XI. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw

CHAPTER ELEVEN

MAY ISANG babaeng akala mo ay hinugot sa isang magazine ang ngayon ay nakatingin sa amin. Mukha siyang artista at hindi siya bagay sa lugar na 'to. Itim na itim ang makintab niyang buhok at maganda ang make up niya. Sino siya at bakit nakatingin siya kay Bob Earvin na para bang matagal na silang magkakilala?

"Dalhin ko raw siya sa'yo, eh," napakibit-balikat na sabi ni Gustine. Nag-make-face pa ito na sinadya nitong hindi makita ng babaeng naghahanap kay Bob Earvin.

Binitiwan ni Bob Earvin ang mga kamay ko at tumayo siya at hinarap ang babae. Umalis naman si Gustine sa pagitan nila at naupo sa bakanteng upuan sa tabi ko.

"Makikikain ako, ha?"

Tango lang ang naitugon ko dahil mas nanaig ang curiousity ko sa babae.

"What are you doing here, Liliane?" pormal ang tonong tanong ni Bob Earvin.

"Ang akala ko kasi pinagtataguan mo 'ko, eh," mataray na sagot naman ng tinawag niyang 'Liliane'.

"I am busy. I have my own business. I do not owe you anything. I don't have time for you."

"Then maybe you should start changing your lifestyle from now on. You can start from attending our engagement party tonight?"

Pakiramdam ko ay may bombang sumabog sa harap ko nang marinig ko ang mga salitang iyon. Engagement Party? Tonight? Engagement? Engagement? Si Bob Earvin at ang maganda-sana-pero-brat na Liliane na 'to? Utang-na-loob! Hindi 'to totoo!

Napatingin ako kay Gustine at maging siya ay nagulat din sa narinig pero wala siyang nasabi. Ibinalik ko ang tingin sa dalawa lalo na kay Bob Earvin. Seryoso pa rin ang mukha niya. Hinihintay ko siyang magsalita para pasinungalingan ang sinabi ni Liliane. Gusto kong marinig mula sa kanya na nag-iilusyon lang ang babaeng kaharap niya.

"Huwag kang mag-alala. Pupunta ako kaya makakahinga ka nang maluwag."

Pakiramdam ko ay ninakawan ako ng pag-asang magkaroon ng happily ever-after sa naging sagot ni Bob Earvin. Hindi 'yon ang inaasahan kong marinig. A victorious smile curves Liliane's lips.

"Gusto ko talaga sa lalaki 'yong madaling kausap. O, pa'no, aalis muna ako. Matatagalan ako sa salon pero hindi ako male-late mamayang gabi. Good-bye, future husband. Sulitin mo na ang mga natitirang sandali mo bilang bachelor."

Tumalikod na si Liliane at naglakad na akala mo ay nasa catwalk lang. Kalmutin ko pagmumukha n'on, eh. Binabawi ko na 'yong sinabi ko. Mukha nga siyang hinugot sa magazine na pinampupunas sa pwet!

Napatingin ako kay Gustine.

"Manang, isa pang order nito, ha? Thank you," nakangiti niyang sabi sa nag-serve ng order namin.

Gwapo sana siya pero duda ako kung kaya niya akong damayan dahil mas inuna pa niya ang tawag ng mga bulate niya sa tiyan. Ano na ang gagawin ko? Magpapanggap ba akong walang naririnig o walang nararamdaman?

Akmang kakagatin na ni Gustine ang hawak niyang isaw nang bigla ko na lang 'yong agawin.

"Bakit?" takang tanong niya.

"Akin 'to, eh," parang maiiyak na sabi ko.

"Bakit ka pa nandito?" tanong ni Bob Earvin kay Gustine nang nakaupo na uli siya.

Ngayon, parang ayoko nang tumingin sa kanya. Sa isang iglap, parang dinudurog ang puso ko kapag tumitingin ako sa kanya. Ang ganda-ganda ng mood ko kaninang umaga. Excited pa 'kong makita siya kasi siya ang nagpapasaya sa 'kin. Pero nang mga sandaling 'to, parang nagkakapira-piraso ang puso ko. Ang sakit.

