Chapter 17

031422 #HatemateWP Chapter 17

Tulog pa ang kalahati ng kaluluwa't katawan ko nang mag-vibrate ang cellphone kong nakapatong sa hita ko. Sinilip ko lang 'yon sa notification sa lockscreen. Hm, si Deion.

Ni-lock ko ang phone ko at sinubsob na ulit ang ulo sa lamesa. Inaantok pa talaga ako. Wala pang alas-cinco, gising na ako kahit late na akong natulog kagabi . . . o kanina ba 'yung madaling araw? Hindi ko na rin sure.

Hindi ako hinayaang bumalik sa tulog ng pag-vibrate ng phone ko. Tiningnan ko ulit sa lockscreen kung sino ang nag-text. Si Deion ulit. Hindi ko 'yon pinansin at tinaob ang phone ko sa mesa. Ang aga-aga pa para mangulit siya.

"Billie?" rinig kong tawag ni Je sa 'kin galing sa kuwarto. Nag-hum lang ako bago isandal ang ulo sa pader na sinasandalan ng upuan ko. Bagsak ako nito mamaya sa sasakyan, for sure. Tapos tulog ulit ako buong umaga sa bahay. "Nagtatanong si Deion kung gising ka na."

Kumunot ang noo ko. Nag-uusap sila? Huh. Hindi halata. Kailan pa? Parang 'pag pinagsama ko silang dalawa sa isang kuwarto, kaya nilang tuamgal ng isang buong araw nang hindi nag-iimikan. "Ngayon?" tanong ko.

Sumilip ang ulo ni Je sa pintuan ng kuwarto namin. Pinakita niya 'yung phone niya kahit hindi ko naman nababasa 'yung nasa screen dahil mabigat ang mata ko sa antok. "Oo. Nasa baba raw siya."

Tumango ako. "Okay. Sabihin mo gising na ako." Ang weird, bakit niya itatanong? Ano'ng kailangan niya?

Binaba ni Je ang kamay niyang may hawak ng phone. Tumitig siya sa 'kin kaya nagsalubong ulit ang kilay ko. Ano ba dapat ang response ko? E alam naman ni Je na hindi talaga kami ni Deion.

"Nasa baba rin si Jo. Kasabay natin siya."

Tumango ako. "Okay."

"Nasa baba si Deion."

Hinayaan ko ang sariling pumikit. Ang sakit sa mata ng liwanag ng bumbilya namin. "Okay," sabi ko at napahikab.

Napayakap ako sa sarili dahil sa lamig. Hindi ko alam kung paano nakaya ni Je na maligo agad pagkagising. Ako, mamaya na lang pag-uwi. Lalo akong aantukin 'pag naligo ako.

Nag-vibrate ulit ang phone ko pero hindi ko na 'yon tiningnan. Si Deion lang ulit 'yon, sigurado ako. Ano kayang naisip n'un at pumunta dito nang ganitong oras? May dala kaya 'yung sasakyan? Buti hindi siya inantok habang nagda—

WAIT. Ano?!

Napamulat ako. Sa kamamadaling tumayo at magsuot ng tsinelas kahit hindi pa nakaka-adjust ang mata sa liwanag, muntik na akong tumumba. Ano'ng ginagawa ng isang 'yon dito?! Wala naman kaming pinag-usapang magkikita kami bago ako umuwi!

Hindi na ako nagpaalam kay Je na bababa ako. Lumuwag na ang pagkaka-clamp ng buhok ko dahil sa pagmamadaling bumaba ng hagdan.

Pagtingin ko nga sa harap ng barber shop na katabi lang, nando'n si Deion. Sa may tapat niya, si Jo na mukhang bad trip. Nawala lang ang simangot ni Jo at napalitan 'yon ng ngiti nang mapatingin siya sa 'kin.

Nilipat ko ang tingin kay Deion. Binulsa niya ang phone niya at talagang sumulyap pa siya kay Jo bago ako lapitan. Kasasabi ko lang sa kaniya kahapon na 'wag niyang inaangas-angasan si Jo e!

Yumuko siya para magpantay ang tingin namin. Napatanggal ako sa clamp ng buhok ko dahil gulo-gulo na 'yon. My gosh, nakapambahay lang ako! Wala naman kasi akong pakialam sa suot ko 'pag bibiyahe pauwi.

Napatigil ako saglit sa paghinga nang suklayin niya ang bangs ko gamit ang mga daliri niya. Teka . . . nag-toothbrush naman ako, di ba? Pagkagising? Oh my gosh, teka nga, nag-toothbrush ba ako?!

