Ang Dalikamatang Si Uruja
ANG DALIKAMATA ay isang nilalang na naninirahan sa yungib na matatagpuan sa budok ng Kanlaon. Ang kasarian nito ay sa isang babae na mayroong libu-libong mga mata sa katawan kung saan makikita nito ang lahat ng mga pangyayari sa paligid – kahit pa man sa malayo.
Ang nilalang din na ito ay ang tapat na alalay ni Saliya kaya noong namatay ang kapatid niya ay nagmukmok ito sa bundok Kanlaon – ang paboritong lugar ni Saliya sa mundo ng mga mortal.
Nakasuot ng robang kulay tanso sina Haliya at Undin habang binabagtas nila ang maliit na sapa. Upang hindi mag-iwan ng marka sa lupa ay sa mismong sapa sila naglalakad ni Undin.
"Hindi ba nangangain ng mga Nuno sa Punso ang mga Dalikamata, Haliya?" May alinlangan na mababanaag sa boses ni Undin habang papalapit na silang dalawa sa lagusan ng yungib kung saan nakatira ang huling Dalikamata na si Uruja.
Tanging pagtaas ng kilay ang sagot ni Haliya sa pagiging duwag ni Undin at nagpatuloy na sila sa sa lagusan.
Ang mahinang pagsipol ng hangin na dumadaloy mula sa loob ng yungib ay may dalang lamig para sa dalawa na nakatayo sa mismong harapan ng lagusan. Madilim man ang lugar ay tila nakatayo sina Haliya at Undin sa harap ng mga maraming nilalang – subalit alam nila na iisang nilalang lamang ang nasa loob ng yungib.
Hindi na nag-atubili si Haliya at agad siyang naglakad papasok sa yungib. Kahit na akmang pipigilan ito ni Undin ay hindi nagpatinag si Haliya. Ang kaniyang walang sapin na mga paa ay tinahak na ang madulas at mabatong yungib. Sa bawat paghakbang ni Haliya ay unti-unti namang kumikinang ang kaniyang buhok – ang dating kulay tsokolateng mga mata din ay kumikinang. Mula sa dulo ay naging kulay puti ang mahabang buhok ni Haliya at ang mga mata niya ay naging kulay ginto.
"Saliya? Ikaw na ba iyan?" Isang mahina at malungkot na boses ng isang batang babae ang nagsalita mula sa pinakamadilim na parte ng yungib. Si Undin naman ay naging alerto dahil sa boses at mabilis na iniumang ang baton sa direksyon na pinanggagalingan ng boses.
Tinanggal ni Haliya ang roba na nagdulot ng pagkadismaya para kay Dalikamata. "Hindi ikaw si Saliya... subalit kaamoy mo siya." May ingay na nagmula kay Dalikamata na tila naglalakad ito papunta sa direksyong kinatatayuan ni Haliya.
"Talaga bang hindi nananakit 'yan, Haliya? Simula nang nawala ang mga buwan labing-anim na taon na ang nakaraan ay hindi na lumalabas mula sa yungib na ito ang nilalang na si Dalikamata."
Bahagyang nilingon ni Haliya si Undin bago ngumisi. "Nakalimutan mo na ba, Undin? Ako ang natitirang buwan matapos nilang patayin ang kapatid ko."
"Sino? Sino ang pumatay kay Saliya, batang buwan?" Ang malamig na mga kamay nito na mayroong mga kumukurap na mga mata ang humawak sa magkabilang balikat ni Haliya. At dahil may dalang apoy ang baton ni Undin. Nasaksihan nila ang anyo ni Dalikamata.
Isa itong matangkad na nilalang, may buhok na kulay itim na kasing haba ng tangkad nito. Pinapalibutan ng mga mata ang buong katawan nito. May suot itong saya subalit wala itong pantaas na damit at mukha rin itong ilang taon nang walang kain. Sa pagkakaalam ni Haliya – mula sa kapatid niya – ang kinakain ng mga Dalikamata ay mga enerhiya ng mga catalonan.
Hindi tinanggal ni Haliya ang mahigpit na kapit ni Dalikamata sa kaniya sa halip ay sinalubong niya ang malaking mata nito sa noo. "Sinunog ng pinuno ng mga bakunawa na si Jormungan ang kapatid ko. Habang ang mga Diyos at Diyosa na kasapi ng Pangkat Mahayahayon ay hinati ang sunog na katawan ni Saliya upang gawing dekorasyon sa kanilang mga tribung nasasakupan." Ibayong poot ang naghari sa damdamin ni Haliya habang napaluhod ang Dalikamata sa harap niya. Ang mga mata sa katawan nito ay may iba't-ibang damdamin na pinapakita – lumbay, pagsisisi, poot, lungkot. Mayroong umiiyak na mga mata habang may namumula sa galit na mga mata.
