II. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw
CHAPTER TWO
"SERYOSO ka na ba riyan, Donna? Hindi na ba talaga namin mapipigilan ang desisyon mo? Pambihira ka naman. Kailangan mo ba talagang lumayo para mag-move on? Baka pati kami, makalimutan mo na rin niyan."
"Pwede ba naman 'yon, Darlene?" sabi ko habang ngumunguya ng banana cue.
"Kailan effective 'tong resignation mo?"
"Effective today."
"Effective today?" malakas na ulit nina Darlene at Janice. Mga katrabaho ko rin sila sa city hall pero sa magkakaibang department kami naka-assign.
Ang akala nila ay um-absent lang ako pero nakipagkita ako sa kanila sa paborito naming karinderya nang hapon para ipaalam sa kanila ang plano ko.
"Matagal ko nang balak ang mag-resign. Hindi ko lang sinabi sa inyo dahil alam kong pipigilan n'yo ko. Matagal na 'kong kinukumbinse ni Tita Mocha na tulungan siya sa events business niya. I think panahon na para tanggapin ko 'yon kasi sayang naman. Bagong environment, bagong experience—makakatulong sa 'kin 'to para maka-move on. Ayaw n'yo ba 'yon?" paliwanag ko naman.
"Eh, kailan ka naman babalik?" tanong ni Janice.
"Hindi pa nga ako nakakaalis," pakli ko.
"Kailan ka nga babalik?" pangungulit naman ni Darlene.
"Eh, di hanggang sa maging okay na 'ko. Hanggang sa makalimutan ko na ang binigay na sakit sa puso sa akin ni Jestoni. Hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo, 'di ba? For sure, makakahanap pa rin ako ng lalaking magmamahal sa 'kin na isasama ako sa mga pangarap niya. Saka tanggap ko nang hindi na kami magkakabalikan pa—na hindi na siya babalik sa buhay ko. 'Tong ganda kong 'to?" Inilagay ko pa ang likuran ng palad ko sa ilalim ng baba ko.
"Nagyabang ka na naman. Okay ka na yata, eh," natawang kantiyaw sa akin ni Darlene.
"Ano ba 'yan, wala pa nga nami-miss na kita," pag-e-emote naman ni Janice.
Napalatak naman ako. Ang totoo niyan, hindi pa man ako umaalis, nami-miss ko na rin silang dalawa.
"Tumigil ka nga, Janice. Ako lang ang may karapatang magdrama sa 'ting tatlo dahil ako 'tong sawi sa pag-ibig. Ipagdasal n'yo na lang na maging okay ako ro'n. Ilang araw pa naman bago ako umalis. Ikukondisyon ko muna ang sarili ko. Saka hindi ako aalis nang hindi nagpapasalamat."
At may isang tao akong naiisip nang mga sandaling 'to.
HINDI na ako sumama sa mga pinsan ko na mag-shopping sa downtown. Dumaan ako sa bar na pinuntahan namin kagabi. Nahimasmasan na rin ako sa mga nangyari kagabi at wala na akong ibang naiisip kundi dapat akong magpasalamat sa lalaking pinagbintangan akong man-hater na may criminal instinct. Hindi ko alam kung bakit nandoon din si Bob Earvin sa waiting shed. Ang alam ko lang ay napakalaking bagay ng ginawa niyang pagpara ng taxi para makauwi ako nang ligtas.
Hindi ko alam kung maaabutan ko siya sa dito sa bar pero magbabaka-sakali pa rin akong makita siya rito.
Paano ako nga lang ako makakapasok? Mukhang sarado pa ang bar kahit meron akong naririnig na ingay mula sa loob. Napatingin ako sa kanan ko nang makarinig ako ng mga nagmamadaling yabag. Isang babae ang nakita kong nag-ii-spray pa ng pabango sa sarili niya nang may pagmamadali. Huminga siya nang malalim at inayos-ayos ang itim niyang blazer.
At napatingin siya sa 'kin.
