VII. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw

CHAPTER SEVEN

IBINIGAY ni Bob Earvin sa akin ang isang kopya ng papel na para bang ako ang mas nakakaalam dito. Dahil hindi ko naman alam kung paano kukontra ay pinili ko na lang na basahin. Isang Japanese restaurant ang pinili nilang pag-meeting-an.

Ang nakasulat pala dito ay ang mga publicity strategy na gagawin ng recording company para i-promote ang debut album ng Tough Love. Meron akong nabasang schedule ng mall shows, pagiging front act sa concert ni ganito, kakantahin ang OST ng teleseryeng ganito at iba pa.

"'Pag sikat ka na, huwag mo 'kong kalilimutan, ha?" sabi ko pa.

"Hindi mo ba pupuntahan lahat ng 'yan kapag na-launch na ang album namin?"

"Hindi siguro. For sure, kapag nakahanap na 'ko ng trabaho, magiging busy ako kaya wala na 'kong panahon para sa mga ganito."

"Wow. 'Sama."

"Ina-advice ng company na hindi sana maging sagabal ang inyong mga relasyon sa career ninyo," seryosong sabi ng producer. Her name is Florence Joyce Aragones. Hindi ko ini-expect na ganito pa pala kabata ang producer ng Tough Love. O baka nasanay lang ako na nasa likod lang ng spotlight ang mga kagaya niya. "As much as possible, keep it in private. Para rin sa inyo 'yon. Hindi dapat mag-suffer ang relationship n'yo dahil sa career."

Nagkatinginan kaming dalawa ni Bob Earvin. Bakit sa 'min nakatingin ang producer? Mukha bang may relasyon kaming dalawa?

"Bakit? Hindi ba kayo?" si Gustine ang nagtanong.

"Mukha bang kami?" tanong ko rin at tiningnan si Bob Earvin. "Sponge, mukha bang tayo?"

"Mukha bang type kita?" tanong naman niya.

Mariing naglapat ang mga labi ko. Ah, gano'n? Bakit kailangan niyang basagin ang trip ko? Natawa naman si Gustine sa 'min.

"Huwag mo 'kong kakausapin," paismid na sabi ko sa kanya at pinanggigilan ang bento box ko. Matapos niya 'kong halikan, sasabihin lang niyang hindi niya 'ko type?

"Si Kuya Quen, single 'to." Siniko ni Gustine ang nanahimik na drummer sa tabi niya.

Gwapo rin naman si Quen, long hair at neat tingnan pero... itong katabi ko talaga ang type ko.

"Type ba ni Donna ang mahaba ang buhok?"

"Mukha namang mas mabait ka kaysa sa isa rito," pasakalye ko.

Napatingin si Quen kay Bob Earvin at ilang sandali pa ay napangiting umiling-iling siya. "Makuha raw ako sa tingin."

Sakto namang nag-beep ang cellphone ko. Tiningnan ko at meron akong text galing kay Rico Jay.

WAT TYM K LBRE MMYA?

Tumawag si Rico Jay sa 'kin kanina para ipaalam na lumuwas siya para sa isang event. Hindi pa naman daw siya busy kaya baka pwedeng magkita naman kami kahit sandali lang. Sinabi ko lang na may importante akong lakad kaya titingnan ko na lang mamaya.

Siyempre, nahihiya naman akong magdahilan para hindi makipagkita sa kanya. May pinagsamahan pa rin naman kami at gusto kong maging maayos ang experience niya rito. Sa totoo lang, magkasing bait sina Rico Jay at Jestoni. Ewan ko ba rito sa puso ko.

AFTER LUNCH. OK LNG BA UN? reply ko.

OK NA OK S KN. J C U!

Sinabi ko na rin sa text kung saan kami magkikita at pumayag naman siya.

"'Yong Rico J. Puno na naman ba 'yan?" tanong ni Bob Earvin na sumilip pa sa cellphone ko.

Itinapat ko naman sa dibdbi ko ang cellphone ko. "'Palma' sabi ang apelyido niya, eh," paangil kong sagot.

"Eh, bakit ka nagagalit? Boyfriend mo na ba 'yan?"

"Suitor," taas-noong sagot ko naman. "Siyempre, bago ko siya sagutin, magmamaganda muna 'ko, 'no."

