Ang Catalonan Ni Uwinan Sana
ANG MALAKING puno ng Narra na matatagpuan sa gitna ng kagubatan ni Uwinan Sana ang nagsisilbing palasyo ng Dyosang namumuhay sa gubat. Ang mga hayop na nakatira sa kagubatan ni Uwinan Sana ay protektado ng Dyosa mula sa mga lobo at aso ni Amani Kabli – ang Diyos ng mga mangangaso – na nakatira sa gubat na katabi lamang ng kagubatan ni Uwinan Sana. May mga pangkat ng tao ring nakatira sa loob ng kagubatan ni Uwinan Sana; sila ang mga mamamayan na nabubuhay mula sa pagpuputol ng kahoy at pag-aalay ng mga naga-anito sa Diyosang si Uwinan Sana na nakatira sa loob ng mayabong na puno ng Narra.
"Halina, ikaw ay kanilang hinahanap," saad ng isang matandang boses.
Ang dalagang may suot na isang puting lasong pinagtugpi-tugpi na nagmula sa hinabing mga balahibo ng Tigmamanukan – isang ibon na nagdadala ng mga pangitain – ay napahinto.
Lumingon ang isang babaeng mayroong mga matang kasing kulay ng buhok – kulay kayumanggi. Isang maamong mga mukha at maliit na pangangatawan na mayroong amoy na nagsasaad na isa itong tao. Subalit ang kwintas nitong may simbolo ng isang puno ay malinaw na indikasyon na isa itong catalonan mula sa Tribu ng Kagubatan.
Ang mga catalonan ay ang mga babaeng ipinanganak na may kakayahang makipag-usap sa mga Diyos at Diyosa. Mayroon din silang kakayahan na makipag-usap sa mga nilalang na hindi sakop ng mga tao. Sila rin ang nag-aalay ng mga dasal ng panalangin at pasasalamat mula sa mga taong sumasamba sa mga Diyos at Diyosa.
Ngumiti nang matamis ang dalaga. "Undin. Bakit daw nila ako hinahanap?"
Ang anyo ng babaeng nakikita ni Undin ngayon ay mahahalintulad sa isang Diyosa kaya tila napatigil ang huli bago ito makapagsalita uli. "Ang anak ni Apo Latik, si Sonaya. Sabi-sabi ng mga tao sa nayon na isa rin siyang catalonan. Pero ang ipinagtataka nila ay paano nagkaroon ng dalawang catalonan sa Tribu ng Kagubatan kung nandito ka na?" Nasa tono ni Undin ang pagkabahala para sa kaniyang amo.
Napangiti naman ang babae at naglakad papalapit kay Undin na isang Nuno sa Punso. Nailigtas niya ito sa panahong hinahanap niya ang taong mahalaga sa kaniya. Sa halip na mahanap ang hinahanap niya ay ang sugatang Nuno sa Punso ang kaniyang natagpuan kaya napagdesisyunan niyang kupkupin na lamang ito. Sa loob ng panahon na nasa poder niya si Undin ay masasabi ng dalaga na wala siyang pinagsisihan. Sapagkat walang makakatalo sa mga Nuno sa Punso kung katapatan ang pag-uusapan. Alam ng dalaga na totoo ang kasabihan na kayang isangla ng mga Nuno sa Punso ang kanilang kaluluwa kay Sitan kung kinakailangan para sa mga nilalang na kanilang pinag-aalalayan ng katapatan.
Sa harap ng babae nakatayo ang nakatingalang si Undin na mayroong kulay asul na buhok, matandang mukha na may malaking ilong, may suot na kulay lupang roba na hinabi mula sa dahon ng baging, at may dala-dalang baton.
Yumuko ang babae at pumantay kay Undin. Sa nakangiting mukha, nagbigay ng utos ang dilag. "Dalhin mo ako sa bahay ni Sonaya. Gusto kong makita ang batang magiging catalonan."
Agad namang tumango si Undin. "Halika na, Halina. Magmadali tayo sapagkat hindi pa ito nakaabot kay Uwinan Sana. Alam mo naman ang Dyosang iyon, palaging natutulog sa taas ng puno ng Narra."