"Hindi pa 'ko kumakain, eh. Dito na lang ako. Hindi naman ako nanggugulo, eh."

Kinuha ko ang pagkain ko at tahimik na kumain. Dito ko piniling kumain kasi masarap ang mga pagkain nila dito pero sa pagkakataong 'to, wala akong malasahang matino. Parang ang pait.

"May engagement ka pala mamayang gabi? Babatiin na ba kita? Imbitado ba kami?"

"Hindi," walang kagatol-gatol na sagot naman ni Bob Earvin.

"'Sabagay, hindi ko naman gusto ang Lalaine na 'yon."

Gusto ko sanang itama ang pangalan ni Liliane pero para sa'n pa? Wala rin namang tamang nangyayari nang mga sandaling 'to.

"Ayokong pag-usapan ang tungkol diyan. Lumipat ka ng table. Meron kaming pinag-uusapan ni Donna."

"Eh, di isipin mo na lang na wala ako rito."

"Nasa'n na nga ba tayo?" His eyes are on me.

Gusto ko sanang sabihing 'walang tayo' pero ang assuming ko naman n'on masyado. Tumikhim ako para alisin ang bara sa lalamunan ko.

"M-meron akong sinasabi, 'no? Uhm, gusto ko lang sabihin na..." Na ayoko nang magtagal sa lugar na 'to kasama ka. Na gusto ko na lang kalimutan na meron akong feelings para sa'yo at kilala pala kita. Mag-isip ka ng excuse, Donna. Mag-isip ka! "Na kasama ako sa mga pumasa sa final interview mamayang alas tres." Pinilit ko pang gawing masigla ang boses ko, na para bang good news talaga ang ibinalita ko.

"Whoa, congrats, Donna!" bati naman sa 'kin ni Gustine. "Ano'ng in-apply-an mo?"

"Receptionist sa isang insurance company."

Paniwalang-paniwala si Gustine habang takang-taka naman si Bob Earvin. Malamang. Sinabi ko ba namang wala akong gagawin buong araw.

"Sabi mo, wala kang gagawin ngayong araw?"

"O-oo nga. Pero nag-text kasi sa 'kin ang HR habang on-the-way ako rito. Kaya dito ko na lang piniling kumain para hindi ako mahirapang sumakay papunta sa office. Ipagdasal n'yo na matanggap ako, ha?"

Ipagdasal n'yo rin na hindi ako maiyak dito bigla. Nakakahiya. Wala akong rason para magdrama.

"Kapag natanggap ka, ilibre mo 'ko rito, ha?" sabi naman ni Gustine.

"Oo naman! Pero kapag sumweldo na 'ko. Ang sarap dito, 'no?"

"Sinabi mo pa."

"Kakain ako nang marami para meron akong energy mamaya. Kung makakausap mo lang 'yong HR do'n, mapapabaon ka rin ng tissue." Napilitan akong tingnan si Bob Earvin nang hindi man lang niya ginalaw ang pagkain niya at nanatili lang na nakatingin sa akin. Ano ba ang ginagawa niya? Sinusubukan ba niyang basahin ang iniisip ko? "Sabi mo, nagugutom ka na?"

"Kailangan mo ba talagang umalis?"

"O-oo. Interview 'yon, kailangan kong puntahan. Baka ma-blacklist na ako do'n sa company kapag hindi ako sumipot. Sayang naman 'yong opportunity."

PINILIT ako ni Bob Earvin na ihatid ako pero nagmatigas ako. Para ano? Para malaman niyang nagsisinungaling ako? Ayoko nga! Baka maungkat pa niya ang rason kung bakit ako nagkakaganito. At para ano? Para mag-sorry lang siya? Wala naman siyang kasalanan, 'di ba? Alam kong hindi ko rin kayang magalit sa kanya kaya mas lalo akong naaawa sa sarili ko. Badtrip na buhay 'to. Love life na, naging bato pa.

