Chapter 13
020122 #HatemateWP Chapter 13
Dahil before lunch pa yata makakarating si Je, nag-skip na lang siya ulit ngayon. Sa apartment na lang daw siya magtitigil at maghahabol ng mga na-miss niyang requirements at readings. Kaya naman, mag-isa ulit akong kumakain sa canteen.
Maaga akong gumising para makabili ng almusal. Pagkagising ko kasi, may bad vibes pa ring natira galing kahapon. Pagkain lang ang ang fix do'n at wala ako sa mood na magsaing kaya sa canteen na lang ako kumain.
Ang pangit ng August ko. Kung hindi ako puyat lately, masama naman ang loob kong natutulog. At this point hindi na ako mabibigla kung one day bgila akong tumumba sa daan dahil sa pagod at sama ng loob.
Hindi ko nga rin alam kung bakit ako naiinis. Baka dahil hindi ko pa nababawi 'yung pagod ko kahapon. Pero hindi ko gets bakit lumilitaw 'yung mukha n'ung isa sa utak ko every time na tatanungin ko ang sarili ko kung bakit ako nabubuwisit.
Hah. Baka na-program ko na ang sarili ko na i-associate siya sa sama ng loob. Mukha rin naman siyang naglalakad na bad vibes minsan.
Naalala ko na naman 'yung nakita ko kahapon. Kung in-ignore niya lang talaga on purpose 'yung texts ko, ibabalik ko sa kaniya 'yon. 'Kala niya ha? Hindi nga lang ako makakakain ng fries for a week, or kung hanggang kailan ko siya iko-connect do'n.
Hindi pa ako gaanong napapasaya ng silog meal ko nang may sumulpot na alagad ng bad vibes sa tapat ko. Inirapan ko lang si Mark bago nagbalak na bitbitin 'yung kinakain at tubig ko sa kabilang table. Nahagip niya ang wrist ko kaya naudlot ang plano ko. Muntik pang matapon 'yung kinakain ko! Gagaya pa siya sa kambal-tuko niyang panira ng araw!
"Ano ba 'yon?" tanong ko at siniguradong nakalapag na nang ayos 'yung kinakain ko sa table. Sayang kaya kung matatapon.
"Galit ka ba kay Deion?" deretsang tanong niya. Kumunot ang noo ko roon.
"Bakit naman ako magagalit do'n?" tanong ko pabalik. Pagod lang talaga ako kahapon kaya ayun, nadamay siya.
I mean, as someone na ayaw rin namang sagutin ang mga tawag niya, bakit ako magrereklamo kung ayaw niya akong reply-an?
Nagtagal ang tingin ni Mark sa 'kin bago tumango. Bumalik ako sa kinakain ako. Ang out of nowhere ng tanong niya, ha? "Ba't ako magagalit? Pakialam ko ro'n."
"Ayyy, galit ka nga, sabi ko na e."
Inangat ko ulit ang tingin sa kaniya. Hindi ba ako lulubayan nito? "Di nga ako galit. Bakit mo ba tinatanong 'yan?" Inirapan ko siya bago ibaba ang tingin sa kinakain ko.
Tsk. Nabali ko pa 'yung plastic spoon. Huna naman nito.
"'Yan 'yung di galit?"
"E bakit ba gusto mo 'kong magalit?" Pinipigilan kong tumaas ang boses ko. Annoying si Mark pero ayaw ko namang makasakit ng feelings. Baka mamaya damdamin niya kapag pinagtaasan ko siya ng boses. Pero kasi naman, ang kulit niya ngayon, agang-aga!
"Wala naman akong sinabing gano'n 'no," depensa niya at natawa. "Okay, ganito na lang. Ano'ng nangyari kahapon?"
Nagsalubong ang kilay ko. "Bakit mo ba muna tinatanong? Saan ka naman nakakuha ng idea na galit ako kay Deion?"
"Hindi 'yon nagsalita kagabi e," sagot niya na lalo lang kinagulo ng isip ko. Hindi ba default mode naman ni Deion 'yung tahimik lang? BFF nga talaga niya si Mark kung mas sanay si Mark na palasalita siya.
"E gano'n naman talaga 'yon?"
