Kabanata Isa

"Titser Rose! Titser Rose!" hingal na tawag ng batang estudyante niya, si Iggi.

Nakaupo siya sa loob ng silid-aralan. Bumakas sa kanyang mukha ang pagkabahala nang makita ang natatarantang galaw ng bata. Pakiramdam niya ay may hindi magandang nangyari. "Bakit, Iggi?"

"Si Lyka po, nakikipag-away na naman!" sagot nito.

Dali-dali nilang pinuntahan si Lyka. Recess time nang magpaalam ang bata na pupunta lamang sa malapit na palikuran, ngunit heto ang maririnig niya, may kaaway na naman ang kanyang estudyante.

Natanaw niya ang ilang batang nakapalibot kina Lyka, ngunit wala kahit isa sa kanila ang nagtangkang umawat. Marahil ay nangibabaw sa kanila ang takot, dahil nasaksihan na nila noon ang kakaibang lakas ni Lyka kapag ito ay galit at nakikipag-away.

Nakita niyang sinasabunutan ni Lyka ang isang batang babae na malakas na umiiyak, si Tina. Nakahiga na ito sa semento at hindi nito kayang ipagtanggol ang sarili kahit ipunin pa nito ang buong lakas upang lumaban.

Nakadagan si Lyka rito. Nakakunot ang noo at ang kanyang mga mata ay nanlilisik. Nagngingitngit pa ang mga ngipin nito dahil sa galit. Ilang ulit nitong pinaghahampas si Tina na nais lumaban, ngunit hindi niya ito maitulak dahil sobrang lakas at mas malaki ito sa kanya. Wala na siyang magawa pa kung hindi salagin na lamang ng kanyang braso ang mga sabunot at hampas na natatamo, subalit hindi pa nakuntento si Lyka roon. Hindi ito tumigil hanggat hindi nito nakikitang nagdurugo ang braso ni Tina dahil sa kanyang mga kalmot.

"Lyka!" sigaw ni Rose. Agad niya itong hinawakan sa dalawang braso upang mapigilan ang pananakit nito at saka niya ito hinilang patayo nang buong lakas.

Nakakuyom ang mga kamay ni Lyka at napakatigas ng mga braso nito nang hawakan iyon ng guro. Mababakas ang matapang na ekspresyon sa maamo nitong mukha.

Itinayo rin niya ang batang si Tina mula sa pagkakahiga. May sugat at mga galos ito sa braso. Duguan din ang nguso nito dahil sa pumutok na labi. Napahawak sa bibig si Tina, humagulgol ito ng iyak nang makakita ng dugo sa kanyang kamay. Naalarma ang mga bata sa paligid. Ang iba ay tumakbo at humingi ng tulong.

"Lyka, bakit mo 'yun ginawa kay Tina? Tama ba 'yun?" tanong ni Rose.

Hindi ito umimik. Sa halip ay sumimangot lang ito sabay talikod at naglakad palayo sa kanya. Natanaw niyang pumasok ito sa pintuan ng kanilang silid.

"Iggi, sundan mo muna si Lyka."

"Sige po." Agad na sumunod ang bata at pumunta sa kanilang silid.

Nilapitan ni Rose si Tina at kinausap ito. Habang pinapatahan niya ang bata ay dumating si Ami. Nanlaki ang mga mata ni Ami at agad na nilapitan si Tina. Lalong lumakas ang pag-iyak ng bata nang yakapin nito ang kanyang guro.

"Ayos ka lang ba, Tina? Ano'ng masakit sa 'yo?" tanong ni Ami. Tiningnan nito ang mga natamong galos at sugat ng bata. Masasalamin sa mga mata nito ang matinding pag-aalala sa sinapit ng kanyang estudyante. "Halika, dalhin na kita sa klinik."

"Rose," nabubukod tanging sabi ni Ami sa kaibigan bago ito umalis. Bakas sa tinig nito ang pagkabahala. Alam nitong mananagot sila sa nangyari.

"Ako na ang bahala, Ami." Pilit na ngumiti si Rose.