Tumango lamang ang babae habang nagmamadaling lumisan sa kaniyang maliit na kubo na matatagpuan malapit lamang sa palasyo ng Diyosa.
SA PAGDATING ng catalonan na si Halina at ang bantay nitong si Undin ay agad napahinto ang mga tao sa nayon ng Tribu ng Kagubatan. Ang walang sapin na mga paa ng dalaga ay tahimik na binaybay ang daan patungo sa kubo ni Apo Latik. Ang mga taga-nayon na nagkumpulan sa harap ng bahay ni Apo Latik ay awtomatikong nahawi sa pagdating ng dalaga at ng bantay nitong Nuno sa Punso.
"Mabuti naman at nandito ka na, catalonan!" Sigaw ng isang taga-nayon na sinagot lamang ng babae ng isang tango habang mabilis na naglakad papunta sa maliit na kubo kung saan nakatira si Sonaya.
"Kami ay hindi na alam ang gagawin sapagkat ako at ang aking pamilya ay naguguluhan sa takbo ng mga pangyayari!" Salubong ni Apo Latik, ang pinuno ng mga taga-nayon. Ito rin ang palaging nakikipag-usap kay Halina tungkol sa mga naga-anito na gagawin ng catalonan para sa nayon.
Bakas sa mukha ni Apo Latik ang takot, pagkalito, at kasiyahan. Takot dahil baka may masamang dulot ang mga sintomas ng pagiging catalonan ng anak nitong si Sonaya. Pagkalito sapagkat alam ni Apo Latik na iisa lang ang maaaring maging catalonan sa isang tribu. At kasiyahan dahil kapag naging catalonan ang anak na si Sonaya ay mas magiging malapit ang pamilya ni Apo Latik sa Diyosang si Uwinan Sana.
Sa harap ng mga taga-nayon ay tinapik ng dalaga ang balikat ni Apo Latik – ang mukha ng dalaga ay puno nang pag-unawa. "Huwag kayong mag-alala. Ako na ang bahala sa kanya." Sumilip sa loob ng bahay si Halina. "Nasa loob ba si Sonaya?"
Mabilis namang tumango si Apo Laki. "Oo, mahal na catalonan. Gusto mo ba siyang makausap? Magkasama sila ng aking katipan."
Mahinang tumango ang dalaga. "Nais ko sanang makausap si Sonaya na kami lang."
Agad namang sumang-ayon si Apo Latik na agad pinagbuksan ang catalonan. Si Undin naman ay naiwang nakatayo sa may pinto – nakaharap sa mga taga-nayon na naghihintay kung ano ang masasabi sa pinagkakatiwalaang catalonan.
Nang lumabas na si Apo Laki at ang katipan nito sa kubo, naiwan sa loob ang dalagang catalonan at ang labing-anim na taong gulang na si Sonaya. Pagkalabas ng mag-asawa ay awtomatikong pumwesto si Undin sa harap ng pinto bilang bantay ng catalonan. Hindi na bago sa mga taga-nayon ang inaakto ni Undin kaya pinabayaan na nila ito.
SA KABILANG banda naman, nakatayo ang nakangiting catalonan sa harap ng isang dalagang nakaupo sa higaan na gawa sa kawayan. Nakabaluktot ito habang nakatingin sa dalagang catalonan na tila takot na takot.
"Sonaya, kilala mo naman ako hindi ba? Alam mo namang hindi ako masama at maaari kitang matulungan." Dahan-dahang naglakad ang dalaga papunta sa kinauupuan ni Sonaya.
Sa sinabi ng dalaga ay agad kumalma si Sonaya at tuluyang pinalapit ang pinagkakatiwalaang catalonan.
Nang makaupo na ang dalaga sa harap ng nakabaluktot na si Sonaya ay agad na nagtanong ang dalagang catalonan. "Sabihin mo sa akin, Sonaya – at gusto kong maging tapat ka sa akin – ano ang iyong nararamdaman? Sabihin mo sa akin ang lahat." Ang tono ng dalagang catalonan ay mapaghalina na tila isa itong Diyosang bumaba mula sa Maca upang tulungan ang nahihirapang si Sonaya.