Humakbang ako paatras, para lang di masyadong malapit si Deion! Na-conscious ako bigla sa hitsura at amoy ko e.

"Bakit ka nandito?" tanong ko kay Deion. Binulsa niya ang dalawa niyang kamay bago nagkibit-balikat. Kumunot ang noo ko. "Ano 'yon? Nagising ka, tapos napadpad ka na lang dito?"

Umangat ang isang gilid ng labi niya. Napasimangot ako. Unfair. May eyebags na rin naman siya pero hindi naman siya mukhang haggard. "Maybe."

Umirap ako bago siya ambahan ng kurot sa tagiliran. Hindi naman 'yon lumapat sa t-shirt na suot niya pero grabe na ang inilag niya. Pinaliitan ko siya ng mata. May kiliti siguro 'to. "Maybe-maybe ka pa diyan. Bakit nga?"

Hinagip niya ang kamay kong kukurutin sana siya. Napalunok ako nang hawak niya 'yon nang ayos. Andiyan nga pala si Jo . . . so . . . ano? Pang-film awards ba ang acting niya ngayon?

Binaba ko ang tingin sa kamay namin nang mapanguso siya. "Sabi mo 5 a.m. ka aalis?"

"Oo nga," sagot ko, nasa sapatos na niya ang tingin ngayon. Napanganga na lang ako nang mapansing magkaiba ang tsinelas na suot ko. Ano ba 'yan!

"Alam mo naman pala."

Inangat ko ang itngin sa kaniya. Hindi ko alam kung inaantok pa ako o hindi talaga siya nagme-make sense. "Ano'ng alam ko? Bakit ka nga nandito?"

Malalim ang simangot niya. Napabalik ang tingin ko sa kamay namin nang pisilin niya ang akin. "Bawal ka bang ihatid?"

Nakailang kurap ako sa kamay namin bago tagpuin ulit ang mga mata niya. . . . Ha?

Di ko malaman kung namumula ba ang leeg niya o ano, dahil hindi gaanong kaliwanag dito sa puwesto namin. Pero, pamilyar na sa 'kin 'yung paghawak niya sa batok niya at sa neckline ng damit. Nahuli ko rin siyang lumunok.

Kinagat ko ang pisngi ko mula sa loob. Sumulyap ako kay Jo na naka-crossed arms lang at nakasandal sa isang gilid, mukhang bad trip.

Ako naman ang napalunok. Huminga ako nang malalim bago pakalmahin ang dibdib at labanan ang itngin ni Deion. Jusko, ano ba 'yan. Ito ba 'yung pang-film awards na acting? Hindi naman ako prepared. At hindi namin 'to pinlano, ha?!

"Kasama ko si Je e . . . saka si Jo," sabi ko.

Tumango si Deion. "Kasya naman sa kotse."

Hindi ba sila magsasabong ni Jo sa kotse? "Nasa'n si Mark?"

"Hindi yata uuwi."

Hindi ko alam kung mapasasakay ko ba si Jo sa kotseng dala ni Deion. Si Je, walang problema. Sure akong sasama agad siya basta less hassle.

Humakbang ako palapit at sinenyasan siyang yumuko nang kaunti para makabulong ako. Sumunod naman siya. "Ba't ka nga nandito?" bulong ko.

Kumunot ang noo niya. "Ihahatid nga kita—kayo," sagot niya, pabulong din.

"Naisipan mo lang?" follow up ko.

Umawang ang bibig niya saglit. Bago pa siya makasagot, inilingan ko siya para hindi niya ituloy. Naalala niya sigurong sabay kaming umuuwi nina Je, at malamang naka-tag along sa 'min si Jo, kaya siya nandito. Gusto siguro niyang mag-put ng show para kay Jo para lang inisin 'yung isa.

"Nakatulog ka ba? 'Yon na lang tanong ko."

Nagbuntonghininga siya bago umayos ng tayo. Tumango siya. "Kaya kong mag-drive."

"Baka iligaw mo kami?"

Pinigilan kong mapangiti nang flat na tingin ang ibigay niya sa 'kin. Sore spot niya yata 'yung pagiging mahina niya sa directions. "Hindi," sabi niya at pumalatak. "Umakyat ka na. May panis na laway ka pa o."

Umilag ako sa kamay niyang target yata 'yung gilid ng labi ko. Tinakpan ko agad ang bibig ko ng mga palad ko. Naghilamos ako kanina pagkagising! Oh my gosh . . . wait . . . naghilamos ba 'ko? Ang alam ko naghilamos naman ako e!

