawa kong sabihin kahit na kumakabog ang dibdib ko sa kaba.

Tinulak ko ang upuan ko paatras para ikuha kami ni Je ng drinks na nasa kabilang dulo ng table, pero mostly para makahinga ako nang ayos dahil ninenerbyos pa ako sa sinabi ni Miko. Samahan pa 'yon ng shameless na si Deion na nasa amin lang ang tingin at panay ang kuha sa pagkain ko, na siya ang kumuha, yes, pero akin na 'yon e.

Past is past, psh. Pangmatatalino lang 'yon e. Di 'yon bagay sa 'kin na isang tingin lang, kaunting ngiti lang, mapakitaan lang ng kapirasong affection, bibigay na.

"Ang mature mo tingnan diyan sa buhok mo," banggit ko kay Miko pagbalik ko sa upuan. Dinedma ko na lang 'yung mga humabol pa ng hiyaw sa paligid namin. Ang lalakas talagang mangantiyaw.

"Talaga?" tanong ni Miko, sinasapo ulit yong ulo niyang mukhang bolang kristal, oo, pero bagay naman sa kaniya.

"Oo," sagot ko.

Napasimangot ako nang ibalik ko sa plato ko ang tingin ko ay ubos na 'yung. Nilingon ko ang salaring nakasimangot din na kumakain sa tapat ko. Sasabihan ko sana siyang ikuha ako ng bago sa loob pero inirapan niya ako at tumayo na mula sa upuan niya. Ginantihan ko rin siya ng irap. Siya na nga ang nang-agaw ng pagkain, siya pa ang galit!

Wala pang five minutes, bumalik din naman si Deion nang may dalang isang plato na may exact number ng shanghai na dinekwat niya sa plato ko.

* * *

Nang umalis na 'yung parents ni Mark at ni Ate Maggie, at naiwan sa 'min ang bahay, parang magic na lumitaw out of nowhere 'yung mga bote ng alak. Cue na 'yon para umuwi kami ni Je dahil busog na kami at wala naman kaming balak uminom.

Pagpasok namin sa bahay dahil maghuhugas ako ng kamay at si Je ay magsi-CR, saka lang namin nakita si Ate Maggie, which is weird kasi bahay naman niya 'to at hindi nina Mark. Baka nag-stay siya rito sa loob dahil hindi niya kilala 'yung mga bisita ni Mark sa labas?

"Uuwi na kayo?" tanong niya sa 'kin. Tumango ako. Sinundan niya ako sa tapat ng ref habang nagpupunas ako ng kamay sa nakasabit na towel do'n, at may kutob na akong wala siyang balak na pakawalan kami ni Je. "'Wag muna, please?" See?

"Uh . . ." Hindi lang naman kasi ako ang magde-decide n'un. Ayaw ko namang pauwiin si Je mag-isa dahil kung wala ako rito, hindi naman siya pupunta. Dapat lang na sabay kaming uuwi. "Tanungin ko muna si Je." . . . na saktong kalalabas lang ng banyo.

"'Wag muna kayong umuwi," sabi ni Ate Maggie, nasa tapat na ni Je ngayon. "Minsan lang ako magkaro'n ng kasama sa bahay. Wala munang uuwi, please? "

"May tao pa sa labas," sagot ni Je.

Napasimangot si Ate Maggie. "Di ko naman kilala 'yung mga 'yon e. Si Mark lang ang friends nila."

Nilipat ni Je ang tingin sa 'kin, parang nagtatanong. Nagkibit-balikat lang ako at hinayaang siya ang mag-decide n'un. Okay lang naman sa 'kin kung uuwi kami or dito lang muna—do'n ako sa kung ano ang gusto niya.

"Okay," sagot ni Je, which is frankly hindi ko ine-expect. Halos itulak na kami ni Ate Maggie paakyat at inutusan kaming pumunta sa kuwarto niyang hindi naman namin alam kung nasaan. Kukuha raw muna siya ng food bago kami sundan.

"Ito na kaya 'yon?" tanong ko kay Je pagtigil namin sa tapat ng bukas na pinto. Bukas ang aircon sa loob at ramdam namin sa labas ang lamig n'un. Nakaka-tempt ngang isara ang pinto e.

