Chapter 9: She's Already Taken . . . Me

"Bakit hindi mo sinabi agad?" malungkot na tanong ni Vincent.

Hindi siya agad nasagot ni Karen at tinitigan lang siya nito. Mababasa sa mukha nitong hindi kasi siya nakikinig kaya mahirap magsalita nang magsalita.

"GT, I'm really sorry," paumanhin ni Karen at bumuga ng hininga. "Matagal na sila ng boyfriend niya. I hope you're getting the idea."

"Bakit ang bitter niya?" tanong niya sabay kamot ng ulo. "And why is that every time na makikita ko siya, palagi siyang mag-isa? Nasaan ang boyfriend niya?"

Isa na namang pagbuga ng hangin mula kay Karen at saka umiling. "Niz has her issues, okay? Let's say, isa ang boyfriend niya sa reasons kung bakit siya nag-home-based. May priorities siya."

"Pero bakit nga bitter siya?" pagpipilit niya dahil hindi talaga niya matanggap na taken na ang crush niya. "Bakit wala siyang photo sa FB na magkasama sila? Bakit hindi nakalagay sa relationship status niya sa FB na taken pala siya? Bakit wala siyang public post ng mga date nila? Where is the guy if she really is taken?"

Lalong ngumiwi sa kanya si Karen. "You really are stalking her. Ang creepy mo sa part na 'yan, GT. Tigilan mo nga 'yan."

"I really like her, Karen," malungkot na sabi ni Vincent at nadismaya sa nalaman.

Taken na pala ang crush niya. Parang biglang gumuho ang mundo niya sa isang iglap. Tatlong taon din niyang hinintay na magkalapit sila, paano nga bang hindi siya malulungkot?

"Oh, GT . . ." Tumayo na si Karen at niyakap siya sa gilid habang hinahagod nito ang balikat niya. Para siyang batang inaalo dahil hindi siya napagbigyan sa gusto niya.

"Tingin mo . . ." malungkot niyang sinabi. ". . . kailan kaya sila magbe-break?"

Napahinto tuloy si Karen sa paghagod sa balikat niya at bigla na lang siyang hinampas. "Sira ka ba?"

"Wala lang, malay mo." Kumibit pa siya.

"GT, that's a bad idea." Dinuro siya ni Karen sa mukha. "Don't do something stupid, ha?"

Ngumisi siya kay Karen na dahilan kaya saglit na umikot ang mga mata nito. Matigas ang ulo niya—magkasintigas sila ng ulo ni Eunice. Mas mataas lang ang confidence niya.

"Ayusin mo na lang muna ang collab novel mo, hmm?" utos ni Karen. "Saka mo na isipin 'yang love life mo kasi nakakakilabot ka na." Bumalik na ito sa office chair bago ituloy ang sinasabi. "I know you, GT. Pero alam ko ring hindi ka ang tipo ng taong naninira ng relasyon. You should know what it felt like."

Lalo lang tuloy siyang nalungkot dahil tama si Karen. Wala rin naman siyang balak sirain ang relationship ng crush niya sa boyfriend nito—kung sino man ang lalaking iyon—pero gusto pa rin niyang panghawakan ang kaunting pag-asa na baka lang puwede sila.

Kung lang naman.

"Tingin mo, papansinin na ba niya ako kapag naging guwapo ako sa paningin niya?" malungkot na tanong niya kay Karen. Kasi sa mga oras na iyon, kahit pa alam niyang may itsura siya, nararamdaman pa rin niyang parang hindi pa sapat iyon para pansinin siya ng crush niya. Bigla tuloy siyang na-insecure sa boyfriend nitong hindi pa naman niya nakikita.

"Vincent, you're guwapo, okay?"

Pero kahit na sinabi iyon ni Karen, ayaw pa rin niyang maniwala. Lalo lang tuloy siyang nalungkot. Sana si Eunice ang nagsabi para maniwala siya.

"Pero bakit hindi niya ako napapansin?" nakanguso pang tanong niya.

Hindi na tuloy alam ni Karen kung paano pagagaanin ang loob niya. Sa dami ng puwede niyang maramdamang insecurity, itsura pa ang napili niya. Kung tutuusin, iyan nga lang ang habol ng karamihan ng mga babaeng nagnanasa sa kanya. Gusto lang siya kasi guwapo siya.