"May muta-muta ka pa o." Tinampal ko ang kamay niyang palapit ulit. "Ano ba 'yan, Billie?" aniya at natawa pa.

Bakit ngayon lang niya binanggit kung kanina pa niya nakikita! Gamit ang libreng kamay ko, kinapa ko ang mga gilid ng mata ko. Kainis! Nagising tuloy bigla ang buong diwa ko sa hiya.

"Akyat ka na, dali. Maghilamos ka muna bago bumaba, ha?"

"Behave," paalala ko sa kaniya. Sumulyap ako kay Jo na sa kabilang direksiyon na nakatingin. Binalik ko ang tingin kay Deion. "Ayusin mo 'yang pagtingin-tingin mo kay Jo."

Umangat ang dalwang kilay niya. "Inaano siya ng tingin ko?" Tinaasan ko lang din siya ng kilay. Napasimangot siya. "Mabait naman ako e," bubulong-bulong niyang sabi.

Pinanliitan ko siya ng mata. "Wait ka diyan. Sasabihan ko si Je."

Dali-dali akong tumakbo paakyat, naalalang may bakas pa sa mukha ko ng sobrang lalim pero bitin kong tulog kagabi. Sa banyo ako dumeretso at tsinek agad ang hitsura ko sa salamin.

Napapikit ako nang mariin nang mapansing non-existent naman 'yung sinasabi ni Deion na panis na laway. Sabi na naghilamos naman ako e! Pinagti-trip-an talaga ako ng isang 'yon.

Naghilamos na lang din ulit ako para lumamig-lamig ang ulo ko at magising. Pagkatapos, sinabihan ko si Je na ihahatid kami ni Deion sa terminal. Napatigil siya sa pagla-lock ng pinto ng kuwarto namin.

"Okay naman kay Jo 'yon, 'no?" tanong ko. Nagkibit-balikat si Je. "May problema pa rin ba si Jo kay Deion?"

"Hindi naman sa may problema," aniya. Nagbuntonghininga siya at umiling. "Di ka na guguluhin n'un."

Kumunot ang noo ko sa bilis ng sagot niya, at mukhagn siguradong-sigurado pa siya. Dati, 'pag tatanungin ko siya noon kung okay na si Jo after ko siyang i-reject, kung hindi ewan ang sagot niya, sasabihan niya akong baka kulitin ulit ako ni Jo.

"Sure ka?"

"Oo," aniya at sinukbit ang backpack sa balikat bago kuhain ang flats niya sa rack. "Tara na."

Hindi na ako nagtanong ulit, dahil kung may super nakakakilala kay Jo, si Je na 'yon. At saka medyo in-expect ko nang di naman super lala nung pagkaka-crush sa 'kin ni Jo to the point na maninira siya ng relasyon-kuno.

Di naman sa pagmamaganda, pero ang hindi ko in-expect ay 'yung ganito kabilis niyang tatanggapin 'yon. Before kasi, parang dinadamdam niya talaga 'pag sinabi kong hindi ko siya gusto. Isang beses, umabot yata ng one month na hindi ako kinausap ni Jo, at naiintindihan ko naman kung bakit. You gotta do what you gotta do sa pagmu-move on 'no. Alam ko 'yung pakiramdam, so no hard feelings ako kay Jo tuwing hindi niya ako papansinin after ma-reject. 

As expected, pahirapang papayagin si Jo na sumabay sa 'min, pero wala rin naman siyang nagawa no'ng si Je na ang namilit.

Magkatabi ang kambal sa backseat, at ako sa shotgun. Sinilip ko sila sa rearview mirror. Si Je, mukhang komportable naman. Si Jo, nakasandal na ang ulo sa katabing bintana at mukhang inaantok na rin, pero kunot na kunot ang noo.

Nilingon ko si Deion. Pinupunasan niya ang salamin niyang kakukuha lang niya sa compartment. "Sure kang di mo kami ililigaw?" mahina kong tanong dahil bumubuo na ng tulog si Je sa likod.

"Oo nga," sagot ni Deion. Sumulyap siya sa 'kin pagkatapos isuot ang salamin. "Inaantok ka ba? Matulog ka muna."

Umiling ako. Tinago ko ang hikab sa likod ng backpack na yakap-yakap ko. Sumandal ako nang ayos sa upuan at pumihit paharap sa kaniya. "Baka antukin ka 'pag wala kang kausap."