"Hi! May maitutulong ba 'ko sa'yo?" nakangiting tanong niya.
"A-ah..." Itinuro ko ang bar. "Meron akong gustong kausapin kaso hindi ko alam kung nasa loob siya ngayon ng bar na 'yan." Nahihiyang ngumiti pa ako.
"Eh, di pumasok tayo para malaman natin kung nando'n nga siya sa loob."
"P-pwede ba?" nag-aatubiling tanong ko.
"Publicist ako ng Tough Love at best friend ako ni Gino. Ako si Ally. Manonood ako ng practice nila. Halika, 'nood tayo."
Nanlaki ang mga mata ko. Kapag sinuswerte nga naman ako. Buti na lang at dumating sa tamang oras 'tong si Ally.
"Hindi ako tatanggi. Ako nga pala si Donna. It's nice to meet you. Ang totoo, gusto ko lang kausapin 'yong Bob Earvin kasi meron akong dapat na ipagpasalamat sa kanya."
"'Nice to meet you, too. Girlfriend ka niya?" naiintrigang tanong naman ni Ally.
"Babae ba ang type niya?"
"Ano bang klaseng tanong 'yan?" natawang react ni Ally. "Straight lahat ng miyembro ng Tough Love, 'no. Halika na. Bihira lang akong makakita ng babaeng naghahanap kay Bob Earvin. Tingin ko, magkakasundo tayo."
ANG INGAY na naririnig ko kanina ay galing sa bandang nagre-rehearse. Nakita ko ang tatlong nagkukulitang miyembro ng Tough Love na mga naggugwapuhan sa baba ng stage pero wala sa mga iyon si Bob Earvin.
"Sigurado ka bang nandito siya?" tanong ko kay Ally.
"Oo naman. Walang practice kapag hindi kompleto ang banda." Merong kinawayan na staff si Ally at mabilis namang lumapit sa amin. "Ador, nasa'n si Bob Earvin?"
"Nasa likod na naman po."
"Ah. Samahan mo naman si Donna sa kanya, o. Meron lang silang importanteng pag-uusapan. Salamat, Ador!"
"Sige, Miss Ally, walang problema. Miss Donna, dito po tayo," magalang namang sabi ni Ador sa amin.
"Thank you ulit, Ally, ha?" nakangiting sabi ko pa kay Ally.
"No problem!" Ally says cheerfully. "See you later!"
Ang kwento sa akin ni Ador na siyang manager ng bar na ito ay nagyoyosi break si Bob Earvin kapag nagpapahinga sa practice. Matapos niya akong pagbuksan ng pinto ay nagpasalamat ako sa kanya. Sumilip muna ako at nang makita ko na nga si Bob Earvin na nakaupo sa isang bench sa ilalim ng puno ay tuluyan na akong lumapit sa kanya. Nakadekwatro pa siya at tuwid ang postura. Medyo kinakabahan pa ako dahil baka hindi niya ako kausapin. Mukha kasi talaga siyang suplado at mahirap i-approach.
Hindi dapat siya naninigarilyo. Makakasama sa boses niya 'yan, ah?
At mukhang hindi ko na kailangang tawagin ang atensiyon niya dahil napatingin na siya sa akin. Bigla akong na-conscious. Wala siyang ano mang sinabi pero bahagyang nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa mukha ko. Hindi ba niya 'ko namumukhaan o hindi lang talaga siya nagagandahan sa 'kin?
Fine. Sino bang brokenhearted ang maganda?
Naalala ko tuloy ang unang pagtatama ng mga mata namin kagabi. Pero hindi rin ako sigurado kung sa akin talaga siya tumingin at hindi sa mga pinsan ko.
"H-hello," nautal pang bati ko.
"Nandito ka ba para isauli 'yong panyo?"
Nice. Mabuti naman at hindi ko na kailangang ipaalala na ako ang babaeng luhaang pinasakay niya sa taxi at binigyan ng panyo.
