IV. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw

CHAPTER FOUR

"NAG-ENJOY ako ro'n," nakangiting sabi ko kay Bob Earvin nang naglalakad na kami papunta sa waiting shed. "Salamat, ha?"

"Hindi ba kita pwedeng ihatid?" sa halip ay tanong naman niya sa 'kin.

Ay, masyado naman siyang mabilis. Hatid agad?

"Hindi na kailangan. Maaabala ka pa, eh. I'll be fine."

"Pwede ba tayong lumabas?"

'Yon ang mas hindi ko inaasahan.

"Wala ka bang girlfriend?" sa halip ay tanong ko.

"Matagal na 'kong single. But I date."

"Pero hindi exclusive?"

"I chose to."

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano sa narinig ko.

"Ano nga ulit 'yong tanong mo?"

"Pwede ba tayong lumabas?"

"Date ba ang ibig sabihin niyan?"

"Not necessarily a date. Let's just go out."

"Ayokong makipag-date hangga't hindi ko nasisiguro sa sarili kong buo na ulit ako. And besides, gusto ko, kung makikipag-date man uli ako ay doon sa lalaking handa na rin sa pangmatagalang commitment."

"Gaano katagal?"

"Kasing tagal ng habang-buhay?"

Hindi agad nakasagot si Bob Earvin sa sinabi ko. Obviously, hindi pa siya handa sa mga ganitong bagay. Hindi ko naman siya masisisi. Wala naman akong masyadong alam sa kanya.

"You're a nice guy, Bob Earvin. Capable ka naman sa isang seryosong commitment, hindi mo pa lang siguro iyon nare-realize."

Kibit-balikat lang ang tugon niya. Gusto ko sana siyang sitahin. It seems like he doesn't find commitments interesting.

"May iba ka pa bang ginagawa bukod sa pagtugtog?" pag-iiba ko na lang.

"I'm a software engineer."

"Wow, nosebleed." Pabirong hinawakan ko pa ang ilong ko.

"Ikaw?"

"Government employee naman ako."

"Wow, nosebleed." Hinawakan din ni Bob Earvin ang ilong niya.

Natawa naman ako.

"Wala ka bang palayaw?" tanong ko pa. "Hindi ko alam kung tatawagin lang ba kitang 'Bob' o 'Earvin' o 'Bobby'? Hindi ko feel ang pangalan mo, sa totoo lang."

"Kung gusto mo 'kong binyagan ng bagong pangalan, okay lang."

Nanlaki ang mga mata ko.

"Talaga? Okay lang?" Bakit pakiramdam ko, isang malaking honor ito?

"Basta, walang ibang makakaalam."

Wala raw ibang makakaalam. Ano iyon? Parang may sekreto kaming dalawa? Hindi ko tuloy mapigilan ang mapabungisngis.

"Alam ko na! Sponge!" Ngumisi ako na para bang iyon na ang pinakaastig na bagay na naisip ko.

"Sponge?" Halatang naguluhan si Bob Earvin sa sinabi ko.

"Sponge. Bob. Sponge Bob."

Gayon na lamang ang ngiwi niya.

"Sponge? Ang pangit!"

"Bakit? Tayo lang naman ang nakakaalam, ah? Promise, walang tatawa kapag tinawag kitang 'Sponge'."

"Mag-iisip ka na rin lang ng pangalan, galingan mo naman. Alam mo ba 'yong salitang 'originality'?"

"Of course, Sponge. Kaso, wala ako n'on. Magdusa ka ngayon. Sponge." Tinakpan ko ng mga kamay ko ang bibig ko at humagikhik.

Bumuntong-hininga naman siya at napalatak na lang.

"Pumayag na 'kong binyagan mo 'ko ng mapanghing pangalan. Siguro naman, 'oo' na ang sagot mo sa tanong ko."

Napabungisngis na naman ako. Mukha na 'kong sira. Whew!

"Ano nga ulit 'yong tanong mo?"

"Payag ka bang lumabas tayo?"

This time ay seryoso ko na siyang tiningnan.

"Seryoso ka ba?"

"Tatanungin ba kita nang paulit-ulit kung nagbibiro ako?"

"Mukha namang wala kang masamang intensiyon. Sige, lumabas tayo. Kapag nagkita tayo ulit. Sana wala ka pang girlfriend n'on."

"Hindi naman ako makakahanap ng girlfriend nang ganoon kabilis."

"'Yang gwapo mong 'yan?"

Nagkibit-balikat lang si Bob Earvin.

"Nabilang mo na ba kung ilang taxi na ang nakalagpas dahil ayaw mo 'kong parahan?" tanong ko pa.

"'Eto na nga."

Siya na mismo ang nag-abang ng paparating na taxi. Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan si Bob Earvin nang hindi na siya nakatingin.

Sasabihin ko ba sa kanya na aalis na 'ko? May pakialam naman kaya siya? Hindi pa naman kami ganoon katagal na magkakilala. Pero sigurado naman ako na isa si Bob Earvin sa mga hindi ko makakalimutan kapag nakaalis na 'ko. Sana lang talaga, kapag nagkita kami ulit ay handa na ako at single pa rin siya.

