Kabanata Dalawa

Kadarating lang nina Linda mula sa pagsundo kay Lyka sa paaralan nito. Inutusan niya itong manatili sa silid hanggat hindi niya ito pinapayagang lumabas. Nagtungo siya sa kusina nang makarinig ng ingay roon. Hinuha niya ay nandoon ang kanyang ina na si Edna.

"Bakit sambakol na naman ang mukha mo?" tanong ni Edna.

"Napaaway ang apo ninyo!"

"Susmeng bata 'yan! Hindi na naman nakapagpigil!"

"Ang isa pang kinaiinis ko ay ang mga tsismosang kapitbahay natin. Tayo na naman ang pinag-uusapan nila. Kaya raw nagwawala si Lyka dahil hindi tayo marunong dumisiplina sa kanya!" namumula sa galit na sagot ni Linda. "Sarado ang isip nila kahit ilang beses ko pang ipaliwanag sa kanila na bahagi 'yun ng karamdaman ni Lyka!"

"Alam mo, malaki ang kakulangan ng mga taong tsismosa. Kaya ibang tao ang pinag-uusapan nila, dahil gusto nilang pagtakpan ang kakulangang 'yun sa pamamagitan ng pagpuna ng kapintasan ng iba. Hayaan mo na sila." Lumapit si Edna kay Linda at iniabot ang basong hawak na may malamig na tubig. "O, inumin mo nang mahimasmasan ka."

"Salamat." Kinuha ni Linda ang tubig at ininom iyon. Makailang ulit din siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili. "Nakakapuno na rin minsan. Pati ang pagiging dalagang ina ko ay inuungkat nila. Nagkaroon ng ADHD si Lyka dahil ganti raw ng tadhana sa akin 'yun!"

"Naniniwala ka ba?"

"Siyempre hindi!" Mariing tanggi niya.

Nagkibit-balikat si Edna na para bang ipinapahiwatig na walang halaga kung anuman ang isipin ng kapitbahay nila. "Ang isang pagkakamali ay hindi batayan ng buong pagkatao mo. Bagkus, kung paano mo itatama ang pagkakamaling ito at kung paano mo haharapin ang isang suliranin ang siyang maghuhusga kung anong klaseng tao ka."

Tumango si Linda at mahigpit na niyakap ang ina. "Mabuti na lang, nagkaroon ako ng magulang na katulad ninyo."

"Kayo ni Lyka ang nagbibigay kulay sa nakababagot na buhay ko," pabirong sabi ni Edna. Biyuda na siya at wala nang plano pang mag-asawang muli. "Maglalako ka ba ng gulay mamaya?"

"Opo, Nang."

May itinalagang oras at lugar sa palengke ang Munisipyo ng La Trinidad kung saan puwedeng maglatag ng paninda sa daan.

Tumuloy si Edna sa silid ni Lyka, samantalang si Linda naman ay nagpunta sa sala nila. Dumungaw siya sa binuksang bintana. Iyon ang malimit niyang gawin dahil napakaganda ng tanawin sa labas. Mistula siyang nakatayo sa gitna at napapalibutan ng luntiang bundok. Sapagkat nakatirik sa may kataasang lugar ang inuupahan nilang bahay na yari sa kahoy, tanaw na tanaw ang taniman ng gulay mula sa kanila. Nakamamangha ang pagkakayari niyon dahil iniayon iyon sa natural na ayos ng kalikasan. Kitang-kita rin ang pahabang estruktura na kinatatamnan ng mga bulaklak na tuwing gabi ay nagniningning sa liwanag.

Ang magandang lugar na ito ay ang La Trinidad. Mahigit kalahating oras ang ginugugol nila sa daan upang makarating mula sa kanilang bahay hanggang sa karatig na siyudad, ang Baguio kung saan nag-aaral si Lyka.

Kilala ang Baguio sa mga produktong kinakalakal nito, katulad ng gulay, bulaklak, walis at mga kagamitang nililok mula sa kahoy. Ang mga produktong ito ay pawang hango sa mga katabing lalawigan, tulad ng La Trinidad. Ang isang panghatak ng siyudad ay ang malamig na klima nito. Katunayan, itinatag ang Baguio ng mga Amerikano noong 1900 bilang isang bakasyunan sa panahon ng tag-araw.

Nasa malalim na pag-iisip si Linda nang marinig niya ang mahinang daing ng ina. Nagmamadaling nilapitan niya ito. "Nang, may problema ba?"

"Biglang sumakit ang dibdib ko at nahihirapan akong huminga. Pero wala 'to, huhupa rin siguro 'to mayamaya."