"Hintayin na lang natin siya," sagot ni Je kaya naman hinintay namin si Ate Maggie bago kami pumasok sa kuwartong kaniya nga. Naunahan ako ni Je na umupo sa desk chair kaya tumabi ako kay Ate Maggie sa kama.

Di ko nga alam kung ano'ng ginagawa namin dito. Nice naman si Ate Maggie pero honestly di naman kami close, kahit na tabi kami sa double deck no'ng pumunta kami sa rest-house. Umurong tuloy ang daldal ko dahil di ko alam ang sasabihin. Nagkunwari na lang akong may naiintindihan sa palabas sa TV, habang nag-uusap silang dalawa ni Je dahil nakita ni Je 'yung portfolio niya.

"Billie."

"Bakit?" Napalingon ako kay Ate Maggie nang tawagin niya ako. Kumunot ang noo ko sa biglang pagiging sullen ng mukha niya. Hala, kinakausap ba nila ako kanina tapos hindi ako sumasagot? Parang wala naman akong na rinig na sinasali nila ako sa convo.

"Sorry." Lalo lang nagsalubong ang kilay ko. Pumalatak siya bago i-unat ang mga legs niya sa kama. Magtatanong pa lang sana ako kung para saan ang sorry niya pero nauna niyang dugtungan 'yon. "Kasi . . . hindi ako masyadong sensitive sa inyo ni Deion."

Napadukot ako sa malaking bag ng chips sa pagitan namin. HUH???

Pinuno ko ang bibig ko para hindi ko kailangang magsalita. Saan naman nanggaling ang topic na 'to? Parang kani-kanina lang, plates at profs ang pinag-uusapan nila ni Je, a?

"Okay, wala naman talagang kahit ano." Nagkibit-balikat siya. "Parang kapatid ko na siya saka si Mark. Pero, ugh, sorry pa rin. Kasi no'ng birthday ni Tin . . . ."

Napatigil ako sa pagnguya. Sumulyap ako kay Je na busy ang mga daliri sa pag-flip sa pages ng lumang portfolio ni Ate Maggie pero nasa aming dalawa ang tingin. Nagbuntonghininga si Ate Maggie. "Ano, nainis lang ako kasi may sinabi sina Shana. Friends mo sila, di ba?"

Friends? Mauuna kong aminin kay Deion ang feelings ko bago ko i-consider na friends ko sila ni Maxine. Umiling ako.

"Basta 'yon, pagbalik sa rest-house, naglaro pa kami sa may pool—kami-kami lang. Tapos, napunta 'yung topic sa lalaki. Nainis lang ako kasi sabi nila bagay kami ni Deion, tapos puro about kay Deion na 'yung tinatanong nila sa 'kin e may girlfriend nga 'yung tao. Nasa kuwarto ka na yata no'n e. Sabi ko 'wag silang gano'n, pero sabi ni Shana, observation lang naman daw niya 'yon."

"Actually kahit hindi nila sa 'kin i-pair 'yung tao, nakakainis pa rin. Kunwari, kay Je." Natawa ako nang makitang kumusot agad-agad ang mukha ni Je. Kung sila ni Deion, puwedeng maghapon silang hindi mag-usap. "Di ba ang ano . . . ? Ang insensitive? Lalo na friends pa kayong tatlo. Like kami ni Deion, friends din. Wala lang, di dapat nila ginagawa 'yon." Huminga siya nang malalim. "Kung ako sa 'yo, unfriend mo na 'yung mga 'yon. Di ko alam kung crush niya ba si Deion, crush niya ba ako, o ikaw ang crush niya kasi laging tayo ang bukambibig niya."

"Di naman kami friends," clarify ko. "Saka, alam ko na namang ayaw nila sa 'kin." Kung as a person, or ayaw lang nila sa 'kin dahil jowa-kuno ko si Deion, di ko rin alam kung alin. "Narinig ko na sila dating sinasabi 'yo—"

"Wait lang, kukuha lang akong tubig," putol ni Ate Maggie sa sinasabi ko at dali-daling tumayo. Sumilip pa siya sa pintuan pagkalabas niya. "Teka lang, itutuloy mo 'yan mamaya! Kukuha lang akong tubig." Pagkatapos, nag-vanish na ulit siya at kasunod ng malulutong na tunog ng tsinelas niya.