"Hindi nga." Napakamot siya sa bandang leeg niya, parang nafu-frustrate na. Aba, bakit ba kasi ako ang tinatanong niya kung bakit tahimik si Deion? Ano'ng kinalaman ko roon? "Ganito na lang . . ." Nagbuntonghininga siya. "Sabihin mo sa 'kin kung ano'ng nangyari kahapon."
"Wala? Hindi ko alam kung ano'ng nangyari do'n," sagot ko. Napairap na lang ako dahil ang hirap kumain nang maikli 'yung handle ng kutsara. Tinatamad naman akong tumayo at humingi ng bago roon sa binilhan ko kanina. "'Wag ako ang tanungin mo. Si Ate Maggie ang kasama n'un kahapon, sa kaniya ka magtanong."
"Hindi kayo nagkita bago ka umuwi?"
"Nagkita. Hinahanap ko kasi sila ni Ate Maggie kaya nag-text ako kung nasaan siya. Hindi naman siya sumagot tapos nakita ko sila ni Ate Maggie sa canteen, gamit nila 'yung phone niya. Di ko alam kung wala siyang load o ano kaya di siya nag-reply, nahirapan tuloy akong maghanap. Tapos siya ando'n lang, wala namang ginagawa. Sana hindi na lang siya nag-cellphone, di ba?"
Natahimik si Mark saglit. Pagkatapos, natawa ulit siya. "Hindi ka pa galit sa lagay na 'yan?"
"Putek, hindi nga sabi." Ano bang patunay ang kailangan nito? "Bakit ako magagalit?"
"Kasi hindi ka ni-reply-an?"
"Pakialam ko ba?" Kusa nang tumaas ang isang kilay ko. "E di 'wag. Di ko rin naman siya nire-reply-an kapag siya ang nagte-text."
Hindi ko alam kung bakit mas malakas ang tawa niya roon. As someone na badtrip today, nakakainggit na ang saya-saya yata niya. "Hindi ka ba sinamahan nu'n pauwi?"
Napairap na lang ako roon. "Hindi ko pinayagan kasi ayaw ko. Bakit ba siya sasama? Kaya ko namang umuwi mag-isa."
"Ah, bakit ayaw mo?"
"E kasi nakakainis nga siya." Muntik ko nang sa tinidor ibunton 'yung gigil ko, pero mas mahirap kumain kapag parehas bali ang handle ng utensils kaya buti na lang napigilan ko ang sarili ko. Ano ba 'tong si Mark, binubuhay 'yung pagkabadtrip ko kahapon.
"Akala ko ba hindi ka galit?" tanong niya. Napasimangot ako nang makita 'yung ngiti niya. Pinagti-trip-an yata ako nito e.
"May sinabi ba ako? Sabi ko lang naman naiinis ako, di ba? Magkaiba 'yon, di ba?"
"O, teka lang. Baka sa 'kin ka na magalit niyan," aniya at sinabayan ako sa pagtayo pagkatapos kong kumain.
"E bakit ba naman kasi ganiyan 'yung tanong mo? Ako agad ang dahilan kapag nanahimik? Malay mo tinatamad lang 'yon magsalita." Sinabayan ako ni Mark palabas. So wala talaga siyang sadya sa canteen kundi interview-hin ako.
"E bakit ka naiinis sa kaniya kahapon?"
"Alam mo, ang dami mong tanong." Ano ba 'yung Deion on a normal basis na kilala nitong si Mark? Parang hindi ko naman ma-imagine si Deion na hindi isnabero.
"So bakit ka nga nainis?"
"Hindi ko alam. Basta naiinis ako e! Bakit, bawal ba?"
Actually, hindi ko nga talaga alam kung bakit. Baka nga talaga dahil pagod ako.
"Sure ka bang hindi mo alam?"
Tiningala ko si Mark sa tabi ko at inangatan ng kilay. "Ano ba'ng pinararating mo, ha? Saka ano naman kay Deion kung galit ako sa kaniya?" Sa pagkakaalala ko, wala naman 'yung pakialam.
Natawa si Mark bago bahagyang higitin ang portion ng bangs ko. Tinampal ko agad ang kamay niya at inayos ang buhok ko.