Pero paano nga naman kung hindi naguguwapuhan sa kanya ang crush niya? Paanong adjustment pa ang gagawin niya? Higit sa lahat, paano kung mas guwapo pala ang boyfriend nito kaysa sa kanya? Ano ang magiging laban niya roon?

"I don't want to tell you this, GT, kasi ayokong bigyan ka ng pag-asa," pakunsuwelo sa kanya ni Karen. "Pero may issue sila ng boyfriend niya ngayon, okay? Third party yata sa side ng guy. Nababanggit niya minsan kapag nagdadahilan siya na hindi siya papasok. Madalas siyang emotionally unstable every time that occurs."

Unti-unting nagliwanag ang mukha ni Vincent dahil sa sinabi ni Karen. Napuna tuloy nito na hindi maganda ang ngiti niya.

"GT, don't. Please," warning nito, nagmamakaawa ang tingin. "Marupok 'yon kapag naging ka-close mo. Mabilis bumigay. Just do not."

Tinipiran na lang niya ang ngiti at saka tumango. "I'll go home na lang. Thanks for the talk." Niyakap niya si Karen para magpaalam. May naisip tuloy siyang pakulo dahil sa sinabi nito.

♥♥♥

Tuwing gabi lang siya nakakapagsulat at nakakapag-conceptualize sa bahay. Kapag nasa labas siya buong araw, doon lang siya nakahahanap ng inspiration. May instances na sobrang ingay niya pagkatapos ay bigla siyang tatahimik out of the blue. Para na tuloy siyang sirang bombilya kapag may kasamang iba.

Alas-onse na ng gabi. May ilang promotional lines siyang kinukuha mula sa Gregory Troye's website na pino-post niya sa Vincent Gregorio account niya nang naka-Taglish or Filipino.

Wala pa siyang maisip na plot para sa bagong collab novel niya at baka saka lang niya maisip ang content kapag may collab partner na siya.

Ang orihinal na pamagat ng nobela niya ay "38." Ang kaso, hindi pumayag doon ang GFP at ipinababago sa kanya. Kaya niyang iahon ang konsepto mula sa title na iyon, hindi nga lang niya maipaglaban kasi wala rin siyang idea kung tungkol pa saan iyon.

Pero binigyan siya ng idea ng wedding picture na ibinigay sa kanya bilang regalo ng masugid niyang tagahanga.

Habang nagsi-scroll sa newsfeed, biglang lumabas sa lower left side ng monitor ang notification box na nagsasabing:

Eu Niz reacted to your post: "It was never your fault if you're not enough for the person you love . . ."

"Hala!" Bigla siyang napatayo sa upuan at naituro ang monitor. "Did she just—oh my goodness gracious!"

Yumuko pa siya at inilapit ang mukha sa monitor para makita kung totoo ba ang nakita niya.

Eu Niz, John Chris and 5 other people reacted to your post: "It was never your fault if you're not enough for the person you love . . ."

"Totoo nga! It's real!"

Napaderetso siya ng tayo at napahawak sa magkabilang pisngi habang nakanganga.

Nag-heart react lang naman ang crush niya sa sarili niyang post.

"Aaah!" Malakas ang naging sigaw niya at itinakip agad sa mukha ang throw pillow para hindi marinig ng buong subdivision ang natutuwa niyang tili.

Naroon na naman siya sa malakas na pagkabog ng dibdib at malapad na ngiti.

Nag-react lang naman ng heart ang crush niya. Hindi like, hindi ignore, heart lang naman. Nag-effort pa itong pindutin nang matagal ang reaction button, hanapin ang heart na katabi ng like at haha button. Dalawang segundo rin iyon. At naglaan ng mahabang dalawang segundo ang crush niya para i-heart ang post niya.

Inalis na niya sa mukha ang unan at kinagat na ang pinaka-antenna ng lady bug throw pillow na hawak habang nginingitian ang sariling post.

Pinindot agad niya kung sino-sino ang mga nag-react at isi-screenshot sana niya ang sobrang "memorable" na pag-heart react ng crush niya sa post. Ang kaso . . .

"Bakit nawala?" Nag-scroll siya nang nag-scroll, hinahanap ang heart reaction ni Eunice Riodova.