"Ang tahimik mo," pansin niya sa 'kin habang papunta kami sa waiting shed.

"Kinakabahan lang," sagot ko.

Nakatungo lang ako dahil baka kapag tiningnan ko uli ang mukha niya ay basta na lang akong mag-breakdown at isipin niyang nasisiraan na ako ng bait.

Huminga ako nang malalim. "Sana matanggap ako, 'no? Hindi kasi ako sanay na walang masyadong ginagawa. Siguro dahil naging sobrang busy ako nitong nakaraang dalawang taon."

Siya na rin mismo ang nagpara ng taxi para sa 'kin.

"Good luck," sabi niya matapos buksan ang pinto ng backseat. "Sana sa mga susunod na araw, wala nang biglang magte-text ng interview."

Pilit man ay ngumiti ako.

Sana kasi wala ka na lang fiancée na biglang susulpot tapos ire-remind ang engagement party n'yo mamayang gabi. Mamayang gabi na.

"B-bye." Kinawayan ko siya.

"Marami dapat tayong pag-uusapan ngayon. 'Yong narinig mo kanina, hindi mo dapat narinig 'yon." Huminga siya nang malalim. Hindi ko maipaliwanag ang nakikita ko sa mga mata niya. Nagdadalawang-isip ba siya tungkol sa engagement niya? Sana huwag na lang siyang tumuloy.

Imbes na kumaway din ay basta na lang niya akong hinawakan sa magkabilang pisngi at hinalikan ako sa noo. I could melt into his arms right now. Kinikilig na dapat ako, eh. Pero mali. Lalo ko lang paaasahin ang sarili ko.

"B-bakit?" nautal na tanong ko.

"Gusto ko lang. Huwag kang mag-alala, pagkatapos nito, we'll have all the time to talk. Good luck."

"God bless dapat."

Sumakay na ako. Nang umandar na ang taxi ay nilingon ko siya pero sa salamin na lang sa likuran ng taxi. Nakatayo pa rin siya sa tabi ng waiting shed habang nakasunod ang tingin sa sinasakyan ko. Dapat hindi ko hinahayaan na ganito na lang ang mangyari. Dapat meron akong gawin.

"ANG AKALA ko, gagabihin ka na sa date mo, eh. Ano'ng nangyari? Ang aga mo yatang bumalik?" sunod-sunod na tanong sa akin ni Nanay nang makapasok na ako ng bahay. Napatigil siya nang mapatitig sa mukha ko.

"Mamaya na lang ako magkukwento, 'Nay. Brokenhearted na naman ako. Papasok lang ako sa kwarto 'tapos iiyak lang ako nang todo. Lalabas na lang uli ako kapag okay na 'ko. Sana maging okay pa 'ko."

"Puro ka kalokohang bata ka!" pagalit na sabi ni Nanay kahit nangingibabaw naman ang pag-aalala sa mukha niya.

"Sana nga po isang malaking kalokohan lang ang lahat ng 'to."

Tumalikod na ako at bagsak ang balikat na pumasok ng kwarto. Ano ba ang nangyari? Parang ang bilis. Hindi man lang ako nakapaghanda. Naupo ako sa kama at ibinagsak ang likod ko. Hindi ako mapalagay. Hindi ito patas.

Nagising ako na giniginaw. Nakahiga pa rin ako sa kama ko at alam kong namumugto ang mga mata ko. Nakatulugan ko ang pag-iyak. Napabalikwas ako at hinagilap ang cellphone ko. Si Bob Earvin! Hindi pwede 'to!

Nang makita ko ang oras sa cellphone ko ay napasinghap ako. Past seven na! I-d-in-ial ko ang number niya. Kailangan ko siyang makausap. Tapos na ako sa pagdadrama. Alam ko na ngayon kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung may silbi ito pero dahil hindi ito patas, susubukan ko pa rin ang tsansa ko.