Sanhi marahil ng pagsakit ng dibdib ng ina ang pasaring tungkol sa moralidad niya at sa kalagayan ni Lyka. Pinapanatag lamang nito ang damdamin niya kanina at pinapalabas na balewala ang mga naririnig kahit ang tototo ay nasasaktan ito.

"Hindi po. Kailangan ninyong magpatingin sa doktor ngayon."

Napahinuhod na rin si Edna sa kagustuhan ng anak. Nagtungo sila sa klinik at laking gulat nila nang sabihin ng doktor na nakitaan siya ng senyales ng atake sa puso. Kailangan niyang mamalagi sa ospital hanggang sa ideklarang ligtas na siyang umuwi.

Nabagabag ang loob ni Linda. Iniisip niya kung sino ang mag-aalaga kay Lyka habang binabantayan niya ang ina. Isang tao lang ang puwede niyang pag-iwanan kay Lyka. Si Dante, ang ama nito.

"H'wag matigas ang ulo," bilin ni Linda kay Lyka. "Makikinig ka sa sinasabi ni Tatang."

Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Lyka. "Ayaw ko rito, Nang. Sama ako sa 'yo."

"Nag-usap na tayo, 'di ba?" Hinawakan ni Linda ang anak sa balikat nito. Tinitigan niya rin ito nang diretso. "Kukunin kaagad kita kapag dumating ang pinsan ko galing probinsiya."

Nakaramdam siya ng pag-aalinlangan. Nais niyang isama si Lyka sa ospital ngunit ang alalahaning baka magwala ito roon ang pumigil sa kanya. Niyakap niya nang mahigpit at hinalikan ito sa pisngi. Binitiwan niya ito at mabilis na lumayo roon.

Maagap na iniabot ni Dante ang isang kulay kahel na teddy bear. Alam pa rin niya ang hilig ni Lyka dahil natigil ang balak na pag-iyak nito. Pansamantala nitong nakalimutan ang lungkot sa pagkakawalay sa ina.

"Bakit pumayag kang dito matulog ang batang 'yan?" mahina ngunit galit na sabi ni Anna, asawa ni Dante.

"Walang puwedeng tumingin kay Lyka. Ako lang!" Marahas na sinuyod ng daliri ni Dante ang buhok. Tila nairita ito sa inasal ni Anna. "Ngayon lang humingi ng pabor sa akin si Linda. Makakatanggi pa ba ako? Anak ko rin naman ang pinag-uusapan dito!"

"Maski na! Nakalimutan mo na ba ang ginawa ng batang 'yan kay Baby? Muntik niyang saktan si Baby!"

"Dahil mali rin ang ginawa natin! Dapat kinausap natin siyang mabuti at ipinaliwanag na may kapatid na siya. Nagulat lang siya nang makitang may iba na akong karga!"

"Kaya namimihasa ang batang 'yan dahil kinakampihan mo!" Padabog na nagpunta sa silid si Anna para kunin ang mga maruming labahin.

Sumunod naman si Dante sa asawa. "May karamdaman siya. Tayo ang matanda rito kaya tayo ang dapat umunawa!"

"Oo na! Ikaw na ang magaling!" Pinandilatan nito ng mata si Dante. "Paano na ang trabaho mo mamayang gabi?"

"Hindi muna ako papasok."

Nagsalubong ang kilay ni Anna sa narinig. Hindi niya nagustuhan ang balak ni Dante. "Ano? Kailangan natin ng pera! Hindi ka puwedeng um-absent!"

"Bakit? Ikaw ba ang titingin kay Lyka?"

"Babantayan ko pero patulugin mo muna bago ka umalis. Siguro naman, bukas na magigising 'yan!"

Tumahimik na lamang siya upang maiwasang makipagtalo pa sa asawa. Lumapit siya kay Lyka at masayang nakipaglaro rito.

"Ano'ng ginawa mo?" pasigaw na tanong ni Anna. Nagtungo siya saglit sa banyo. Laking gulat niya pagbalik sa silid nang makita niya roon si Lyka na nakatayo sa tabi ng kuna at malakas iyong niyuyugyog. Tinabig niya si Lyka at mabilis na binuhat ang umiiyak na sanggol.

Si Lyka ay nagpapakita na ng sintomas ng pagkabalisa. Kumapit uli ito sa kuna at paulit-ulit na niyugyog iyon. May impit na ring tunog na nagmumula sa kanyang lalamunan na ikinabahala ni Anna. Halos alam na niya ang susunod na mangyayari.

