Tambanokano

           IBINIGAY NI Haliya ang kaniyang talukbong sa isinumpang Bakunawa. Nang alukin niya ito kanina ng pakikipagkamay ay basta na lamang nitong tinanggal ang kadenang nakabalot sa mga paa nito na parang wala lang at basta siyang tinalikuran. Akala niya ay babalik ito sa sulok ng yungib subalit laking gulat ni Haliya sapagkat papunta ito sa bukana ng kweba. Nang hindi pa rin sila makagalaw ni Undin ay bahagya itong lumingon sa kaniya at doon siya tuluyang nagising. Tinanggal ni Haliya ang mahika kay Undin dahil wala na rin naman pakialam ang isinumpang Bakunawa sa kanila. Sa halip ay una itong naglalakad sa kanila na tila kabisado nito ang daan. Subalit ilang minuto lamang ang nakalipas ay bumagsak ito sa lupa. Dahil sa hindi nito kinaya ang kakaibang ginaw na dulot ng isang bagong kapaligiran kaya nanghina ito. Agad nila itong dinaluhan ni Undin at tama nga ang hinala ni Haliya, may lagnat ito. Sa tingin din niya ay inabuso nito ang natitirang lakas kanina noong nasa yungib pa sila. Gamit ang mahika ng buwan, binigyan niya nang konting lakas ang isinumpang Bakunawa subalit hindi ito tuluyang gumaling – sapat lamang upang makasabay ito sa kanila ni Undin. Kaya ito na ngayon ang may suot ng talukbong niya.

Ngayon ay nasa lugar sila kung saan natalo nila ang Tambanokano. Nagkalat pa ang dugo nito sa paligid at nandito pa rin ang katawan nitong nakatihaya at nahahati sa dalawa. Napatingala si Haliya. Dahil sa makapal na hamog ay hindi na niya makita ang bangin sa taas. Napansin niyang nakaharap ang isinumpang Bakunawa sa bangkay ng Tambanokano.

"Huwag mong kainin 'yan. May lasong dala ang laman ng mga Tambanokano," saad ni Haliya. Nakatingin siya sa lalaki na tahimik lang bago nagkibit balikat. Tumango lang si Undin na hindi na masyadong takot sa lalaki subalit alerto pa rin – nakalabas pa rin kasi ang kulay asul na apoy sa buhok nitong kulay asul din.

Sa gitna ng madugong lugar ay inilahad ni Haliya ang kaniyang mga kamay kina Undin at sa isinumpang Bakunawa. "Humawak kayo sa kamay ko at aalis na tayo rito. Kahit anong mangyari, huwag kayong bibitaw."

Agad na hinawakan ni Undin ang kaniyang kaliwang kamay subalit napatingin silang dalawa sa lalaking nakatanga lamang sa kamay niya. "Umabot ka na rito, dito ka pa ba aatras?"

Mata sa matang tiningnan ni Haliya ang lalaki. Ang kaniyang kulay gintong mga mata ay tila mas kuminang dahil sa determinasyon habang tila walang hanggang gabi naman ang mga mata ng Bakunawa. Tila binabasa nito ang nasasaloob ng dalaga na hinayaan naman ng huli. Para kay Haliya, kailangan nitong maintindihan na nasa iisang bangka sila.

Alangan man ay hinawakan nito ang dulo ng kaniyang mga daliri na ikinataas ng mga kilay ni Haliya. Eksaheradong hinablot ni Haliya ang kamay nito bago gumamit ng mahika kung saan ginawa niyang parang pakpak ang kaniyang kapangyarihan. Apat na malalaking pakpak ang nagdala sa kanilang tatlo pataas. Dahil malalaki ang mga ito kaya kay bilis ng pagtaas nila. Nadaanan nila ang hamog at sumabog ang libu-libong mga bituin sa kalangitan.

"Kumapit kayo!" sigaw ni Haliya habang abala sa pag-kontrol sa kaniyang mga pakpak na gawa sa mahika ng buwan. Kulay puti ang mga ito at tila gawa lamang sa usok subalit makikita ang korteng pakpak na nasa likod ni Haliya. Masakit ang hangin na tumatama sa kanilang mga mukha dahil sa lamig at bilis subalit nagpatuloy sila sa pagbulusok pataas.

Nang sa wakas ay narating na nila ang tuktok ng bangin ay agad na inilapag ni Haliya ang dalawa sa lupa at tinanggal ang kaniyang mahika – ayaw niyang makita sila ng mga nagpapalipad-lipad na mga Bakunawa.

"Madali kayo, baka may dumaan na namang Bakunawa. Maliban sa matataas na mga damo ay wala na tayong kapagtataguan dito sa kapatagan."

Mabilis na naglakad si Undin. Napansin ni Haliya ang paghahabol ng hininga ng lalaki na nanigas nang marinig nitong may nagpapatrolyang mga Bakunawa sa paligid ng Bundok Kanlaon.

Ha! Kahit anong tago ng isinumpang Bakunawa, may takot talaga siya sa mga kalahi nitong naging dahilan kung bakit ito naiwang nabubulok sa loob ng yungib na iyon.

Nang mapayuko ito sa pagod ay hindi na nagdalawang-isip pa si Haliya at mabilis na niya itong sinupurtahan. Hinawakan niya ang baywang nito bilang suporta habang nasa balikat niya idinantay ang kaliwang braso nito na agad niyang hinawakan. "Huwag ka nang umangal. Ayaw mo naman sigurong iwanan ka namin dito kapag may dumating na Bakunawa, 'di ba?"

