Ang Pulang Buwan


NAKATAYO sa harap ng dyosang si Uwinan Sana si Haliya o mas kilala ng Tribu ng Kagubatan at ng dyosa bilang si Halina – ang maganda at makapangyarihang catalonan sa mundo ng mga tao. Lumuhod siya bilang pagpapakita ng paggalang sa dyosa. "Kapayapaan para sa bulaklak ng kagubatan, Uwinan Sana. Nandito na si Halina ang iyong tapat na catalonan, ano ang aking maipaglilingkod sa inyo?"

Nanatiling nakayuko at nakaluhod si Haliya sa harap ng dyosa na siyang tahimik na nakaupo sa trono nitong gawa sa mga baging at bulaklak. Ang kulay luntian na damit nito ay gawa mula sa hinabing bulaklak na matatagpuan lamang sa maalamat na bundok ni Makiling na ina-adornohan ng mga ginintuang palamuti mula sa paa hanggang sa noo nito. Ang mga mata ni Uwinan Sana ay kulay luntian pati ang mahabang buhok nito. Isa itong imahe na perpekto para sa dyosa ng kagubatan.

Kabaligtaran naman ang suot niya na napakapayak – isang lampas sa sakong na kulay puting damit. At ang tanging palamuti niya ay isang pilak na nakalagay sa kaniyang noon a tanda na isa siyang catalonan.

Itinaas ng dyosa ang kaniyang kaliwang kamay na tanda para sa mga nuno sa punso na abala sa pagsilbi rito na magsipulasan mula sa bulwagan. Nang sila na lamang ang natira ay doon lamang ito nagsalita habang nakapangalumbaba. "Ikaw ang ipapadala kong katawan na mula sa Tribu ng Kagubatan bilang isang catalonan at bilang aking alipin para sa Makaharing Pagtitipon na gaganapin sa tuktok ng bundok Kanlaon tatlong araw mula ngayon. Kapag tinanong nila kung bakit wala ako, sabihin mong dinapuan ako ng isang malubhang sakit."

'Sakit ng katamaran?' Sansala ni Haliya sa kaniyang isipan. Hindi na siya nagtaka sa sinabi nito. Datapawat ay inaasahan na niya ito mula kay Uwinan Sana na kilala sa mga diyos at diyosa dahil sa katamaran nito.

'Pwede na nga siyang maging dyosa ng katamaran kung mayroon mang ganoon.'

"Isang karangalan na iyong mapili, mahal na diyosa ng kagubatan." Itinapat niya ang kaniyang kanang kamay sa tapat ng kaniyang puso – tanda ng katapatan. Subalit isa lamang itong huwad na asta para sa isang tusong tulad ni Haliya.

Pumalakpak si Uwinan Sana na tanda ng kasayahan nito. Dapat lang ito magsaya dahil ang maghihirap na makisama sa ibang aroganteng mga diyos at diyosa ay si Haliya lang naman.

Pero pagkakataon na rin ito ni Haliya na makapasok sa mundo ng mga diyos at diyosa – dahil ang daang tinatahak ng mga ito ay ibang-iba sa kaniya na kilala bilang isang catalonan sa mundo ng mga tao.

Kahit na kilala siya bilang isang makapangyarihang catalonan ay hindi ito sapat sa kaniya. Upang makamit ang ninanais niyang pagkawasak ng Tribu ng mga Bakunawa kasama ang mga diyos at diyosa na kasabwat sa gabing iyon, kailangan niya ang sinumpang bakunawa.

Ang Tribu ng Himpapawid ay isang maliit na pangkat subalit ito ang pangkat na pinakamalapit sa puso ni Bathala sapagkat ang dyosa ng Buwan na siyang dyosa ng Tribu ng Himpapawid ay ang paboritong anak ni Bathala mula sa mortal na inibig nito. Si Mayari na kaniyang ina at ina ng pitong buwan ay isa sa tatlong anak ni Bathala mula sa isang mortal. Dahil sa nangyari sa Tribu ng Himpapawid ay lubos na ikinalungkot ito ni Bathala.

At sa Makaharing Pagtitipon mag-uumpisa si Haliya sa kaniyang plano. Kailangan niyang malaman at makita ang sitwasyon sa pagitan ng Pangkat Mahayahayon at Pangkat Magminarun.

'Dahil kung gusto kong bumagsak ang Tribu ng mga Bakunawa, dapat ko ring buwagin ang kapangyarihang pumoprotekta sa mga – ang Pangkat Mahayahayon,' saad ni Haliya sa kaniyang isipan.

"Maaari ka nang umalis at magsimulang magligpit ng mga kagamitan upang dalhin sa pagtitipon. Ipapahiram ko sa iyo ang aking Minokawa." Nasasayahang sambit ng dyosa na sinagot ni Haliya gamit ang malambing na tinig.

