Chapter 06

111421 Chapter 06 #HatemateWP

Lumipat ang tingin ko sa pinto ng kuwarto nang kumatok si Je. Kagigising ko lang.

Deretso uwi kami kanina. Nagkape lang ako, 'tapos umidlip na. 'Yun ang pinaka-effective na way para mag-stay akong gising nang matagal e. May tatapusin pa kasi akong requirement mamaya.

"Sasabihin ko bang tulog ka pa?" tanong ni Je. Nag-loading pa ako saglit bago ma-realize na ang ibig sabihin niya ay may bisita kami. Sino pa ba ? Si Jo.

Umiling ako. Nakapagpahinga naman ako, at ayaw ko ngang iwasan completely si Joseph. Friends pa rin naman kami, at ayaw kong isipin niyang iniwasan ko siya nang tuluyan dahil lang sa 'boyfriend' ko.

"Magsusuklay lang ako," sabi ko. Tumango si Je bago ako iwanan sa kuwarto.

Inilapag ko ang phone sa drafting table. In-unblock ko lang saglit sa Deion, 'tapos ch-in-eck 'yong group chat ng block sa Ignored Messages ko. Ini-inform naman ako ni Je kung may importanteng announcement du'n, pero gusto ko lang ding mag-check kung ano'ng pinag-uusapan nila. Fortunately, walang tungkol sa 'kin, o sa 'min ni Deion.

Hinigpitan ko ang pagkakatali ng ponytail ko bago lumabas. Hinanap ko si Joseph pero si Je lang ang nakita kong nakapuwesto sa tapat ng drafting table niyang malapit sa bintana.

Maliit masyado ang kuwarto namin para pagkasyahin ang dalawang drafting table sa loob, at ganoon din ang salas, kaya pinaghiwalay namin. Siya ang namili na sa salas siya, na mas okay for me kasi baka kapag ako 'yung sa salas, tumitig lang ako sa langit imbes na may matapos.

"Nasa'n si Joseph?" tanong ko. Wala naman masyadong laman ang apartment kaya wala 'yong pagtataguan. Bukas ang pinto ng CR at wala namang tao sa loob. Imposible namang kasya si Jo sa loob ng rice cooker.

"Nasa baba, saglit lang daw siya," sagot ni Je, hindi inaalis ang tingin sa ginagawa niya. Hindi na ako nagtanong pa dahil mukhang busy siya. Ayaw pa naman niyang inaabala kapag super focused siya.

Sumilip ako sa baba at nando'n nga si Joseph. Nakatingala siya sa 'kin at kumaway. Sinenyasan ko siyang maghintay bago bumalik sa loob at kinuha ang tsinelas ko sa rack. Lagi kong iniiwan 'to sa labas pero lagi ring pinapasok ni Jerica. Ang kalat daw tingnan kapag nasa labas at baka daw may dumekwat. Ewan ko na lang kung sino'ng mag-iinteres sa pipitsugin kong tsinelas.

Lumapit sa 'kin si Joseph pagkababa ko. Naglakad ako nang kaunti papunta sa may barber shop dahil kapag doon kami sa mismong tapat tindahan sa first floor ng apartment nag-usap, for sure mamanmanan kami ng lola du'n. Paghihinalaan pa ako nu'n na magsi-sneak ng lalaki sa gabi. Lagi pa namang may meeting 'yung lola na 'yun saka 'yung isang matandang bantay ng tindahan every morning.

"Bakit?" tanong ko.

Wala namang nangyari kaninang lunch, pwera na lang sa parang iritang-irita si Jo kay Deion. Mabuti nga hindi nagkapikunan 'yung dalawa dahil mukhang nababanas na rin si Deion sa sama ng tingin ni Jo sa kaniya.

'Yung kay Maggie . . . ayun. Wala naman akong magagawa dahil alam na niya. Hindi naman kami close, so hindi ko alam kung need kong mag-worry sa kaniya.

Dahil pinsan siya ni Mark, si Mark ang pinag-initan niya dahil hindi raw siya sinabihang may 'girlfriend' na si Deion. Nung kinulit naman niya nang kinulit si Deion kung kailan ang anniversary namin, at iba pang mga tanong, laging "Privacy, Mags" ang sagot niya. Natapos ang lunch nang walang napala si Maggie kay Deion.

Hindi umiimik si Joseph kaya kumunot ang noo ko. Nasa sahig lang ang tingin niya at pinaglalaruan ng daliri niya 'yong dahon ng halaman sa tapat ng barber shop. Suot niya pa rin 'yong simangot na baon niya kanina pang lunch.

Huminga ako nang malalim. 'Boyfriennd' ko na naman ang pinoproblema nito. Hindi ba katiwa-tiwala si Deion sa paningin niya?