Bumalik na ng silid-aralan si Rose. Pinagmasdan niya muna sina Lyka at Iggi na noon ay nakaupo na sa kanilang mga upuan. Nakatanaw sa malayo si Iggi, habang si Lyka ay may hawak na lapis at madiing gumuguhit ng kahit na anong imahe sa papel. Matalim ang sulyap ni Lyka kay Rose nang pumasok ito ng silid. Nakabusangot ang mukha nito habang ipinagpatuloy ang ginagawang pagguhit.

Matamang tinitigan ulit ni Rose ang dalawa. Para silang anghel, napakainosente ng mga mukha nila. Tila wala silang problema, ngunit sa kaibuturan ng puso ni Rose, alam niyang malubha ang pinagdaraanan ng dalawang anghel na ito.

May Attention Deficit and Hyperactivity Disorder o mas kilala sa tawag na ADHD sina Lyka at Iggi. Dalawa lamang silang estudyante ni Rose tuwing umaga, samantalang tatlo naman sa hapon na may iba ring klase ng karamdaman. Napakahaba ng pasensiya niya na nararapat lamang para sa napili niyang bokasyon.

Si Rose ay nagtuturo sa The Guardians Special School. Isang pampublikong paaralan sa Lungsod ng Baguio na pinaglaanan ng pondo ng local na pamahalaan para makatulong sa mga batang may espesyal na pangangailangan sa kanilang edukasyon. Layunin nitong tumulong hindi lamang sa mga batang mahihirap at kinakailangang makapag-aral ng libre, pati na rin sa mga batang nagmula sa maalwang pamumuhay ngunit hindi makapasok sa ordinaryong paaralan dahil sa kanilang espesyal na pangangailangan.

May iba't iba itong programa na iniaayon sa kanilang kalagayan, tulad na lang ng mga batang may hearing impairment, autism at iba pang-intellectual o learning disabilities. Suportado rin ito ng ilang unibersidad at organisasyong nilikha ng mga pribadong tao.

Bumalik sa reyalidad ang pag-iisip ni Rose nang magsalita si Lyka.

"Akin na 'yan." Pilit nitong kinukuha ang gustong panulat kay Iggi. Kinurot agad nito ang kanyang kaklase.

"Aray!" sigaw ni Iggi.

Bago pa tuluyang mag-away ang dalawa ay agad nang kinuha ni Rose ang atensiyon ng mga ito. "Iggi! Lyka!"

Napahinto ang dalawa at tumingin sa kanya.

"Iggi, ayos ka lang ba?" Inilabas niya ang kanyang panulat na nasa bulsa at iniabot kay Iggi iyon. "Ito na lang ang gamitin mo."

Alam niya na kapag nais ni Lyka ang isang bagay ay talagang ipagpipilitan nito ang gusto. Mas malala ang kalagayan ni Lyka dahil hindi nito nakokontrol ang sarili. Hindi siya katulad ni Iggi na mas madaling napapasunod ng guro.

Lumapit si Rose kay Lyka at inalam niya ang buong pangyayari, kung bakit napaaway itong muli. Sa simula ay ayaw magsalita ng bata, ngunit napaamin din niya ito. Ayon dito, naglalakad si Tina papuntang palikuran nang mapansin ni Lyka ang hawak-hawak nitong keychain.

"Damot siya, Titser! Damot! Hiram ko lang naman gamit niya!"

"Lyka, dapat matuto tayong rumespeto sa iba," mahinahong paliwanag ni Rose. "Gamit niya 'yun kaya kung ayaw niyang ipahiram, hindi natin dapat ipinipilit."

"Pero kagat niya ako!" Ipinakita nito ang marka ng kagat sa kanyang braso. Unti-unting nabuwag ang pagtatapang-tapangan nito, kumibot ang mga labi at may namuong luha sa gilid ng kanyang mga mata.

"Dahil siguro inagaw mo ang gamit niya, katulad ng ginawa mo kay Iggi kanina. 'Di ba ang sabi ko sa 'yo, hindi magandang kumuha ng gamit ng iba?" Paulit-ulit iyong sinasabi ni Rose, umaasa siya na darating ang araw na tatatak iyon sa isipan ni Lyka.