"Hindi, 'no. Ibinigay mo na, eh. Saka hindi mo naman na siguro tatanggapin 'yon. Ilang beses ko ring siningahan 'yon, eh. Paarbor na lang n'on, ha?"
"Kakaiba ka rin talaga, 'no?"
"Sige, kunwari na lang, compliment 'yon," pakli ko naman at itinaas-baba ang mga kilay ko. "Ang totoo, gusto kong—"
"Ano'ng pangalan mo?"
"Donna Robles—magpasalamat sa pag-abang mo ng taxi para sa 'kin—"
"Bob Earvin Montelibano."
"'Nice to meet you, Bob Earvin—ang laking bagay talaga n'on kasi kahit hindi tayo magkakilalala—"
"'Nice to meet you, too."
Huminto ako at eksaheradong ngumiti. 'Nice to meet me raw. Kahit mukha siyang masungit, I'll just assume that he really means it.
"Maraming salamat talaga." Nag-bow pa ako. Feeling heroine sa mga paborito kong K-Drama.
"Bakit hindi ka umupo?" tanong naman niya.
"Baka malanghap ko 'yong usok ng sigarilyo mo. Gusto ko pang mabuhay nang matagal."
Saglit lang ang pagkunot ng noo ni Bob Earvin. Itinapon niya sa lupa ang sigarilyo at tinapakan hanggang sa hindi na iyon umuusok. Walang salitang iminuwestra niyang maupo ako sa tabi niya. Sumunod naman ako.
"Walang ano man," sabi pa ni Bob Earvin.
"Bakit mo nga ba 'ko tinulungan?"
"You're emotionally unstable and something could have happened to you."
"Well... " Napakibit-balikat na komento ko. May point naman si Kuya, eh.
"Meron din akong kapatid na babae. She got her heart broken, too. And it's such an awful sight.
"'Oy, sobra ka!" Pinanlakihan ko siya ng mga mata.
"Sakto lang."
"Paano mo nalamang brokenhearted ako?"
"You were crying and you walked out. Hindi mo naman siguro gagawin 'yon kung meron ka lang dysmenorrhea."
Hindi ko naman mapigilang matawa.
"Wala naman sa hitsura mo na marunong kang magpatawa," sabi ko.
"Ang babaw naman ng kaligayahan mo."
Seryoso ang pagkakasabi n'on ni Bob Earvin pero ewan ko at natawa na naman ako.
"Salamat ulit. Hindi ka naman pala suplado, medyo lang."
"Sanay na 'kong masabihan niyan," kaswal na tugon naman niya.
Nakagat ko ang ibabang labi ko. He's coldness is just so... cool. And sexy.
"Alam mo, tama ka. Brokenhearted nga ako. Nagsisimula pa lang akong mag-move on kaso nagkataong kapangalan ng lalaking nag-propose kagabi ang pangalan ng taong gusto ko nang kalimutan. Alam mo ba 'yong pakiramdam na matiyaga kang naghihintay sa pagbabalik niya tapos huli mo nang malalaman na hindi ka na pala kasama sa mga pangarap niya? Kung nasaan man siya ngayon, doon na lang sana siya." Huminga ako nang malalim at tumingala sa kalangitan.
Kapag binabalikan ko ang mga masasayang alaala namin ni Jestoni, hindi ko pa rin mapigilang manghinayang. Sayang. First boyfriend at first love ko siya. Ang akala ko ay magiging huli na rin. Wala akong maipintas sa kanya noong kami pa. Boto ang pamilya namin sa isa't isa. Kasalanan talaga ng green card na iyon kung bakit gumuho ang mundo ko pati na ang mga pangarap ko para sa 'ming dalawa!
Nakapa ko ang dibdib ko at sumigid na naman ang pamilyar na pagkirot sa puso ko. Kulang pa siguro ang pag-iyak na ginawa ko. Hindi na bale. Pagdating ko sa bahay ay iiyak uli ako nang todo.
"Tingin ko, kailangan mo nang umuwi," untag ni Bob Earvin.
