V. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw
CHAPTER FIVE
"ANG daming tao!" hindi makapaniwalang anas ko habang papasok na kami sa bar.
Kung meron mang nagbago sa bar na 'to, 'yon ay ang dami ng taong pumunta. Hindi ko alam kung mapapanood ko ba nang maayos si Bob Earvin kapag nag-perform na sila. Ano pa nga bang magagawa ko? Sumisikat na ang Tough Love. Dapat na lang akong maging masaya para sa kanila.
Sana lang, kahit na marami na ang taong nakakasalamuha nila ay hindi pa rin niya ako nakakalimutan. Na minsan, may nakilala siyang brokenhearted pero magandang babaeng nagngangalang 'Donna'.
"Hindi problema 'yon, Donna," pakli naman ni Janice. "Noong unang araw pa lang ng bentahan ng tickets, sumugod na kami nitong si Darlene para hindi kami maubusan. Siyempre, alam namin na darating ka kaya nag-effort kami nang todo."
"Ang sabihin n'yo, ayaw n'yo lang maunahan kayo ng iba do'n sa Bob Earvin n'yo," pakli ko naman.
"Well!" sabay pang sabi ng mga pinsan ko at naghagikhikan.
Nadala tuloy ako sa tawa nila. Nang makaupo na kami sa unahang mesa ay mas nadoble yata ang kaba sa dibdib ko. Maganda ang view ng stage mula sa kinaroroonan namin. Tiyak kong maganda rin ang view ni Bob Earvin habang nagpe-perform siya.
At hanggang sa mga sandaling ito ay hindi ako mapalagay. Parang may mga paruparo sa tiyan ko. Hindi ko alam kung ano ang ikikilos ko. Ano ang magiging reaksiyon ni Bob Earvin kapag nakita niya 'ko? Will he even notice me?
"Order na tayo ng inumin," sabi ko sa dalawa.
Siguro, mawawala rin itong tensiyon sa sistema ko kapag nakainom na 'ko. Kakalma na rin ako kahit papaano.
"Sandali nga, hindi ko mahagilap ang waiter," si Darlene.
"Huwag ka kasing magpa-cute kay Ador. Hindi ka rin liligawan niyan dahil saksakan ng torpe 'yan."
Gulat na napatingin ako kay Janice.
"Hindi ako nagpapa-cute sa kanya, 'no," kaila naman ni Darlene.
"Hindi raw." Janice makes a face.
"Ano'ng meron sa inyo ni Ador?" naintrigang tanong ko kay Darlene.
"Wala!" nanlalaki ang mga matang sagot ni Darlene. "Ito kasing si Janice, reyna ng mga malisyosa. Inalok lang ako n'ong tao ng jacket niya dahil lamig na lamig ako."
"Eh, 'di ba, sinabi mo pa na kung sino man ang magpapahiram sa'yo ng jacket, mamahalin mo habang-buhay? Hindi ka lang pinahiram ni Ador ng jacket niya, ibinigay na nang tuluyan sa'yo. Kunwari ka pa, 'Te, eh!"
Natawa ako. Mukhang base sa reaksiyon ni Darlene ay nasukol siya. Kunsabagay, gwapo nga ang manager ng bar na iyon. Kaso halata rin sa hitsurang mahiyain ito. Kung gusto ni Darlene si Ador, mukhang siya dapat ang gumawa ng unang hakbang. Buti pa 'tong pinsan ko, luma-love life na.
Naagaw ang atensiyon namin nang biglang dumilim ang stage. Nahigit ko ang paghinga ko at bumundol na naman ang kaba sa dibdib ko. Ang Tough Love na ba ang magpe-perform?
Narinig kong tumili si Janice. Napaayos ako ng upo at huminga nang malalim. Hindi na rin mapigilan ng ibang mga nandoon ang mapasigaw at ang mapapalakpak dahil sa excitement.
"Good evening, everyone!" malakas na bati ng isang boses mula sa kung saan. "I know you have been waiting for this. Huwag na natin 'tong patagalin. Folks, we now give you the most promising band of this generation. Give it up for Tough Love!"
"Omigosh," hindi napigilang anas ko. Sigurado naman akong hindi ako maririnig ng mga pinsan ko dahil mas malakas ang boses ng mga katabi naming mesa.
At mamaya ko na lang pasasalamatan ang mga pinsan ko dahil sa maagap na pag-reserve nila ng tickets. Halos hindi na ako kumurap nang isa-isang umakyat sa stage ang mga miyembro ng Tough Love. Humaba ang leeg ko para lang makita si Bob Earvin.
Naunang umakyat ang frontman, ang drummer, ang isa pang gitarista, at ang isang lalaking matangkad at naka-all black. Idinilat ko nang husto ang mga mata ko sa huling lalaking umakyat. Angat na angat sa mga mata ko ang aura niya. Hanggang sa kinuha niya ang kanyang gitara ay hindi na ako mapalagay sa upuan ko.