"It's gone! Did she remove it? NO!"

Kahit anong hanap niya sa libo-libong reactions ng post na iyon, wala na talaga siyang makitang pangalang Eu Niz.

"Babe, ba't mo naman inalis ang heart reaction mo?" malungkot niyang tanong sa monitor ng computer niya. "Hindi mo na ba 'ko love?"

At kung talagang inalis nito ang reaction, dapat linawin na niya iyon habang maaga pa.

Nag-PM tuloy siya rito para magtanong.

Vincent:
Hey, babe, stalking me?

Naghintay siya ng response dito pero wala.

Bigla tuloy nawala ang tuwa niya kasi binawi ng crush niya ang heart reaction nito sa post niya.

Pero nagpapaka-positive pa rin siya dahil ang mahalaga, nakita niyang nag-heart react ito. Ibig sabihin, binisita nito ang account niya.

Doon pa lang, masaya na siya.

Sumandal na lang siya sa inuupuan at bumuga na naman ng hininga. Iko-close na sana niya ang tab ng browser nang biglang umangat ang isang chat box.

Eu:
MANIGAS KA.

♥♥♥

Nakahanda na siya sa pagtulog. Pasado ala-una na nang matapos siya sa pagko-conceptualize sa upcoming novel niya. Hindi naman madaling mag-isip lalo na kung hindi pa rin siya maka-move on sa pag-heart react ng crush niya sa kanyang post. And take note na sobrang luma na ng post na iyon. Posted habang ongoing ang latest update niya sa story ni Bean's Talk—ang isa pa niyang online writing account. At higit sa lahat, ni-reply-an siya ng crush niya.

"Babe, ang tagal mo namang mag-reply," bulong niya sa phone habang binabasa ang latest convo nila.

Vincent:
Hey, babe, stalking me?

Eu:
MANIGAS KA.

Vincent:
You removed your reaction. Why?

Naiinip na siya kahihintay. Nakapaghugas na siya ng pinagkainan. Nakaligo na siya. Nakapaglaba pa siya ng dalawang medyas at underwear. Gusto na niyang itanong kung ano na ba'ng ginagawa ng kausap niya. Aalukin sana niya ng video call kaso nahihiya siya. Hindi kasi siya nakaayos at gulo-gulo pa ang buhok niya. Baka sabihin nito, napakapangit niya tapos ang lakas niyang mag-alok ng video call.

Eu:
Why do you care ba?

Napabangon siya sa pagkakahiga nang biglang lumabas iyon sa notification tab.

"Baaaaabe! I miss you na agad!" tili niya habang inuugoy-ugoy ang sarili sa kinauupuang kama.

Vincent:
Did you enjoy my timeline? I enjoyed yours.

Ngingiti-ngiti siya habang titig na titig sa chat box. "Yiiie! Na-notice ako ni babe! Sabi na nga ba, di ako matitiis nito, e."

Eu:
Are you stalking me?

Loud and proud pa niyang ni-reply ang:

Vincent:
Yes. And sana lahat, umaamin na nagsi-stalk sila, di ba?

Hindi niya alam kung paano na magre-react maliban sa panggigigil sa katabing unan.

Nag-reply sa kanya ang crush niya nang tatlong beses.

Hindi siya s-in-een, hindi siya in-ignore, hindi siya bl-in-ock.

May tatlong reply sa kanya at sobrang proud siya roon.

Panay ang scroll niya sa convo nila kahit na iilang mensahe lang naman ang mababasa. Naghintay pa siya nang ilang minuto sa reply.

"She seen my chat naman, a?" nagtataka niyang tanong. Wala pa kasing reply.

Ilang minuto pa.

"Babe? Where you at?"

Lumipas na naman ang ilang minuto. Humiga na siya. Ibinagsak na niya ang mga braso sa kama habang nakatulala sa madilim na kisame.

"Busy na ba siya? Madaling-araw na, a." Tiningnan niya ang chat box nila. Online naman si Eunice pero hindi pa rin nagre-reply. "Kausap mo na ba si boyfie mo?"

At inaantok na siya.

"Okay . . . good night," dismayado niyang sinabi sa phone at saka nag-chat.

Vincent:I'll go to bed. You better sleep early, babe.
Para lumaki ka pa. 😘


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top