Pumantay si Haliya sa pagkakasadlak ng Dalikamata. "Hanggang diyan ka na lang ba? Matapos mong malaman ang mga pumatay kay Saliya? Hahayaan mo bang sa ikalawang pagkakataon ay wala ka na namang maggawa?" Mas lumapit si Haliya sa luhaang Dalikamata at bumulong sa kanang tainga nito. "Uruja."
Nanlaki ang mga mata ng Dalikamata na si Uruja. Alam ni Haliya na si Saliya ang nagbigay ng pangalan na Uruja sa Dalikamata at alam din ni Haliya na ito ang magtutulak sa nilalang upang salihan siya sa kaniyang plano.
Ilang minutong natahimik ang nilalang kaya sinamantala naman ito ni Undin. "Talaga bang maayos ang utak niyan, Haliya? Para kasing nabubuwang na siya e. Tingnan mo nga ang buhok, walang suklay," bulong ng Nuno sa Punso sa ngayon ay nakatayo nang si Haliya.
Isang nakangiting mukha naman ni Haliya ang sumagot. "Huwag kang mag-alala, Undin. Ikaw ang uutusan kong magsuklay sa buhok niya."
Nawala lahat ng kulay sa mukha ni Undin na ikinangisi lamang ni Haliya bago bumaling ulit sa Dalikamata na unti-unti nang tumayo. "Sino sa mga Diyos at Diyosa ng Pangkat ng Mahayahayon ang lumapastangan sa katawan ni Saliya?" Wala na ang pagdadalamhati sa halip ay pinalitan ng poot ang nadarama ni Uruja.
"Mula sa pinuno ng Pangkat ng Mahayahayon na si Dumangan at sa mga miyembro nito na sina Indianale, Kalasakas, Kalasokus, Damulag, Dumakulem, Dian Masalanta, Mankukutod, Uwinan Sana, Lakambini, at Lakanbakod." Madilim ang anyo na sagot ni Haliya.
Mabilis na umaksyon si Uruja. Akmang lalampasan nito sina Haliya at Undin sa tangkang pag-atake sa mga nilalang na lumapastangan kay Saliya. "Undin," saad ni Haliya at awtomatikong ginamit ni Undin ang baton nito. Umilaw ang sandata ni Undin at naglabas ng kakaibang hangin na tila hinihigop nito ang palipad na sanang si Uruja.
Ang galit at nasasaktang mga ungol ni Uruja ay umalingawngaw sa buong bundok ng Kanlaon dahilan upang ang mga maliliit na nilalang ay mas nagtago sa kani-kanilang mga lungga.
"Huwag na huwag mo akong pipigilan, batang buwan!" Ang mga matatalim na kuko nito ay pilit na nilalabanan ang paghigop ng hangin.
Sa gitna ng rumaragasang hangin ay naglakad si Haliya papunta sa harap ni Uruja. Ang gintong mga mata niya ay tila sibat na tumatarak sa Dalikamata. "Sabihin mo sa akin, Uruja. Alam mo ba kung paano pumatay ng Diyos o Diyosa? Alam mo ba kung paano talunin ang halimaw na bakunawa? Malakas ka ba upang matalo ang mga alagad ng mga Diyos at Diyosa?"
Hindi nakasagot ang Dalikamata sapagkat alam nitong mahina lamang ito kumpara sa mga nilalang na tutugisin nito. Subalit ang purong galit nito ang nakapagpabulag sa mahinang Dalikamata.
Humakbang papalapit kay Uruja si Haliya. "Kung galit lang ang pag-uusapan, galit na galit ako. Pero hindi ako kasing tanga mo na basta na lamang susugod sa pugad ng kalaban upang mamatay nang maaga. Hindi. Handa ako sa isang mahabang laban. At sa labang aking hinahabi, kailangan kita." Inilahad ni Haliya ang kaniyang kanang kamay kay Uruja.
Nagdaan ang ilang minuto subalit tinitigan lamang ni Uruja ang kamay ni Haliya bago naglakad pabalik sa isang sulok ng yungib. "Aba't!" Angal ni Undin sa halatang kawalang tiwala ng Dalikamata kay Haliya subalit ngumiti lamang ang huli at binawi ang nakalahad na kamay.
Sinundan ni Haliya si Uruja – na ngayon ay nakabaluktot sa gilid ng yungib at nakayuko ang ulo – at tumayo sa harap nito. "Makinig ka Uruja dahil wala akong oras na pakinggan ang pagi-inarte mo. Makinig ka sapagkat hinding-hindi ko na ito uulitin kahit pa pumuti lahat ng mga mata mo." Pumantay si Haliya kay Uruja habang sinigurado naman ni Undin na walang nakikinig sa kanila gamit ang salamangka ng hangin. "May lihim na pilit na tinatago ang Tribu ng Bakunawa. Hindi ito alam ng lahat kahit na si Dumangan – ang pinaglilingkuran ng pinuno ng mga bakunawa. Narinig ko lamang ito mula kay Uwinan Sana nang inakala ng huli na walang nakikinig sa kaniya. Hindi ko ginugol ang oras ko sa ilalim ng Diyosang may hawak sa kanang kamay ng kapatid ko para lang sa wala. May dahilan kung bakit sa kagubatan ni Uwinan Sana pinili ni Saliya pumanaog mula sa himpapawid. At napagtanto ko lamang ito noong nakaraang taon."