Pero sabagay, lagi nga akong 'iniiwan' ni Deion kapag lunch, at siguro sa mata ng walang alam sa tunay na set-up, kaduda-duda 'yun.

"Friends lang sila nung Maggie." Ako na ang naunang magsalita. Mas problemado pa 'tong si Jo sa 'love life' ko kaysa sa 'kin e. "Saka gano'n lang 'itsura nu'n, pero 'di 'yon cheater, 'no. Pinsan pati ni Mark si Maggie, ano ka ba?"

Inangat niya ang tingin sa 'kin, mukhang hindi pa rin kumbinsido. "Bakit ba gano'n 'yun? Parang hindi ka man lang ine-effort-an."

Naitikom ko ang bibig. Ouch, ha. Pero may point siya. Kailan nga ba ako in-effort-an nung isang 'yon?

"Akala mo lang 'yun," sabi ko na lang. Lalo lang lumalim ang simangot ni Jo.

Napabuntonghininga siya bago tantanan 'yong dahon ng halaman. "'Di ko naman sinasabing palitan mo siya o ipalit mo 'ko, ayaw ko lang nung nakikita ko." Natahimik ako. Ano ba'ng dapat kong sabihin? "Parang hindi ka girlfriend e. Bato ba 'yung boyfriend mo?"

Lalo lang akong hindi nakaimik. May point siya. Hindi naman talaga ako girlfriend at bato naman talaga si Deion.

"Hindi man lang makiramdam na nagseselos ka kay Maggie."

Nanlaki ang mata ko. "Huy, anong selos ka diyan?" Walang ganu'n! Imbento 'tong si Joseph. "Ino-overthink mo lang 'yan." Natawa ako. Saan naman ako kukuha ng energy at reason para magselos?

Kinunutan ako ng noo ni Jo at parang ang judgment niya sa 'kin ay denial ako. Hindi talaga ako nagseselos, 'no! Itong isang 'to, kung saan-saan kumukuha ng ideas.

"Buong lunch 'di man lang kayo nag-usap. Puro siya Mags. Puro ka naman tingin."

Nahampas ko siya sa braso. Ano ba'ng pinagsasasabi nito? "Malamang nakatingin ako, kasi saan naman ako titingin?"

Nakikinig lang naman ako isasagot ni Deion; curious ako e. Itong si Jo, ang hilig maglagay ng meaning, ha?

Mukhang hindi naniniwala si Joseph sa 'kin. Ano namang ikaseselos ko do'n e nag-uusap lang naman sila? Saka wala naman akong right magselos. At 'di rin naman ako nagseselos dahil wala naman akong type sa kanilang dalawa, swear.

"'Pag ikaw talaga pinaiyak niy—"

"Jo, okay lang kami," putol ko sa sasabihin niya. Huminga siya nang malalim at umismid. "Wala ka bang gagawin?" tanong ko.

"Meron," sagot niya. "May dinner na kayo ni Je?"

Tumango ako. Pumunta ba talaga siya dito dahil lang kina Deion at Maggie? Kanina pang lunch masama ang timpla niya roon sa dalawa, pero hindi ko naman naisip na kaya gano'n ay dahil akala niya, nagseselos ako. Kaya pala ang lala ng pagka-bad trip niya kay Deion.

"Okay, aalis na ako." Pinisil niya nang bahagya ang pisngi ko. "I-lock niyo 'yung pinto niyo, ah?"

Tumango lang ulit ako. Imposibleng maiwang bukas 'yon dahil si Je ang laging natitira sa salas dahil nandoon ang drafting table niya. Minsan nga kahit nasa kuwarto na siya, babangon ulit siya para i-check kung naka-lock 'yung pinto at mga bintana. Kaya kapag walang gagawin, natutulog talaga siya agad para hindi siya ma-tempt na balik-balikan 'yung pinto namin.

Hinintay kong makasakay ng tricycle si Joseph bago umakyat ulit sa apartment. Tinanong ako ni Je kung ano'ng sadya ng kapatid niya at sabi ko na lang ay tungkol kay Deion, which is totoo naman, pero hindi ko na dinetalye.

Nagdalawang-isip pa ako kung tatanungin ko si Je kung parehas sila ng observation ni Jo, pero mas pinili kong manahimik na lang. Inilabas ko na lang 'yong ulam namin galing sa ref, at nagkulong sa kuwarto. Kasi ano naman kung parehas, e alam ko naman 'yung totoo? Na hindi nga ako nagselos. Asumero lang 'yung si Joseph.

Naalala kong pinsan ni Mark si Maggie. Hindi ko 'yon nahalata dahil hindi ko pa naman nakita sina Maggie at Mark na magkasama. Pero base sa lunch kanina, mukhang on purpose iniiwasan ni Mark 'yong pinsan niya. Talo kasi siya ni Maggie sa ingay. Baka naririndi si Mark na makahanap ng katapat niya.