Gano'n 'yon, di ba? 'Pag may mahabang biyahe kami nina Mama, lagi niyang dinadaldal si Papa e. Baka raw kasi makatulog habang nagda-drive.

Napangiti si Deion bago kami umandar paalis. Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa bag ko. "Hindi ako tutulog habang nagda-drive, don't worry."

"Baka nga antukin ka. Di naman 'yon by choice," paliwanag ko. Inilipat ko ang tingin sa kamay niya sa steering wheel dahil baka atakihin ako sa puso 'pag sa mukha lang niya ako nakatingin. "Hmm . . . ano ba'ng pag-uusapan natin?"

"Hm."

"Wala akong maisip." Sinilip ko ang dalawa sa likod. Nakapikit na rin si Jo. Wala rin siguro siyang tulog kagabi. Binalik ko ang tingin kay Deion. "Ano nga, 'uy?"

"Matulog ka na nga lang."

"Ayaw mo ba akong kausap?" tanong ko at napasimangot.

Kumunot ang noo niya at umiling. "Kailan pa?"

"Dati kaya ayaw mo akong kausap," sabi ko, naalala 'yung pansa-snob niya sa 'kin dati. No'ng first time ko siyang kinausap, nakatingin lang siya sa 'kin at literal na hindi umimik kahit tinanong ko ano'ng pangalan niya.

"Dati pa 'yon."

"So at one point, ayaw mo nga akong kausap?"

"Trick question ba 'to?" tanong niya kaya natawa ako.

"Ano nga'ng pag-uusapan natin?"

Imbes na sagutin ako, inabot niya sa 'kin ang phone niya. "Magpatugtog ka na lang."

Nag-alangan pa ako nang pindutin ang lock button. Ako kasi, hindi ko para ipagkatiwala ang phone ko nang basta-basta, kahit na kanino.

Di na ako nagulat nang makitang default ang lockscreen picture niya. "Passcode?" tanong ko. "Or ikaw na lang mag-type . . ." bawi ko at nilagay ang phone niya sa compartment.

Nahuli ko siyang sumulyap sa 'kin. Tumikhim siya. "Ikaw na. One-zero-one-eight."

"Oki." Dinampot ko ulit ang phone niya. Miski wallpaper niya, default din. Kinapa ko ang crack sa tempered glass sa screen niya. "Wala ka bang balak palitan 'to?"

"Bukas na siguro," aniya. Namili na ako ng kanta bago ibalik sa compartment ang cellphone niya. Ayaw ko masyadong pakialaman dahil para sa 'kin super personal space ang phone. Though I doubt na may makikita akong anything interesting sa phone ni Deion, bukod sa mga games na nadaanan ng mata ko kanina.

Niyakap ko na ulit ang backpack ko at umayos ng upo. Nilingon ko saglit 'yung kambal. Parehas na silang nakanganga sa likod. Tinamaan na rin ako ng antok dahil sa aircon at sa tugtog, pero baka kasi antukin din si Deion 'pag wala isyang kausap kaya nilabanan ko. Feeling ko kasi wala rin siyang tulog.

"Ano 'yon?" tanong ko kay Deion nang mapansing panay ang paling niya sa 'kin. Sinuklay ko ang buhok gamit ang kamay ko. Di naman ako super mukhang bruha this morning, ano'ng tinitingin niya?

"Wala," mabilis niyang sagot, umiiling.

Tumaas ang isang kilay ko. "Di mo na ko maloloko .Naghilamos ako ulit bago bumaba."

Natawa siya roon pero mahina lang. Sumandal ako nang ayos sa upuan at pumikit kasi hindi ko na mapigilan, pero sinabayan ko ng hum 'yung kantang tumutugtog para masigurong hindi ako makakatulog.

* * *

"Billie . . . Billie?"

Tumigil ang pagtapik sa braso ko nang magmulat ako ng mga mata. Aware pa naman akong si Deion ang kasama ko kaya kinapa ko kaagad kung naglaway ba ako. Nang masigurong wala naman, umayos na ako ng upo.

Tumuloy sa tulog ang pagpikit ko, a? Buti di inantok si Deion. Or maybe dahil sanay naman siyang tahimik lang kaya walang effect kung maingay or hindi.

"Thank you," sabi ko. Ready na akong tapikin 'yung dalawa sa likod para magising pero wala na sila nang lingunin ko.

Huh?