"Lubos ang aking pasasalamat sa iyo, mahal na dyosa ng kagubatan. Nawa ay pagpalain pa kayo lalo ni Bathala." Tumayo na si Haliya bilang tanda ng pag-alis niya at yumuko bago tumalikod sa nakangising mukha ni Uwinan Sana.

'Minokawa, huh.'

Ang Minokawa ay isang malaking ibon na kapag lumipad sa himpapawid ay kayang takpan ang araw sa laki at lapad ng mga pakpak nito. Ang lahi ng ibong ito ay para lamang sa mga diyos at diyosa na siyang regalo ni Bathala upang mapadali ang kanilang paglalakbay kahit saan man nila gustuhin.

Pinigilan ni Haliya ang mapangisi habang naglalakad palayo sa bulwagan. Alam na alam niyang hindi dahil mabait o natutuwa sa kaniya ang tusong si Uwinan Sana kaya pinagamit siya nito ng Minokawa. Bukod kasi sa ginagawang transportasyon ang mga Minokawa, kilala rin ang mga ibong ito sa pagiging tapat at matalino – tamang-tama upang gamiting pang-espiya sa kahit sino, kahit na siya.

'Kung ganoon ay napansin na ni Uwinan Sana ang aking ginagawa sa mga batang nakikitaan ng potensyal sa pagiging catalonan. Hmmm, tuso ka talaga, Uwinan Sana. Dapat lang maging tuso ka sapagkat isa ka sa mga taong tuwang-tuwa nang nawala na nang tuluyan ang Tribu ng Himpapawid lalong-lalo na si Saliya na siyang kinaiinggitan mo. Dadating din ang araw mo.'

Nang nasa labas na siya sa tahanan ni Uwinan Sana ay pasimple siyang lumingon at ngumiti.

'Huwag kang mag-alala sapagkat naniniwala ako sa kasabihang 'nasa huli ng listahan ang mga taong may mabigat na kasalanan', mahal na Uwinan Sana.'

ANG HUMAHANGOS na si Undin ang bumulabog sa pagliligpit ni Haliya. Nayanig ang pintong yari lamang sa kawayan at baging na pinagtagpi-tagpi. "Halina! Halina!"

Mahinahong hinarap ni Haliya ang pinagpapawisang si Undin bago tinahak ang pinto upang ito ay isara. Alam niyang may dalang balita ang nuno sa punso para sa kaniya. "Ano ang iyong narinig na balita, Undin?"

"Nakatanggap ako ng pangitain mula sa Dalikamata na si Uruja."

Ang pangitain na sinasabi nito ay sa pamamagitan ng panaginip. Sa nabanggit na pangalan ay agad na naging alerto si Haliya. "Nahanap na niya ang aking ninanais?"

Mabilis na tumango si Undin sa kaniyang sapantaha. "Oo, mahal na catalonan. At pinapatawag ka niya sa lalong madaling panahon. 'Yon ang mga salitang paulit-ulit niyang sinasabi habang pinapakita niya ang isang nakakadenang Bakunawa, isang pulang buwan, at isang madilim na yungib sa bundok ng Kanlaon."

Sa inilahad ni Undin na nakita nito mula sa pangitaing ipinadala ni Dalikamata sa pamamagitan ng isang panaginip ay napakunot ang noo ni Haliya nang tuluyan. "Bundok ng Kanlaon? Hindi sa Makiling na sinasabing mahirap hanapin sapagkat ito ay nagbabago-bago ang kinalalagyan?"

'Subalit siya ay ang Dalikamatang walang hindi kayang hanapin! Hindi siya nagkakamali kaya siya naging napakahusay na kasangkapan ni Saliya, ang aking kapatid. At pulang buwan? Ang ibig ba nitong sabihin ay ang gabi kung saan naghahanap ng kapareha ang mga bakunawa? Subalit hindi na dapat pupula ang buwan dahil ang buwang nakikita ng mga tao ngayon ay ilusyon lamang na ginawa ni Saliya noong bago sila tumakas! Bakit?'

"May nakakalagitnaan ako, Undin. Subalit ano iyon? Alam dapat ni Uruja na imposible nang magkaroong pa uli ng pulang buwan simula nang nawasak ang Tribu ng Himpapawid."

May pag-uunawang tumango si Undin na alam kung bakit niya iyon nasabi – dahil pupula lamang ang buwan kung papupulahin niya ito. Isa kasi itong paalala sa mga mortal at mga nilalang na dapat silang mag-ingat sapagkat gumagala ang mga bakunawa. At alam ng Tribu ng mga Bakunawa na hindi na pupula ang buwan sapagkat sila mismo ang pumatay kay Saliya at idineklarang patay na ang nawawalang bunsong buwan.

"Kailangan nating makipagkita kay Uruja ngayon din, Undin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top