Sa nag-iinit na mga mata ay tumango ako. Napansin yata niyang nagsisimula na naman akong magdrama.
"T-tama ka. Kailangan na kailangan ko na ngang umuwi. 'Yon lang naman ang ipinunta ko rito. Maraming salamat ulit, ha?"
Mabilis akong tumayo at tinalikuran na siya. Bumalik ako sa bar para magpaalam kay Ally at magpasalamat na rin.
"Hindi ka manonood ng practice?" tanong pa niya.
"Hindi na. Marami pa 'kong kailangang gawin sa bahay. Sa susunod na lang siguro. Maraming salamat ulit."
"Pinaiyak ka ba ni Bob Earvin?" usisa pa ni Ally at tumingin sa likuran ko.
"Hindi, 'no," pilit ang tawang pakli ko.
Hindi na rin ako nagtagal at umalis na 'ko sa bar. Habang papunta sa sakayan ng taxi ay tumigil muna ako sa harap ng isang sidewalk vendor para bumili ng mineral water. Huminga ako nang malalim at pinahid ang sulok ng mga mata ko. Mukhang tama lang ang desisyon kong umalis at magtrabaho sa lugar na malayo sa mga alaala namin ni Jestoni.
"Tiwala lang, Donna. Makakalimutan mo rin siya. 'Tong ganda mong 'to?" pagkausap ko pa sa sarili ko.
Napasinghap ako nang bigla na lang merong pumigil sa braso ko. Bibigwasan ko na sana ang pangahas na humawak sa 'kin pero isang kumpol ng Stick-O ang lumitaw sa harap ko na hawak ng walang iba kundi si Bob Earvin lang naman.
Nanlaki ang mga mata ko. Sinundan niya 'ko? Na naman? Bakit hindi ko man lang namalayan?
"Hayan. Pagdiskitahan mo habang nasa biyahe," seryosong sabi niya sa 'kin.
Huminga ako nang malalim.
"Mukha ba 'kong emotionally unstable ngayon?" tanong ko.
Nakakatawang napalitan ang emosiyon ko nang ganoon kabilis. Kung kanina ay nag-e-emote ako, ngayon naman ay hindi ko mapigilang mapangiti habang nakatingin sa hawak ni Bob Earvin. Parang bouquet lang ang hawak niya. Ang catch, hindi naman iyon mga rosas kundi Stick-O.
"Tanggapin mo na lang."
"Bob Earvin, magkaibigan na ba tayo sa lagay na 'to?"
"Bahala ka kung ano ang gusto mong isipin. Paboritong kainin 'yan ni Bea Bianca noong nagmu-move on pa lang siya at kapag may period siya."
"P-paborito ko rin 'to." Nag-init ang mga mata ko nang tanggapin ang mga Stick-O pero sa pagkakataong ito ay dahil sa hindi maipaliwanag na saya.
Merong isang taong nagpakita ng concern sa akin kahit wala pa namang beinte y kwatro oras ko siyang nakikilala. Humanity is still alive.
"M-maraming-maraming salamat."
"Once you realized what an asshole your ex was, magiging madali na lang para sa 'yo ang kalimutan siya." Pumara siya ng taxi. "Kapag okay ka na, manood ka ng performance namin bukas ng gabi. You can think about it but I just want you to know that I'll be waiting at seven."
So gusto niyang sabihin na hindi naman sa pini-pressure niya ako pero sana ma-pressure ako? I'm starting to like this guy, seriously.
"It's an honor to be invited. Grabe, dalawang lalaki na ngayon ang nagpaiyak sa akin." Huminga na naman ako nang malalim at pinaypayan ng kamay ang mga mata ko. Saktong huminto naman ang isang taxi.
"Hindi ko talaga kayo maintindihang mga babae," sa halip ay sabi ni Bob Earvin at pinagbuksan ako ng pinto.
"Kaya dapat hindi n'yo kami sinasaktan." Sumakay na rin ako. "Thank you!"
Tumango lang si Bob Earvin at namulsa. Ang cool talaga niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top