Pilit niyang pinapatahan ang kargang anak ngunit lalo itong umiyak. Nagsisimula na ring magwala si Lyka. Sinabayan ni Lyka ng nakatutulig na hiyaw ang iyak ng sanggol at ang ingay na nagmumula sa langitngit ng kuna. Palakas ito nang palakas.

Animo'y bingi si Lyka na kahit anong sawata ni Anna ay hindi niya naririnig. Sinampal ni Anna ang bata. Nakuha niyon ang atensiyon niya ngunit saglit lang. Sumampa siya sa kama at doon tumalon nang tumalon. Sa kanyang murang isip, paraan niya iyon upang hindi masunggaban ni Anna. Hindi niya napuna na nasa gilid na siya ng kama. Dumulas ang isang paa niya sanhi para mawalan siya ng balanse.Sa kasamaang palad, tumama ang ulo niya sa kanto ng mesang nasa tabi ng kama bago siya bumagsak sa sahig. Wala na siyang malay nang lapitan ni Anna.

"D'yos ko! D'yos ko!" Nanginginig ang kamay na kinuha ni Anna ang cell phone at tinawagan si Dante. Humahagulgol siya nang sumagot si Dante sa kabilang linya. "Umuwi ka kaagad! May nangyari kay Lyka!"

"Bakit? Ano'ng nangyari?" Napatayo mula sa kinauupuan si Dante. Pigil-hininga nitong inabangan ang sagot ng asawa, ngunit wala na itong narinig sa kabilang linya.

Sa kalituhan ay hindi na nakuha pang sumagot ni Anna. Habang karga ang anak, pinadede niya ito upang huminto sa pag-iyak. Ayaw niyang hawakan si Lyka sa takot na malamang wala na itong pulso. Nangangatog ang tuhod na pabalik-balik siyang naglakad hanggang sa dumating si Dante.

Agad lumuhod si Dante sa tabi ni Lyka at buong ingat na itinaas ang ulo nito. Nakapa niya ang isang malaking bukol sa bandang likod ng ulo ni Lyka. Nakahinga siya nang maluwag nang umungol si Lyka at dumilat ang mga mata.

Nagwala uli si Lyka. Tumakbo ito, tila isa siyang mailap na hayop na nasukol sa ginawa nitong pagsiksik ng katawan sa sulok ng silid. Naghalo ang kanyang sipon at luha habang patuloy pa rin ito sa malakas na pag-iyak.

"Lyka, si Tatang 'to! Si Tatang 'to! Makinig ka, hindi kita sasaktan!" Paulit-ulit niyang binibigkas iyon hanggang rumehistro sa utak ni Lyka ang kanyang mensahe.

"T-tatang?"

Tumango siya. Sandali siyang natahimik dahil pakiramdam niya ay may bikig sa kanyang lalamunan. Naaawa siya sa kalagayan ng anak. Yumakap siya kay Lyka at marahang tinapik-tapik ang likod. "Nandito na ako. Hindi kita pababayaan."

"Bad siya! Bad siya!" sigaw ni Lyka nang mapuna nito si Anna. Nakaturo ang daliri nito sa tulalang si Anna.

Binuhat ni Dante si Lyka. Bago siya lumabas ay tinapunan niya ng matalim na tingin ang asawa. Inihatid niya ang anak sa silid nito, inihiga sa kama at kinumutan.

"Matulog ka na," sabi niya habang maingat na hinahaplos ang ulo nito.

"Tatang, galaw-galaw ko duyan ni Baby para 'di siya iyak," buong pagmamalaking saad ni Lyka sa pagitan ng pagsigok.

"Talaga? Ang bait ng anak ko," nakangiting wika niya kahit ang totoo ay kinukurot ang puso niya at gusto niyang ipaliwanag sa anak na hindi duyan iyon na hinihele.

Humalik siya sa noo ni Lyka nang mapansin niyang mahimbing na itong natutulog. Sumalubong si Anna sa kanya pagpasok na pagpasok niya pa lang ng kanilang silid.

"Wala akong kasalanan," nagsusumamong sabi ni Anna. "Aksidente ang pagkakabagok ng ulo niya!"

Naihilamos ni Dante ang palad sa mukha. "Kasalanan ko rin dahil iniwan ko siya sa 'yo."

Mabigat ang loob na humakbang siya at umupo sa kama. Pakiramdam niya ay nasa gitna siya ng dalawang nag-uumpugang bato. Mahal niya si Lyka pero ito ang nagdadala ng gulo sa bago niyang tahanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top