Alangan man dahil isa ring catalonan ang kaharap ni Sonaya, ang mapag-unawang ngiti ng dalagang catalonan ay nagpakalma kay Sonaya na nagtulak sa kanya upang isiwalat niya ang lahat. Sa mababang boses, nagsimulang magsalita si Sonaya. "Kagabi pa lang ay ramdam ko na ang kakaibing init mula sa aking dibdib. Akala ko noong una ay isa itong sakit na dulot ng tag-init. Subalit noong ako ay nagising kanina ay ito ang nakita ko." Inilahad ni Sonaya ang kanang kamay sa dalagang catalonan na tahimik lamang na nakikinig.
At doon nawaglit nang isang segundo ang ngiti sa mukha ng catalonan na agad namang bumalik sa dati ang anyo na tila hindi nangyari ang pagbabago nito ng ekspresyon.
Ang kanang palad ni Sonaya ay mayroong marka na korteng puno – isang simbolo na isa nga itong catalonan ng Tribu ng Kagubatan. Binaybay ng dalagang catalonan ang marka ni Sonaya bago magsalita. "Sonaya, Sonaya, Sonaya – ikaw nga ay isang catalonan. Binabati kita."
Akmang sisigaw na si Sonaya sa saya at upang ibalita kina Apo Latik ang nalaman nang humigpit ang kapit ng dalagang catalonan sa kamay ni Sonaya. "Ako ay nag-aalala kina Apo Latik. Kapag nalaman nila ito panigurado malilipat sa inyo ang aking mga pinagdadaanan simula nang ako ay naging catalonan."
"An-Ano ang ibig mong sabihin, mahal na catalonan?"
Ang malamig na mga mata ng dalagang catalonan ang siyang sumalubong kay Sonaya. "Kapalit ng kapangyarihana ay isang walang hanggang responsibilidad, Sonaya. Kaakibat ng tinatamasang kapangyarihan ng mga catalonan ay ang mga sakripisyo na hindi maiiwasan lalo na at ang ating kapangyarihan ay isang hadlang mula sa mga kampon ng Diyos na si Sitan." Base sa boses ng dalagang catalonan ay tila kay dami na nitong napagdaanang paghihirap na siyang ikinalunok ni Sonaya dahil sa takot.
"Ano ang sakripisyo mo, mahal na catalonan? Paano mo nakayanan? Siguro naman dahil nakayanan mo ay makakaya ko rin."
Hinawakan ng dalaga ang pisngi ni Sonaya nang dahan-dahan bago malungkot na umiling. "Nawalan ako ng kapatid na siyang tanging pamilya ko, Sonaya." Sa sinabi ng dalaga ay nanlaki ang mga mata ni Sonaya. Inilapit ng dalagang catalonan ang labi sa kaliwang tainga ni Sonaya at doon tahimik na bumulong. "Sabihin mo sa akin, Sonaya, kaya mo bang mawala ang mga magulang mo?"
Tumayo na ang dalaga sa harap ni Sonaya na wari ay aalis na. "Kung iyong mararapatin ay ipapaalam ko na sa mga taga-nayon ang balita tungkol sa pagiging catalonan mo." Akmang tatalikod na ang dalagang catalonan nang hawakan ito ni Sonaya sa pulso na tila ba ay pinipigilan nito ang gagawin ng dalaga.
Sa nanginginig na boses ay nagsalita si Sonaya. Wala nang bakas ng pagsasaya, napalitan ng matinding takot ang buong hitsura nito. "Tulungan mo ako, mahal na catalonan. Ayokong may mangyaring masama kina inay at itay. Pakiusap, tulungan mo ako. Gagawin ko ang lahat!"
Sa sinabi ng batang catalonan ay tuluyang nahulog ang maskarang pilit na ipinapakita ng dalagang catalonan. Niyakap ng dalagang catalonan ang nanginginig sa takot na si Sonaya. Isang ngiting tagumpay ang lumabas mula sa labi ng dalaga bago bumulong ulit kay Sonaya. "Heto, inumin mo ito."
Agad naman tinanggap ni Sonaya ang maliit na bote na may lamang likidong gamot. "Ano ito, mahal na catalonan?"