Pero sabi ko lang 'yon. Gusto ko lang malaman ni Bob Earvin na may nagkakagusto rin naman sa 'kin.

"Damihan mo ang kain."

"Ayoko. Kakain din naman kami mamaya ni Rico Jay. Nakakahiya naman sa kanya kung sabihin kong busog ako, 'di ba?"

"DITO kayo magkikita?" tanong ni Bob Earvin nang huminto na ang kotse niya sa parking lot ng mall na pagkikitaan namin ni Rico Jay. "May balak ka nang sagutin siya, 'no?"

"Normal bang tanungin mo 'ko niyan?" tanong ko rin at pinanlakihan siya ng mga mata.

"Bakit? Kahit si Bea, tinatanong ko kapag may bago siyang manliligaw. I can't let those jerks take her for granted."

"So ayaw mong ite-take for granted ako ng susunod kong boyfriend?"

"Of course." Pero halatang labas sa ilong niya ang sagot niyang 'yon.

Bigla akong napatagilid ng upo at pinakatitigan si Bob Earvin. Nagsalubong ang mga kilay niya dala ng pagtataka. Pinaghugpong ko naman ang mga kamay ko at painosente siyang nginitian.

"What? Don't give me that look, Donna. Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na natatakot ako kapag tinitingnan mo 'ko nang ganyan?"

Nang bahagya kong ilapit ang mukha ko kay Bob Earvin ay siya namang pag-atras niya.

"Sponge, pwede mo ba 'kong gawan ng malaking-malaking pabor? Please? Ngayon lang 'to. Babawi na lang ako sa'yo pagkatapos. Sige na naman... Sponge?" Hindi napigilang kumunot ng noo ko nang matitigan ko nang husto ang gwapong mukha niya. Anong nangyari sa kanya? Bakit? "Namumula ka?"

HUMINGA ako nang malalim at nakangiting sinulyapan si Bob Earvin. Papunta na kami sa entrance ng mall kung saan ako hihintayin ni Rico Jay. Simple lang naman ang pabor na hiningi ko sa kanya. Magpanggap lang siyang sweet sa 'kin sa harap ni Rico Jay para mag-isip ang isa na mayroong namamagitan sa 'min.

"Tingin mo, madali 'tong pinapagawa mo sa 'kin?" malamig na tanong niya sa 'kin.

"Sponge, para namang hindi ka nagka-girlfriend buong buhay mo, eh. O, ayon siya." Kinawayan ko si Rico Jay na nakatayo sa gitna ng entrance at exit.

Gumanti rin ng kaway si Rico Jay sa akin. Hinawakan ko pa si Bob Earvin sa braso at hinila.

"Kanina ka pa ba? Pasensiya ka na. Traffic kasi, eh."

"Hindi naman. Actually, kararating ko lang," sagot ni Rico Jay pero kay Bob Earvin naman siya nakatingin. "Sasama rin siya sa 'tin?"

"Ah, hindi, hindi," nakangiting sansala ko naman. Ipinakilala ko na muna sila sa isa't isa pero hindi ko binanggit kung ano ko si Bob Earvin. "Hinatid lang niya ako rito," sabi ko pa.

"Kumusta?" Pormal na pormal ang mukha ni Bob Earvin nang makipagkamay siya kay Rico Jay.

"Okay naman ako, Pare," pormal na pormal ding tugon ng huli.

"Ikaw na muna ang bahala kay Donna habang wala ako at busy sa pagtatrabaho para sa future naming dalawa."

Nanlalaki ang mga mata at napalunok na napabaling ako kay Bob Earvin. Hindi namin napag-usapan 'yon, ah. Parang totoong-totoo. Agad naman akong umakto nang normal at matamis na ngumiti bilang pasakalye.

"A-ang sweet mo talaga kapag kaunti lang ang mga tao."

"Mag-enjoy kayo nitong 'friend' mo, ha? Tawagan mo 'ko kung gusto mong magpahatid mamaya. Saka... gusto ko ng isaw para sa dinner mamayang gabi. Ikaw nang bahala."

Mariing naglapat ang mga labi ko at tumango-tango. Ako ang may gusto nito. Panindigan ko.