"Init ng ulo mo, Billie. Pag-uuntugin ko kayong dalawa ni Deion e. Ayaw niyo na lang mag—haaay, ewan ko sa inyong dalawa. Okay kayo, tapos biglang hindi, tapos okay na ulit.",
"O, e sino'ng may kasalanan do'n?" tanong ko. Si Deion kaya 'yung mas malakas mag-inarte. Bigla-bigla siyang nagsusungit, hindi namamansin, tapos biglang gustong samahan ako pauwi.
Ano ba'ng gusto niyang mangyari?
Hindi ko rin alam kung ano'ng tumatakbo sa isip nu'n e. Ayaw ko nang maglagay ng sariling meaning; natuto na ako 'no.
Tsk. Ayaw ko na nga siyang isipin. Ang suwerte naman niya kung siya lang ang tatakbo sa isip ko.
"Tapos binulabog mo pa 'ko e nag-aalmusal ako. Parehas kayo ni Deion na sakit sa ulo," dagdag ko. "Buti kayo, nandu'n mama niya para ipagluto kayong breakfast. E ako? Kami ni Je? Wala. Pagkain na nga lang ang peaceful time ko, ginulo mo pa."
Baby na baby talaga si Deion. Suwerte rin ni Mark na nadadamay siya. Paano kaya ang set-up nila?
No'ng pumunta naman ako sa place nila, wala roon ang mama ni Deion. Ano 'yon, kapag umaga lang nando'n? Pinupuntahan talaga sila para ipagluto? Baka kaya rin sobrang imis ng unit nila e dahil nga sa mama ni Deion?
"Ano?" tanong ni Mark. "Di kita gets. Anong pumupunta? Sino'ng pumupunta?"
"'Yung mama ni Deion nga," ulit ko. "Di ba pinupuntahan pa kayo n'un para lang sa breakfast? Binigyan nga ako ni Deion one time e."
Tumigil siya sa tapat ng pinto ng lab. Hawak na niya 'yung doorknob pero napatigil siya at nilingon ako. "Ano'ng sabi mo?"
Kinunutan ko siya ng noo. Nambubuwisit ba 'to?! Paulit-ulit?! "Ewan ko sa 'yo, di ko na uulitin." Hinintay kong pihitin niya 'yung doorknob pero nakatulala lang siya sa 'kin. Ano ba'ng nangyari sa kaniya?
Bigla na lang siyang napa-facepalm bago buksan 'yung pinto. Pinauna niya akong pumasok. "Alam mo, ako talaga ang pinakapagod dito."
Lalo lang nagsalubong ang kilay ko roon. Inilingan lang niya ako at nag-refuse magpaliwanag.
Pagbalik ng tingin ko sa harap, si Deion agad ang unang nakita ko. Ang formal-formal ng long sleeves niyang puti at itim na slacks, pero 'yung buhok niya, parang kare-receive lang ng sabunot. Bukod do'n sa time na ako ang gumising sa kaniya no'ng abutan ako ng mga ate at tatay niya sa kanila, ngayon ko lang nakita na gulo-gulo ang buhok niya.
Napakurap-kurap ako nang mapansin kong nakatingin din siya sa 'kin. Sinamaan ko siya ng tingin para alam niyang hindi ko siya tinitingnan nang may magandang intention. Umangat ang dalawang kilay niya sa 'kin at may gana pang sundan ng tingin ang lakad ko. Napaka-shameless.
Buti hindi ako nadapa. Pagkaupo ko sa chair na pinakamalayo sa kanila ni Mark, tinapik-tapik ko ang tuhod ko. Bakit biglang nanghina yata 'to?
Tinaliman ko lalo ang tingin kay Deion nang mapansing hindi pa niya inaalis ang mga mata niya sa 'kin. Ano na namang tinitingin-tingin nito? Interesado ba siya sa tuhod kong nanghihina nang walang reason?
Umiwas din naman siya. Kase-settle ko pa lang ng gamit ko sa table nang mag-buzz ang phone ko.
Good morning.
Hindi pa rin naka-save ang number niya, pero alam ko nang siya 'yon. Dahil nai-text naman niya ako ngayon, ibig sabihin nabasa niya rin 'yung flood text ko kahapon na nagtatanong kung nasaan sila ni Ate Maggie. Kung sumagot man lang siya ng busy silang kumain ng fries, e di sana di ako ganito kainis sa kaniya.