"So alam mo na?"

"Ha?" Nilipat ko ang tingin kay Je. Salubong na salubong ang kilay niya at mukhang kaunting pitik lang sa kaniya, sasabog siya sa pagka-badtrip—signature look niya no'ng SHS kami kapag may hindi tumutulong sa groupwork na siya ang leader.

"'yung kina Shana, alam mo nang ginagano'n ka nila?"

Tumango ako at nagkibit-balikat. Well, wala naman na silang nagawa sa 'kin bukod sa one-time breakdown. Buhay pa naman ako ngayon at humihinga. At, at least sa mata nila, kami pa rin ng 'jowa' ko. "Di ko pala nakuwento sa 'yo, 'no?"

Inirapan lang niya ako bago ipaling ang tingin sa portfolio na hawak niya. "Pinahiram ko pa naman 'yon ng ball-pen."

Di ko napigilan ang tawa ko roon dahil mukhang tunay na masama ang loob ni Je na nagpahiram siya ng ball-pen. Hanggang sa marinig ko na ulit ang lagitik ng tsinelas sa sahig ni Ate Maggie na parang nagmamadaling umakyat, natatawa pa rin ako.

"Billie." Mabigat na binagsak ni Ate Maggie ang mug na ininuman niya sa bedside table bago tumabi sa 'kin. "'Wag kang makikinig sa mga 'yon, ha? Anong mas bagay kay Deion? Ang cute niyo kaya!"

Doon natigil ang pagtawa ko. Tumikhim ako at nag-pretend ulit na may naiintindihan sa season two at episode number something ng series na nagpe-play sa TV. "Ako lang ang cute sa 'min," sabi ko na lang.

Natawa si Ate Maggie. Hala siya. Dapat ba akong ma-offend? Di ba ako cute sa paningin niya? Sa tingin niya ba si Dieon lang ang nagbubuhat ng looks sa 'ming dalawa?

"Alam mo, for two years, di ko ma-imagine si Deion na may girlfriend. Mailap kasi siya hindi lang sa babae e, parang sa lahat," aniya. Tumango ako. I agree. Pero may tangang attracted sa gano'n, at ang tangang 'yon ay ako. "Saka kuripot kaya 'yon sa 'min ni Mark."

Dumampot ulit ako ng chips at pinuno ulit ang bibig ko. No, no. Di ko bibilangin kung ilang bses na niya akong nilibre.

Pero shet curious ako. Ilan na nga ba? More than five na ba? Six . . .?

STOP, BILLIE. Mag-iisip ka ng ganiyan, tapos magbibigay ka ng meaning, tapos sa dulo ikaw pala ang mali.

"So 'wag kang makinig sa mga 'yon. Actually, 'wag ka rin pa lang makinig sa 'kin. Wala naman akong alam sa relationship niyo e. Di kaya nababanggit ni Deion."

Tumango ako. Malamang di talaga mababanggit ni Deion 'yung relationship na wala naman siya in the first place. Bigla-bigla na lang akong nilingon ni Ate Maggie nang may nanlalaking mga mata, na feeling ko senyales ng bad news for me.

"So ikaw na lang ang magkuwento! Gaano katagal na kay—"

"Ate Maaags!!!"

Minsan talaga, thankful ako sa existence ni Mark.

Padabog na inabot ni Ate Maggie ang bintanang nasa ulunan ng kama niya at dumangaw roon. "Ano?!"

"Kuha mo kaming pagkain at juice, pleaaase?!"

"Tinatawag mo lang akong 'ate' 'pag may iuutos ka! Kumuha ka mag-isa mo!"

"Pero birthday kooo!"

Napapitlag ako nang padabog na isara ni Ate Maggie ang sliding window niya. Mukhang wala siyang balak na sundin 'yung inuutos sa kaniya ni Mark dahil bumalik siya sa komportableng pagkakaupo niya sa kama at mukhang may balak na ituloy ang interrogation sa 'kin na wala akong idea kung paano sasagutin. Buti na lang makulit si Mark at paulit-ulit siyang tinawag mula sa baba. At ang lakas ng boses niya dahil rinig na rinig ko kahit sarado ang bintana.

