Kabanata Tatlo

Napatingin sa orasan si Rose. Pasado alas-diyes na ng umaga subalit wala pa ring Lyka na nagpapakita sa kanyang klase. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi nagparamdam ang ina ni Lyka sa tuwing hindi makakapasok ang anak.

Binalik ni Rose ang kanyang atensiyon kay Iggi na kasalukuyang nagkukulay ng mga hugis bilog sa papel. Lumipas ang isang oras, tapos na ang klase ngunit hindi pa rin nagpaparamdam si Linda.

Habang nag-aayos ng mga gamit sa bag si Iggi ay natanaw niya ang ina nito. "Iggi, nandiyan na ang sundo mo. Tulungan na kita."

Ngumiti si Iggi at inabot ang ilang gamit sa guro. Inalalayan niya ang bata palabas ng silid. "Mag-iingat po kayo," sambit niya sa ina ng bata. "Iggi, magpakabait ka, okay?"

"Opo, Titser Rose!" malakas na tugon nito. Nag-thumbs-up pa ito sa guro bago umalis.

Papasok na sana ng silid si Rose nang mapansin niya ang isang lalaki na papalapit sa kanyang kinatatayuan. Pinagmasdan niya ito, naka-tshirt na puti, itim na pantalon at nakasuot ng tsinelas ang lalaki. Kayumanggi ang kulay ng balat at kitang-kita ang malaki at nangingitim nitong eyebags.

"Magandang umaga po. Kayo po ba si Titser Rose?"

"Magandang umaga rin. Ako nga, ano'ng maipaglilingkod ko?" Napansin niya na sumilip sa loob ng silid ang lalaki.

"Susunduin ko lang si Lyka. Puwede ko na ba siyang kunin?"

Nanlaki ang mga mata ni Rose sa narinig. "Hindi po pumasok si Lyka. Sino sila?"

"Ako ang tatay niya, si Dante. Teka, paano nangyari 'yun? Hinatid ko ang anak ko kanina," nagtatakang sabi ni Dante. Mabilis itong pumasok sa loob. Iginala nito ang paningin sa bawat sulok ng silid-aralan. Napasapo ito sa noo at mariing bumagsak ang mga balikat nang hindi makita ang hinahanap.

"Hindi po siya pumasok. Hindi ko rin po nakitang dumating kayo ni Lyka kaninang umaga," mahinahon na wika ni Rose. Hindi niya maunawaan ang mga nangyayari.

"Paano mo kami makikita kung wala ka pa naman dito nang dumating kami?" sarkastikong tanong ni Dante. Ilang beses itong bumuntong-hininga. Hindi pa ito nakuntento, lumabas-pasok ulit ito ng silid para muling hanapin si Lyka. "Lyka, anak?"

"Teka lang po, ano'ng oras kayo dumating kaninang umaga?"

Napahinto si Dante. Lumingon ito kay Rose at sinabing, "Alas-otso ng umaga."

Natahimik sandali ang guro. Ilang minuto lang pala ang pagitan nang pagdating niya sa pagpasok ni Lyka kanina. Huminga siya nang malalim at lumapit kay Dante. "Tanungin natin sa guwardiya kung nakita niya si Lyka o kung lumabas siya ng paaralan pagdating ninyo kanina."

Buong lakas na hinampas ni Dante ang kanyang kamao sa kalapit na lamesa. Nagbigay ito ng nakabibiglang ingay na bahagyang nagpaatras kay Rose. "Hindi maaaring mawala ang anak ko! Kung nagkataon ay kapabayaan mo ito!"

Nagawang iduro ni Dante ang pagmumukha ng guro. Matulin niyang nilisan ang silid upang puntahan ang guwardiya na bantay sa gate ng paaralan. Samantala, naiwang tulala si Rose. Napahawak siya sa kanyang dibdib at napailing nang pumasok sa kanyang isipan ang hindi magandang ideya, baka nga nawawala si Lyka! Sinakop siya ng matinding takot. Pakiramdam niya ay malaki ang kanyang pagkukulang. Madalas naman siyang pumasok nang maaga, subalit nagkataon lang na nahuli ang gising niya kanina.

Sumunod si Rose at pagdating niya sa may gate ay marami na ang nagkukumpulang tao.

"Ano? Bukas ang gate kanina?" tanong ni Dante sa isang ginang.

"Oho. Hinatid ko 'tong anak ko kaninang mga alas-otso ng umaga. No'ng palabas na ako ay napansin kong nakabukas nang bahagya ang gate at 'tong si Manong ay may kausap na magulang sa gilid," paliwanag ng ginang sabay turo sa guwardiya.

"Ano na po ang nangyayari?" tanong ni Rose kay Dante.

Humarap ito sa kanya at itinuro ang isang ginang na may akay na bata. "Si Misis, nakita niya raw na bukas ang gate kaninang umaga. Tinanong ko naman 'tong guwardiya, hindi niya napansin kung lumabas ang anak ko, ngunit paano maipapaliwanag na bukas ang gate kanina?" malakas na tanong ni Dante. Kapansin-pansin ang paggaralgal ng boses nito at panginginig ng kanyang mga kamay. "Sa pagkakaalam ko ay dapat laging sarado ang gate at tanging ang guwardiya lang ang magbubukas sa tuwing may papasok at lalabas."

