Ang Huling Hiling Ni Saliya

MABILIS ANG takbo ni Saliya, ang ika-anim na buwan na nagmula sa Tribu ng Himpapawid. Ang kulay asul nitong damit na yari sa mga hinabing bulaklak na nagmula mismo sa Bundok ng Kanlaon ay ngayo'y punit-punit na. Ang kulay tsokolate nitong buhok na kasing kintab ng kalangitan ay magulo. At ang dating palaging nakangiti nitong mukha ay puno nang takot at pangamba – hindi para sa sarili kung hindi ay para sa batang babaeng nasa bisig niya.

"Saliya?" Nagtatakang tanong ng batang babae na nasa bisig ni Saliya. Ang batang babae naman na mayroong kulay gintong mga mata, tila lahat ng sinag mula sa araw ay kinuha na nito, ay ang ika-pitong buwan na nagmula rin sa Tribu ng Himpapawid.

Ang Tribu ng Himpapawid ay ang tribung namamalagi malapit kay Bathala na nasa Maca ang palasyo. Ang tatlong pinuno ng Tribu ng Himpapawid ay ang mga anak ni Bathala mula sa isang mortal – sila ay sina Mayari na Dyosa ng buwan at ang ina nina Saliya at Haliya, si Hana na Dyosa ng Bukang Liwayway, at si Tala na Dyosa ng mga bituin.

Ngumiti nang matamis si Saliya kay Haliya na para bang hindi sila hinahabol ng Tribu ng Bakunawa. "Pumikit ka lamang, Haliya. Hindi ba ay sinabi ko sa'yo noon? Kapag tayo ay bumaba mula sa himpapawid ay agad mong ipipikit ang iyong mga mata?" Magaan ang boses ni Saliya kaya hindi halata ng murang isipan ni Haliya na nasa piligro ang kanilang buhay.

"Pipikit na ako, Saliya. Pero bakit tayo papasok sa lugar ni Uwinan Sana? Hindi ba ay sabi mo na dapat tayo na nabibilang sa Pangkat ng Magminarun ay hindi maaaring pumasok sa kakahuyan na ito?" Inosenteng tanong ng batang si Haliya na ikinapikit ni Saliya. Alam ng huli na masyadong matalino si Haliya kahit na ito ang bunso sa pitong buwan.

Tama ang kapatid niya, alam na alam ito ni Saliya sapagkat isang gintong utos na kapag nabibilang sa magkaibang pangkat ay dapat humingi muna ng pahintulot bago papapasukin sa teritoryo ng isa't-isa. Si Uwinan Sana, na isang Dyosa na nagmula sa Tribu ng Kakahuyan ay isang Dyosang kasapi ng Pangkat ng Mahayahayon kaya dapat sila ay humingi muna ng permiso rito bago tumapak sa lupain ng nasabing Dyosa.

Subalit wala nang oras si Saliya sapagkat buhay nilang dalawa ng kapatid ang nakasalalay – silang dalawa na natirang miyembro ng Tribu ng Himpapawid.

Akmang sasagot na sana si Saliya nang maputol ito dahil sa isang nakabibinging sigaw ng isang halimaw na alam niyang hindi nalalayo mula sa kanilang dalawa ng kapatid niya.

"Saliya, ano iyon? Iyon ba ay isang Bakunawa?" Napahigpit ang kapit ni Haliya sa balikat ni Saliya. Mas bumilis naman ang pagtakbo ng huli. Ang mga nagmamadaling tunog ng mga yapak ni Saliya ay bumalabog sa tahimik na pagkakatulog ng kagubatang sakop ni Uwinan Sana.

"Oo, Haliya. Hinahabol tayo ni Jormungan at ang kaniyang tribu. Subalit huwag kang mag-alala dahil hindi ko hahayaang magalaw maski dulo ng iyong buhok. Ako ang iyong nakakatandang kapatid at hindi kita pababayaan. Pangako ko iyan sa iyo." Puno nang determinasyon ang boses ni Saliya.

Isang maliit na tango ang naging sagot ng nakababatang buwan sa nakatatandang kapatid.