Humaba ang nguso ni Lyka bilang sagot. Napabuntong-hininga na lamang si Rose bago umupo sa pagitan ng dalawa. Nagsimula na ulit sila sa bagong asignatura na kalimitan ay trenta minutos lang ang nakalaang oras para rito.

"Lyka, sagutan mo ito, at ito naman sa 'yo, Iggi." Inabutan niya ng papel ang dalawa.

Pagkaraan ng ilang minuto ay tumayo na naman si Lyka at umikot sa paligid ng silid. Kung ano-anong bagay ang hinahawakan nito at itinatapon kalaunan. Iniinda na lang ni Rose ang nakabibinging ingay na nililikha ng bata.

"Lyka, maupo ka rito, tapusin mo muna ito," mahinahong sabi ni Rose.

Si Lyka ay sadyang hindi nakikinig at laging sa iba itinutuon ang pansin, kumpara kay Iggi, na mas mahaba ang attention span. Batid ng mga kasamahan ni Rose sa trabaho na malapit ang loob niya rito kahit pa napakakulit nito.

"Iggi, sandali lang ha?"

Tumango ang bata bilang pagsang-ayon. Nilapitan ni Rose si Lyka at iniharap sa kanya. Umupo siya upang magpantay sila ng bata.

"Lyka, hindi mo na naman matatapos ito."

"Alam ko," pabalang na sagot nito.

"Gusto mo bang makakuha ng mababang marka?" tanong ni Rose na naging dahilan upang sumimangot ang bata.

"Ayaw ko nang magsulat. Ang sakit na ng kamay ko!" Tumalikod ito sa guro at lumapit sa upuan. Kinuha nito ang papel at lapis sabay inihagis ang mga iyon.

Nagmadaling lumapit si Rose at hinawakan sa magkabilang balikat ang bata. "Lyka, hindi na nakakatuwa 'yan. Paano ka matututo kung hindi ka magsisikap mag-aral?"

Nakayuko lamang si Lyka at nanatiling nakatayo. Inalalayan siya ng guro na umupo. Pinulot nito ang papel at lapis na nasa sahig at ibinigay sa kanya. Napangiti ito nang makitang nagsimula na siyang sumagot sa papel.

Napabaling ang tingin ng guro sa sinasagutan ni Iggi. Sumilay ang mga ngiti sa labi niya nang makitang halos patapos na sa pagsagot ang bata. Batid niya na kahit paunti-unti ay natututo naman ang dalawa.

Sumilip si Ami sa silid nila Rose, kapuna-puna ang mga ngiti sa labi ng kaibigan kapag natututo ang dalawa, lalong-lalo na si Lyka. Si Ami ay isa ring guro para sa mga espesyal na batang katulad ni Tina na may autism.

Kumatok si Ami sa pinto para makuha ang atensiyon ng kaibigan. "Rose!"

"Ami, naparito ka?"

"Dumating na si Manang Linda."

"Maraming salamat sa pagsabi, Ami. Teka, kumusta na si Tina?"

Hinawakan ni Ami ang kaibigan sa braso at iginiya sa tabi. Sinabi nito na galit na galit ang ina ni Tina dahil sa natamong mga sugat ng anak. Sumugod ito sa Principal's office, nais nitong makausap si Rose at ang ina ni Lyka.

"Gano'n ba? Sige, ipapaliwanag ko muna ang lahat kay Manang Linda. Salamat ulit, Ami." Napabuntong-hininga si Rose bago niya hinarap si Linda, ang ina ni Lyka.

Ipinaalam niya rito ang naganap na gulo na kinasasangkutan ni Lyka at ang kagustuhan ng ina ni Tina na makausap sila. Nabanggit din ni Rose na sa kanyang palagay ay lalong lumalala ang kalagayan ni Lyka. Ilang linggo na niyang sinusuri ang bawat kilos, galaw at pananalita ng bata. Sa tingin niya ay kailangan nang simulan ang naudlot na therapy nito. Nangako siya na gagawin ang lahat upang matulungan si Linda sa paghahanap ng taong makatutulong sa kanilang pinansyal na pangangailangan sa pagpapagamot kay Lyka.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top