Kabanata 9
Muli siyang nahiga at nakatitig lamang sa kisame. Napakaraming tanong na pumapasok sa isip niya.
"Isa kaya itong patibong para pasakitan at saktan ako? Kung oo, ano ang nararapat kong gawin?" sa isip niya at napalingon siya sa sirang pinto.
"Ano ang binabalak mo Jayson? Bakit biglang nag-iba ang ihip ng hangin at ganito mo ako ituring. Nagbago ka na ba? Itinuturing mo na ba akong kaibigan at hindi kaaway. Hindi ko alam kung bakit galit na galit ka sa akin. Wala akong alam na nagawang kasalanan sa iyo, kung bakit itinuturing mo akong salot sa buhay mo." Napaluha siya sa mga isiping iyon.
JUNIOR SENIOR PROM
Kasalukuyan siyang inaayusan ni Mrs Belen para sa okasyong iyon. Fourth year High School sila at huling pagkakataon para maranasan niya ang sabi'y mahalagang bagay sa pagiging highschool.
Hindi siya nakadalo noong Third year siya dahil wala naman siyang gagamitin at pera para doon.
Pero dahil sa pagkumbinsi ni Mrs Belen at pangakong ito ang gagawa ng paraan para sa isusuot niya, napa oo na lamang siya.
Excited din kasi siyang sumali. Kahit pa nga tutol si Robert sa pagdalo niya. Natawa pa siya noong magpresinta itong maging escort niya. Nakatikim tuloy ito ng batok sa ina.
"Oh, ayan ang ganda-ganda mo na Vivien," puri ni Mrs Belen sa kanya. Nangniningning pa ang mga matang nakatitig sa kanyang mukha.
Tapos na itong plantsahin ang buhok niyang ngayon ay hanggang beywang na. Minabuti nitong nakalugay lang iyon dahil daw sa ganda at kintab ng kanyang buhok. Humaba na kasi ito ngayon, dahil iyon sa kaibigan niyang nagbibigay ng libreng shampoo at sabon. Pa-expire na daw kasi ang mga ito at kailangan nang i -despose. Hindi siya maselan sa shampoo kaya kahit anong maibigay ay tinatanggap niya.
"Oh siya, magbihis ka na at nang maihatid ka na ni Robert," utos ni Mrs Belen at ipinagtulukan siya papuntang kuwarto. Nandoon kasi ang gown na susuotin niya.
Namangha siya noong masilayan ang susuotin. It has a purple color. Balloon style na hanggang tuhod iyon. Hindi revealing dahil may laces na manggas ito. Napaisip siya kung kakasya kaya sa kanya iyon. Binili kasi ni Mrs Belen iyon sa ukay-ukay sa bayan kahapon lang.
Napabuntong hininga siya at kinuha na iyon sa hanger.
Manghang-mangha siya sa sariling repleksiyon sa salamin nang sa wakas ay maisuot ang gown. Parang hindi siya ang nakikita niya sa salamin. Ibang-iba ang itsura niya.
"Tapos ka na bang magbihis,Vivien?" sigaw ni Mrs Belen mula sa labas ng pinto. Muli niyang pinasadahan ang sarili sa salamin.
"Opo, ma'am," dahan-dahan siyang lumabas. Lumangitngit pa nga ang pinto dahil talagang maingat siyang naglakad palabas hawak ang pinto.
"Vivien, ikaw ba yan? Napakaganda mo!" napapalakpak ito sa tuwa at paghanga sa kinalabasan ng pagiging fairy God mother nito. Feeling niya siya talaga si Cinderella ngayon.
"Robert, halika dito at tignan mo ang napakagandang si Vivien," sigaw ni Mrs Belen sa anak.
Pinamulahan siya ng mukha at nahihiyang humarap sa humahangos na si Robert. Tila nanggaling ito sa malayo at tumakbo lang para agad na madaluhan ang tawag ng ina.
Akala niya hindi nito nagustuhan ang itsura niya. Tahimik kasi itong nakatitig sa kanya. Kung hindi lang kitang-kita sa mga mata nito ang matinding paghanga, malamang nagtago na siya.
"Hmmm," nagkibit balikat siya at tumikhim para kunin ang atensiyon nito.
Biglang tumawa nang napakalutong si Mrs Belen. Napalingon silang pareho ni Robert dahil sa lakas na pagtawa nito. Bigla rin naman sumeryoso dahil sa tingin nilang dalawa. May kahulugan ang tingin ni Mrs Belen sa anak na si Robert, napakamot naman ng ulo si Robert dahil sa reaksiyon ng ina na ngingiti-ngiti lang at may kung anong ibig sabihin ang mga tingin.
"Ma." saway nito sa inang ngingiti- ngiti pa rin.
"Naku Robert, umuwi ka ha pagkahatid mo rito kay Vivien. Baka hindi mag-enjoy ang dalaga ko kapag nakabantay ka," turan nito sa anak.
Tahimik lang na napapangiti at kinikilig si Vivien dahil sa inaasta ni Robert.
"Vivien, ito ang isuot mong sapatos." Malawak pa rin ang ngiti nito habang inaabot sa kanya ang puting sapatos na medyo may mataas na takong.
Noong isuot niya iyon ay mas lalong nadepina ang maganda at mahaba niyang legs.
Lalo pa siyang tumangkad sa 5'5" niyang height.Buti na lang, kahit papaano naalagaan niya ang katawan. Wala siyang mga peklat o anumang bahid sa kanyang balat. Lalo pa at maputi siya gaya ng ina niyang may pagkamestisa. Payat din siya, lalo na siguro dahil wala naman siyang gaanong makain. Nagtiya-tiyaga siya sa mga tanim niya sa bundok.
"Napakaganda talaga ng dalaga ko. Siguradong marami ang pipila para isayaw ang pinakamagandang dalaga sa prom," puno ng paghangang sambit ni Mrs Belen. Proud na proud sa kanya.
Napayakap si Vivien kay Mrs Belen bilang pasasalamat. Napakalaki ng tulong nito sa kanya mula noong iniwan siya ng ina. Ito ang tumayong nanay niya at matatakbuhan sa tuwing kailangan niya ng tulong. Mapapinansiyal man o bagay na pawang sila lang dalawa ang nakakaalam.
"Salamat, Mama Au," naluluhang saad niya.
"Naku, huwag kang umiyak. Masasayang ang pag make-up ko sa iyo," saway nito sa kanya pero ito man ay nagpunas ng luha sa mga mata.
Tumingala siya para hindi tuluyang mahulog ang luha.
"Nag-drama pa kayong dalawa. Tara na nga Vivien!" iniamba ni Robert ang braso nito para hawakan ng dalagang tipid na nangiti sa prince charming.
"Alis na po kami," paalam niya kay Mrs Belen at inangkla na ang kamay sa brasong kanina pa nakaready.
Tumango lamang ang guro at pinanood ang pag-alis ng dalawa.
"Mag-enjoy ka anak," bulong ng mabuting guro sa hangin. Puno ng pag-asa ang mga mata niyang nakasunod sa dalawa. Masaya siyang nakikita ang pagkakasundo ng kanyang anak at ni Vivien.
Sa lumang kotse nila Robert sila sumakay. Sa kabilang baranggay pa kasi ang school na gaganapan ng prom. Pinagbuksan siya ni Robert at tipid siyang ngumiti dito. Muli siyang lumingon sa gawi ng guro, kumaway bago tuluyang sumakay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top