Umalingawngaw ulit ang alulong ng mga Bakunawa – ginambala nito ang tahimik na kagubatan ni Uwinana Sana. Ang mga sanga ng mga puno ay umalog na tila sumasayaw ang mga ito sa saliw ng kamatayan. Ang mga kataw na nasa ilalim ng sapa na binabaybay ni Saliya ay lumutang ang mga ulo upang makita kung sino ang nangahas na pumasok sa teritoryo ng isang Dyosa. Habang ang malamig na hangin ay tila umuungol dahil sa kanilang presensya. Ang kalangitan ay madilim sapagkat ang nalalabing dalawang buwan ay bumaba mula sa himpapawid at ngayon ay tinutugis sa lupain ng mga mortal.

Subalit walang pakialam si Saliya sa mga pagbabago na nangyayari sa loob ng kagubatan ni Uwinan Sana. Ang kaniyang mga mata ay naglilikot, naghahanap ng isang lugar na mapagtataguan ng kaniyang nakababatang kapatid.

Ang mga malalakas na tunob ng mga Bakunawa ay dumagundong sa loob ng kagubatan. Nakapasok na ang mga ito sa teritoryo ni Uwinan Sana – na siyang hindi kataka-taka sapagkat ang Tribu ng Bakunawa at ang Tribu ng Kagubatan ay mga kasapi ng Pangkat ng Mahayahayon – hindi tulad nila ni Haliya na nagmula sa Pangkat ng Magminarun.

Lakad at takbo na ang ginagawa ni Saliya habang ramdam niya ang panginginig ng mga kalamnan ni Haliya.

"Saliya, matutulad ba tayo sa iba nating mga kapatid? Makukuha rin ba tayo ng mga Bakunawa?" Tahimik ang batang boses nito subalit ang takot at lungkot ay dinig na dinig ni Saliya.

"Sshh. Huwag kang mag-alala, Haliya." Sa isang iglap ay inilipat ni Saliya si Haliya sa butas na pinapagitnaan ng dalawang puno ng Camachile. Dahil maliit lang ang katawan ni Haliya ay madali lamang nitong naipasok sa butas kung saan natatabunan ito ng mga baging. "Dito ka lang. Huwag na huwag kang magi-ingay, maliwanag?"

Lalayo na sana si Saliya kay Haliya nang hindi siya binitawan ng huli. Umiiling ang nakababata niyang katapid habang ang ginintuang luha nito ay walang tigil sa pagpatak. Nanlambot man ang tuhod ni Saliya sa awa para rito ay pinatigas niya ang kaniyang damdamin – lalo na at dinig niya ang paparating na mga yabag ng mga Bakunawa. Iwinakli niya ang mga maliliit na braso nito sabay mariing na bumulong. "Dito ka lang! Ang lahi ng Tribu ng Himpapawid ay hindi matatapos sa gabing ito, tandaan mo iyan Haliya. Manatili ka rito hangga't hindi si Uwinan Sana ang makakatagpo sa iyo, maliwanag?"

Nahihintakutan man at puno man ng ginuntuang luha ang mga pisngi ay agad na tumango ang batang buwan. "Babalikan mo ako Saliya, hindi ba? Hindi mo ako iiwan mag-isa, hindi ba?" May pagsusumamo sa boses nito na ikinaiyak na nang tuluyan ni Saliya.

Ang ginintuang mga luha ni Saliya ay nalaglag sa pisngi ng batang si Haliya nang halikan niya ito sa noo. "Patawarin mo ako, Haliya. Pero simula ngayon, ikaw na ay si Halina. Ang bagong catalonan ng mundong ito. Ang iyong kapangyarihan at ala-ala ay babalik lang sa iyo matapos ang labing-isang tagsibol."

Matapos niyang halikan ang nakababatang kapatid ay agad na nawalan ito nang malay. At doon umilaw ang parte ng noo na hinalikan ni Saliya. Unti-unti ay naging kulay tsokolate ang buhok nitong kasing puti ng buwan; naging kulay puti ang mga ginintuang luha nito; naging kulay tsokolate ang gintong mga mata nito na ngayo'y nakapikit; at nawala ang halimuyak nito na magsasabing isa itong buwan.

Gamit ang kahuli-hulihang mahika ni Saliya ay ginawa niyang tao si Haliya sa loob ng ilang ikot ng panahon – sapat lamang upang makayanan nitong mabuhay mag-isa, malayo sa piligro ng Tribu nga Bakunawa.

"Mahal na mahal kita, Haliya. Sana ay lumaki kang mabait at malusog."




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top