Hindi ko hinawakan ang phone ko, pero nababasa ko 'yung mga messages niya sa lockscreen. Q tayo?
Sumulyap ako sa kaniya. Binawi ko kaagad nang makitang nakatingin siya sa 'kin.
Naitaob ko ang cellphone ko sa desk nang mag-send siya ng sad face na hindi naman cute.
* * *
Pagdating ni Ma'am, inutusan kaming umupo by group. Dahil magkasama na 'yung dalawa, ako na lang ang pumunta sa kanila. Sa tapat nila ako umupo dahil may nakaupo na sa kaliwa ni Mark na taga-ibang group. Hindi ko nga katabi si Deion, pero katapat ko naman kung paharap akong uupo. Inayos ko tuloy ang upuan ko at hinarap sa whiteboard para hindi ko siya matingnan.
'Yung inis na hindi ko alam kung saan nanggaling, parang nag-multiply dahil panay ang tingin niya sa 'kin buong period. Wala akong choice kundi umupo paharap ulit sa kaniya dahil gumagawa ako ng output. Akala ko kapag tinapatan ko 'yung mata niya, iiwas siya, pero hindi. Nakipaglaban pa si gago at ako tuloy ang g-um-ive up dahil nakasalamin na siya.
Ang wish ko dapat sa Pasko ay magandang grades. Ngayon iba na. Ang wish ko ay mag-20-20 vision na siya para mawala na 'yang lintik na salamin na 'yan.
Natapos ang Design period nang badtrip na naman ako. Nag-aayos na ako ng gamit nang maunahan ako ni Deion na kuhain 'yung pencil case ko sa table. Inagaw ko 'yon agad sa kaniya. Nakita siguro 'yon ni Mark kaya siya tumawa bago nagpaalam na pupunta sa CR. Si Deion, nagpaiwan yata para inisin ako lalo.
"Billie."
Nilingon ko siya at inangatan ng isang kilay. Gaya ng nangyari kahapon, lumunok lang siya.
Ano ba 'yang laway na 'yan? Masarap ba 'yan?
Joke.
Ang pangit palang pakinggan.
Aabutan yata ako ng gutom kapag hinintay ko pa siyang magsalita.
Napatingin ako sa pintuan nang marinig kong may tumawag sa kaniya. Si Ate Maggie. Iniwas ko agad ang tingin bago niya pa mahuli ang mata ko.
"'Wag mo nga 'kong kausapin," sabi ko kay Deion bago siya iwan do'n. Sa kabilang pinto ako lumabas para hindi ko makasalubong si Ate Maggie.
* * *
Dahil wala si Je, wala akong kasabay papunta sa meeting namin sa gym. Pagdating ko roon, may mga tao na. Ang pamilyar lang sa 'kin as usual e 'yung mga ka-group ko. Parehas nasa cellphone ang mga mata nina Shana at Max. Si Kuya Yael, sa tapat n'ung dalawang babae nakaupo. Nang makita niya ako ay tinapik niya 'yung monobloc sa tabi niya kaya do'n ako umupo. Guwapo 'tong isang 'to no'ng una kong nakita, pero dahil yata sa medyo pangit pa ang mood ko, hindi ko tuloy ma-appreciate ngayon nang ayos.
Napalingon sa 'kin sina Shana nang ilapag ko 'yung bag ko sa upuan. "Uy, hindi ka na namin nakita kahapon," sabi niya bago ipasok ang phone sa loob ng bag niyang nakapatong sa table.
"Okay lang." Pinilit kong ngumiti. Mamaya mapagkamalan pa akong maldita dahil badtrip ako e. "Nagkasalisi lang siguro."
"Nasa'n jowa mo?"
Bumagsak agad ang ngiti ko dahil sa tanong ni Kuya Yael. Di ko alam kung seryoso 'yung tanong niya o nanti-trip lang. Narinig kong tumawa nang mahina si Shana roon sa tanong. Ako, hindi ako sumagot.