"Hindi mo man lang ba kukunin ang number ko?" tanong ko nang huminto sa harap namin ang isang taxi.

"Sa susunod na lang nating pagkikita. It will be soon anyway."

Nakangiting tumango naman ako.

"Yeah. Soon. See you soon, Sponge. Pwede ka bang mayakap? Gusto ko lang ng remembrance na meron akong nakilalang lalaking kasing gwapo at kasing talented mo."

Walang salitang hinapit ako ni Bob Earvin sa baywang. I hug him firmly and savor his scent. Yes, he is real. At ang pakiramdam na iyon, naramdaman ko ulit matapos ang matagal na panahon. Hindi na rin masamang remembrance sa pag-alis ko.

2 years later...

"TOTOO bang pumayag ka nang magpaligaw kay Rico Jay?"

Hindi maipinta ang mukha ko nang balingan ang makeup artist na kaibigan kong si Tippy.

Katatapos lang ng debut na in-organize namin at nagliligpit pa lang kami ng mga gamit. Sa totoo lang ay kating-kati na akong umuwi. Inaantok na talaga ako. Masyadong naging stressful ang event na 'to. Isa 'to sa pinakamalaking event na in-organize namin dahil sobrang yaman ng family ng debutante.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi pa ako handang magpaligaw? Hindi ko nga alam kung bakit ayaw n'ong sumuko, eh."

Ang Rico Jay na tinutukoy ni Tippy ay ang events photographer ni Tita Mocha. Mabait naman siya at gwapo rin pero hindi ko talaga makuhang maakit sa kanya. Mabuti siyang kaibigan at sa tingin ko ay hanggang do'n lang 'yon.

"Tinanggap mo raw kasi 'yong kapeng ibinigay niya. Na-misinterpret yata n'ong isa."

"Inaantok lang ako no'n kaya wala akong choice kundi ang tanggapin ang iniaalok niyang pampagising. Ang tindi talaga ng tiyaga ng isang 'yon."

"Mas matindi ka. Hindi ka man lang bumigay. Hindi ba, two years ka nang single? Wala pa rin talaga sa isip mo ang mag-boyfriend ulit para sunod naman nating planuhin ang kasal mo?"

"Eh, bakit mas advance ka pang mag-isip kaysa sa 'kin?"

"Ikaw kaya 'yong nakasalo ng bouquet ni Judie last week!"

Si Judie ang resident florist namin at ikinasal na sa foreigner boyfriend niya noong nakaraang linggo. Hindi namin siya kasama ngayon dahil nga nasa honeymoon.

"Hindi ko 'yon sinalo. Sinadya talaga niya 'yong ihagis sa akin!" giit ko naman. Palibhasa, ako ang pinakamaganda sa 'min kaya ako na lang ang palagi nilang nakikita.

"Gano'n pa rin 'yon, eh. Inggit nga ako. Ako talaga ang may gusto n'ong bouquet."

Natawa naman ako.

"Sana pala sinabi mo nang naipasa ko agad sa'yo habang wala pang five minutes." Napainat pa ako at napahikab. "Hindi na ako makapaghintay na umuwi. Nakaka-miss na. Pero bago 'yon, gusto ko na talagang matulog. Mauuna na 'ko sa kotse, ha?"

"Sige na. Ikaw na ang maganda."

"NAKAKAI-STRESS talaga nang bongggang-bongga ang event ngayong gabi. I'm so glad that it's over! Argh, kumusta naman kaya ang beauty ko nito?"

Nakahiga na ako sa kama habang si Tita Mocha naman ay nasa harap ng salamin at nag-e-effort pang magtanggal ng kolorete sa mukha niya.

Sa loob ng dalawang taong pagtatrabaho ko sa Mocha-Flavored Events ay ganoon palagi ang pakiramdam ko. Lagi akong pagod pero nagpapasalamat pa rin ako dahil na-occupy nang husto ang isip ko. Pakiramdam ko ay meron akong ginagawang makabuluhan sa buhay ko. I am not hurting with my failed relationship with Jestoni anymore. Two years was more than enough. Kung tutuusin, handa na akong bumalik sa amin pero masyado lang naging demanding ang trabaho ko bilang assistant ni Tita Mocha.

Event organizer sa abroad ang tiyahin ko. Nang makaipon ay umuwi siya ng Pilipinas at nagtayo ng sariling negosyo. Fortunately, nag-boom naman ito. Mayaman na ang Tita ko. Wala pa siyang anak pero meron siyang boyfriend na Turkish. Hindi naman siya nag-ampon. Kaming magpipinsan ang tinulungan niya at malaki ang utang-na-loob ko kay Tita dahil siya ang nagpaaral sa 'kin sa college.

"Naiinggit ako sa'yo, Tita. Hindi ka nawawalan ng energy," napahikab pang sabi ko.

"Nakapagdesisyon ka na ba kung babalik ka pa rito sa MFE kapag nakauwi ka na sa inyo?" pag-iiba niya.