Nakakunot ang mga kilay nito subalit nag-iwas ito ng tingin nang mapagtanto nitong may punto ang kaniyang sinabi. Isang ngiting tagumpay ang gumuhit sa labi ni Haliya at pasimple siyang napatingin sa kalangitan na may isang buwang gawa lamang ng huling mahika ni Saliya.

Nasa kamay ko na ang susi n gating paghihiganti, kapatid ko.

NANATILING NAKATAYO ang isinumpang Bakunawa sa gilid. Nasa loob na sila ng kulandong at eksakto namang unti-unti nang nag-aagaw ang liwanag at dilim sa labas. Sa likod ng isang dingding na yari sa pinagtugpi-tugping kawayan ay mabilis na nagbihis si Haliya habang nasa kabilang dingding naman sina Undin at ang Bakunawang nakatayo lang sa gilid. Ayaw nitong umupo sa higaan ni Haliya na yari sa pinagtagpi-tagping ulap na gawa ni Lakandanum na Diyos ng Ulan.

Tila ito ang unang beses na nakakita ito ng kagamitang gawa ng isang Diyos. Tila kasi gumagalaw ito na parang totoong ulap. Nanatili itong nakatayo habang naghahanda naman si Undin para sa almusal nito – sa labas kasi kakain si Haliya at Undin kasama ang mga Diyos at Diyosa na kasali sa Makaharing Pagtitipon.

Pagkalabas ni Haliya ay agad siyang pumasok sa kinaroroonan ng dalawa na agad namang napatingin sa kaniya nang pumasok siya. "Tapos ka na bang kumain, ginoo?"

Subalit nasagot din ang tanong ni Haliya nang makitang hawak pa rin ni Undin ang pinggang yari sa tanso.

Naniningkit ang mga matang hinablot ni Haliya mula kay Undin ang pinggan. "Undin, sa labas ka muna mag-bantay."

"O sige, Haliya." Bumaling si Undin sa nakatayong lalaki kaya napatingala ang Nuno sa Punso. "Kumain ka na. Kung may iba kang gusto, sabihin mo lang at dadalhan kita," saad nito bago umalis.

Naiwan silang dalawa ng lalaki kaya agad na hinablot ni Haliya ang kanang palapulsuhan nito. Akmang manlalaban pa ito nang gamitan niya ito ng mahikang nakapag-pahina ng nilalang sa loob ng ilang minuto.

Gustong matawa ni Haliya sa nakitang pagtutol at pagtalim ng mga mata sa kaniya subalit ngumisi lamang siya rito na tila nang-iinis lalo. "Ang dami mo kasing satsat, pwede ka namang sumunod na lang."

Bahagya niya itong tinulak paupo sa higaan niya tumaya siya sa mismong harap nito. Nasa kanan niyang kamay ang pagkain na gawa sa itim na palay na para lamang sa mga diwata at mga nilalang na lumampas na sa pagiging mortal.

"Nguyain mo, ha. Isusungalngal ko talaga ang lahat ng ito sa iyo kapag hindi mo kakainin." May banta man sa boses ni Haliya ay nakangiti naman ito nang matamis.

Ang itim na kanin na nasa kamay niya ay marahang ipinasok ng dalaga sa bibig ng lalaki na apektado pa rin ng kaniyang mahika. Dahil hind ito makagamit ng lakas ay mahina lamang ang pagnguya nito pero nang makita ng dalaga na na nilunok nito ang pagkain sa hirap na hirap na anyo ay muntik nang mapatalon sa tuwa si Haliya. "Ganiyan nga, ginoo!"

Mabilis na kumuha ng pagkain mula sa pinggan si Haliya subalit napahinto siya nang makitang nakayupyop ang lalaki na tila may masakit na iniinda. "A-Anong problema? Ginoo? Ginoo!" Nabitawan ni Haliya ang pinggan pati ang pagkain at agad na hinawakan ang palapulsuhan nito.

Sunod-sunod na ubo ang ginawa nito kaya agad na tinanggal ni Haliya ang mahika niya rito upang hindi ito manghina.

Hindi ito maaaring mamatay! Kakahanap ko pa lang sa kaniya, hindi ko pa siya nagagamit! Hindi!

Tarantang hinimas ni Haliya ang likod nito. "Ginoo, alin ang masakit? Pakiusap magbigay ka ng mensahe gamit ang kung ano!"

Nagpatuloy pa rin ito sa pag-ubo kaya tumayo na si Haliya. "Kukuha ako ng tubig. Teka lang!"

Pawisan ang mukha ni Haliya habang nanlalamig ang kaniyang mga kamay. Nagsisisi siyang pinilit niya itong kumain. Dapat pinapili niya ito ng pagkain dahil ilang taon itong nawalay sa kabihasnan.

Ang akmang pag-alis ni Haliya ay nahinto nang ibalibag siya nito sa higaan niya. Nanakaw ang hininga ni Haliya na ngayon ay nanlalaki ang mga matang nakatingin sa lalaking nakakubabaw sa kaniya.

"Teka! Pinagloloko mo lang ba ako? Umalis ka diyan at baka gamitan kita ng sandata ko!" Ang dalawang palapulsuhan ni Haliya ay hawak ng isinumpang Bakunawa sa taas ng kaniyang ulo. Kahit anong gawin niyang pagsipa rito ay nanatili itong matatag sa taas ng katawan niya.

Ang sumunod nitong sinabi ay nakapagpatigil kay Haliya. "Buwan," saad nito sa mahina at paos na boses habang ang itim nitong mga mata ay nakatitig sa kawalan. Tila wala ito sa sarili.

Paano nito nalaman na isa akong buwan?

Ang tanong sa kaniyang isipan ay hindi nasagot nang mapansin niya ang pagtubo ng mga pangil nito.

"A-Ano ang gagawin mo?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top