Si Deion lang ang naka-block sa 'kin at hindi si Mark. Kaya para lang matapos 'yong curiosity ko, hinanap ko si Maggie sa friends list ni mark, at fortunately hindi naman siya mahirap hanapin. Margarette Tuazon.

Ngayon ko lang nalaman na ahead siya sa 'min ng one year. Never ko kasing narinig na tinawag ni Deion o ni Mark siya ng 'ate.' Baka super close lang talaga nila, o baka ayaw ni Maggie—Ate Maggie—na ina-'ate' siya?

Nag-scroll ako sa feed niyang hindi madamot. Sobrang layo kay Deion na sa pagkakatanda ko, walang kalaman-laman ang Facebook bukod sa tagged photos at posts ng kapatid o tatay niya.

Napatigil ako sa pagso-scroll nang makita 'yung high school graduation album ni Ate Maggie. Unang-una kasi sa pictures ay katabi niya si Mark.

After 20 something photos, tumigil ang daliri ko sa picture nila ni Deion. Wow. Close nga siguro sila dahil mahirap hagilapin 'tong si Deion para makapagpa-picture. Kaya nga pinagkatago-tago ko 'yung mga class pictures namin dati, kasi doon lang siya sumasama.

'Tapos itong picture nila ni Ate Maggie, mukha mang stiff 'yong katawan niya, nakangiti naman siya.

In-exit ko na iyon dahil baka may accidentally pa akong ma-like. Bumangon na ako at binalikan 'yong ulam na nilabas ko para iinit sa microwave. Kakain na nga lang ako kaysa magtingin ng walang kuwentang bagay.

* * *

Dumating ang Wednesday—ang kinatatakutan kong Wednesday. Nilapag lang ni Ma'am 'yung graded plates sa isang vacant na table sa lab, binilin sa amin na kuhain at itago dahil kailangan 'yong ipasa para sa finals, at sinabihan 'yong block rep na sabihan siya kung kulang dahil baka may napasama raw sa ibang class.

Hindi na ako tumayo sa puwesto ko dahil hindi naman ako excited na makita 'yung grade ko, 'no. Sabi ko nga kay Je siya na lang 'yung kumuha ng akin, pero hindi rin naman siya tumayo sa puwesto niya. Siguro dahil nagsiksikan 'yung mga kaklase namin sa table na pinag-iwanan ni Ma'am ng outputs at ayaw ni Je ng siksikan.

Base pa lang sa hitsura nung mga nakakakuha ng plates nila, mukhang valid na kabahan ako. Actually, dapat triple 'yung kaba ko dahil mukha silang mga nalugi. Parang kasasabak pa lang sa giyera, nabaril na agad. Ganu'n 'yung mga mukha nila.

"Ako na ba ang kukuha ng iyo?" tanong ni Je at tumayo lang nung maubos na 'yung kumpulan. Si Mark at Deion na lang 'yung nando'n na kukuha pa lang din.

Tumango ako. Hindi mapakali ang tuhod kong panay ang banggaan dahil sa kaba. Once in a blue moon pa naman daw magbigay ng line of 9 si Ma'am, sabi ng upperclassmen. Hindi naman ako naghahangad ng 90+, siguro kahit mga 83, okay na. Masaya na ako du'n.

Nilapag ni Je sa tapat ko 'yong papel ko pagkabalik niya. May taklob ng stickynote 'yong box ng grade, 'buti na lang. Kasi kung super baba nito, my gosh, nakakahiyang ibalandra.

Napalunok ako nang makita 'yong mga red lines sa gawa ko. Parang napagkamalan ni Ma'am na coloring book 'yong s-in-ubmit ko kasi kuinulayan niya ng pula.

Bumaba ang tingin ko sa comment sa baba. Good lettering.

Napahugot ako ng malalim na hininga. Parang unti-unting nilusaw nung two words 'yong kaba kong nung weekend ko pa inaalagaan.

Parang ayaw ko na rin tuloy na tanggalin 'yung sticky note na nakataklob sa grade. Okay na akong 'di ko malaman kasi napuri na 'yong sulat ko.

"Okay lang tingnan?" tanong ko kay Je nang makita kong aalisin na 'niya yong taklob sa grade niya. Tinanguan lang niya ako bago maingat na tanggalin 'yong stickt note.

Wow.

Parang nagniningning 'yung red ink na nagsasabing 85. At, grabe, may deduction pa siya ng two points dahil late siyang nagpasa. So kung on time siyang nagpasa, 87?

Malinis naman talagang gumawa si Je. 'Yong pagka-perfectionist niya siguro, double-edged sword kasi ayan nga, late siyang nagpasa kaya sayang 'yung two points. Pero puwede na 'yung 85! Kung ako ang naka-85, baka umiyak na 'ko sa tuwa.