Maya-maya lang, 'yung jowa-kuno in question, dumating na. Kasama niya si Mark at si Ate Maggie. Naka-roll up na 'yung sleeves ng suot niya hanggang siko. Kung hindi ko lang siya kilala, baka napagkamalan ko na siyang bata-batang assistant teacher.
Himalang wala sa balikat ni Deion 'yung brown na shoulder bag ni Ate Maggie. Lumipat 'yon sa balikat ni Mark. Akala ko kasi kay magnet na 'yung straps ng shoulder bag na 'yon at 'yung balikat ni Deion e. Puwede naman palang iba ang magbuhat.
Hindi ko alam kung saan sila pumuwesto. Hindi ko na inalam. Mas okay na 'yon para sakali mang nakatingin si Deion, hindi ko malalaman.
Hindi dahil sa mako-conscious ako. Ayaw ko lang siyang bigyan ng magandang view.
Hindi niya deserve.
Nagsimula 'yung meeting. Nanghingi lang naman ng updates at may mga nag-report. Hindi naman talaga ako nakikinig.
"LQ ulit kayo ng jowa mo?"
Kumunot ang noo ko bago pumaling kay Kuya Yael. Hindi ko sure kung attempt lang ba niya 'tong makipag-close, kasi minsan si Ate Maggie, kung ano-ano ring tinatanong do'n sa iba para makapag-usap sila.
"Hindi," sagot ko.
Hindi naman talaga kami LQ. Hindi dahil sa walang L, sadyang hindi lang talaga. Di naman kasi ako galit kaya wala ring Q. Walang rason para magalit ako sa kaniya. 'Yung inis ko, di ko nga sure kung saan galing. Baka trip ko lang mainis sa kaniya, kaya hindi kami Q. Petty lang ako.
"Ah, di lang kayo showy, gano'n?" follow-up niya. Umiling ako. Natawa siya. "Naks. Lowkey lang, gano'n? Mature 'yan?"
Di na lang ako nag-comment do'n. Madadagdagan na naman ang kasinungalingan ko e.
The next minute na nakinig ako, napunta na sa birthday 'yung usapan nila. Hindi ko alam kung bakit biglang gano'n, pero hindi naman yata importante kaya okay lang na half-lutang ako. Parang nagbabalak silang mag-out of town. Grabe, invited ba lahat?
Tumayo ako para mag-CR dahil hindi na naman yata importante 'yung pinag-uusapan nila. Iniwan ko ang bag ko sa upuan ko para walang umagaw ng spot. Nasa CR na ako nang ma-realize na hindi dapat gano'n ang ginawa ko. Dapat pala dinala ko na 'yung bag ko tapos dumeretso ng uwi.
Nag-aayos ako ng zipper ng palda kong ayaw sumara nang may narinig akong tawa. "Di ba? Sabi ko sa 'yo e, nasa loob ang kulo."
Kumunot ang noo ko nang ma-recognize na boses ni Shana yon. May kasama siguro siya, dahil OMG matatakot ako kung kausap niya pala ang sarili niya.
Siguro si Maxine 'yung kasama niya? Parang sila 'yung laging magkadikit e. Magchichismisan ba sila? Lalabas na ba ako? O dito muna?
"Guwapo naman 'yung boyfriend niya. Pero, guwapo rin naman si Yael."
Narinig kong may bumukas na gripo. Lalo ko lang hindi mapihit 'yung lock ng cubicle dahil nagbanggit na siya ng pangalan. Tatakpan ko na lang ba ang tainga ko? Or tatakbo ako nang sobrang bilis para hindi nila malaman na ako 'yung nakikinig if ever? Baka mamaya ma-awkward-an sila sa 'kin 'pag bigla akong lumabas e.
"Sila ba talaga n'ung boyfriend niya? O magbe-break na?" Tumawa ulit si Shana. May narinig akong pag-spray, tapos nag-amoy bulaklak na sa CR. Pabango yata.
Nakahawak na ako sa lock pero hindi ko magawang pihitin. Wala naman akong pakialam kung ano o sino ang pag-usapan nila e, pero dapat wala ako rito. Nakaka-guilty kaya makinig. Saka ayoko rin namang pakinggan 'no. Oras nga sa plates, kinakapos na ako e. Saan ko pa isisingit 'yung chismis?