Huminga nang malalim si Haliya bago magpatuloy. Ang kaniyang kamay ay ikinuyom niya bago nagpakawala ng ngiti – ng isang mapanlinlang na ngiti. "Alam mo ba kung ano ang natuklasan ko? Ang kahinaan at kahihiyan ng Tribu ng Bakunawa. At doon ka makakatulong sa akin. Hahanapin mo ang isinumpang bakunawa. Ibibigay mo ang lugar kung saan ko siya makikita at doon tuluyang iikot ang sinulid ng kapalaran para sa mga nilalang, Diyos, at Diyosang yumurak kay Saliya at sa iba pang mga buwan." Ang ngiti niya ay unti-unting napalitan ng isang nakakakilabot na ngisi.
Napalunok naman si Undin sa nakikitang paglabas ng tunay na ugali ni Haliya – malayo ito sa imahe ng isang mabait na catalonan na si Halina mula sa Tribu ng Kagubatan. Si Uruja naman ay tila nabuhayan sa sinabi ni Haliya at unti-unting tumayo mula sa pagkakabaluktot. Nasasalamin sa mga mata nito ang bagong pag-asa na hatid ng batang buwan. "Sabihin mo sa akin, batang buwan ng Tribu ng Himpapawid. Ano ang dapat kong gawin?"
Sa tinuran ng Dalikamata ay tila kuminang ang gintong mga mata ni Haliya. "Lumuhod ka at sumumpang ako lamang ang susundin mo. Hindi ako naniniwala sa tiwala pero naniniwala ako sa utang na loob. At utang mo ang buhay mo sa kapatid ko subalit wala na si Saliya. Kaya bilang kapatid ni Saliya, ako ang maniningil sa'yo. Lumuhod ka at sundin mo lahat ng mga ipag-uutos ko."
Lumapit si Undin sa dalawa upang masaksihan ang pagkadagdag ng Dalikamata sa maliit na pangkat nila ni Haliya. Alam ni Undin ang bigat ng pagluhod sa isang Diyosa. Kahit na hindi Diyosa si Haliya – dumadaloy sa ugat nito ang dugo ni Bathala.
Natilihan man sa narinig ay lumuhod pa rin and Dalikamata. Ayaw na ni Uruja na patuloy na magkubli sa dilim sa takot na siya ay isunod ng mga bakunawa. Ngayon ay may konting pag-asa na siyang harapin ang bukas sapagkat ang batang buwan na kaniyang niluluhuran ay isang halimaw na nagkukubli sa katawan ng isang dilag.
Sa pagluhod ng nilalang sa harap ni Haliya ay nakikinita na niya ang susunod na hakbang. Isang kulay lilang paru-paru ang lumabas mula sa palad ni Haliya at pumasok ito sa katawan ni Uruja. "Kailangan mong maging malakas upang magamit mo nang husto ang iyong salamangka. Ang paru-paru na iyan ay naglalaman ng enerhiya mula sa isang bagong sibol na catalonan. Lasapin mo ang linamnam ng kapangyarihan ni Sonaya – ang batang tunay na catalonan ng Tribu ng Kagubatan."
May maliit na ngiti sa mga labi nina Haliya at Undin habang nakatingin kung paano tila lumiyad si Uruja dahil sa bugso ng kapangyarihan nang pumasok ang paru-paru.
"AAAH!" Nakalahad ang dalawa nitong mga kamay habang malayang inaayos ng enerhiya ang katawan ng napabayaan na Dalikamata.
Mahinang hinablot ni Haliya ang buhok ni Uruja upang humarap ito sa kaniya. "Hanapin mo ang lagusan ng Nayon ng Kasanaan kung saan ang Diyos na si Sitan ang namamahala. May yungib sa tabi ng lagusan, hanapin mo kung nasaan ang yungib na iyon. Babalik ako rito sa ika-tatlong gabi, Uruja. Magpalakas ka at huwag mo kaming biguin ng kapatid ko." Binitawan na ito ni Haliya at naglakad na papalayo kay Uruja na nanginginig pa at hindi makapagsalita.
Nang humakbang palabas ng yungib si Haliya ay awtomatikong nawala ang kulay puti nitong buhok at kulay gintong mga mata. Bago pa man tuluyang makalayo sa yungib ay lumingon muna siya. "Malaki ang pananalig ko sa kakayahan mo, Uruja. Hanggang sa muli nating pagkikita."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top