Ang Isinumpang Bakunawa



          DAHIL SA liwanag ay nakita nila ang paligid sa maliit na yungib. Akala nina Haliya at Undin ay malaki ang lugar subalit sa kanilang nasaksihan ay napagtanto ng dalawa kung gaano ka kaawa-awa ang sitwasyon ng kulay puting Bakunawa.

Sa ala-ala ni Haliya, malinaw na malinaw kung gaano kalaki ang mga Bakunawa. Kung gaano kalaki ang mga bibig nito na may matatalim na mga ngipin – na nagsasaad ng isang paniguradong kamatayan sa kung sino man ang mahuhuli nito sa bibig. Matatalim din ang mga kuko nito na kayang humati ng mga malalaking bato sa isang iglap lang. Makakapal din ang mga balat nito na kahit ang pinagmamalaking latigo ni Saliya na bigay mismo ng kanilang ina ay hindi kayang sugatan man lang ang katawan ng isang Bakunawa. Nakakatakot din ang buntot nitong may matulis na dulo na kayang magpatumba ng isang malaking Niyog sa isang hampas lang. Sa gunita ni Haliya ay isang nakakatakot na halimaw ang mga Bakunawa na pati ang mga Diyos at Diyosa ay takot sa mga ito. Ang Tribu ng mga Bakunawa rin ang rason kung bakit si Dumangan ay unti-unting nagiging arogante – dahil tapat nitong alagad an gpinuno ng mga Bakunawa na si Jormungan.

Subalit ang nasa harap ni Haliya at ni Undin ay isang larawan ng isang Bakunawa na malapit nang mamatay. Kasing laki lamang ito ng isang buwaya na may haba na walong talampakan. Ang kakaibang kulay puting balat nito ay tila naaagnas na. Ang mga buto nito ay halos nakikita na dahil sa sobrang kapayatan. At tila nanginginig ito sa sulok habang namamaluktot – ang mga mata nitong kulay asul ay tila nangungusap at nagpapahayag ng mensahe sa kanila.

Awtomatikong napahakbang si Haliya papasok na agad na tinutulan ni Undin sa pamamagitan ng paghawak nito sa likurang damit niya. "Haliya, baka sakmalin ka niyan dahil sa gutom!" Mahina man ay mariin ang pagkakasabi nito sa kaniya na tila takot itong marinig ng nanghihinang Bakunawa. Naiintindihan ni Haliya ang nais sabihin ni Undin dahil kahit mahina ito tingnan ay Bakunawa pa rin ito subalit nandito na sila at huli na upang umatras pa sila.

Tinapik ni Haliya ang balikat nito bago magsalita. "Talasan mo ang iyong mahika, Undin. Hindi natin alam kung may bantay pa ba rito o mga patibong. Dito ka lang at ako ay lalapit dito. Nandito na tayo, wala nang atrasan pa."

Hindi na hinintay ni Haliya ang sagot ng nag-aalangang si Undin. Sa pagharap niya rito ay muntik nang mapasigaw si Haliya nang nasa harap na niya ang Bakunawa.

Subalit sa halip na ang matatalim na ngipin nito ang kaharap niya – isang payat na lalaki ang nakatayo nang hubo't hubad sa kaniyang harapan. "Ay, pagpalain ka Bathala!" gulat na sambit ni Haliya.

Teka, ito ba ang taong anyo ng isinumpang Bakunawa?

Hindi ito ang nasa imahenasyon ni Haliya! Ayon sa liham na iniwan ni Saliya sa kaniya noong gabing tumakas sila, na natagpuan niya ilang taon matapos ito pumanaw, isang halimaw na kinatatakutan ng mga Bakunawa ang isinumpang Bakunawa. Sa pagkakaintindi ni Haliya sa liham ng kapatid ay ang isinumpang Bakunawa ang magiging tulay upang matalo ng Tribu ng Himpapawid ang lahi ng mga Bakunawa – lalo na si Jormungan na Mapamuksa.

Subalit ang blangkong mga mata nito na kapareho ng kulay ng gabi ay nakatingin lamang sa kaniya – naghihintay. Sa malapitan ay mas malala pa pala ang kalagayan nito. Kitang-kita ni Haliya bakas ng paghihirap mula sa mga sugat nito sa katawan na halos natatabunan na ang tattoo nito na bumabalot sa dibdib at mga braso nito. Sa suot na tanging gutay-gutay na kalsonsilyo – hindi alam ni Haliya kung paano nito nakaya ang lamig sa paanan ng bangin. Madumi rin ang maputlang kulay kayumanggi na balat nito at halos wala nang natira sa mga kuko nito sa mga daliri. Hindi rin nakalagpas sa kaniyang matatalas na mga mata ang kadenong yari sag into na nakakonekta sa mga paa nito papunta sa isang sulok ng yungib.

Ito ba, Saliya? Ito ba ang tutulong sa akin upang maghigante?

Pero dahil lubos ang tiwala ni Haliya sa kaniyang kapatid ay tatapusin niya ang kaniyang nasimulan na krusada.