"Baka magbe-break na, kaya humahanap na ng kapalit." Si Maxine nga 'yung kasama niya. Boses niya 'yon. "Mukha pa namang mabait 'yung boyfriend niya, 'no? Kaya walang paki? Or di lang makaramdam?"
"Baka nga."
Natahimik saglit kaya hindi ko alam kung lumabas na ba sila o naroon pa sa may sink. Nakikiramdam pa ako nang biglang magsalita ulit si Shana, "Huy, pa'no 'yung project natin kay Architect Madel?"
Okay, tapos na yata silang magchismisan. Pero bawal pa rin akong lumabas kasi malalaman nilang narinig ko. Dapat yata hindi ako sa dulong cubicle pumunta para nalaman nilang may tao silang kasama rito.
"Bukas na lang. Hindi naman 'yon nagbibigay ng line of 7, 'no?"
Gusto kong sumingit at sabihing nagbibigay. Dalawang 7 pa nga 'yung akin. Mag-partner.
"Nagbibigay," sabi ni Shana.
Natigilan ako saglit do'n.
So hindi lang ako 'yung nabiktima ng palakol ni Architect?
Sana kilala ko para nakapag-crying session man lang kami together.
"Nasabi ni Ken kay Marco. May ka-block silang naka-77. Hulaan mo kung sino."
"Talaga ba?"
"Oo, hulaan mo nga."
"Ba't ganiyan mukha mo?" Narinig kong tumawa si Maxine. "Si Billie ba?"
Ha?
"Tanga 'to. Bangsie itawag mo, gaga. Mamaya may makarinig sa 'yo diyan."
"Seryoso ba?"
Parang nag-freeze 'yung kamay kong nakakapit sa lock ng cubicle. Parang literal na tumigil 'yung mundo ko kasi hindi ako makapag-decide kung bubuksan ko 'tong pinto bigla at isu-surprise sila o magse-stay ako rito para makinig.
Napa-contemplate ako kung lalabas ba ako at hihilahin ko rin 'yung buhok nila palabas. Tapos ipauulit ko sa kanila 'yung mga sinabi nila nang nakaharap ako.
Pero hanggang isip ko lang 'yon. Napalunok ako bago bitiwan 'yung lock ng cubicle at dahan-dahang naupo sa toilet seat.
Grabe, inano ko ba sila?
"Oo nga, ba't naman ako magsisinungaling about do'n?" Bakit hindi ka manahimik? "Tapos, 'eto pa, 'yung jowa niya yung highest. Partner din yata sila do'n sa exams ni Ma'am Madel. Strategist yata siya. Si Yael kasi, Dean's Lister. Alam mo na, kapit-kapit lang para maka-survive."
"Ang sama ng ugali nito," sabi ni Maxine at natawa, na parang hindi rin masama ang ugali niya kasi nakikitawa siya kanina. "Pero kahapon di ba si Maggie 'yung kasama ng boyfriend niya?"
"Di ba?" Nakarinig ako ng hampas. "Sabi sa 'yo e, may something. Baka nakakaramdam na rin 'yung jowa niyang ginagamit lang siya. Good for him, mas bagay naman sila ni Maggie."
Hindi naman ako ang nagsabi kay Deion na igrupo niya ako. Pakialam ko ba kung mas bagay sila ni Ate Maggie?
"Tingin mo naniniwala 'yung nagkasalisi lang tayo kahapon? O alam niyang iniwan natin siya on purpose? Tapos ngumingiti lang para mukha siyang mabait?"
Hindi ba sila 'yung ngumingiti sa 'kin para magmukhang mabait? Bakit naging ako?
"Ewan ko. Hayaan mo siya kung naiinis man siya. Bilisan mo na nga."
Naghintay pa ako ng ilang segundo bago ko narinig na lumabas sila. Pero hindi ako makalabas ng cubicle. Parang di nga yata ako makatayo. Nag-stay na lang ako sa loob at ilang beses na huminga nang malalim.
Hindi naman ako super bait. Kaya no'ng high school, may mga nakaaway din naman ako. Pero ngayon ko lang na-experience na may mag-judge sa 'kin nang gano'n na mga hindi naman ako kilala. Ni hindi nga kami friends e. Iilang beses pa lang naman nila akong nakausap, kaya bakit gano'n?