At biglang lumiwanag ang stage. Napatili ako dahil sa pagkagulat. Mabilis akong napatakip sa bibig ko at napatingin sa mga pinsan ko. Mukhang hindi naman nila ako napansin dahil busy rin sila sa pag-fangirl. Muli akong napatingin sa stage at kulang na lang ay tumayo ako.
Kamuntikan ko nang hindi makilala si Bob Earvin. Maikli na ang buhok niyang dati ay mala-KPop at may kulay pa. Ngayon ay itim na iyon. Mas lalo siyang naging fit. Bakat ang mga braso niya sa suot na itim na long-sleeved polo. Lalo siyang gumwapo pero mukha pa rin siyang suplado.
Hindi ko na naitago ang mga ngiti ko. Gusto kong magtititili pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. Noong umalis ako, palagi kong tinitingnan ang fanpage ng Tough Love para sa updates nila. Masyadong mailap si Bob Earvin sa camera kaya wala akong makitang matinong picture niya. Sinubukan ko ring hanapin ang Facebook account niya pero nakapribado iyon. Nahiya naman akong i-message siya para lang magpa-friend request.
Ano nga kaya ang nangyari sa 'min ni Bob Earvin sakaling hindi ako umalis? Mas lumalim kaya ang pagkakaibigan namin? Na-develop kaya ako sa kanya?
Walang duda 'yon.
Inilagay ko ang mga palad ko sa tapat ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag ang saya ko na muli siyang makita. Magiging mainstream na ang Tough Love at maraming oportunidad ang magbubukas sa banda. Lalong dadami ang fans nila, makikilala sila sa iba pang parte ng bansa, magko-concert, at maggi-guest sa mga sikat na palabas. Lahat ng iyon ay alam kong posibleng mangyari. Nalulungkot ako dahil baka hindi ko muling makakausap si Bob Earvin kaya aaluin ko na lang ang sarili ko na iyon naman ang makakabuti para sa kanya at sa banda niya.
At least, nagkaroon ako ng pagkakataon na maging kaibigan niya kahit sa maikling panahon lang. Kahit papaano ay maipagmamalaki ko na ring nakilala ko siya.
"Good evening, everyone!" ang gwapong-gwapong bokalista ng Tough Love na si Gino. "Hindi kami tatagal ng ilang taon kung hindi dahil sa suporta ninyo. Nagpapasalamat kaming lahat sa inyo dahil habang tumatagal, parami kayo nang parami. At sa bagong kabanata ng aming music career, umaasa kami na sana nandiyan pa rin kayo para sa 'min."
Patuloy ko lang na pinagmasdan si Bob Earvin habang nakatayo siya at mukhang endorser ng mamahaling gitara, naghihintay ng senyales na simula na ng performance nila.
Sponge, tingin ka naman dito. Nandito ako, o. Kailangan mong makita na ang laki ng iginanda ko. Sponge... who lives in a pineapple under the sea...
"Alright, hindi talaga ako magaling magsalita kaya kakanta na lang kami."
HANGGANG sa matapos ang performance ng banda ay lutang pa rin ang pakiramdam ko. May mga pagkakataon na naiiyak ako pero hindi ko lang ipinapakita sa mga pinsan ko dahil busy rin silang dalawa sa pagiging loka-loka. Hindi hamak na mas malala ang reaksiyon nilang dalawa kaysa sa 'kin.
Hiniling ko kanina na sana kahit sandali lang ay mapagawi ang tingin ni Bob Earvin sa 'kin pero hindi iyon nangyari. He was too absorbed with his instrument that he was even closing his eyes. Kapag nagmumulat naman siya ay sa ibang direksiyon din siya napapatingin.
Nanghihinayang ako pero sa isang banda, okay na rin iyon. At least, malaya ko siyang napagmamasdan nang hindi niya nalalaman.
"To be... mahiwagang tutubi!"
Tawang-tawa kami sa parody ni Janice ng 'The Day You Said Good Night' na pinasikat ng bandang Hale. Iyon din ang isa sa mga tumatak na cover ng Tough Love sa 'kin kanina.
Nakababa na ang banda sa stage kaya wala nang magandang tanawin sa harap. Saan ko naman kaya pwedeng abangan si Bob Earvin mamaya? Wala lang. Gusto ko lang magpapansin sa kanya.
Pero paano nga pala kung meron na siyang girlfriend? Ikaw naman, Donna.
BIGLA namang tumunog ang cellphone ko na nasa bulsa ng jeans ko. Tiningnan ko ang cellphone ko at si Nanay ang tumatawag. Mabilis akong nagpaalam sa mga pinsan ko at lumabas ng bar para makausap ko si Nanay nang maayos.
"Hello, 'Nay?" Tumayo ako sa parking area kung saan walang dumadaan.