Ibinigay ni Haliya ang kaniyang matamis na ngiti sa lalaking tila piping nakatingin lamang sa kaniya. "Hindi ko alam kung naiintindihan mo ako pero hindi ako kaaway, ginoo." Itinaas ni Haliya ang kaniyang kamay upang ipakita na wala siyang dalang sandata. "Ako si Haliya." Itinuro ni Haliya ang kaniyang sarili at ngumiti ulit. "Ililigtas kita rito." Sunod na itinuro ni Haliya ang gintong kadenang nagpipigil dito upang makaalis sa lugar na ito.

Sa buong durasyon ay nakatingin lamang sa kaniya ang lalaking hindi niya pa alam ang pangalan. Nang walang makuhang sagot mula rito ay humakbang si Haliya palapit dito na agad na nagdulot ng reaksyon mula rito.

"Haliya!" tarantang sigaw ni Undin na nanunuod lang sa kanila.

"Huwag kang lumapit, Undin," pilit na saad ni Haliya sa garalgal na boses. Pilit niyang itinutukod ang kaniyang mga paa sa lupa dahil nakabitin siya sa ere. Ang payat na kaliwang kamay ng isinumpang Bakunawa na nag-anyong tao ay nakapalibot sa kaniyang leeg at sinasakal siya. Ang mga mata nito ay kalmado pa ring nakatingin sa kaniya na para bang hindi siya nito unti-unting kinikitil. Masakit din ang ulo ni Haliya dahil sa pagkabagok niya nang idiin siya nito sa dingding ng yungib.

Kay bilis ng mga pangyayari! Ang bilis niya. Huli na nang mapansin kong naisandal na niya ako sa dingding habang hawak ang leeg ko. Dalawang segundo, sa dalawang segundong iyon ay tila huminto ang oras sa kaniya at lumaktaw naman sa akin. Sa isang kurap lang ay naging ganito na ang sitwasyon. Hindi mapaghahalataang malakas ang Bakunawang ito dahil sa kaawa-awa nitong sitwasyon. Mukhang ako na ngayon ang kaawa-awa.

"Kapag hindi mo bibitawan si Haliya, gagawin ko talagang kalasag ang balat mo!" pananakot ni Undin na nanginginig naman ang boses. Ang kulay asul na buhok ng Nuno sa Punso ay umaapoy na ng kulay asul – isa ito sa mga kapangyarihan ng mga Nuno sa Punso maliban sa kakayahan nitong gumamit ng pang-pitong pandama.

Akmang pipigilan na naman sana itong magsalita ni Haliya nang lumingon ang isinumpang Bakunawa rito na tila nakakaintindi ito. Kitang-kita nito Haliya ang pagdaan ng isang nakakakilabot na tingin nito para kay Undin na para bang nakatingin ito sa isang masarap na putahe.

Agad na umaksyon si Haliya kung hindi ay baka maging pagkain ng Bakunawa si Undin. "Huwag kang gumalaw, Undin!"

Kasabay ng pagbitaw ng isinumpang Bakunawa kay Haliya ay mabilis na humarap ito sa direksyon ni Undin na nanlalaki ang mga mata. Mabilis na ikinumpas ni Haliya ang kaniyang kamay – lumabas ang kulay kahel na ilaw at agad na binalot nito si Undin.

Nang gahibla na lamang ang layo ng mga kamay ng Bakunawa kay Undin ay napahinto at nagpalinga-linga sa paligid – sa mga mata nito ay nawala bigla si Undin sa tulong ng mahika ni Haliya na nakakagawa ng ilusyon. Nakatabon sa bibig at malaking ilong ni Undin ang mga kamay nito habang si Haliya ay ramdam na ramdam ang bilis ng tibok ng kaniyang puso.

Ngayon ay nakatayo lamang ang isinumpang Bakunawa habang nakatingin sa kaniya, hindi pa rin ito gumagalaw. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng takot si Haliya habang nakatingin sa kaniyang ang maiitim na mga mata nito.

Ibubuka na sana ni Haliya ang kaniyang bibig upang magsalita nang sa isang iglap lang ay nasa harap na niya ito – nakatayo at nakatingin pababa sa kaniya dahil na rin sa angking tangkad nito.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Haliya at nagsalita na siya. "Nandito ako para humingi ng tulong sa iyo – tulungan mo akong ipaghiganti ang Tribu ng Himpapawid at tutulungan kita sa kaisa-isang nais mo."

Sa liham na ibinilin ni Saliya sa kaniya, naalala niya ang huling pangungusap nito. Nakasaad doon na may kapatid na babae ang isinumpang Bakunawa na ginawang bihag ni Jormungan.

At sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng reaksyon ang maamong mukha nito. Kumunot ang noo nito at nag-isang guhit ang labi nito.

Mabuti naman at hindi ka kasing bangis ng inakala ko dahil sa tagal mo na rito—akala ko ay naapektuhan ang ulo mo.

Nagpatuloy si Halina, "Tulungan mo akong kitilin si Jormungan at tutulungan kitang mailigtas ang kapatid mo. Kapag pumayag kang sumama sa akin ay ililigtas natin ang kapatid mo." Nakangiti na ulit si Haliya. Sa nakita niya rito ay may halaga pa pala ang mga impormasyong hawak niya.

Inilahad ni Haliya ang kaniyang kamay rito. "Handa ka bang tulungan ang kapatid mo, ginoo?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top