Ano'ng ginawa ko sa kanila?
Kumirot ang ulo ko sa kaiiyak. Dahil hindi ko kasama 'yung bag ko at nando'n ang panyo ko, napilitan akong lumabas para maghilamos sa sink. Magmumukha na namang basahan ang damit ko dahil 'yung sleeves ng polo ko ang pinantutuyo ko sa mata ko pero wala akong choice. Ayaw ko nang bumalik do'n sa meeting.
Dapat talaga dinala ko na 'yung bag ko. E di sana deretso uwi na lang ako. Wala akong pakialam kung mapansin nina Shana na hindi na ako bumalik. Bahala silang pag-usapan ako.
Hindi ko pa dala ang phone ko kaya wala akong mapapakisuyuan na dalhin sa 'kin 'yung backpack ko. Kahit nga si Deion papatusin ko na na dalhin 'yon sa 'kin e. Gusto ko nang umuwi.
Napabuntonghininga na lang ako nang makita kung gaano kamugto 'yung mga mata ko. Kapag bumalik ako roon, magtataka sila. Baka nga may magtanong pa. Baka magtanong si Kuya Yael kasi siya 'yung katabi ko. Baka mamaya sabihin naman nina Shana na nagpapapansin ako.
Nakasandal lang ako sa entrada ng CR. Hindi ako makahakbang palabas. Hintayin ko na lang ba silang matapos? Hindi naman siguro sila magtatagal.
Hintayin ko na lang din bang may mag-check na janitor bago 'yung closing bago ako umuwi? Pero baka magtaka si Je kung bakit super late na at wala pa ako.
Hindi ko alam ang gagawin, kaya umupo na lang ako sa tuyong tiles. Sana walang makaisip na mag-CR. Mas lalong sana hindi bumalik sina Shana dito.
Grabe naman 'yung judgment nilang timer na nga ako, user pa. Ni wala akong idea sa academic standing ni Kuya Yael. 'Yung kay Deion, hindi ko naman pinagsiksikan 'yung sarili ko sa group nila ni Mark. Saka hindi naman ako pabuhat, 'no.
Totoo naman 'yung sinabi nilang mababa ang grade ko kay Ma'am Madel, pero hindi naman ako aabot sa point na gagamitin ko si Deion. Kahit pa sakaling tunay ko 'yung boyfriend . . . yuck . . . di ako ganu'n. Gagapang ako kung gagapang, hindi ako nagpapabuhat.
Nagpuyat ako roon e . . . tapos makakarinig ako ng gano'n?
Pabalik-balik lang ako sa sink at sa puwestong inuupuan ko dahil sinisipon na ako. Wala akong orasan kaya hindi ko alam kung ilang minutes na 'yung lumipas, at hindi ko rin alam kung tapos na sila. Natatakot akong bumalik. Ayaw ko namang iwan do'n 'yung gamit ko at bukas na balikan.
Dumating sa point na alam kong dilat naman ako pero ang hirap nang makakita dahil naningkit na 'yung mga mata ko. Wala kasi akong pamunas kaya nakusot nang nakusot 'yung mga mata ko.
Niyakap ko ang mga tuhod ko at pinatong do'n ang babà ko habang nagpapalipas ng oras. Bumigat lang 'yung ulo ko kaiiyak. Tapos na kaya sila?
"Billie?"
Inangat ko ang tingin sa nagsalita. Bitbit ni Deion 'yong bag ko. Minsan talaga merong hulog-ng-langit vibes 'to kahit nakakainis siya.
Hindi ko siya makita nang ayos pero kita kong parang gulong-gulo siya sa posisyon ko. Iniisip siguro nito na mukha akong tanga rito.
Tumayo na ako at magpapasalamat dapat sa pagkuha niya ng bag ko. Pero imbes na thank you ang masabi ko, bumanat ulit 'yung mga luha ko.
Lalo lang 'yung nagtuloy-tuloy nang bigla niya 'kong yakapin.
Kainis.
Ang sarap-sarap sa feeling.
Hinayaan ko siyang higpitan ang pagkakahawak sa 'kin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top