Kaso, teka nga. Binalik ko ang tingin sa output ko. 'Tapos, tiningnan ko ulit 'yung kay Je. 'Yong ganoong kalinis, 87, 'tapos ang gusto ko, 83. E sa isahang pag-compare nga sa gawa namin, parang hidni lang four points ang difference.

"Puwede kong tingnan?" tanong ni Je sa' kin, tukoy sa plate ko.

Umiling ako. Friends kami pero . . . paano ko ishe-share sa kaniya 'yong score ko kung tumataginting na 85, na dapat 87, 'yong grade niya?

Tumango naman siya. Iniwas niya ang tingin at nagsimula nang ayusin ang mga gamit niya. Ako, parang mag-e-entrance exam ulit sa kaba dahil hindi ko matanggal 'yong sticky ntoe. Parang hindi ko kaya. Number lang naman 'yun pero nakakatakot.

"Hi!" Umangat ang tingin ko kay Ken na lumapit sa 'min. Nag-stay ang kamay kong nakapatong lang sa grade na hindi ko kayang tingnan.

"Ano'ng score ninyo?" tanong ni Ken at walang paa-paalam na binuksan 'yong folder ni Jerica. Agad ko 'yong binawi sa kaniya at sinara. Ayaw ni Je ng pinakikialaman nang basta ang gamit niya.

Mukhang 'di naman niya napansin 'yong pag-agaw ko sa folder ni Jerica dahil masyado siyang na-amaze sa nakita niyang score. "85?"

Inabot ko kay Je 'yong folder niya. Hindi siya nagsalita kay Ken. Naku, markado na niya 'tong si Ken at hindi na lalapitan. 'Yan kasi, nangingialam ng hindi kaniya.

"Wow, congrats," bati niya kay Je. Nilingon niya ako. "Ikaw, Billie?"

Umiling ako. Lalong bumigat ang palad kong nakapatong sa grade ko. Baka mamaya hindi ko na 'to matanggal at naka-glue na. "Bakit mo ba tinitingnan?" tanong ko.

"Ch-in-e-check namin standard ni Ma'am," sagot niya. Nilingon niya si Jerica. "87 ka pala, 'no? Two points ang bawas kapag late? Lagi kayang gano'n?" Nagkibit-balikat lang si Je sa kay Ken. "Ikaw yata dapat ang highest kung hindi ka late. 86 lang si Deion."

Hinanap ng mata ko si Deion. Yakap-yakap lang niya 'yung bag niya at mukhang gustong-gusto nang umalis pero ang dami pang tumitingin sa plate niya. Iniwas ko kaagad ang tingin nang iangat niya ang mata niya.

Kainis naman. Okay, fine, tanggap ko na namang better talaga siya sa akin pagdating sa acads. Mukhang lunok pride ang mangyayari lagi dahil sure nang mas mababa ang scores ko lagi kaysa sa kaniya. Kahit sabihan ko siya ng e di siya na ang magaling, e walang epekto dahil siya naman talaga ang magaling.

"Sa 'yo, Billie?" tanong ulit ni Ken. Umiling ako. Baka pag-uwi ko na lang 'to titingnan.

Nanahimik si Ken. Akala ko nag-iisip siya ng speech para ma-convince akong ipakita sa kaniya 'yong score ko, pero 'yon pala e gusto niya akong masalisihan.

Hindi ko na nahabol ang papel ko nang iangat niya ang kamay ko at dali-daling ninakaw 'yung plate ko. Bakit ba ang hilig niyang mangialam ng gamit?! Kapag 'yong bag niya nakita ko ibabato ko 'yon sa first floor e!

Naudlot ang pananabunot ko dapat sa kaniya nang tanggalin niya ang sticky note at nakita ko ang grade ko. Parehas pa kaming natigilan.

Wow.

Ouch.

Kasasabi ko lang kanina na 'yong mukha ng mga blcokmates ko, parang kapapasok pa lang sa giyera, nabaril na. E paano pa ako?

Napalakol. Dalawang beses pa. 77.

"Akin na nga 'yan." Hinablot ko 'yong plate ko, walang pakialam kahit na magka-crease. Mabilis ko 'yong siningit sa sketchpad ko at tinago sa bag. Walang ibang dapat makakita nu'n.

"On time ka bang nagpasa?" Nagawa pa talaga niyang magtanong. Itatapon ko talaga ang bag nito sa basurahan e. "Bakit gano'n kababa?"

Padabog kong sinara ang bag ko. Mahahampas ko rin siya ng bag kung hindi sya mananahimik. Kamukha ko ba si Ma'am? Mukha bang ako 'yung nag-grade? Aba, malay ko rin, 'di ba!

"Hindi tayo close," deretsahan kong sabi sa kaniya. Napatikom siya ng bibig.

"Okay, sorry . . ." aniya. Inisa-isa ko nang damputin ang mga gamit ko at binalik sa pouch, 'tapos nilagay sa bag. Parang tinaga ako nung dalawang 7 sa dibdib. Ang bigat.