"Anak, ano'ng oras kayong uuwi ng mga pinsan mo?"
"Mga mayamaya lang po. Ang usapan kasi namin manonood lang kami ng performance ng paborito naming banda. Uuwi na rin po kami kapag tapos na."
"Nagluto kasi ng adobong manok ang tatay mo. Itatanong ko lang kung titirhan ka pa ba namin kasi itong kapatid mo, parang bibitayin kung kumain, eh."
"Ay, teka lang, teka lang, teka lang!" maagap na sabi ko. "Alam kong bisayang manok 'yan. 'Nay, utang-na-loob, tirhan mo 'ko kahit paa lang. Sige na, 'Nay." Kapag si Tatay ang nagluto, siguradong sira ang diet ko.
"O, sige. Sasabihan ko si Dindy na iluwa 'yong paa para sa'yo. Basta umuwi kayo kaagad, ha? Delikado na ang panahon ngayon, alam mo naman."
Napangiti naman ako.
"Oo naman, 'Nay. Siyempre, gusto kong maabutan 'yong manok. Baka kasi mapanis kaagad."
Nagpaalam na rin ako kay Nanay. Pagpihit ko sa direksiyon ng entrance ng bar ay bigla na lang akong napaatras nang makita ko ang isang pigurang nakaharang sa daanan ko.
Nang mag-angat ako ng tingin ay nanlaki ang mga mata ko. Si Bob Earvin! Si Bob Earvin ba talaga 'tong nasa harap ko? Hindi ko pa naman pala kailangan ng salamin para makompirmang siya nga, wala nang iba. Hindi hamak na mas gwapo siya sa malapitan kagaya nang huling beses ko siyang nakaharap. Sinadya ba niyang sundan ako? O baka nagkataon lang? Ayokong mag-assume at magmaganda.
Hinintay ko na meron siyang sabihin pero patuloy lang niya akong pinagmasdan. Hindi ko mabasa ang ekspresyon niya. Huwag niyang sabihing gandang-gandang siya sa 'kin sa lagay na 'to? Hindi talaga ako maniniwala sa kanya.
Nanay ko po. 'Yong tuhod ko, nanginginig na.
Nang humakbang siya palapit sa akin ay napaatras naman ako. Dapat ay sitahin ko na siya sa mga ikinikilos niya pero hindi ko naman mahanap ang dila ko. Masyado akong nasasapawan ng mabilis na pagkabog ng dibdib ko.
Donna, ano na?
Malakas akong napasinghap nang tumama ang likod ko sa isang matigas na bagay—sa isang kotse. Ano ba ang dapat kong gawin? Natatakot ako kapag ganitong hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Bob Earvin.
Mabilis kong iniharang ang mga braso ko nang tawirin niya ang maliit na espasyo sa pagitan namin. Hinawakan niya ang mukha ko at ilang sandali pa ay naramdaman ko na lang ang mainit niyang mga labi sa mga labi ko.
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Pero sandali lang iyon dahil agad na sinakop ng lalaking-lalaking amoy niya ang sistema ko. Natutunaw ang depensa ko. Ipinikit ko ang mga mata ko at kinalimutan ang pag-aalinlangan ko. Hindi ko kailanman inakalang matitikman ko ang mga halik ni Bob Earvin. This isn't my first kiss but it feels like it is. Something inside me felt alive. I found myself responding to his kisses, meeting each thrust of his tongue.
Napakapit pa ako sa damit niya para hindi ako mabuwal. I feel light-headed. I won't deny it. Ang sarap niyang humalik.
Pero mali pa rin ito.
And it took all my courage to cut the kiss. Pareho kaming naghahabol ng hangin. Nagkatitigan kami at nakikita ko ang pagtataka sa mga mata niya. Awtomatikong umigkas ang isang kamay ko at dumapo iyon sa isang pisngi niya. Gulat na gulat si Bob Earvin nang hawakan niya ang nasaktang pisngi. Kahit ako ay nagulat din sa ginawa ko.
Nakita ko ang pag-igting ng panga niya.
"Para saan 'yong sampal na 'yon?" tanong niya.
"At para saan din ang halik na 'yon? Bastos ka!" pagalit ko ring tanong.
"Hinalikan kita dahil dalawang taon kang hindi nagpakita sa 'kin. 'Asan na 'yong ipinangako mong magde-date tayo?"
Natameme ako. Dalawang taon na pero hindi man lang nakalimutan ni Bob Earvin ang sinabi kong lalabas kami?
"'D-di ba, parang wala lang naman ang usapan nating 'yon?" sabi ko nang makabawi. "Bakit hindi mo pa rin 'yon nakalimutan?"
"You could have told me you don't want to go out with me. Hindi 'yong paaasahin mo 'ko at magpapakita ka na lang dahil inakala mong nakalimutan ko na 'yon. Just so you know, I waited for you."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top