"Ano'ng oras po ninyo napansin na bukas ang gate kanina?" baling ni Rose sa ginang.

"Mga alas-otso 'yun, Ma'am."

"Dumating kasi ako ng pasado alas-otso na. Pero nakita kong sarado na ang gate," sambit ng guro. Tumingin siya sa guwardiya. "Manong Osme, ano po ba ang nangyari kanina?"

Napakamot ng ulo si Osme at tinignan ang mga nagkukumpulang mga tao na ngayon ay lalo pang dumami. "Kanina po kasi, Ma'am, may nagtanong sa aking magulang kung saan ang opisina ng Principal. Pagkatapos naming mag-usap ay nakita kong bukas ang gate. Sarado po talaga 'yun, pero baka may lumabas habang may kausap ako at nakalimutan nang isara paglabas niya."

"Pinagbuksan mo pa nga ako ng gate kanina paglabas ko, 'di ba? Ano'ng nangyari paglabas ko?" tanong ni Dante.

"May lumapit sa aking magulang kaya hindi ko na napansin kung may lumabas ba o wala no'ng tumalikod ako sandali," tugon ng guwardiya.

"Hindi kaya sumunod sa 'yo ang anak mo? Siya kaya ang nagbukas ng gate para makalabas?" tanong ng isang ginang kay Dante.

Sumingit si Rose nang hindi kaagad nakaimik si Dante. "Imposible. Hindi 'yun magagawa ng estudyante ko. Pagdating sa ganyang bagay ay alam niyang bawal lumabas ng paaralan."

Napalingon ang lahat kay Dante nang sumigaw ito. "Nawawala ang anak ko kung gano'n?" Sinipa nito ang gate. Naalarma ang mga tao sa paligid nang paulit-ulit niya itong ginawa. Mabilis na nilapitan ito ng guwardiya at inawat.

"Sandali lang po, hanapin muna natin sa buong paaralan si Lyka. Hindi pa tayo puwedeng magbigay ng konklusyon na nakalabas siya ng gate at nawawala talaga," suhestiyon ni Rose.

Kumalma sandali si Dante. Maluha-luha itong humarap kay Rose at sinabing, "Kailangan natin siyang hanapin ngayon din!"

Tinawagan ng guwardiya ang iba pa nitong kasamahan na nakabantay sa ibang sulok ng paaralan. Maging ang mga magulang na nakipag-usyoso ay tumulong na rin sa paghahanap. Naghiwa-hiwalay sila at isa-isang sinuyod ang bawat silid, palaruan, palikuran, at iba pang lugar na puwedeng pagtaguan ng bata.

"Kilala ko si Lyka, alam niyang hindi siya maaaring pumunta sa ibang lugar nang walang kasama. Kahit minsan ay matigas ang ulo niya, sisikapin niya pa ring magpaalam sa akin o sa ibang guro," biglang sabi ni Rose habang sila ay naglalakad ni Dante papunta sa Principal's office.

Hindi umimik si Dante. Patuloy pa rin itong nagmamasid sa bawat silid na nadadaanan nila.

"Nakapunta na po ba kayo rito dati?"

"Oo, kaso sa labas lang. Hinatid ko silang mag-ina noong unang araw ng pasok ni Lyka. Kanina, ang anak ko lang ang nagturo sa akin kung saan ang silid niya. Hinatid ko pa nga siya sa kanyang upuan e. Nag-iisa pa lang siya dahil wala pa ngang tao. Pero kailangan kong umalis agad, kaya kahit walang kasama ay nagawa ko siyang iwanan," malumanay na tugon nito. Nakayuko ito habang naglalakad. Pilit niyang nilalakasan ang loob kahit ang bigat-bigat na ng kanyang dibdib.

Huminto si Rose nang marating na nila ang opisina ng Principal. "Dapat na po itong malaman ni Manang Linda. Pakitawagan na po siya bago tayo pumasok sa loob para sabihin ang nangyari."

"Sa tingin ko nga, pero nag-aalala ako na baka magalit siya."

"Kailangan niya na pong malaman agad ito."

Inilabas ni Dante ang kanyang telepono. "Linda, si Lyka..."

"Bakit? Ano'ng nangyari?" tanong agad ni Linda.

"Nawawala siya!"

"Ano? Naku naman! Saan nawala? Sa iskul niya? Sa bahay ninyo? Nasaan ka ngayon? Ni-report mo na ba sa pulis? Ano'ng ginawa mo ba kasi? Bakit mo pinabayaan ang anak ko!" sunod-sunod na sabi ni Linda.

Rinig na rinig din ni Dante ang mga hikbi mula sa kabilang linya. Nanlambot ang mga tuhod nito. Ang bawat hikbi ni Linda ay nagbigay daan para tuluyang kumawala ang mga luha sa mata ni Dante.

"Pupunta na ako sa pulisya!" paputol-putol na sabi ni Linda bago ibinaba ang tawag.

Napapahid naman sa pisngi si Rose bago niya inaya si Danteng pumasok sa loob ng Principal's office.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top