Kabanata Anim
Gusto ni Rose na mapagtibay ang hinalang nabuo kaya kinumbinse niya ang kaibigan na pumunta sila sa bahay nina Linda.
"Manang Linda, pasensiya na sa biglaan naming pagpunta rito. May gusto lamang kaming klaruhin," sabi ni Ricardo. Inilabas niya ang larawan ng damit na suot ng bata, puting sando at shorts na yari sa cotton, nang matagpuan ang bangkay nito. Dahil sa maselang kuha ng bangkay, larawan lamang ng damit ang pinakita nila. "May ganito po bang damit si Lyka?"
Agad na sumagot si Linda, "Iyan din ang itinanong sa akin ng pulis noon, at sinagot ko na sila na may ganyang damit si Lyka."
"Ano po ang sabi ng pulis sa inyo?" tanong ni Rose.
"Na hindi pa rin nakakasiguro na si Lyka nga 'yun." Nakahalukipkip ito na tila nilalamig.
Tumango si Ricardo. "Pangkaraniwan kasi ang gano'ng klaseng panloob."
"Naaalala pa po ba ninyo kung nadala 'yung damit na kapareho nitong nasa picture no'ng hinatid ninyo si Lyka kay Manong Dante?" tanong ni Rose.
"Hindi ko puwedeng iwan 'yun dahil 'yun ang paboritong pantulog ni Lyka."
"Pantulog?" tumaas ang kilay ni Rose.
"Oo, gano'n lang ang suot niya. Mainit kasi ang katawan ng batang 'yun. Nangangati siya kapag balot na balot matulog."
Dahil sa huling sinabi ni Linda ay lalong kinutuban si Rose. Parang may nagtutulak sa kanyang pumunta sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay. Pakiramdam niya ay nandoon ang mga kasagutang gumugulo sa isipan niya. Hindi na sila nag-aksaya pa ng oras, agad silang nagpaalam kay Linda.
Ilang oras din ang ginugol nila sa pag-akyat ng bundok hanggang sa marating nila ang nasabing lugar. Nagsiyasat sila sa paligid, ngunit wala silang makitang makatutulong sa pagresolba ng kaso. Halos mawalan na sila ng pag-asa nang may pumukaw sa pansin ni Rose. May nakita siyang isang bagay sa ilalim ng bangin nang umihip ang malakas na hangin. Kulay kahel iyon, ang paboritong kulay ni Lyka.
Pumunta na agad sila sa tahanan ni Dante. Nag-uumapaw ang galit na nararamdaman ni Rose, subalit nagawa niya pa rin itong kontrolin nang makaharap na nila sina Dante.
"Ano na naman ang kailangan ninyo?" tanong ni Anna nang makita mismo sina Rose at Ricardo.
"May kailangan lang kaming klaruhin. Maaari ba namin kayong kausapin ni Manong Dante?" tugon ni Ricardo.
Lumabas mula sa likuran ni Anna si Dante at inanyayahan silang pumasok sa bahay. Pagkaupo ay nagsimula nang magsalita si Ricardo.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Kung ako ang tatanungin, imposibleng hinatid mo ang anak mo sa iskul no'ng umaga dahil hindi nakasuot ng uniporme at hindi nakasapatos nang matagpuan ang bangkay niya!"
"Bangkay? Ano'ng pinagsasabi mo? Patay na si Lyka?" gulat na tanong ni Dante.
"H'wag ka nang magmaang-maangan pa! Alam mo na si Lyka ang batang nasa morgue! At hindi totoong hinatid mo siya sa iskul!" emosyonal na sigaw ni Rose.
Bahagyang natigilan si Dante bago nagsalita."Sinabi ko naman sa 'yong hinatid ko ang anak ko sa iskul, hindi ba?" Naiirita na ito dahil buong akala nilang mag-asawa ay may suspek na at may resulta na ang imbestigasyong ginagawa. Subalit sila pa ngayon ang inuusisa.
"Paano mo maipapaliwanag na sando at shorts lang ang suot ng anak mo? 'Yun ang nakagawian niyang pantulog, 'di ba?" muling tanong ni Ricardo. Sumulyap ito kay Rose na mabilis na inilabas sa supot ang natagpuan nila sa bangin, ang iskul bag at nasa loob nito ang uniporme at sapatos ni Lyka.
Hindi pa rin makasagot si Dante, kapansin-pansin ang pagkabalisa nito at ang palagiang pagyuko ni Anna na hele-hele ang anak nila na kasalukuyang mahimbing na natutulog.
"Mahal mo ba ang anak mo, Dante?" tanong ni Ricardo.
Biglang napataas ng ulo si Dante at pagalit na sumagot, "Anong ibig mong sabihin? Anak ko siya... alangang di ko siya mahalin! Anak ko siya!"
"Kung mahal mo siya hindi mo pababayaang mangyari ang—"
"Ano'ng ibig mong palabasin? Ako ang pumatay sa anak ko?" Saka tumayo at dinuro ang sariling dibdib. "Pinagbibintangan mo ba ako!"
