Chapter 37: Insanity

Balisang-balisa si Vincent, mugto ang mata, nakapatong ang kaliwang siko sa bintana ng kotse at nasa manibela naman ang kanang kamay. Nagtitindigan ang mga balahibo niya. Parang alon na hindi mawala-wala. Gagapang sa binti, sa braso, sa batok.

Binabalot ang loob ng sasakyan ng tugtog na panglimang beses na niyang pinakikinggan. Bumabalik na naman ang pakiramdam na naramdaman niya noon. Ang pakiramdam na ayaw na niyang balikan pero naroon na naman. Hinahabol siya, parang ayaw siyang pakawalan.

Ilang sandali pa, tumulo na naman ang luha niya kahit ayaw niya. Napapunas na naman siya ng mata at napasinghot. Pilit nilalabanan ng utak niya ang demonyong bumubulong sa isipan niyang salubungin ang kahit anong kotse hanggang sa salpukin iyon at mamatay na lang siyang bigla.

Para lang mawala ang sakit.

Para lang mawala na siya.

Hindi niya alam kung paano na naman pakakalmahin ang sarili. Gusto na lang niyang umuwi, magkulong sa bahay, magmukmok doon buong maghapon-gaya ng ginawa niya noon.

Ayaw niyang makita siya ng kahit sino sa kahinaan niya. Pero kailangan niyang maging malakas dahil wala siyang ibang masasandalan kundi sarili lang niya.

Pagkarating niya sa Brittany, bumaba muna siya saglit sa harap ng 7-Eleven at bumili roon ng dalawang Lays, isang kaha ng Marlboro black, at lighter. Ni hindi na nga rin niya napansing takang-taka ang cashier sa binili niya dahil sa tagal niyang suki roon, noon lang siya bumili ng sigarilyo.

Hindi siya ang tipong nagpapakalunod sa alak kapag may problema. Maliban sa mataas ang alcohol tolerance niya, lalo lang ibinabalik ng alak ang mga bagay na dapat kinalilimutan na.

Hindi na niya naayos pa ang pagsara sa sariling gate ng bahay pagkauwing-pagkauwi. Pagkaparada niya ng sasakyan, dumeretso siya sa kusina, kumuha ng tatlong boteng laman ng ref niya, at pumuwesto kung saan siya mas nakapag-iisip nang maayos.

At hinihiling niyang sana nga ay maayos na ang isipan niya.

Wooden ang sahig ng second floor, isang talunan lang niya ang taas, kulay krema ang pintura, malungkot dahil sa katahimikan-parang isang malaking blangkong kahon at iniilawan lang ng nag-iisang bintanang malaki kung saan tanaw ang clock tower sa harapan.

Ibinato niya sa sahig ang lahat ng dala, binuksan ang damit mula sa pagkakabutones, at saka siya sumandal sa ilalim ng bintana. Mabilis niyang binuksan ang sigarilyo at nagsindi ng isa.

Kailangan niyang kumalma. Hindi siya makasigaw dahil sa galit. Ayaw niyang makasira ng mga bagay-bagay. Ang siste, sisirain na lang niya ang sarili sa loob.

Hinayaan niyang balutin ang sarili at ang bahaging iyon ng bahay ng usok. Ayaw niyang pumikit. Kada pikit niya, naaalala niya lahat-lahat-lahat ng mga bagay na ayaw niyang maalala. Mga bagay na isinusumpa niya.

Nakikita niya ang sariling gumagawa ng kung ano-anong bagay. Mga kabaliwang hindi kayang tanggapin ng lahat.

Hindi niya pinayagan ang sariling pumikit. Hinayaan niya lang umagos ang luha sa pisngi habang pilit lumulunok kahit mahirap.

Sa loob ng maraming taon, ang kuwentong ayaw niyang matapos noon, bigla siyang binalikan. Ang kuwentong isinara niya noon, bigla na namang nasimulan.

Wala pang dalawang minuto, naubos na niya ang hawak at nagsindi na naman ng isa.

~ Hawakan mo ang aking kamay . . .

Kinuha niya ang tumutunog na phone sa bulsa.

"Aaah!" Hinagis niya iyon nang sobrang lakas sa pader. Bigla siyang hiningal dahil sa galit.