Abot-abot ang kaba sa dibdib ko habang nagri-ring ang kabilang linya. Sana hindi siya busy. Sana hindi pa nagsisimula ang engagement party. Sana masunog ang venue para hindi matuloy. Pero sana walang mapahamak. Napapraning na ako. Kung ano-ano nang tumatakbo sa utak ko.

Malakas akong napabuntong-hininga nang sa wakas ay marinig ko na ang boses ni Bob Earvin. Parang kanina lang kami huling nagkita pero na-miss ko siya nang sobra.

"S-Sponge?"

"Yes, Donna ko?" May kakaibang lambing sa boses niya nang banggitin niya ang pangalan ko. Parang may mainit na kamay na humahaplos sa puso ko.

"Nasa'n ka?"

"Papunta pa lang sa venue."

"Hindi ko 'to natanong sa'yo kanina kasi naunahan ako ng sakit at takot. Naduwag ako kaya mas pinili kong umiwas. Bakit ka mae-engage? Bakit ka magpapakasal? Hindi ka naman mukhang in love sa Lilia na 'yon, ah? Hindi ka naman manhid, 'di ba? Siguro naman, kahit papaano, may idea ka na meron akong feelings para sa'yo. 'Di ba, Sponge?"

"Ang dami mo namang sinabi."

"Sumagot ka!"

"So nagdahilan ka lang na meron kang interview para takasan lang ako?"

"Malamang!" masungit na tugon ko.

"Sana sinabi mong lahat ng 'yan kanina no'ng magkaharap pa tayo."

"Masisisi mo ba 'ko kung inunahan ako ng takot?"

"'Sabagay, kahit ako, hindi ko rin kayang pag-usapan 'yong nangyari kanina. Merong sampung milyong utang si Lolo sa pamilya ni Liliane. Ang akala ni Papa, huminto na siya sa pagsusugal sa casino. But he did it again. Wala siyang pambayad kaya ang hininging kondisyon ng Lolo ni Liliane, pakasalan ko ang apo niya."

"Bakit naman gano'n?" malungkot na tanong ko. "Ang unfair. Hindi ka pambayad-utang lang, Sponge."

"I can't tell you everything over the phone."

"Alam ko. Pero 'yon na lang ba 'yon?"

"Nagtitiwala ka ba sa 'kin?"

"Sa'yo, oo. Sa Lilia De Lima na 'yon, hindi."

I hear him chuckle.

"Masaya ako sa mga narinig ko mula sa'yo, Donna. 'Yong sinabi ko sa'yo kahapon ng umaga, nakalimutan kong hindi pala kita girlfriend. But I meant it. Those three words, I meant to tell those words to you."

At pakiramdam ko ay biglang tumigil sa pag-ikot ang mundo ko. Hindi ako nakatugon agad. Naunahan na naman ako ng emosiyon ko at muling umagos ang mga luha ko. Bakit kailangan niya 'kong bigyan ng pag-asa kahit na nga ba ganito na ang sitwasyon? Mas gusto kong sabihin niya 'yon sa 'kin nang walang Liliane sa eksena, 'yong kaming dalawa lang talaga. Pero ano man ang mangyari pagkatapos ng gabing 'to, siguro, magpapasalamat na rin ako na pareho naman pala kami ng nararamdaman.

"And since you trust me, I have to go."

Lalo akong napaiyak pero tinakpan ko lang ang bibig ko para hindi niya gaanong marinig.

"Donna?" untag niya nang hindi ako tumugon.

"Ma-traffic ka sana!"

Narinig ko na naman siyang tumawa.

"'Pag ako na-traffic, pagsisisihan mo rin 'yan. Hintayin mo 'ko diyan sa inyo. Mag-uusap tayo. Hintayin mo 'ko. Hintayin mo lang ako."

"Kung tungkol lang din naman sa kasal mo, huwag na lang."

"Donna, naman, eh."

܏

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top