Nang sumilip ako sa labas, saka ko lang na-realize na wala kami sa terminal. "Huy!" Nilingon ko ang humihikab na si Deion. Mukhang hindi na siya nagulat sa sigaw ko. "Bakit nandito tayo?!"

"Hm?" Inalis niya ang salamin at hinilot ang nose bridge. "Uuwi ka, a? Mali ba ako ng daan? Nakinig naman ako nang ayos sa instructions ni Jerica."

"Sira!" Napapitlag siya nang tampalin ko ang braso niya. Napakurap-kurap siya sa 'kin bago isuot ang salamin, tapos humikab ulit. Ayan, ayan. Umepekto na 'yung antok sa kaniya. "Akala ko sa terminal mo lang ako ibababa!" Hindi 'yung one tricycle away from bahay na lang ako!

Nagkibit-balikat siya. "Hinatid ko na rin sina Jerica sa kanila e. Ikaw dapat muna, e ayaw mong gumising."

"Dapat ginising mo ako."

"E ayaw mo ngang gumising." Napakamot siya sa noo. Sumilip siya sa daan sa tapat. "Ginising lang kita kasi di ko alam paano 'yung daan papunta sa bahay niyo mismo."

Napailing na lang ako. Tinapik ko siya sa braso para mapalingon siya sa 'kin. "Iikot mo."

"Bakit? Mali ba ako ng dinaanan?"

"Hindi." Umirap ako. "Inaantok ka na e. Magkape ka muna," sabay turo ko sa magkabilang eyebags niya. Kung puwede lang, sa bahay ko na siya dinala. Pero, 'wag na. Amoy trouble.

"Kaya ko p—" Naitikom niya ang bibig niya nang samaan ko siya ng tingin. Nakailang hikab na nga siya kanina! "Okay, turo mo sa 'kin daan," bubulong-bulong niyang sabi bago ipihit pabalik ang sasakyan.

* * *

"Kaya mo pa bang magmaneho?" tanong ko bago umupo sa tabi niya.

Tumango siya habang humihigop sa kape niya. Di ko rin naman alam kung ano ang gagawin kung hindi niya kaya. Baka paidlipin ko muna siya kina Je, tapos i-explain ko na lang kay Tita Josephine kung bakit at kung sino siya. Mahirap nang pagmanehuhin 'to nang inaantok. Bukod sa baka maaksidente siya, baka magkandaligaw-ligaw siya.

"May gagawin ka ba bukas?" tanong niya. Tumigil ako sa pag-ihip sa cup noodles ko at napaisip. Meron ba?

"Wala." Kung magsisipag ako, meron. Pero minsan lang ako mablangkohan ng deadlines sa isang linggo, so . . .

"Ikaw, meron," sabi ko. Dahil laging may markings 'yung handwriting niya, pinagagawa ko siya ng alphabet. Siya rin naman ang nagsabing tulungan ko siya roon.

Tumango lang siya. Mukhang pasara na ang mga mata niya sa antok. Jusko naman kasi. Sana sinapak na lang niya ako sa terminal kung ayaw kong gumising. Kaysa itong pagod at inaantok siya pero kailangan niya pang magmaneho pauwi at bumiyahe nang mas mahaba.

"Sure ka bang kaya mong umuwi?"

Humalumbaba siya at nilingon ako, nakaangat ang dalawang kilay. "Oo nga. Concerned na concerned?"

Mahina kong sinipa ang binti niya. Worried na nga sa kaniya, aasarin niya pa!

Pagkatapos naming maubos ang kape't noodles namin, lumabas na kami ng convenience store. Binilinan ko siyang bumawi ng tulog pag-uwi dahil ang pangit tingnan ng eye bags sa kaniya. Naghintay siyang mapuno ang tricycle na sinasakyan ko bago magpaalam.

"Matulog ka kaagad pag-uwi," bilin ko, nakadungaw mula sa loob ng tricycle.

Yumuko siya nang bahagya at biglang hinagip ang bangs ko. Akala ko hihigitin niya 'yon pero ginulo lang niya. "Yes, Ma'am."

Pinanood ko siyang sumakay sa kotse habang umaandar ang tricycle paalis.

* * *

Kumunot ang noo ko sa message ni Deion kinabukasan. Tsinek ko ang oras at lagpas alas-dos na ng hapon, which means nakakain na siguro ang pamilya ko at ako na lang ang hindi dahil kagigising ko lang. One hour ago pa ang text ni Deion. May naiwan ka dito.

Ano?