Kagat-kagat niya ang labi at lalo lang naiyak.

Iyon ang paborito niyang kanta.

Iyon ang kantang alay niya noong dumating sa buhay niya si Fatima. Kantang hindi niya pagsasawaang pakinggan. Na kahit sobrang corny nga raw bilang ringtone, hindi na niya pinalitan.

May mga tao talagang sisirain ang paborito mong kanta sa buhay. Mga kantang bigla mong aayawan kasi kapag naririnig mo, sila ang naaalala mo kaya ayaw mo nang pakinggan.

Hindi namatay ang tunog, hindi namatay ang phone.

Ginapang niya ang ibinato at inabot iyon. Tumatawag pala si Karen. Nagkaroon din ng basag ang screen ng gamit niya.

Kahit wala siya sa mood sumagot, sinagot niya pa rin. Nagpunas siya ng pisngi at pinilit ang sariling ngumiti.

"Hey, Karen," sagot niya at suminghot nang bahagya.

"GT, GFP posted something sa page nila. Are you aware of that?"

Lumunok siya at nagpunas ng ilong. "Yeah." Humithit siya sa hawak na sigarilyo at bumuga.

"GT . . . ? Wait, are you okay?"

"I'm . . ." Marahan siyang bumuga ng usok at umisang iling. "'Yan lang ba ang itinawag mo?"

"Oh, sorry. I know, ayaw mong tinatawagan ka kapag hindi importante. Pero kasi . . . did you agree on that?"

Natawa siya nang mapait. "Do I look like I'm gonna agree on that fucking stunt?"

"Shit, Vin-Uh, wait . . . uh, oh my God." Halatang nagpa-panic na ang kabilang linya. "Can I pay you a visit?"

"Don't. Please."

"Oh, Vincent . . . can we talk? Please. I'm willing to listen."

Isang hithit at bumuga na naman. "She's back, Karen."

"Who-wait. She as in ex?"

"She made that poster for GFP," malungkot niyang kuwento rito.

"No freaking way. You can sue her! Invasion of privacy ang ginawa niya! Walang consent mo!"

"May Convent Not to Sue ang contract ko sa GFP. Allowed din silang gamitin ang photo ko basta hindi nila ilalabas ang real name ko."

"But, GT-"

"I'm going to fix it by Monday, Karen. Don't worry about it."

"GT . . ."

"I'm fine, darling. I'll be fine."

"Oh . . . okay. But if you want to talk, you know who to talk to, ha? Dito lang ako, GT."

"Thank you so much."

Pinatay na niya ang tawag. Pagtingin niya sa wallpaper ng basag niyang phone, bumungad sa kanya ang nakangiting picture ni Eunice noong ito ang depressed dahil kay Justin at pinilit niya itong pasayahin, makalimutan lang na sinaktan ang damdamin nito ng sariling boyfriend.

Kung sana lang, naroon si Eunice sa tabi niya. Malamang na hindi niya mararamdaman ang lahat ng nararamdaman ngayon dahil kay Fatima.

Naubos na naman ang yosi, nagsindi na naman siya ng isa. Nag-chat siya kay Myra mula sa isa niyang dummy account nang makita niyang online ito.

Gregory:

Miss Myra, I'm giving you a good deal. I need to get rid of Justin from Eunice's life. You will have your man. I will have my girl. It's a win-win situation for both of us.

Myra:

ikw nanaman?? bat ba sobrang obsess mo sa eunice na yan??

Gregory:

Justin won't tell her the truth. I'll back you up. Sabihin mo kay Eunice na buntis ka, ako na ang bahala sa iba pa. Gusto mo si Justin, di ba? Mapapasa'yo na siya kung magkakasundo tayong dalawa.

Myra:

di kita gets. Pro cge, payag aq. Sa sunday may nyt out kmi. Kasama ko si Jus. Mgpapaalam yata un sa eunice na un.

Gregory:

Where's the venue?

Myra:

Sa Timog. Pupunta kaba?

Gregory:

I'll stay with Eunice.

Myra:

bhala ka sa buhay mo. basta ikw bahala kay eunice ha??

Gregory:

I will.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top