"Okay, isaw for dinner. Copy, Sponge." Nag-thumbs-up pa ako.

Ang sabi ko sa kanya, magpanggap lang na sweet. Hindi ko naman sinabing magpanggap siya na para bang nagsasama na kaming dalawa! Pero okay na rin iyon. Kaysa naman hindi niya 'ko tinulungan, 'di ba?

"Pa'no ba 'yan, nami-miss na agad kita?" sabi pa niya.

"Ahihi..." He's giving me more than I asked for. Nakakaloka.

"Bye, Donna ko." Inakbayan ako ni Bob Earvin at binigyan ng malutong na halik sa pisngi. "Enjoy kayo ng 'friend' mo."

Natulalang nasundan ko na lang siya ng tingin nang maglakad na siya pabalik sa parking lot. Napahawak ako sa pisngi ko at saka sa dibdib ko. Ang lakas ng kabog. Talo ko pa ang tumakbo nang mabilis.

"Donna raw niya ako?" Napabuga ako ng hangin. "Ang sweet talaga n'on," napangiting sabi ko at binalingan si Rico Jay. Mukhang shocked pa rin siya sa nakita niya. "H-halika na?"

NANOOD kami ni Rico Jay ng sine. Hindi man niya sabihin ay alam ko na hindi pa rin niya inaasahan ang ikinilos namin ni Bob Earvin sa isa't isa. Gusto kong humingi ng patawad sa kanya pero hindi ko na pwedeng bawiin ang mga nangyari kanina. Sana ay maintindihan na ni Rico Jay na hanggang friends lang talaga kami.

"Rico Jay," untag ko nang palabas na kami ng sinehan. "Okay ka lang?"

"Hindi."

Saglit lang ang pagkatigil ko.

"I'm sorry."

"Bakit ka nagso-sorry? Hindi mo naman kasalanan na nagkagusto ako sa'yo. Hindi mo kasalanan na patuloy pa rin akong umaasa kahit na ilang beses mo nang sinabi sa akin na kaibigan lang ang tingin mo sa akin. Inaamin ko na nai-insecure ako sa Bob Earvin na 'yon. Hindi hamak na mas gwapo siya kaysa sa 'kin at hindi hamak na mas gusto mo siya!"

Dahil doon ay napapisik ako.

"Pero ang bilis naman yata, Donna?"

"Actually, matagal na kaming magkakilala. Siya ang huling lalaking nagustuhan ko bago mo 'ko nakilala at nakatrabaho."

Lalong tumamlay ang malungkot na niyang mukha.

"Kung siya talaga, eh, di siya! Siguraduhin lang niya na siya na rin ang huli. Nakikita ko naman kasi na masaya ka sa kanya kaya magiging masaya na rin ako at magiging panatag na ang loob ko bago ako umuwi. Ang gusto ko lang ay hayaan mo 'kong maging kaibigan para sa'yo. Pwede lang ba 'yon, Donna?"

Hindi ko alam kung ano ang mga dapat kong sabihin para mabawasan ang sama ng loob niya.

"Ah, eh..." Ano pa nga ba ang magagawa ko para sa kanya maliban sa panatilihin ang pagkakaibigan namin? "O-okay. Masaya akong malaman na tanggap mo ang naging desisyon ko. Mahirap din para sa 'kin 'to, Rico Jay. Isa kang mabuting kaibigan. Maraming salamat at naiintindihan mo 'ko."

"Huwag na sana tayong magkailangan. Tara, mag-foodtrip tayo. Baka sakaling kapag nakakain ako, mabawasan na ang sakit sa puso ko."

Sumang-ayon naman ako. Dinala ko si Rico Jay sa isang café kung saan kami pwedeng kumain ng burger at nachos. Nagsisimula pa lang kaming kumain nang mag-ring ang cellphone ko. Tinatawagan ako ni Bob Earvin.

Ang bilis naman akong ma-miss ng lalaking ito.

"Hello, Sponge?" malambing na bungad ko.

"I miss you like crazy!"

Bigla akong napapisik nang marinig ang malakas na pagkanta ni Bob Earvin sa kabilang linya. Ano ang problema nito?

"Even more than words can say! I miss you like crazy every minute of everyday! Girl, I'm so down when your love's not around. I miss you, miss you, miss you... I miss you like crazy!"