Ballpen? Payong? Panyo? Parang wala naman akong napansing nawawala sa 'kin. Saka kailan pa mula no'ng huli akong nakapasok sa unit nila?

Dalhin ko dyan.

Napabangon ako bigla. Nanamnamin ko pa sana ang kama ko dahil mukhang maganda ang panahon at hindi masyadong mainit.

WAG NA. BUKAS NA LANG.

Kaloka 'tong si Deion. Di ko alam kung trip lang niyang magsayang ng gas, o wala siyang magawa kaya nagpa-practice siyang mag-drive nang hindi naliligaw.

On the way na ko.

Sa mall.

ON THE WAY?! Dali-dali akong nagtiklop ng kumot at nag-ayos ng pinaghigaan. Wala man lang siyang pa-warning-warning!

Deretso ligo ako kahit ang plano ko e mamaya pa sanang gabi maliligo. Pagkatapos, natuyo na ang buhok ko habang nakatapis pa dahil sa tagal kong mamili ng isusuot. Nag-text ako kay Deion at nagtanong kung nakarating na siya pero walang reply, so either naliligaw siya or na-traffic.

Para walang suspicion sa end ng parents ko, nag-random pick na lang ako ng t-shirt at shorts. Hindi naman sa may tinatago ako . . . well, actually meron nga, pero hindi naman talaga . . . . E, basta, para na lang walang tanong-tanong. Saka may kukuhain lang naman ako kay Deion, wala namang ibang okasyon, so okay na 'to.

Pagbaba ko, may naghihintay na sa 'king lunch, pero in-ignore ko muna 'yon dahil baka mamaya, nakabili na si Deion ng pagkain. Bigla-bigla pa naman 'yung nagdedesisyon nang siya lang. 'Tong pagpunta nga niya rito e, di man lang ako tinanong kung free ako! Paano kung alas-sais ng gabi pa ako gumising?!

"Pa, alis ako saglit," paalam ko habang nagsusuot ng sandals.

"Ha? Saan ka pupunta? Kumain ka muna. Magsisimba daw tayo sabi ni mama mo."

Umangat ang tingin ko sa kaniya. Alas-tres pa naman ang misa, sa pagkakaalam ko. "Saglit lang naman, Pa. May iaabot lang sa 'kin 'yung groupmate ko. May naiwan akong gamit." Napalunok ako. Ang brunch ko ay pagsisinungaling—sort of. Well, di naman 'yon 100% lie. Groupmate ko naman talaga si Deion, at may iaabot siya sa 'kin.

"Ayan na nga ang sinasabi ng mama mo . . . 'wag ka sabing burara sa gamit . . . ."

Kahit habang nagbubukas ako ng gate, naglilitanya pa si Papa tungkol sa pag-iingat ko sa gamit ko dahil ang mamahal daw. Naputol lang 'yon nang paalalahanan niya akong bumalik agad at sinabihang mag-ingat bago ako tuluyang umalis.

Sa likod ng tricycle ko na tuluyang pinatuyo ang buhok ko. Pagbaba ko, saka ako nagsuklay. Ito naman kasing si Deion, kung ano na lang maisipan! Puwede namang bukas na niya ibalik kung nauman 'yung naiwan ko, bakit kaya ngayon pa?

Tsinek ko ang phone ko bago pumasok ng mall pero wala siyang text. Napatigil ako sa pag-aayos ng buhok nang may maisip. What if prank lang 'to?

Subukan lang niya, patay siya sa 'kin bukas. Lalait-laitin ko ang architectural lettering niya hanggang sa ma-discourage siya nang bongga o mapikon sa 'kin.

Sa tapat ng sinehan ako naghintay. Do'n lang kasi may libreng upuan at 'yon ang pinakamadaling hanapin. Sinabihan ko si Deion sa text dahil baka kung saan-saan pa siya mapunta. Baka iparadyo pa ako n'un 'pag nainip na kahahanap.

Inabala ko ang sarili sa panonood ng paulit-ulit na trailers habang naghihintay. Mukhang npasobra ang pagmamadali ko. Nakalimang ulit na yata ang rotation ng trailers, wala pa rin si Deion, kaya nag-text na ako ulit sa kaniya. Hirap hulaan kung naligaw ba siya o naaksidente na e.

Saan ka na???

Mabilis ang reply niya. Tabi mo.

Kumunot ang noo ko. Napaisod ako nang kaunti sa kanan dahil sa gulat paglingon ko sa kaliwa ko. Gumalaw nang kusa ang kamay ko at natampal siya sa braso. Deretsong-deretso kasi sa mata ko ang tingin niya at ang lapit niya pa!

