Maharlikang Pagtitipon

ANG LIWANANG na nagmumula sa ilang libong mga alitaptap ang nagbibigay ng liwanag kay Haliya at Undin. Malapit nang magbukang liwayway nang matapos ang pagsasaya na idinaos para sa unang araw ng Maharlikang Pagtitipon. Binigyan sila ng kaniya-kaniyang kulandong upang magpahinga na matatagpuan sa mga malalaking sanga ng pinakamatandang puno ng Narra na nasa tutok ng Bundok Kanlaon. Ilang minuto muna ang kaniyang pinalipas bago tahimik na dinala ang Nuno sa Punso na si Undin palabas ng kulandong at palayo sa mga kampo ng mga Diyos at Diyosa.

Mabuti na lamang at bumalik sa langit si Bathala.

Nakasuot ng mahabang talukbong sina Haliya at Undin habang tahimik na binabagtas ang daan na ibinigay ng Dalikamatang si Uruja sa kanila. Ayon dito, ang dulo ng daang kanilang tinatahak ay ang kwebang kinaroroonan ng isinumpang Bakunawa. Napatingin si Haliya sa buwan.

Hindi pa rin pumupula ang buwan.

Ang mga tunog ng kanilang mga hakbang habang binabaybay nila ang madamong bahagi ng kabundukang ito ang tanging maririnig maliban sa mga hilik ng mga Arimaonga – isang hayop na mas malaki sa isang leon, mabalahibo ang ulo nito at may kulay lilang balat at dilaw na dilaw na mga mata.

Marahan ang ginagawa nilang hakbang upang hindi gambalain ang mga hayop sa kagubatan. Pilit na lumalayo si Haliya mula sa mga sinag ng buwan na tumatagos sa mga sanga ng puno – ayaw niyang makita sila ng mga Bakunawang lumilipad-lipad sa himpapawid at nagbabantay.

Akmang tatawid na sana si Undin sa sapa nang mapansin ni Haliya ang anino mula sa taas kaya madali niyang hinablot ang maliit nitong braso at agad na nagtago sa ilalim ng pinakamalapit na palumpong. "Ssshh!"

"Umph!" Nasa bibig nito ang kaliwang palad ni Haliya habang ang kaniyang mga mata ay nakasunod sa malaking aninong dumaan sa tapat nila. Isa lamang ang ibig sabihin nito, napakalapit lang ng niliparan ng mga Bakunawa.

Dapat na kaming magmadali!

Nang masigurong walang Bakunawa sa paligid ay mabilis na lumabas sina Haliya at Undin mula sa palumpong. "Tayo na," aya ni Haliya na sinagot ni Undin ng isang tango.

Mabilis subalit marahan ang kanilang mga hakbang habang sinusundan ni Haliya ang mga tagubilin ni Uruja.

"Hilaga ng kampo ng mga Diyos at Diyosa. Tawirin ang sapang nasa kaparehong direksyon. Sundan ang huni ng Tigmamanukan. Sa dulo ay makikita mo ang bangin at doon ay tumalon ka. Nasa ilalim ang yungib ng isinumpang Bakunawa," tagubilin ni Uruja sa kaniya.

Ngayon ay sinusundan nila ang huni ng Tigmamanukan – isang maliit na ibon na may kulay itim at asul na mga balahibo na nagdadala ng pangitain mula sa mga Diyos at Diyosa para sa mga mortal. Ayon sa direksyon ng huni nito ay sa bandang timog ang kanilang daang tinatahak.

"Ang Tigmamanukan na iyan ay kaibigan yata ni Uruja, Haliya," bulong ni Undin.

Napaisip din si Haliya sapagkat ang mga Tigmamanukan ay mga alaga ng mga diwata at mga Dalikamata. Siguro ay inutusan ito ni Uruja na sila ay gabayan papunta sa bangin.

"Siguro nga, Undin. Magmatiyag ka sa paligid, gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang malaman kung wala bang nagmamasid sa atin." Ayaw niyang mapag-alaman kahit ninuman ang kaniyang plano. Nagsisimula pa lamang siya.

Dinala sila ng hungi ng Tigmamanukan papalabas ng kagubatan. Sinulubong sila ng kapatagan at doon ay lumabas ang isang ibon mula sa gubat at lumipad pa-timog. "Madali, Undin! Sundan natin!"