"Ako na lang," presinta ko para makatakas ako rito. Icha-chat ko na lang siguro si Je na magpaalam kay Ate Maggie ten minutes after kong makababa para makaligtas ako totally.

Bago pa makatanggi si Ate Maggie, dinagdagan ko 'yon ng isa pang half-excuse at half-truth. "Magsi-CR din naman ako."

Napasimangot siya pero tumango rin naman. "Nasa likod sila, ha? 'yung door sa may kitchen, nando'n. Wala sila sa harap."

"Okay."

At bago pa niya matapos itanong kung sure ba ako, nakalabas na ako ng kuwarto at naisara na ang pinto. Dali-dali akong bumaba. Hinanap ko muna ang banyo bago gawin ang request ni Mark.

Di ko alam kung anong food ang gusto nila, so kumuha na lang ako ng bandehado at kumuha ng tigkakaunti ng nasa dining table. Dahil wala akong nakitang juice sa ref, hinanap ko pa kung nasaan 'yon. Iniisa-isa kong aninagin ang laman ng hilera ng clear containers sa kusina para hanapin 'yon nang marinig ko galing sa labas na inuudyukan nila si Deion na uminom. Paano siy—sila uuwi? Dito ba sila matutulog kina Ate Maggie? Pero bahala siya—sila, buhay naman nila 'yan at di naman ako KJ.

"Two years kang nagtiis . . ." Nakita ko na 'yung juice, finally. Feels weird na mangialam ng kusina ng iba. "Two years!!!" Napahawak ako sa dibdib nang biglang sumigaw si Mark. May built-in megaphone ba siya?

At . . . anong two years nagtiis?

"Paps, kausapin mo na kasi si Mags."

Natigilan ako sa narinig kaya muntikan ko nang malunok 'yung piraso ng sachet ng juice na tinanggal ko gamit ang ngipin. Tinanggal ko agad 'yon sa bibig ko at tinapon sa basurahan.

Paps? Mags? Two years?

"'Tang inang pag-amin ng feelings 'yan, mas matagal pa sa commercial?!" dagdag ni Mark. Sinundan 'yon ng malalakas na tawanan.

Feelings? Pag-amin?

Wait . . . di ba no'ng senior high lang nakilala ni Deion si Ate Maggie? So . . . two years ago?

Sinara ko ulit ang freezer nang makuha ang yelong ilalagay ko sa pitsel. Two years siyang nagtiis ng ano? Nagtiis sino? Si Deion, malamang. Unless Paps ang tawag ni Mark sa iba pa naming classmates no'n, which I doubt. At 'yung Paps na tinutukoy niya ay kilala ni Ate Maggie, so, wala talagang ibang options kundi si Deion. At . . . kausapin si Ate Maggie kasi . . .? Aminin ang feelings . . . kanino? At anong feelings?

After two years . . . Kausapin si Ate Maggie . . . Aminin ang feelings . . .

Nanlamig yata ang buong katawan ko, pero sigurado akong hindi dahil sa ice cubes na hawak ko. Nakailang kurap ako sa sink, naghihintay na may lumabas na something out of this world do'n para senyasan akong nananaginip lang ako. Para makahinga na ako nang maluwag.

"E paano 'yang set-up ninyo ni Billie—?"

Napapikit ako nang marinig ang pangalan ko. Any minute now, gigisingin ako ni Je. Or baka hindi na. Baka late na ulit ako sa Design at magpa-panic na naman ako pagkagising. Masyado ko lang iniisip si Deion kaya hanggang sa stream of consciousness ko habang tulog, binibisita niya ako, sinusundan, pinapakaba—

"Hindi naman kami talaga."

Nagmulat ako ng mga mata pero nasa kusina pa rin ako nina Ate Maggie.

Gusto ko nang gumising. Ang pangit nitong panaginip ko.

Hanggang sa panaginip, di mapagbibigyan ang feelings ko?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top