"Don't get me wrong, Tita. Mahal ko ang trabaho ko rito pero siguradong pipigilan na ako nina Nanay na bumalik. Ang paalam ko naman talaga sa kanila noon, kapag naging okay na 'ko, saka lang ako babalik. At matagal na 'kong naging okay. Nawili lang talaga ako rito."

"Sana ma-heartbroken ka ulit para maisipan mong balikan ang trabaho mo rito."

Natawa ako. Ang kulit talaga nitong tita ko. Kapatid nga siya ng nanay ko.

"Tita, naman. Kapag na-heartbroken pa 'ko, baka mawalan na talaga ako ng pag-asa sa pag-ibig. Ayokong tumandang mag-isa."

"Gusto mo, hanapan kita ng foreigner?"

"Pinoy na lang, Tita. Lalayo pa ba 'ko?" hirit ko.

"Sige na nga. Malaki na ang naitulong mo sa akin sa loob ng dalawang taon. Deserved mo ring unahin ang sarili mo ngayon. You are my dearest pamangkin and I want nothing but the best for you. Huwag kang matatakot na ma-in love ulit, Donna, ha? Ang sarap kaya ng feeling."

"I know, Tita," sang-ayon ko naman. "Pero lagi namang bukas ang Mocha-Flavored Events para sa 'kin, 'di ba?"

"Oo naman. Ikaw pa ba?"

HINDI maalis-alis ang mga ngiti ko habang sakay ako ng taxi pagkatapos kong manggaling sa pier. Walang naghatid sa 'kin dahil busy ang mga tao sa MFE. Isa pa, kagabi pa lang ay maayos na akong nakapagpaalam sa mga kasama ko. Maliban kay Rico Jay. Sabi niya ay dadalawin daw niya ako para ituloy ang 'panliligaw' sa 'kin.

You're all that I need. Yeah...

Napatuwid ako ng upo nang i-on ng driver ang radyo. Sumikdo ang puso ko nang marinig ang pamilyar na kantang iyon. Two years na pero sa tuwing naririnig ko ang kantang 'to, parang kahapon lang nangyari ang gabing 'yon.

"Manong, pwede ho bang pakilakasan ng radyo ninyo?"

"Hindi mo na kailangang sabihin 'yan, 'Neng, dahil gagawin ko talaga 'yon. Aba, favorite song ko yata ito," tugon naman ng driver.

Napangiti ako.

"'Yong tatay ko rin po favorite niya 'to. At n'ong isang kakilala ko."

Kumusta na kaya siya? Naaalala pa kaya niya 'ko? May girlfriend na kaya siya? Makikilala pa kaya niya ako kapag nagkita ulit kami? Bakit ganito na lang ang pananabik ng puso ko?

I know that she's always there when I need her loving. I know that I never told her how much I love her. I see her face before me I look in her eyes wondering why she doesn't know, she doesn't know...

"She doesn't know!" sabay pang kanta namin ni Manong Driver.

You're all I need beside me, girl. You're all I need to turn my world. You're all I want inside my heart. You're all I need when we're apart.

"NIGHTOUT uli tayo!" patiling sabi ni Janice na agad namang sinang-ayunan ni Darlene sa pamamagitan ng tili rin.

"Grabe. Hindi pa rin talaga kayo nagbabago," kunwari ay pakli ko kahit na ang totoo ay alam ko na kung saang bar lang ako yayayain ng mga pinsan ko.

Nagulat ako nang pagdating ko sa bahay ay nandito na silang dalawa. Ipinagluto pa nila ako ng mga paborito kong pagkain dahil tiyak daw na mahaba-haba ang kwentuhang mangyayari. Nasa kawayang mesa kami sa ilalim ng malaking puno ng mangga sa bakuran ng bahay namin. Nakakausap ko naman silang dalawa sa social media pero iba pa rin talaga kapag kausap ko 'tong mga baliw na 'to nang personal. At aaminin kong walang mga katulad nila doon kina Tita Mocha.

"Ang dami mong na-miss dito noong umalis ka," si Darlene. "Hindi mo ba alam? Pumirma na ng recording contract ang Tough Love at tinatrabaho na ng management nila ang kanilang debut album. At dahil naging busy na sila, isang beses sa isang linggo na lang sila kung mag-perform at mamayang gabi, susunggaban natin ang pagkakataon. Hindi ka naman tatanggi, 'di ba? Dalawang taon ang utang mo sa 'ming babae ka."

"Hindi n'yo rin talaga ako na-miss sa lagay na 'yan, 'no? Pero sige. Dalawang taon din akong walang social life doon kina Tita Mocha dahil busy kami sa mga event." Hindi ko naitago ang mga ngiti ko pero hindi ko sasabihin na dahil iyon sa excitement ko na muling makita si Bob Earvin. At hindi ko rin maipaliwanag ang nararamdaman kong kaba. Masaya ako sa nangyayari sa music career niya. "At single ako kaya wala naman sigurong magagalit kapag lumabas ako."

"Taray! Naka-move on na nga ang bruha!" kantiyaw naman ni Janice.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top