Ngumiti nang matamis ang dalagang catalonan bago sumagot gamit ang mapanghalinang boses nito. "Iyan ay ugat ng halamang Duwaw kung saan kapag ininom mo 'yan ngayon ay mawawala na nang tuluyan ang pagiging catalonan mo."
Namilog ang mga mata ni Sonaya at mabilis na nilunok ang lunas. Sa pag-ubos nito ng naturang lkido ay unti-unting nawala ang marka ni Sonaya.
Ginulo ng dalagang catalonan ang buhok ni Sonaya. "Ayan, wala na ang kinatatakutan mo. Paano 'yan? Sasabihin ko pa rin ba ito sa taga-nayon?"
Mabilis na umiling si Sonaya na unti-unting nawala ang pagkatakot. "Hindi nila kailangang malaman dahil wala na rin naman ang marka. Maraming salamat, mahal na catalonan."
"Walang anuman, Sonaya."
NASA LOOB na ng kubo malapit sa sagradong puno ng Narra ang dalagang catalonan at si Undin. "Nakuha mo ba, Halina?" Agad na tanong ni Undin habang abala ito sa pagsara ng mga bintana at pinto.
Walang pakialam na nagtungo ang dalagang catalonan sa mesa na may nakalagak na alak mula sa niyog o mas kilalang tuba. Kumuha ng inumin ang dalaga bago sinagot ang Nuno sa Punso gamit ang nababagot na tinig. "Pwede ba? Hanggang kailan mo ba ako tatawagin sa pangalang 'yan, Undin? Hindi ako si Halina – na isang mabait na catalonan – ako si Haliya, ang huling buwan na tatapos sa buong Tribu ng Bakunawa. Huwag na huwag mo 'yang kakalimutan." Tumalim ang mga mata ni Haliya bago nagpatuloy sa pag-inom.
"May pakpak ang mga sekreto at may tainga ang hangin sa loob ng kagubatan ni Uwinan Sana, alam mo 'yan, Haliya."
Ngumiti nang mapakla si Haliya bago bumaling sa Nuno sa Punso na ngayon ay nakaupo na sa harap niya – umiinom na rin ng tuba. "Paano ko 'yon makakalimutan kung iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit nahuli at napatay ni Jormungan ang kapatid ko? Huwag kang mag-alala, Undin. Iisang piraso ng kabanata na lamang ang aking hinihintay."
Nag-aalalang tiningnan ni Undin ang dalaga bago magsalita uli. "Nakatanggap ako ng mensahe mula kay Uwinan Sana para sa iyo. Tinatawag ka niya. Siguro ay dahil sa nalalapit na Pagtitipon ng Makahari... Siguro ay ikaw ang napiling catalonan sapagkat ikaw ang pinakamalakas sa lahat ng mga catalonan sa buong lupain ng mga mortal."
Sa sinabi ni Undin ay napangisi si Haliya. "Anak ako ni Mayari na Diyosa ng buwan, Undin. Dapat lamang na ako ang pinakamalakas... subalit hindi dapat nila malaman kung ano ang kakayahan ko sapagkat hindi pa nagsisimula ang aking plano na pabagsakin ang lahat ng mga may kinalaman sa pagkamatay ni Saliya."
Labing-anim na tagsibol na rin ang nakalipas matapos iwanan ni Saliya si Haliya. At limang ikot ng mga panahon na rin ang nagdaan simula nang maalala ni Haliya ang lahat. Naalala niya kung paano isabit ng mga bakunawa ang sunog na katawan ni Saliya. Naalala ni Haliya kung paano pagpirapirasuhin ng mga Diyos at Diyosa – na kasapi ng Pangkat ng Mahayahayon – ang katawan ni Saliya. Alam ni Haliya kung nasaan ang bungo ng kapatid niya at nasa lagusan ito ng Tribu ng Bakunawa.
Ang mabait niyang kapatid na si Saliya. Dahil sa kabaitan at pagmamahal nito sa kaniya kaya tila manikang pinatay ito ni Jormungan. Subalit, iba siya. Iisa lang ang rason niya kung bakit siya nagpapanggap na catalonan. At iyon ay siguraduhin ang kamatayan ng mga nilalang na lumapastangan kay Saliya.
"Undin, samahan mo ako mamayang gabi sa yungib ni Dalikamata."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top