"Pero first plate pa lang naman 'yan, mahahatak mo pa 'yan sa mga susunod."

Kung totoong palakol 'yung dalawang 7 sa plate ko, siya ang una kong papalakulin.

Hindi na lang ako nagsalita. Pero ayaw ko namang magkaroon ng kaaway, second week pa lang ng school year. Ayaw ko ring pangit ang impression ko kay Ken, pero ayaw ko ring pinakikialaman niya 'yong gamit ko, kaya nginitan ko na lang siya at tumango.

Nilubyan niya rin naman ako, maghahagilap siguro ng socre ng iba. Hinarap ko si Jerica na naghihintay lang sa 'king matapos na mag-ayos ng gamit. "Tara?"

Natagalan bago siya sumagot. Hindi ko alam kung may iba siyang gustong sabihin. "Saan?"

"Clinic." Masama 'yung tama ng palakol sa 'kin. Mukhang kailangan kong maging bedridden for days. Kumunot ang noo ni Je. Bago pa siya mag-alala, binawi ko na kaagad, "Joke. 'Bili tayong makakain, nagugutom ako e."

Tinanguan lang niya ako bago sumunod sa 'kin palabas. Hindi maka-get over ang mga kaklase ko sa grades nila. Ako rin naman, pero may class pa hanggang mamayang hapon kaya hindi ko pa puwedeng damdamin 'yong mga palakol na nakabaon sa dibdib ko.

Nilibre ko ulit si Je ng sandwich. Sabi ko doon na kami kumain sa canteen, dahil for sure pagbalik namin sa classroom, 'yong plate pa rin sa Design ang pinag-uusapan nila.

"Okay ka lang?" tanong ni Je. Tumango ako habang pinipihit ang takip ng bottled water. Dibdib ko lang naman ang napalakol. Malayo sa bituka. Su-survive naman ako, siguro. Wala naman akong choice.

"Sure?" tanong niya ulit pagkatapos kong uminom. Tumango ako.

"Bakit? Mukha ba akong di okay?" tanong ko pabalik.

"Apat na kagat lang sa 'yo 'yung sandwich mo."

Hindi pa nga niya ubos 'yung kaniya. Mukhang napabilis nga ang kain ko. "Grabe ka naman sa apat."

Umiing siya. "Apat nga lang. Binilang ko."

Hindi na lang ako nagsalita. Inubos ko na lang 'yong tubig ko.

Tama nga ang hinala ko kanina. Pagbalik namin sa classroom, 'yong plate pa rin sa Design ang pinagkakaguluhan nila. Naririnig kong si Deion nga yata 'yong pinakamataas ang grade. May lumapit pa kay Je para tingnan 'yong kaniya. Nakailang sabi na siya ng No at ako na ang naawa sa mga pumipilit sa kaniya pero walang nagagawa.

"Gusto lang namin i-check standards ni ma'am, please?"

Umiling si Je. "Si Deion 'yong highest."

"Late ka lang kasi kaya may deduction." Sana mag-start na kami ng klase sa History. Para tumigil na sila. Ayaw kong naririnig 'yong mga usapan nila tungkol sa grade. "Please?"

"Nakatabi na 'yung gamit ko," sabi ni Je.

"Ibabalik din naman agad. Pwedeng picture-an?"

Mapilit talaga sila. Mukhang mabababa ang grade naming lahat, ah?

Nilabas ni Je 'yong folder niya at hinayaan niyang picture-an saglit 'yong gawa niya. Tinabi niya rin agad pagkatapos.

"Nagbibigay ba ng line of 7 si Ma'am?"

Napalunok ako. So line of 8 ang grades nila, pero below 86. Parang gusto ko rin tuloy tingnan 'yong mga gawa nila para malaman kung bakit sobrang baba ng grade ko, pero para saan pa? May markings at comments naman 'yong akin.

"Billie." Kinakabahan ko silang nilingon. Hindi ba talaga puwedeng tigilan na nila 'yong pag-uusap tungkol dito? "Ano'ng grade mo?"

Nagtatanong lang naman sila. Hindi naman nila kasalanan kung bakit masakit sa dibdib 'yong grade ko. Puwede bang 'wag sabihin? Nakakahiya.

"Mababa e," sagot ko na lang. Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa ng pantalon at nagkunwaring may pinagkakaabalahan doon kahit na nagta-type lang ako ng random characters sa messages.

"Okay lang 'yan!" sabi sa akin, na parang gagaan ang feelings ko bigla dahil sa simpleng okay lang 'yan. Pa'no naging okay 'yong line of 7? 'Tapos, ako lang yata ang ganoon ang grade. Hindi 'yun okay. "Ako nga 81."