"Kanina ka pa?" tanong ko.

Tumango saiya at inalis ang navy blue cap na suot. Sinuklay niya ang buhok gamit ang isang kamay bago isuot ulit ang cap. "Tinawag kita. Titig na titig ka sa trailers, di mo 'ko pinansin. Di na kita tinawag ulit."

Napanganga na lang ako. Minsan di ko rin ma-gets kung paano gumagana ang utak nito e. So paano kung one hour akong babad sa trailers? One hour siyang nakaupo lang sa tabi ko? Epekto ba 'yan ng nasobrahan sa talino?

Umiling lang ako bago tumayo. Sumunod siya. Wala yata siyang pabango today, kaya hindi ko kaagad siya napansin.

Napasimangot ako nang mapansing parehas lang naman kaming naka-T-shirt at shorts lang, ang kaibahan lang e naka-all black siya. Pero siya, hindi mukhang nautusan lang na mamamalengke. Unfair.

"Bakit ka ba titig na titig do'n? Gusto mong manood?" tanong niya habang naglalakad kami. Sumusunod lang ako sa kaniya, na parang mali dahil baka mamaya magpaikot-ikot lang kami dahil wala siyang sense of direction.

"Hindi," sagot ko. "E kasi nagpagupit ng buhok 'yung si ano . . ." Ano nga'ng pangalan n'ung artista kanina? Di ko matandaan. "Basta may nagpagupit. Naninibago ako," paliwanag ko. "Para yata sa movie, e mas bagay sa kaniya 'yung mas makapal na buhok niya . . . . Or ako lang 'yon? Mas gusto ko 'pag mahaba ang buhok e."

Nag-hum lang si Deion. 'Pag lagi siyang kasama, masasanay na lang talagang maikli lang ang usapan e. 'Pag siya ang nag-initiate, madalas first and last ambag na niya 'yon sa convo.

"Saan ka ba pupunta?" tanong ko.

Pinakita niya sa 'kin 'yung phone niya at ang basag niyang screen protector. Ako na ang humigit sa kaniya papunta sa kung saan 'yon puwedeng ipaayos. Hinintay niya pa yatang dumami 'yung maliliit na cracks bago 'yon papalitan e.

"Bakit ba 'yan nabasag?" tanong ko.

"Nalaglag."

"Mula saan?" Nabagsakan na rin naman ako ng phone pero hindi naman nag-crack 'yung protector ko. O baka pumlakda ang screen niya nung nalaglag niya ang phone niya kaya nagkaganiyan?

Tumikhim siya. "Nabitiwan ko."

"Tanga mo naman."

Sinamaan niya ako ng tingin. Napanguso lang ako at umiwas ng tingin. Minsan lang nakakatakot 'yung ganiyang tingin niya, 'pag seryoso nang badtrip siya. Ngayon . . . e . . . pa'no naman ako matatakot e bagay sa kaniya 'yung cap niya?

"Saan tayo pupunta?" tanong ko pagkatapos namin do'n. Sinundan ko lang siya sa escalator.

Inalis niya ang cap na suot at sinuklay ulit ang buhok niya. Panay ang pitik niya sa buhok niyang tumatakip na sa tainga niya. "Ang haba na ng buhok mo. Magpapagupit ka?"

Sumulyap siya sa akin bago isuot ulit ang cap niya, this time pabaliktad. "Dapat."

"O, bakit hindi? Pagupit ka na," suggestion ko. Sayang 'yung buhok niya pero hahaba rin naman ulit 'yon. "Mabilis lang naman 'yon, kaysa hawi ka nang hawi diyan sa buhok mo."

Pumaling siya sa 'kin. Hindi ko alam kung bakit nagtagal ang tingin niya. Tapos, paulit-ulit siyang umiling bago ilipat sa harap ang tingin. Tumaas ang kilay ko nang mapansing nakasimangot siya.

"Ayaw ko na pala."

Kumunot ang noo ko, pero hindi na ako nagtanong. Baka maselan siya sa gugupit ng buhok niya.

"Di ka pa ba gutom?" tanong niya pag-alis namin ng escalator.

"Gutom, malamang," sagot ko at umirap. Dumeretso ako rito sa mall imbes na magpakabusog sa bahay e.