"Kayo ang may sabi niyan, Sir," sagot ni Ricardo na kalmado ang boses at nanatiling nakasandal sa kanyang kinauupuan. "Meron ka bang ikaka-gulity?" tanong niya ngunit nakaharap ang kanyang mukha kay Anna.
Hinawakan ni Anna ang braso ng asawa at bahagyang hinila paibaba at sinabing, "Maupo ka muna, Dante."
Umupo naman si Dante. "Wala kaming alam sa pagkamatay ng anak ko!" sigaw nito.
"Pero, Sir, sa puntong ito ay ikaw lamang ang tinatanong ko at walang ibang kasama. Bakit mo nasabing 'kami'?"
"Ha?" Napamulagat ang mga mata ni Dante. "A, e, ang ibig kong sabihin, e... Oho nga po. Ako nga lang ang..."
Inilabas ni Ricardo mula sa dalang sobre ang mga litrato ni Lyka. Inisa-isa niya itong ipinatong sa ibabaw ng mesa; ang itim na plastic bag habang sarado pa ito, habang inilalabas ang bangkay sa loob ng plastic bag at isang malayong shot ngunit kuha ang buong katawan ng bata.
Unti-unting nawawala ang kulay sa mukha ng mag-asawa. Ang huling litratong inilabas ni Ricardo ang nagpatigalgal sa dalawa. Close up na larawan ito ng dating mukha ni Lyka, ngunit naaagnas na ito ngayon. Marahil buhay pa at gumagalaw-galaw ang mga uod na nasa litrato.
"Sige na... Hindi ko na kaya," nahihirapang sabi ni Anna, sapo-sapo ng isang kamay nito ang bibig.
Umupo nang matuwid si Ricardo, tumiin sa mesa at nagtanong, "May sasabihin po ba kayo, Misis?"
"Ha?" Lumaki ang mga mata nito at naging mailap. Natigilan siya nang ilang sandali at saka umiyak kaya nagising ang sanggol sa kanyang braso at nagsimula ring umiyak.
Hinimas-himas ni Dante ang likod ng asawa dahil hindi pa rin ito tumitigil. Kapansin-pansin ang panginginig ng mga kamay nito. "Tama na."
"Ako ang may kasalanan ng lahat," sabi ni Anna. Hinehele niya ang sanggol na patuloy sa pag-iyak.
"Ano ho ang sabi mo, Misis?" tanong ni Ricardo.
"Mahal ko ang asawa ko. Ayokong makulong siya! Maliit pa ang anak namin," nagmamakaawang sabat ni Dante.
"Ikaw ba ang pumatay kay Lyka?" Walang patid na tanong ni Ricardo.
"Hindi, oo... pero hindi ko sinasadya!" naguguluhang sabi ni Anna at saka humagulgol. Lalo ring lumakas ang pag-iyak ng sanggol.
Sa pagkakataong ito ay niyakap na ni Dante ang asawa't anak. "Hindi mo kasalanan!" Humarap siya kay Ricardo. Pasigaw na sabi niyang, "Ako ang may kasalanan ng lahat! Ako ang ikulong ninyo! Huwag ninyong idamay ang asawa ko!"
"Bakit hindi ninyo ikuwento ang tunay na pangyayari? At nang malaman natin kung may sala kayo o wala. Ayon sa autopsy, nabagok ang ulo ng bata. Puwedeng may pumalo ng matigas na bagay sa kanyang ulo o inumpog ito sa isang haliging matigas gaya ng pader o kahoy. May nalalaman ba kayo tungkol dito?" dagdag ni Ricardo.
"Wala! Aksidente ang lahat!" pilit ang tinig ni Dante. Nakayakap ito kay Anna na umiiyak naman sa kanyang balikat. "Ako na ang magsasalita para sa aming dalawa."
"Kung ganoon, sige, ikuwento ninyo sa amin ang buong pangyayari."
Nagsimulang magkuwento si Dante. Konsensiya ang nag-udyok sa kanya upang umamin at ikumpisal ang nagawang kasalanan sa sariling anak. Isang kasalanang hindi magpapatahimik sa kanya habang nabubuhay at nakikita ang litrato ng anak na nakabitin sa silid mismo ng bata. Dahil sa konsensiyang nangungulit at ang pag-ukilkil ng kanyang budhi upang isiwalat ang buong katotohanan—makulong man o hindi—ay kailangang aminin na niya ang nagawang krimen.
Takot ang namayani sa puso nila. Ayaw nilang makulong lalo pa't may anak sila. Naramdaman niya ang pangungulila ng bata sa isang Ama na nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal. Alam niya, sa kaibuturan ng kanyang puso, nang magkaroon na siya ng anak sa bagong asawa ay nahati ang kanyang atensiyon, natuon ito sa bagong anak.
Sa konsensiya naman ni Anna, naging makasarili siya. Ayaw niyang saluhin ng asawa ang pananagutan kahit na alam niyang may sasagutin sila sa batas.