Akala yata niya, gumaan ang loob ko roon. Umiling lang ako sa kaniya dahil ayaw ko na ulit makita 'yong plate ko. 'Tapos, naalala kong 'yon ang magiging bungad sa ipapasa kong portfolio sa Finals. Hindi talaga ako lulubayan ng 77 na 'yon.

Nilubayan niya rin naman ako, pero hindi pa rin sila natatapos sa pag-uusap tungkol sa grades. Mukhang hanggang mamayang hapon nila poproblemahin kung paano iaahon ang scores nila sa mga susunod na submissions. E paano pa ako?

"Hindi nga yata nagbibigay ng line of 7 si Ma'am."

"Ha? Meron ah."

"Sino?"

Gusto kong hugutin 'yong palakol sa dibdib ko at i-swing kay Ken. Alam ko namang siya ang reason kung bakit naglapitan sa akin ang mga ka-block namin. Sana ako na lang ang nag-announce na 77 ako, hindi 'yung manggagaling pa sa ibang tao—para sa pride. 77 and proud, ganu'n.

Dahil lalo lang akong naririndi sa pangungulit nilang makita 'yong plate ko, nilabas ko na lang para matapos ang ingay. Pinagpiyestahan naman nila 'yon at wala na lang akong nagawa. Mabuti na lang at may dumating nang prof kaya nagsialisan sila. Inipit ko ulit ang plate sa sketchpad ko at binalik sa bag.

Hindi ako nakapag-focus buong History period; nagle-lecture pa naman si Ma'am. Naririnig kong pinagbubulungan nung mga nasa likod na row 'yong 77 ko.

"Paps, tunaw na."

"Alin ang tunaw, Mr. Tuazon?" Hinila ako ng boses ni Ma'am paalis sa kawalan. Na kay Mark ang tingin niya. Sensitive yata talaga si Ma'am sa mga maririnig niyang nag-uusap habang nagle-lecture siya. Natigil din tuloy ang bulungan tungkol sa plate sa Design.

"Wala po, Ma'am," sabi ni Mark. Nag-resume si Ma'am sa lecture niya. Walang pumasok sa isip ko.

* * *

"Sure ka?" tanong ni Je. Tumango ako at ngumiti. Nagtagal ang tingin niya sa akin. "Busy si Jo. HIndi 'yon pupunta sa 'tin, kung 'yun ang iniisip mo."

Umiling ako. Sinukbit ko na ang bag ko sa balikat. "Hindi 'yun, may pupuntahan lang talaga ako."

"Anong oras ka uuwi?"

Kung anong oras ako matatapos mag-emote. "Hindi ko pa alam. Pero before 9, nakabalik na 'ko. May sasagutan pa ako e."

Tumango si Je. "Okay. Mag-text ka kapag uuwi ka na."

Nag-thumbs up lang ako sa kaniya bago nagmamadaling lumabas ng classroom. Hindi pa nga ako nakakaakyat ng isang floor, parang nanikip na ulit ang dibdib ko.

Ang hirap naman ng gutom na nga, masama pa ang loob. Ayaw ko namang kumain dahil wala akong gana. Tinakasan ko sina Je kaninang lunch, pati na rin si Deion para hindi niya ako mahatak at maisama sa kanila ni mags. One hour akong tumambay sa laboratory. Pinanood ko lang 'yong gumagawa ng scale model at hindi na kumain.

Sa laboratory ulit ang bagsak ko ngayon, dahil wala naman akong ibang pupuntahan. Dumungaw muna ako sa loob, at nang makitang walang tao ay saka tuluyang pumasok.

Kumuha na ako ng isang table. Hindi ko alam kung ano ang gagawin—kung iidlip ba o gagawa na ng assignment. Ako ang pinakamababa ang grade sa Design. Parang kailangan ko tuloy mag-effort nang todo-todo kasi hindi ko kayang mag-keep up sa mga kaklase ko.

Gumawa na lang ako ng schoolworks at nag-ayos ng notes, pero hindi ko pinakialaman 'yong major. Parang ang sarap tumitig sa kawalan pero ang dami ring kailangan gawin, kaya trabaho na lang habang nagdadamdam. Mukhang naawa rin sa 'kin si Lord, kaya walang ibang taong pumasok sa lab. Na-enjoy ko naman 'yong silence.

Alas-sais ako natapos. Wala pa rin ako sa mood na umuwi dahil ayaw kong mag-worry sa 'kin si Je kapag nakita niyang hindi ako okay. Kaya kahit labag sa loob ko, nilabas ko 'yong mga gagamitin ko para mag-draft.

Tiningnan ko ulit 'yong mga markings ni Ma'am. Nage-gets ko naman, pero grabe, bakit ganu'n? Nagpuyat din naman ako, ah? Nakailang ulit din naman ako dito para maayos 'to. Hindi ko naman minadali. Hindi ko naman binasta-basta, kaya bakit ganito?