Tumakbo sina Haliya at Undin. Sinusundan nila ang mabagal na paglipad ng Tigmamanukan. Sa pagtakbo nila sa gitna ng damuhan ay nagambala ang mga natutulog na mga alitaptap. Libu-libong mga alitaptap ang lumilipad sa kanilang tumatakbong pigura. Ang maliit na si Undin ay halos matabunan na ng mahahabang mga damo na umabot halos sa bandang dibdib ni Haliya. Nagsisilbang ilaw nila sa madilim na gabi ang mga alitaptap. Habang tila ginagabayan naman sila ng Diyosang si Tala dahil pansin ni Haliya na napakakinang ng mga bituin ngayong gabi.

Nang sa wakas ay nalampasan na nila ang mga mahahabang damo ay bumungad sa kanila ang Tigmamanukan na nasa gilid ng bangin. Nakatingin sa kanila ang mga puting mata nito ay nakatingin sa kanila na tila ba nainip ito sa pghihintay sa kanila.

Yumukod si Haliya bilang tanda ng pasasalamat. "Maraming salamat, kaibigang Tigmamanukan. Ipadala mo rink ay Uruja ang aking pasasalamat sa kaniya." Matapos niyang magsalita ay basta na lamang itong umalis at iniwan siya.

Isang humahangos na si Undin ang kakalabas lamang mula sa damuhan. "Oh, nasaan na ang Tigmamanukan? Huwag mong sabihing naligaw tayo? Ang hahaban naman kasi ng mga damo, e!"

Napatawa si Haliya sa inasal ng namamawis na si Undin. "Huwag kang mag-alala, hindi tayo naligaw. Halika na at naghihintay na sa atin ang isinumpang Bakunawa."

Dahil nakaharap si Haliya kay Undin, nakatalikod na tumalon siya bangin.

"Haliya!" impit na sigaw ni Undin na narinig niya pa rin kahit na bumubulusok na siya pababa.

Idinipa ni Haliya ang kaniyang mga kamay at hinayaang mahulog ang kaniyang sarili. Ang malamig na hangin at mas lumamig habang siya ay pababa na nang pababa. Ang kaniyang kolay kayumanggi na buhok ay tila sinasayaw ng hangin at ramdam niya ang paggaan ng kaniyang katawan. Nanatiling nakapikit si Haliya.

Nang ilang metro na lamang ang layo niya sa lupa ay doon na binuksan ni Haliya ang kaniyang mga matang nagkukulay ginto – ang totoong kulay ng kaniyang mga mata. Umikot siya nang isang beses sa ere at swabeng lumapag sa lupa nang nakatayo.

"Hmmm, hindi ko alam na may isang Tambanokano pala rito," nakangising saad ni Haliya.

Isang malalim na halakhak ang naging sagot ng aninong nagtatago sa dilim ilang metro ang layo mula sa nakatayong si Haliya. Umalingawngaw din ang garalgal na nagmumula sa matatalim na galamay nito. "Ilang taon na rin simula nang may maligaw na pagkain dito sa aking teritoryo."

Kung kanina ay isang pares ng malalaking pulang mata lamang ito, ngayon ay lumabas ito mula sa madilim na lungga nito dahilan upang matamaan ito ng maliit na sinag ng buwan.

Katawang kasing tangkad ng kapre at kasing lapad ng isang kubo. Maputi ang katawan nito at mahahaba ang mga galamay – isa itong napakalaking alimango.

Ayon sa narinig ni Haliya mula kay Saliya noon, ang Tambanokano ay halos magkasingpantay ang lakas sa isang Bakunawa.

Sa naisip ay napangisi si Haliya. "Ilang linggo na rin simula nang ako ay makapagsanay." Nag-unat si Haliya sa harap ng halimaw na ikinatawa na naman ng huli.

"Isa kang kakaibang nilalang! Ngayon ay sigurado na akong mabubusong sa'yo!" Kahit sa laki nito ay mabilis nitong natawid ang distansya sa pagitan nila.

Agad namang tumalon pailalim sa katawan nito si Haliya. Akmang ilalabas na sana ni Haliya ang kaniyang espada gamit ang kaniyang mahika bilang isang buwan nang marinig niya ang boses ng sumisigaw na si Undin.

"Aa – a!" Pabulusok ang Nuno sa Punso papunta sa kanila na siyang ikinalaki ng mga mata ni Haliya.