Nagsimula ang lahat noong tumawag si Anna kay Dante habang nasa trabaho ito at binalita ang aksidenteng pagkabagok ng ulo ni Lyka. Nawalan ito ng malay at nagising lamang nang dumating si Dante. Ang akala nila noon ay maayos na ang lagay ng bata. Hinayaan nila itong matulog. Ininda ng bata ang kirot, subalit ang hindi nila alam, namuo ang dugo sa loob ng ulo nito at nakaapekto sa kanyang katawan. Isang punto na masamang patulugin ang isang taong nauntog o nabaldog. Dapat ay nanatiling gising ito hanggang sa matingnan ng isang espesyalista sa ulo o utak. Maaaring sa kamangmangan at kakulangan ng kaalaman tungkol sa ganitong sitwasyon ay nagdesisyon ang mag-asawang ipagwalangbahala ang nangyari.
Laking gulat nila nang hindi na nagising si Lyka kinaumagahan. Isa na itong malamig na bangkay. Pinilit ni Dante na mag-isip ng paraan upang hindi sila mapagbintangan.
Nang pumutok ang araw ay maagang nagpunta si Dante sa paaralan. Sumabay siya sa mga magulang na pumapasok ng gate upang hindi mapansin ng guwardiya, ngunit paglipas ng ilang minuto ay sinadya niyang magpakita sa bantay. Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng gate. Nang mapansin niyang may lumapit na magulang sa guwardiya, agad siyang kumilos, binuksan niya nang bahagya ang nakasaradong gate. Sinadya niya iyon para magkaroon ng hinala na nakalabas ang kanyang anak.
Pag-uwi niya, kumuha siya ng plastik na pambasura. Isinilid nila ang bangkay ni Lyka at itinali nang maigi upang mapagkamalang basura. Inarkila ni Dante ang owner type jeep ng kapitbahay. Pumayag naman ang may-ari ng sasakyan dahil sa laki ng alok na upa. Palibhasa ay lasenggo, panustos sa alak lang ang nasa isip.
Kinagabihan, isinakay nila ang bangkay ni Lyka na nakaplastik at dinala nilang mag-asawa sa masukal na bahagi ng kabundukan. Inilagay nila iyon sa ilalim ng isang malaking puno. Ang gamit ng bata ay itinapon ni Dante sa bangin.
Nang makauwi na ang mag-asawa ay hindi sila makatulog. Kapwa batid na ang kanilang budhi ay nagsisimula ng mangulit sa kanilang dibdib.
Hindi nakakita ng anumang fingerprints sa plastic bag dahil gumamit sila ng guwantes na goma na ginagamit ni Anna sa paglalaba. May allergy si Anna sa mga sabong panlaba at maging sa chlorine.
Walang matibay na katibayan sina Rose at Ricardo na mag-uugnay sa krimen kung hindi ang malakas na kutob lamang nila. Suntok sa buwan ang ginawa nilang pag-akusa kina Dante, ngunit kinagat naman ng huli ang pain nila. Tunay nga ang lumang kasabihan na ang isda ay nahuhuli sa sariling bibig.
Tinawagan ni Ricardo ang imbestigador na may hawak sa kaso. Dumating sila makaraan ang ilang sandali. Inaresto, ora mismo, ang mag-asawang Dante at Anna Ocampo. Sila'y ikinulong kaagad. Ang sanggol ay kinuha ng isang babaeng pulis mula sa bisig ni Anna na nag-iiiyak dahil sa pagkakawalay ng anak.
Samantala, pinatawag ng awtoridad ang ina ni Lyka. Halos panawan ng ulirat si Linda nang kumpirmahin ng pulis na si Lyka nga ang batang natagpuang bangkay. Umiyak siya nang umiyak habang mahigpit na nakakapit sa kanya si Ricardo. Maging si Rose ay umiyak din. Hindi siya makapaniwala na may isang ama ang gagawa ng ganitong klaseng krimen sa anak na inosente at walang kamuwang-muwang.
Marami ang nakisimpatiya kay Linda nang pumutok sa buong lugar ang nakalulunos na balita. Kahit ang mga taong hindi niya kilala ay dumalaw sa burol at nakiramay. Ang mga kapitbahay niyang ubod ng tsismosa ay pansamantalang natigil ang bibig at nagsisi.
Doon humugot ng lakas si Linda, sa kabi-kabilang suportang natanggap niya. Ang tanging hiling niya lamang ngayon ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pinakamamahal at kaisa-isang anak.
Pagkalipas ng ilang panahon ay nalitis at nahatulan ng pagkakakulong ang mag-asawa. Isang krimen ng kapabayaan na mababaw lamang sana ang hatol kung hindi nila tinangkang paikutin ang batas. Ang kanilang sanggol na anak ay binigay sa pangangalaga ng lola nito.
Si Linda, malaki ang pagkamuhi sa ama ni Lyka, subalit wala na ring magagawa dahil hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanilang anak. Samantalang si Rose, ipinagpatuloy ang pagtulong sa kanyang mga estudyante. Nabawasan man ng isa, sisiguraduhin niya na hindi na iyon mababawasan pa. Handa niyang gawin ang lahat para sa kanyang trabaho at sa kanyang mga estudyante. Isa siyang huwarang guro na may mabuting puso.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top