Hindi naman ako star student kahit noong high school, pero never naman akong nakatikim ng grade na line of 7. Bumabagsak ako sa quizzes minsan, pero lahat naman ng iba kong outputs, hindi pumlakda sa line of 7.

Ang sama naman ng ugali ng college sa 'kin. Unang-unang output, line of 7? At lowest pa ako, ha? Paano kung matandaan 'to ni Ma'am? Ano na lang ang impression niya sa 'kin?

Nailayo ko ang sarili sa table nang pumatak ang luha ko sa sketchpad. Ano ba 'yan. Magsasayang pa ako ng papel, e nakakilang ulit na nga ako para lang sa isang output. Ang mahal-mahal ng gamit, sasayangin ko pa, e pasang-awa na nga lang ako.

Tumingala ako saglit at hinintay na tumigil ang luha ko. Ang unfair-unfair. Nag-effort din naman ako, ah? 'Di ba sabi nila, hard work pays off? E ba't ganito?

Walang nagawa 'yong pagtingala ko. Sumakit lang ang mata ko sa liwanag ng ilaw. Mabuti na lang at walang ibnang tao, kaya walang makakarinig sa pag-iyak ko. Sana huwag matakot kung sinoman ang dadaan sa hallway. Baka isipin nila may multo dito sa lab.

Hinahanap ko ang panyo ko sa bag nang magbukas ang pinto. Hindi agad nabitiwan ni Dieon ang doorknob nang makita ako.

Umiwas ako ng tingin. Grabe, oh. Kasasabi ko lang kanina na ang swerte kong walang tumatao dito sa lab, 'tapos nung nagpadala naman ng tao, si Deion pa talaga. Tinali ko muna ang buhok ko dahil sigurado akong mukha na akong bruha, bago hinanap ulit 'yong panyo ko sa bag. Mabuti at nagpakita rin naman 'yong panyo ko kasi kung hindi, baka lalo lang akong naiyak sa frustration.

"Billie."

Nilingon ko si Deion na nasa tapat na ng table na ino-occupy ko. Inangatan ko lang siya ng kilay pagkatapos tuyuin ang pisngi ko dahil wala akong energy na magsalita. Nang mapansin kong nasa mga gamit ko ang tingin niya, at kinakapa na ng daliri niya ang pasang-awa kong plate, dali-dali akong tumayo para mas mabilis na maitago ang mga 'yon.

"Dito ka ba pupuwesto? Sorry." Una kong kinuha ang plate ko para itago. Sinunod ko ang iba pang mga kinalat ko sa table dahil wala naman akong ka-share.

"Teka lang . . ." Inangat ko ang tingin sa kaniya nang magsalita siya. Nilapag niya ang backpack niya sa table at dali-daling binuksan. "May ipapakita ako sa 'yo."

Tinuloy ko ang pagtatabi ng gamit habang hinihintay siyang kuhain sa bag niya ang kung anoman 'yong ipakikita niya. Napabuntonghininga na lang ako nang makitang 'yong plate niya ang nilabas niya.

"Salamat sa guide," sabi ko na lang, kahit hindi ko naman na tiningnan 'yong output niya. Manlulumo lang ako lalo.

"No . . . look." Itinulak niya pa iyon lalo palapit sa 'kin. Napailing na lang ako.

Hindi ko alam kung niyayabangan ako nito, o feeling ko lang 'yon. O baka naawa 'to sa 'kin at gustong tumulong na hatakin ang future scores ko? Grabe talaga. Ang pride ko, dikdik na dikdik na.

"Billie," tawag niya ulit.

Humugot ako ng malalim na hininga. Hindi 'to magandang timing para mangulit siya. Baka masupladahan ko siya nang matindi-tindi at sa kaniya maibunton 'yong frustration sa score ko. Ayaw ko sa kaniya, pero ayaw ko ring ganoon ang mangyari kasi hindi naman niya kasalanan kung bakit gano'n ang score ko.

Tiningnan ko na lang 'yong plate niya para matahimik na siya. Well, deserve naman talaga 'yung 86. Wala namang silbi kung itatanggi ko ang inggit ko. Hello, sino'ng hindi maiinggit na highest grade ka sa unang output?

Bumaba ang tingin ko sa markings sa baba.

Improve your lettering!

Inangat ko ang tingin kay Deion. Tingnan mo nga naman. Hindi rin talaga siya perfect. May exclamation point pa si Ma'am sa remark niya.

"Yuck," pabiro kong sabi at tinulak pabalik sa side niya 'yong gawa niya.

Ngumiti siya nang bahagya bago kuhanin iyon at ibalik sa bag niya. "Ang ganda nga nung sulat mo."

Natahimik ako saglit. Wala pang nakapansin nu'n dahil lahat sila, sa 77 nakatingin. "Thank you."

"You're welcome."