"He-he..."

Hindi ko ma-imagine ang supladong katulad niya na kumakanta na parang timang.

"Nagustuhan mo ba ang pagkanta ko? Ha?"

"Kailangan talaga nakasigaw?"

"With feelings dapat."

"Naman," sabi ko at alanganing tumawa.

"Kahit ako, dinig ko," sabad ni Rico Jay.

"Ganito talaga si Sponge. Walang lugar ang pagka-sweet."

"May baon pa 'ko rito. Gusto mong marinig?" tanong ni Bob Earvin.

"Ay! Huwag na!" maagap kong pigil. "May nakakita ba sa'yo habang kumakanta ka?"

"Nasa loob ako ng kotse. Pwede pa kitang kantahan."

"Pwede bang kapag nagkita na lang tayo mamaya? Ayokong mawalan ka ng boses. May dinner pa tayo mamaya, 'di ba?"

"Okay. Pero kahit sample, ayaw mo?"

"Later. I can't wait to see you later."

I mean it though. Hindi lang iyon basta pasakalye lang.

"Ako rin."

"Ang sarap namang pakinggan."

"Maniningil ako nang malaki, baka akala mo."

"Hindi ko kakalimutan ang isaw, promise 'yan. Basta. Mamaya!"

"I-ENTERTAIN n'yo si Rico Jay para sa 'kin, ha? Makakaasa ba ako sa inyo? Ha?" Pinaghugpong ko pa ang mga kamay ko at nginitian sina Darlene at Janice.

Nakatayo kami sa labas ng bar para hintayin si Rico Jay. Naisipan kong yayain siya at ang mga pinsan ko para gumimik ngayong gabi. Aalis na bukas si Rico Jay at gusto ko namang hindi maging malungkot ang sandaling bakasyon niya.

"Ginawa mo naman kaming babysitter, 'Te," reklamo ni Janice. "'Di ba kayo ang magkaibigan n'on? Bakit kailangan naming madamay?"

"Ang sungit mo naman."

"May dalaw kasi 'yan," si Darlene. "Wala namang problema sa akin basta mabait lang 'yong kaibigan mo."

"Hindi kaya magselos si Ador? Sinasabi ko sa'yo, pogi si Rico Jay na kaibigan ko."

"'Yon lang naman ang hinihintay ko, ang magselos siya. In that way, malalaman ko kung may pagtingin din ba siya sa akin. Aba, 'Te, kung uso sa iba ang malabong usapan, hindi uobra sa akin 'yan. Nag-e-expire ang matris ng babae, hello!"

"Lalong sumasakit ang matris ko sa'yo, Darlene," pakli ni Janice at natawa naman ako.

Napatigil ako nang may tumabig sa 'kin. Nang tumingin ako sa tabi ko ay nakita ko si Bob Earvin. Hindi man lang siya nag-abalang tawagin ang pangalan ko. Tinabig lang niya ako para batiin. Ang galing.

"Hi, Sponge," nakangiting bati ko. "Parang kailan lang no'ng huli tayong magkita. Kailan nga ba 'yon?"

"I miss you like—"

"Ssshhh!" mariing saway ko at tinakpan ng mga kamay ko ang bibig niya.

"Si Bob Earvin!" gulat na anas naman ng mga pinsan ko.

Puno ng pagtataka ang mga mata ng dalawa habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa amin ni Bob Earvin. Parang hindi sila makapaniwala na magkakilala pala kaming dalawa.

"H-hindi 'to katulad ng iniisip n'yo," maagap na sabi ko. "We're not together—"

"Yet," dugtong naman ni Bob Earvin nang alisin ang mga kamay ko.

"Pero may 'something' pa rin sa inyong dalawa," si Darlene. "Tama? Niyaya mo kami rito ni Janice para ipamukha sa amin na mas maganda ka sa amin. Tama? Na nakuha mo ang atensiyon ni Bob Earvin nang walang kahirap-hirap, eh, kami itong matagal nang fan?"

"Mas lalong sumakit ang matris ko, totoo na 'to."

"Hindi ba kayo masaya para sa 'kin?" sa halip ay tanong ko.

"Asa ka pa!" sabay na angil sa 'kin ng dalawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top