"Undin! Pumikit ka!" sigaw ni Haliya at mabilis na lumabas mula sa ilalim ng Tambanokano. Muntik na siyang madale ng isang galamay nito nang sa likod ng halimaw siya bumwelo upang makatalon pabulusok pataas. Gamit ang kaliwang kamay ay sinalubong niya ang nahuhulog at nakapikit na si Undin na nanginginig sa takot. Mahigpit na hinawakan ni Haliya ang baywang ni Undin at pinalabas sa kaniyang kanang kamay ang kaniyang sandata. "Raja!"

Sa pagsigaw ni Haliya sa pangalan ng kaniyang espada ay awtomatikong lumabas ito sa kaniyang kanang palad.

"Woah," bumibilib na saad ni Undin na dahilan upang makatanggap ito ng isang matalim na tingin mula kay Haliya.

"Sabi ko, pumikit ka o ipapakain kita sa halimaw na 'yan?"

"Eek!" Hindi na nagdalawang salita pa si Haliya dahil agad siyang sinunod ni Undin.

"Hindi kayo makakatakas!" Sigaw ng Tambanokano sabay na humaba ang mga maliliit na mga galamay nito at hinabol si Haliya na nasa ere.

Upang makatakas mula sa atake ng halimaw ay pumadyak si Haliya sa dingding na yari sa bato at nag-iba ng direksyon sa isang iglap – muntik pa rin siyang matamaan ng galamay ng halimaw na ilang dangkal na lang ang layo sa kanila ni Undin.

Umikot muli sa ere si Haliya upang makahanap ng bwelo at mas palakasin ang kaniyang atake bago itinapon nang pagkalakaslakas ang kaniyang espada papunta sa bibig ng Tambanokano. Eksaktong-eksakto ang kaniyang sandata na tumama sa bibig nito. "Sayang. Kung hindi ka lang humarang sa daan ko, mabubuhay ka pa sana."

Dumagundong ang sigaw ng nasasaktang Tambanokano. Hindi magkamayaw ang mga galamay nito sa paghablot ng espada subalit hindi nito makuhakuha ang sandata ni Haliya – dahil sa ang espadang ito ay gawa mula sa mahika ni Haliya. Tila lumilindol sa ilalim ng bangin dahil sa lakas ng alulong nito.

Hindi ito maaari! Baka pumunta rito ang mga Bakunawa!

Mabilis na ibinaba ni Haliya si Undin na nanatiling nakapikit at nanginginig. Agad na tinakbo ng huling buwan na si Haliya ang distansya sa pagitan nila ng halimaw. Sa isang iglap lamang ay nasa harap na ng Tambanokano ang dilag na nakahawak ang kanang kamay sa hawakan ng espada.

"Manahimik ka," walang-buhay na bulong ni Haliya. Sa isang iglap lamang ay nahati niya ang katawan ng Tambanokano. Ang dugo nito ay sumabog sa kaniyang mukha at katawan.

Sa wakas ay tahimik na rin.

Nilingon ni Haliya si Undin na ngayon ay nakapamaluktot na sa isang sulok. "Undin, tumayo ka na diyan."

Nanlalagkit si Haliya at namumula ang tingin niya sa kaniyang paligid dahil sa dugo ng halimaw na pumasok sa kaniyang mga mata, subalit hindi niya maiwasang mapatingala sa buwan. Doon niya napagtanto kung ano ang ibig sabihin ni Uruja sa pulang buwan dahil sa ngayon, ang kaniyang nakikita ay kasing pula ng dugo na buwan.

"Heto, Haliya. Para kang inilublob sa dugo, e." Inalok ni Undin sa kaniya ang panyo nito na agad naman niyang tinanggap. Ayaw niyang ang unang pagkikita nila ng isinumpang Bakunawa ay punong-puno siya ng dugo – ayaw niya ng ganoong klaseng unang pagkikita.

Matapos malinis ang kaniyang mukha at kamay ay nagsimula na ulit siyang maglakad. "Tayo na, Undin."

MADILIM, na para bang hindi ito naabot ng liwanag ng buwan. Malamig, ito ang pinakamalamig na bahagi ng bangin. At napakatahimik, na tila ba ay walang naninirahan dito. Kahit anong gawin ni Undin ay wala itong mahanap na patibong subalit alerto pa rin si Haliya na ngayon ay marahang naglalakad papasok sa yungib. Nasa likod niya si Undin na halos ay nakadikit na sa kaniya.

"Haliya, sigurado bang dito talaga 'yon?" May pag-aalangan sa boses ni Undin.

"Sshh," saway ni Haliya rito.

Gamit ang kaniyang mahika ay gumawa ng ilaw si Haliya mula sa kaniyang daliri at doon sila nanigas ni Undin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top