Napailing na lang ako sa sarili. You're welcome lang, bwisit, ba't may nayayanig na sa 'kin? "Bakit ka nandito?"

Hindi siya sumagot, kaya hindi ko alam kung may pagkabingi lang siya o in-ignore niya lang 'yung tanong ko. Hindi ko na inulit dahil hindi nga pala kami friends, kahit na comforting na makita 'yong Improve your lettering sa plate niya. Ibig sabihin, nagandahan naman si Ma'am sa sulat ko.

"Aalis ka na?" bigla niyang tanong. Akala ko hindi na talaga siya magsasalita e.

"Uuwi," sagot ko. Wala akong motivation gumawa ng output. Iidlip muna ako saglit sa apartment para makabawi-bawi ng lakas. Pagod na pati ang mga mata ko.

Hindi na ulit siya nagsalita. Tinanguan ko lang siya at kinawayan saglit bago lumabas ng lab.

Napalingon ulit ako sa pinto nang marinig na bumukas iyon pagkalabas ko.

"Gabi na."

Kumunot ang noo ko. "May araw pa." Wala pa namang alas-siete. Ang aga naman ng definition niya ng gabi.

"Pagabi na," pilit niya.

Inirapan ko lang siya. "E ano?" Makikipagtalo pa ba ako sa oras, e pagod na nga ako.

"Sasamahan na kita pauwi."

Napatigil ako sa paglalakad. Hinarap ko siya. Iniwas naman niya ang tingin niya at basta-bastang hinila ang braso ko para ituloy ang paglalakad.

"Hindi ako maliligaw, hoy," sabay bawi ko sa braso ko. "Ikaw ang baka maligaw. Paano ka uuwi?" Wala pa naman siyang barya at mukhang mahina ang sense of direction. Mamaya kung saan pa 'to mapunta at sa akin pa ang sisi dahil ako ang huling kasama.

"Kaya ko na 'yun," sagot niya, deretso ang tingin sa daan.

"Bakit ka ba sasama? E ang lapit-lapit lang naman ng uuwian ko." Hindi siya nagsalita. Ni walang reaction na kahit na ano. Hangin yata talaga 'to e, o kaya bato. Nagkatawang-tao lang.

"Gusto mo lang yata malalaman saan ako umuuwi e." Doon siya napaharap sa 'kin. For some reason, kinabahan ako bigla. Ewan ko kung bakit. "Joke," bawi ko. Ang intense naman kasing tumingin nito.

Hindi na ako nagreklamo at in-imagine na lang na hindi ko siya kasama, which is hindi naman masyadong mahirap dahil hindi siya nagsasalita. Nakalibre pa ako ng pamasahe. At totoong wala siyang barya. Limang daan na ang smallest bill niya pagkatapos ibigay 'yong singkwenta sa tricycle driver. Kapag 'to nadukutan, naku, ewan ko na lang paano siya makakauwi.

"Bawal ang lalaki sa taas," sabi ko pagkarating namin kahit na wala pang alas-otso. Tiningala ni Deion ang apartment building bago tumango. "Sige na, alis ka na. Paano ka uuwi?"

"Tatawag kay Mark," sagot niya. Bumaba ang tingin niya sa 'kin. "Okay ka na?"

Napasimangot ako bago umiwas ng tingin. Hinatak ko siya papunta sa tapat ng barber shop dahil nakita ko na 'yong lolang pupuwesto roon sa upuan sa tapat ng tindahan. Baka mapag-usapan pa ako at ma-judge na dalawang lalaki na ang nakikita nilang kasama ko within two weeks.

"Malayo naman sa bituka 'yong pasang-awa. Humihinga pa ko."

Huminga siya nang malalim. Binitiwan ko ang laylayan ng manggas niyang hinila ko kanina. "Hindi magandang gumawa ng outputs nang masama ang loob." Tumaas ang kilay ko roon. Huminga ulit siya nang malalim. "'Pahinga ka muna."

Kumunot ang noo ko. "Saan naman nanggagaling 'yang mga sinasabi mo?"

Napasimangot siya. 'Tapos, huminga ulit siya nang malalim. Nahihirapan ba siyang huminga? Kakaunti naman 'yong nilakad namin.

"Akyat ka na."

"Umuwi ka na," sabi ko na tinanguan lang niya. Parang ang awkward magsabi ng ba-bye kaya tinalikuran ko na lang siya at dali-daling umakyat ng hagdan.

Tumanaw ako sa baba pagkaakyat ko. Naabutan ko siyang nasa tapat na at nakatingala rin sa 'kin. Bihirang moment na ako ang tinitingala niya dahil mas matangkad siya sa 'kin.

Nginitian niya ako at saglit na kumaway.

Kinunutan ko siya ng noo bago talikuran at pumasok sa loob. Mahirap na. Mamaya madali niya pa ako ulit.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top