"Kain na lang tayo," aniya at pumihit para pumunta sa left side, na sure akong wala namang kainan. Napabuntonghininga na lang ako bago siya hawakan sa braso at hilahin papunta sa opposite side. Ang confident niya namang manguna sa paglalakad e hindi naman niya alam 'tong lugar.

"Ayoko kumain ng kanin," sabi ko bago bitiwan ang braso niya. Papasok pa lang ako sa kakainan namin nang siya naman ang humawak sa braso ko.

"Hindi okay 'yung laging fastfood," aniya.

"So?"

Pinanliitan niya ako ng mata pero siya na rin naman ang humila sa akin papasok. In-explain ko sa kaniyang kailangan kong bumalik agad pagkabili namin ng pagkain dahil may gagawin ako. After that, tinuro ko na sa kaniya kung saan liliko papunta sa exit na direktang sa parking ang labas. Di na naman siguro siya maliligaw sa paghahanap ng sasakyan niya sa parking.

"Akala ko ba wala kang gagawin ngayon?" tanong niya habang nakapila kami parehas. Magte-take out na lang kami.

"Magsisimba kasi kami," paliwanag ko. "Saka wala naman tayong plano ngayon, 'no?" paalala ko sa kaniya.

Nagbuntonghininga siya. "'Kay."

Sinilip ko ang pila ng tricycle na tanaw ko mula sa loob. Napapalatak ako nang makitang parang sobrang init sa labas. "Ang araw na."

"Di ka puwedeng ihatid?" tanong ni Deion pagkalabas namin. Sabi ko sa kaniya, sa kabila siya dumaan dahil nasa likod ang parking, pero sinamahan niya ako palabas sa front exit. Inabot niya sa 'kin ang burger na pinabili ko.

Umiling ako. "Nagmamadali nga ako." 'Pag nagpahatid ako, di ako sa bahay magpapababa, 'no. Sa kanto lang para safe, tapos either maglalakad or sasakay ulit ako papuntang bahay mismo. E kung magko-commute na ako dito pa lang, deretso bahay na ako. Mas mabilis.

"Una na ako," paalam ko.

"Wait." Hinagip niya ang strap ng shoulder bag ko. Akala ko may sasabihin siya pero tinanggal lang niya ang cap na suot at inilipat 'yon sa ulo ko. Lalo ko tuloy siyang tiningala para makita nang ayos dahil natatakluban ng cap ang line of vision ko. "Ingat ka."

"'Wag kang maliliga—ouch!" Tinampal ko agad palayo ang kamay niyang pumisil sa ilong ko. Narinig ko siyang tumawa habang umiiwas sa pagkurot ko sa tagiliran niya.

* * *

Di naman ako na-late ng uwi, kaya walang sermong sumalubong sa 'kin. Nagtatanggal ako ng sandals sa may pinto nang lumabas si Daddy na may hawak na panungkit.

"Kanino 'yan?" tanong niya sabay turo sa cap na suot ko.

Shit. Yumuko ako at nagkunwaring nahihirapang alisin ang isang clasp ng sandals ko para itago ang kaba. "Pinahiram po sa 'kin, maaraw kasi," sagot ko. Hindi 'yon ang sagot sa tanong na kanino, pero hindi na naman nanghingi ng specifics si Daddy at nagsamsam na ng sinampay kaya nakahinga ako nang maluwag.

"Nakuha mo na 'yung kukuhain mo?"

Umangat ang tingin ko kay Daddy pagkakatanggal ko ng cap ni Deion.

Huh?

Oo nga, 'no? Wala namang inabot sa 'kin si Deion. Bukod siyemrpe sa sumbrero niyang obviously hindi naman sa 'kin.

Um-oo na lang ako kay Daddy bago nagmamadaling umakyat sa kuwarto para magpalit ng damit. Nag-text agad ako kay Deion at sinabihan siyang di ko nakuha yung pakay ko sa kaniya dapat. I can't believe nawala sa isip ko—namin—'yon! E 'yon nga ang dahilan kung bakit kami nagkita.

Hindi agad siya nag-reply. Siguro dahil nagmamaneho.

Pero umabot na ng gabi, wala pa rin siyang paramdam. Tsinek ko kay Mark kung nakauwi ba siya ng buhay at walang galos. Ang reply ni Mark sa chat ko, more alive than ever at ilang rows ng naka-capslock na tawa. Di na niya in-explain kung bakit ganoon ang reply niya.

Tinadtad ko ng angry emoji si Deion sa text bago matulog. Tinamaan na naman siguro siya ng katamarang mag-reply kaya hindi niya pinansin ang messages ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top